CHAPTER THREE: MISSING

1604 Words
“NAKALABAS na ang list ng mga nakatokang pasyente sa inyo,” panimulang wika ng head namin na si Ms. Santiago. Lahat kami ay nagtipon-tipon para sa meeting na ito. Nandito ang lahat para malaman kung may pagbabago sa mga code ng pasyenteng hahawakan namin at para din mapag-usapan ang ilang mga bagay ukol sa trabaho. Kagabi ko pa hinihiling na sana ay mapunta sa pangangalaga ko si Kyle Erin, dahil gusto ko siyang araw-araw na makita. Gustong-gusto kong masilayan ang mala-anghel niyang itsura. Napabuntong-hininga ako nang mapansin kong ang layo ng agwat ng mga kasamahan ko sa akin. Tanging si Edward lamang ang nasa tabi ko. Nakadidiri ba talaga ang itsura ko? Inamoy-amoy ko ang dalawa kong kili-kili, umaasang baka dahil sa amoy nito kaya napakalayo nila sa amin, pero wala naman akong naamoy na kahit na ano. Wala namang mali dahil alam ko rin na kaliligo ko pa lang. “Ano ang ginagawa mo?” tanong sa akin ng kaibigan ko na si Edward nang makita niya ang ginawa kong pag-amoy sa magkabilaan kong kili-kili. “Ang layo kasi nila sa atin. Ikaw nga, amuyin mo nga 'yang sa 'yo,” saad ko sa kaniya. Tinitigan niya ako nang masama na para bang may sinabi akong hindi kaaya-ayang salita, na para bang may nasabi akong hindi maganda. “Naligo ako atsaka anong pinagsasabi mong malayo? Tumingin ka nga sa likod mo, nando'n lang sila. Halos ang lapit na nga lang nila sa atin,” seryoso niyang sabi na ngiti lang ang naging sagot ko. Siguro nga malapit lang para sa kaniya pero para sa akin, masyado silang malayo. Tumitig na kami sa harapan kung saan nagsasalita ang head namin. Kanina pa pala niya sinasabi ang mga pasyenteng nakaatang sa bawat isa. “Edward, sa 'yo si Ms. Antigo, code 143,” aniya dahilan para mapangiwi si Edward. Natawa naman ako nang bahagya dahil sa dinami-dami ng pasyenteng narito ay si Ms. Antigo pa talaga ang napunta sa kaniya — ang babaeng nagwawala nang bigla-bigla. Agad naman niyang nakita ang pagtawa ko nang palihim kaya sinamaan niya ako ng tingin. “Coner, sa 'yo si Mrs. Liwayway, code 121.” Nang sabihin iyon ng head namin ay halos mapasapo ako sa aking mukha. Hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon, kung magiging masaya ba ako dahil sa wakas ay may aalagaan na ako o magiging malungkot dahil hindi si Kyle Erin ang napunta sa akin. Ang hinihiling ko ay bigla na lamang nagunaw. Bakit sa dinami-rami ng pasyente, bakit siya pa? Napayuko ako at sa puntong ito, ako naman ang napangiwi. Napansin ko naman ang pagtawa ni Edward nang palihim na mayamaya lang ay hindi niya na nakayanan, tuluyan na siyang tumawa nang sobrang lakas. Tinitigan kami ng lahat dahilan para takpan ko ang bibig ni Edward. Kahit kailan talaga ay wala siyang pakialam sa sasabihin ng iba. Ibang-iba talaga siya sa ugali ko. “Ang daming pasyenteng narito tapos sa babaeng nagsasalita kapag tulog ka pa talaga napunta,” aniya pagkatapos ay tumawa na naman. Hindi ko na lamang siya pinansin dahil kapag naasar ako ay mas lalo niya pa akong pipikunin. “May narinig ka bang Kyle Erin?” nagtatakang tanong ko kay Edward nang mapansin ko na hindi ko narinig ang pangalan niya. Imposibleng mangyari 'yon dahil pasyente siya rito at lahat ng mga narito ay may kani-kaniyang code, kaya hindi maaaring mangyaring hindi siya mabanggit. “Wala. Wala naman akong narinig na Kyle Erin o Ms. Erin,” siguradong-siguradong tugon niya sa akin dahilan para mapaisip ako. “Bakit kaya?” tanong ko sa aking sarili. Nagsialisan na