Chapter 19: Visited
HINDI nawala ang kaba ko habang kausap ko ang lola ni Darcy. Mukha naman siyang mabait, pero ngumingiti lang siya kapag nagtatagpo ang aming mga mata. Tahimik niya lang ako pinakikiramdaman.
Siguro ay kinikilatis na niya ako, na kung ano’ng klaseng babae ba ang pinili nila para maging asawa ng kanilang apo. Aminado ako na madalas ay suplada ako, ngunit masasabi kong mabuting tao naman ako. Wala akong masamang budhi na tinatago, ’no.
In fairness naman kay grandpa, ang galing niyang pumili ng babaeng pinakasalan niya. Dahil talaga namang maganda at mukha pang mahinhin. Kahit may edad na ay ang ganda pa rin ng aura and posture niya.
“Do you want something to drink, grandma?” I asked her politely, and smiled. Maging siya ay malapad na rin ang ngiti.
“Coffee will do, hija. At huwag kang kabahan sa akin kapag kinakausap mo ako,” malamyos ang boses na saad niya. Bakit kaya maging ang boses niya ay parang ang sarap pakinggan?
Napakasuwerte talaga ni Grandpa Don Brill sa kan’ya. Parang nakikita ko na rin ang hitsura ng asawa niya noong nasa edad ko pa ito.
“Sige po, maghintay lang po kayo rito,” paalam ko at magtutungo pa sana ako sa staff room namin nang sumenyas sa akin si Cooper.
“Ako na,” he mouthed me. Bahagya lang akong tumango at muling bumalik sa kinauupuan ko.
“Bakit po mag-isa lang kayo pumunta rito? Nasaan po si grandpa?” tanong ko. Never akong naging malambing sa isang taon, maski sa mga kapatid ko ay hindi ako ganoon. Pero ngayon lang, ngayon ko lang ginawa ito. Aakalain mo na hindi ako makababasag ng pinggan.
“He’s busy working, hija,” sagot niya at kanina ko pa napapansin na titig na titig siya sa mukha ko. May dumi kaya ako sa aking mukha? Na hindi na niya magawang mag-iwas nang tingin?
“Akala ko po ay nagretiro na siya?” Nasa boses ko pa ang pagtataka. Matanda na kasi si Don Brill, dapat nga ay nasa bahay na lang siya at nagre-relax.
“He is, Cyrille. Pero tini-train pa rin niya ang aming mga apo na kailangan pa niya ng atensyon. So, hija. Kumusta naman ang aking apo bilang fiancé mo?”
“Uhm, okay naman po siya, grandma. Mabait at gentleman po ang apo ninyo,” sagot ko, na sandali pa siyang hindi umimik. Tila nag-iisip lang sa sasabihin niya.
Pinagdaop pa niya ang dalawang palad sa ibabaw ng kaniyang mga hita.
“Marami ka pang dapat malaman tungkol sa pagkatao ng isang tao, Cyrille. At may mga pagkakataon na minsan ay hindi mo magugustuhan ang ugali nila, pero kung kaya mo siyang intindihin ay wala kang dapat ikabahala. Don’t worry, marami pa namang oras para diyan,” mahabang sambit niya.
“Tama po kayo. Sa ngayon po ay nasa getting to know each other stage pa kami. Okay naman po iyong relasyon namin, mukha po siyang masunuring bata kaya hindi po ako nagkakaroon ng problema sa kaniya, grandma.”
Umaliwalas naman ang bukas ng mukha niya. Halatang nagustuhan niya ang sinabi ko. Na maayos naman kami ng kaniyang apo.
“I’m glad to hear that, Cyrille. Magsabi ka lang sa akin kapag nagkaproblema ka sa aking apo. Kilala ko sila, minsan ay parang hindi mo maintindihan ang ugali nila. Pero tama ka sa sinabi mong mababait sila. Iyon nga lang...” Sinadya niyang hindi muna tatapusin ang sasabihin niya. Kahit na nang bumalik na si Cooper, dala iyong tray na naglalaman ng dalawang tasa ng kape.
“Enjoy your coffee, madam,” ani Cooper at nagawa pa niyang yumuko. Tiningnan ko siya, gusto ko sana siyang asarin na para siyang isang waiter kung umasta.
“Salamat, hijo,” magiliw na pasasalamat ni grandma at binalingan niya ako. “Siya ang kasama mo rito sa building mo, ’no?”
I nodded. “Si Cooper po. Isa po sa malapit kong kaibigan.”
“Kilala ko rin ang best friend mo. Si Lyka, my Darrius’ girlfriend. Natutuwa ako sa dalawang iyon. My husband secretly arranged with Lyka’s mother for her to marry our grandson, but their first meeting didn’t go well.” Habang sinasabi iyon ay sinasabayan niya rin nang mahinhin na tawa. Palakuwento rin pala siya. Dahil kung titingnan mo siya ay parang introvert din siya.
“Ano po ang nangyari?” interesadong tanong ko.
“Para silang aso’t pusang nag-aaway halos araw-araw. Ngunit tingnan mo naman, habang magkasama sila ay unti-unti nilang nagugustuhan ang isa’t isa. Nasanay rin sila sa presensiya nila. Kaya huwag kang mangamba, hija. Na hindi magwo-work ang relasyon ninyo ni Darcy. Dahil sa arrange marriage din kami nagkakilala ng lolo niya.”
“Ang galing naman po kung ganoon. Maski po ngayon ay nakikita ko na parang hindi pa rin nawala ang pagtatalo nila,” aniko at mahina pang natawa.
