Chapter 8

1028 Words
TYRION LANNISTER Tinawanan ako ni Rex at Rem nang marinig nila ang tunog ng tiyan ko habang sina Aurora at David naman ay tumingin lang sa akin. Naglakad si David malapit sa kahoy na nilagyan nila ng apoy kanina at may kinuha siya doon na isang bagay na nakabalot pa sa isang tela. Pagkatapos niyang kuhanin 'yon ay bumalik siya sa kinauupuan naming lahat. Inabpt niya 'yong tela sa akin na agad ko namang kinuha. "Buksan mo 'yan at kainin. Pasensiya ka na dahil 'yan na lang ang natitira naming pagkain sa ngayon." Umupo si David sa tabi ni Aurora si David pagkatapos niyang iabot sa akin 'yong telang naglalaman pala ng pagkain. "Dapat kasi ay kumain ka muna sa palasyo bago ka tumakas." Humagikgik ng tawa si Rem pagkatapos niyang magsalita. Sinamaan ko siya ng tingin dahil sa sinabi niya. Nagpapasalamat nga ko dahil hindi ako kumain sa palasyo. Malay ko ba kung may lason pala ang pagkain na nakahain para sa akin. Binuksan ko ang tela na binigay sa akin ni David. Nakahinga ako ng maluwag dahil normal na pagkain ang inabot niya sa akin. Dalawang tinapay, prutas na nakuha siguro nila sa kagubatan at tubig na nakalagay sa maliit pang tela. "Salamat sa pagkain, David." "Walang anuman." Sinimulan ko na ang aking pagkain. Habang kumakain ako ay panay din ang pagpapaliwanag nila sa akin. Paminsan-minsan ay nagtatanong din ako sa kanila. "Ngayon na kasama n'yo na ko. Ano na ang gagawin ninyo? Para lang sa kaalaman ninyo ha. Gustong-gusto ko ng makauwi sa mundo ko, pero hindi ko siguro magagawa 'yon kung hindi ninyo ko tutulungan kaya gusto kong gawin na kung ano man ang kailangan kong gawin sa mundong ito para makauwi na ko." Nang maubos ko ang dalawang tinapay ay sunod ko namang kinain ang iilan na mga prutas. Nangunguna na rito ang mansanas at orange. "Alam namin ang tungkol doon. Kaso walang sinabi sa amin ang taong 'yon kung paano namin makikita ang mahal na prinsipe sa pamamagitan mo." Napaisip ako sa sinabi ni Rex. Kung gano'n pala ay mukhang matatagalan pa ang pamamalagi ko sa mundong ito? "Sino ba ang tao na tinutukoy ninyo?" Natigilan sila sa tanong ko, pero agad din naman nila iyong sinagot. "Hindi rin namin siya kilala. Nakita lang namin siya sa gitna ng giyera. Tinulungan niya kaming makaligtas sa kamay ng reyna nang mawala ang prinsipe. Binilin niya sa amin na sa kabilugan ng buwan ay kailangan naming magtungo sa dakong kanluran kasama ang taong tinawag namin mula sa ibang mundo at pagkatapos ay saka na namin makikita ang nawawalang prinsipe." Lumingon ako sa direksiyon ni Aurora na nagkaroon nang expression pagkatapos magkuwento ni David. Ang expression ng mukha niya ay nagpapakita ng kalungkutan, pero agad din 'yong nawala nang tumingin siya sa direksiyon ko. Nagkatinginan kaming dalawa ni Aurora. Nakaramdam ako ng pagkailang kaya una na kong umiwas ng tingin sa kaniya. Pansamantala kong nakita sa kaniyang mata ang kalungkutan, pero agad din 'yong nawala nang magsimula na siyang magsalita. Bumalik sa walang expression ang mga mata niya. "Ang totoo niyan ay hindi namin sigurado kung nawala talaga ang prinsipe o napatay na siya ng reyna sa gitna ng labanan. Sa pagkakaalam naming lahat ay nawakasan na ng reyna ang buhay niya. Nakita rin mismo ng aming mga mata ang lahat ng nangyaring labanan sa pagitan ng reyna at ng prinsipe." Huminto sandali sa pagsasalita si Aurora at ang kuwento niya ay pinagpatuloy ni Rem. "Subalit biglang sumulpot ang tao na 'yon at sinabing buhay ang prinsipe. Narinig 'yon ng lahat maging ng reyna. Pagkatapos ay tinulungan na niya kaming makaalis sa palasyo at pinaliwanag sa amin ang ilang bagay." Napapatango na lang ako habang nagkukuwento sila. Hindi ko kasi alam kung anong magiging reaksyon ko sa kuwento nila e. Ang lahat ng mga sinabi nila ay parang isang kuwento na maaaring mabasa sa isang libro. Kung sa bagay, hindi ko alam kung maniniwala pa ko sa salitang imposible simula nang mapunta ako sa mundong ito. Pero, teka. Sa mundong ito ay magkalaban ang reyna at ang prinsipe. Kung gano'n ay magkalaban ang mag-ina sa mundong ito? "Mukhang may panibago na namang katanungan sa isipan mo, Tyrion. At mukhang nahuhulaan ko na kung ano ito." Bumuntong hininga ng malalim si Rex bago pinagpatuloy ang kaniyang pananalita. "Hindi magkadugo ang reyna at prinsipe. Ang totoong kadugo ng prinsipe ay ang mahal na hari. Subalit nang mamatay ang hari sa hindi malaman na dahilan ay nagsimulang magbago ang pakikitungo ng reyna sa prinsipe. Hanggang sa tuluyan ng naipakita ng reyna ang totoo niyang kulay." Napataas ako ng kilay sa paliwanag ni Rex. Kung gano'n pala ay mala-cinderella ang nangyari sa prinsipe, pero boy version nga lang. Sa haba ng pagkukuwentuhan namin ay hindi ko namalayan na naubos ko na pala ang kinakain ko. Kahit papaano ay nabusog ako kahit prutas at tinapay lang ang pinakain sa akin. Tumayo si David at inunat ang kaniyang dalawang braso. "Ngunit, Tyrion. Med'yo malayo pa ang araw bago magkaroon ng bilog na buwan kaya napagpasiyahan namin na turuan ka muna ng ilang bagay na maaari mong magamit sa gitna ng panganib. Bibili rin tayo ng wand na p'wede mong magamit kahit wala kang likas na kapangyarihan. Para kung sakali man na may mangyaring masama sa 'yo at wala kami sa tabi mo ay handa kang maipagtanggol ang sarili mo." Sa lahat yata ng sinabi nila ay doon lang ako natuwa. Buti naman at naisip nila ang bagay na 'yon. Nakaramdam ako ng excitement dahil p'wede pala kong makagamit ng wand kahit wala akong kapangyarihan. Nandito na lang din naman ako sa mundong ito. Hindi ko na palalagpasin ang bagay na 'yon. Samantala, napabuntong hininga ako ng malalim nang makita ko ang papasikat na araw. Hindi man lang ako nakatulog ng kahit konti. Naramdaman ko tuloy bigla ang pagod. Hihiga pa lang sana ako subalit biglang tumayo ang mga kasamahan ko at tila may tinitingnan mula sa malayo. Nakigaya na rin ako sa kanila at tumayo na rin. Tiningnan ko ang tinitingnan nila at mula sa malayo ay nakakita kami ng isang malaking usok. "Tsk. Mula sa bayan ang usok na 'yon."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD