Lalo pang lumakas ang buhos ng ulan nang sapitin namin ang aming paaralan. Tumatakbo kaming bumaba ng bus upang makasilong sa bakanteng hintayan ng mga sasakyan sa harapan mismo ng aming madilim na paaralan. “Wala pa naman akong dalang payong ngayon, nakakainis!” bulalas ni Eriza sa naiinis na tinig. Saglit at mabilis ko siyang sinulyapan, alam ko namang masama siyang maulanan pero sa mga ganitong pagkakataon at sitwasyon ay wala na itong mapagpipilian kundi maulanan. Basang-basa na ang laylayan ng aming suot na uniporme, ang iba sa mga kaklase ay tumakbo na sa rumaragasang ulan makauwi lamang. “Hindi ka naman diyan nag-iisa Eriza,” malakas akong tumawa kahit hindi naman nakakatawa, “Kami rin kaya ni Kuya Geron, wala na nga kaming dalang payong pati na rin bisikleta.” Mabilis itong