“Yeah. Pero hija, ang buhay na tatahakin ninyo ng aking apo ay hindi madali. Ngunit malalampasan ninyo rin iyan basta’t hawak-kamay niyong haharapin ang responsibilidad,” aniya na punong-puno ng kaguluhan. Napangiti tuloy ako.
“Hindi ko pa po alam ang pangalan ninyo, grandma. Wala po akong maalala na binanggit ni Darcy ang pangalan ninyo,” nahihiyang sambit ko. Na sana lang ay hindi siya ma-offend.
Wala lang talaga akong maalala na nagkuwento tungkol sa lola niya ang inhinyero na iyon.
“Lorraine Brilliantes, that’s my name.” Maski ang pangalan niya ay napakaganda rin.
Hindi na rin ako magtataka pa, kung mahilig sila sa arrange marriage. Dahil parang family tradition na nila iyon.
“Ang ganda po ng pangalan ninyo, grandma. Magpapakilala rin po ako sa inyo ng formal,” aniko. Tumayo pa ako para ipakitang malaki rin ang respeto ko sa kan’ya. “Hello po, ako si Cyrille Mae Misa. 24 years old, nice meeting you po.”
Tumango lang siya at sinabihan akong umupo ulit. Ginawa ko naman at binigyan ko ng atensyon ang aking kape na lumalamig na.
“Darating dito ang pamilya mo, Cyrille. Para mapag-usapan na namin ang ’saktong araw ng engagement party niyo,” sambit niya. Inaasahan ko na iyon. Since patapos na nga ang renovation ng bahay namin, after no’n ay pupunta na sa Manila sina mama at papa.
“Ganoon po ba?” Iyon na lamang ang nasabi ko. Nagtagal pa nang halos dalawang oras ang lola ni Darcy. Hindi naman ako nailang na kausapin siya. Magaan ang loob ko sa kaniya, katulad lang ni Don Brill.
Nagpaalam din siya pagkatapos no’n. Hindi rin naman daw siya nakapagpaalam sa pinakamamahal niyang asawa na bibisitahin niya ako rito. Baka raw mag-alala iyon.
Nakatutuwa ang relasyon nilang mag-asawa, kahit pareho na silang matanda at may mga apo na ay parang mga teenager pa rin sila.
“Cooper, umuwi ka na,” sabi ko sa kasama ko. Wala na yatang balak umuwi, dahil hindi pa siya nagpapalit ng damit niya at saka nag-ayos.
“Mauna ka na, Cyrille. Ako na ang magsasara nito,” aniya nang hindi niya ako tinitingnan.
“Sigurado ka ba?” tanong ko, ang dalawang kamay ko ay nasa aking magkabilang baywang.
“Oo. Tutal nandiyan na ang sundo mo, oh.” Ngumuso pa siya upang ituro ang bagong dating na sasakyan. Si Engineer Darcy.
Binalingan ko ulit siya. “Sige ikaw na ang bahala.” Kumaway lang siya. Nagmamadali naman akong lumabas para salubungin ang lalaki.
“Cyrille.” Bumaba pa talaga siya.
“May motor naman ako, ah. Bakit nagpunta ka pa rin dito?” nakataas ang kilay na tanong ko. Hindi naman siya umalis sa tapat ng pinto ng sasakyan niya. Nanatili lang siya roon habang pinagmamasdan ako.
“Hindi ba sinabi ko sa iyo na ipapakilala kita sa mga kaibigan ko?” kaswal na tanong niya. Tama, sinabi niya iyon pero ang ’ssktong oras.
“Sige na,” sabi ko na lamang at naunahan na niya akong magbukas ng pinto sa kabila. “Thanks.” Marahan pa niyang isinara iyon pagkatapos niyang makitang maayos na rin ang pagsuot ko ng seatbelt.
Sa haba ng legs niya ay mabilis din siyang nakasakay agad. Ngumiti pa sa akin nang magtama ang aming mga mata. Gumanti rin naman ako ng ngiti.
“How’s your day, miss?” tanong niya. Halatang interesadong malaman kung kumusta ba ang naging araw ko ngayon. Dahan-dahan na rin niyang pinaandar ang sasakyan niya.
“Ayos lang naman. Na-meet ko na pala finally ang lola mo. Si Grandma Lorraine.”
“Really? Grandma visited you kanina?” namamanghang tanong niya.
“Oo, hindi mo man lang siya kinukuwento sa ’kin. Hindi ko tuloy siya nakilala kung hindi niya lang binanggit ang pangalan mo.” Napasimangot pa ako. Tapos siya ay mahina lang natawa nang makita ang naging reaksyon ko.
“Sorry about that. Alam ko naman kasi na magkikita rin kayo in person ni grandma.”
“Maganda at mabait ang lola mo. Tama pala ang sinabi ni papa, na mas maganda pa raw kaysa sa akin ang asawa ni Don Brill,” usal ko pa.
“You think so?” sabi niya lang.
“Oo naman. Walang duda iyon. Kakaiba lang kung makatingin ang lola mo. Parang pati ang kaluluwa ko ay nakikita niya rin,” wika ko.
“Ganoon talaga si grandma makatingin. Pero huwag kang matakot sa kaniya.”
“Hindi naman. Ang bait-bait nga niya sa akin,” I said to him. “Saan pala tayo?”
“Sa mga kaibigan ko.”
“Alam ko naman na ime-meet natin ang mga kaibigan mo. Pero saan ba natin sila i-meet?” I asked him.
“Just wait, miss,” aniya.