ang lahat matapos ayusin ang mga listahan kung sino ang nakatoka sa bawat isa. May pinag-usapan din na malapit na ang pahinga ng grupo nina Edward kaya kailangan na nilang maghanda. Hindi ako napasama sa grupo niya at sa kasamang palad, napunta ako sa iba. Lahat dito ay nabibigyan ng pagkakataon na magkaroon ng dalawang linggong pahinga, pero isang beses lamang iyon sa isang taon. Hindi ako umaalis sa lugar na ito kahit na bakasyon ko na dahil hindi ko rin alam kung saan ako pupunta, wala na naman din akong mapupuntahan. Ni hindi ko nga maalala kung ano ang nangyari sa akin. Ang alam ko lang, pinipilit ko nang kalimutan ang lahat. Huminga ako nang malalim bago sundan si Edward papunta sa canteen. Pareho kaming gutom dahil hindi kami nag-almusal at dumiretso na kaagad kami sa meeting room. Nang makasunod na ako sa kaniya ay siya na lang ang nag-order at naupo na lamang ako sa bakanteng silya. “Heto na,” aniya habang dala-dala ang mga pagkaing binili niya sa canteen. Tinapay, spaghetti at juice ang nakalagay sa tray. Inihain niya ito sa lamesa. “Bayaran mo na lang ako kapag suweldo na natin,” aniya bago isubo ang pagkain. Napatango naman ako bilang sagot. Hindi ko alam kung bakit hindi ko siya nababayaran at hindi ko rin alam kung bakit nauubos bigla ang pera ko, wala naman akong pinagkakagastusan. “Lagi na lang ako ang nagbabayad. Nakaiinis na!” nagmamaktol niyang sabi kasabay ng pagkunot ng kaniyang kilay. “Cute naman ako.” Nagpa-cute ako sa kaniya at inilagay ko pa ang dalawa kong kamay sa aking pisngi. “Makaalis na nga,” huling sabi niya habang binubuhat ang tray papunta sa kung saan. Natawa ako dahil sa ginawa niya. Iniwanan niya akong mag-isa at malamang, pupunta na naman siya sa comfort zone niya. Magbabasa na naman siya ng libro buong maghapon. “May I?” Napabitiw ako sa hawak-hawak kong tinapay nang makita ko si Kyle. Nakangiti siya sa akin at may dala-dala rin siyang mga pagkain. Inilapag niya sa lamesa ang mga iyon at nagsimula na siyang kumain. Hindi ako makasubo nang maayos dahil sa kaniya. Hindi ko alam pero nakaramdam ako bigla ng hiya. “What's wrong? Did I bother you?” sunod-sunod na tanong niya sa akin. Napalunok ako nang mariin nang gawin niya iyon. Hindi ko alam kung ano itong nangyayari sa akin. Ang weird pero mukhang naramdaman ko na ito noon kaya nga lang, hindi ko na lubusang maintindihan o maalala man lang. “Aalis na ako, mukhang naistorbo talaga kita.” Akmang aalis na siya nang hawakan ko ang kamay niya. Agad siyang napatingin sa akin. Napansin ko ang mga matang nakatitig sa aming dalawa. Hindi, mali, sapagkat sa akin lamang sila nakatitig na para bang nababaliw na ako. Siguro'y dahil kasama ko ang isang pasyente namin at labag ito sa panuntunan ng lugar na ito. “Sa rooftop tayo.” Walang anu-ano'y hinatak ko ang kaniyang kamay papunta sa rooftop. Hindi ko siya nilingon at nagpatuloy lang ako sa paghakbang ng aking mga paa. “Teka nga!” sigaw niya sa akin dahilan para mapahinto ako. Tumingin ako sa kaniya at nakita ko ang nagtataka niyang mukha. Napakaganda niya pa rin kahit nakataas ang isa niyang kilay. “Bakit ba tayo umalis do'n, ikinahihiya mo ba ako?” tanong niya sa akin. May napansin akong mga taong naglalakad sabay titingin sa amin. Ngunit, bakit ganoon sila makatitig? Hindi iyon ang natural na nakasanayan kong mga mata nila sa tuwing nasisilayan nila ang itsura ko. “Dahil ba sa mga taong 'yan?” walang alinlangan niyang tanong na tango lang ang naging sagot ko. Hindi ko magawang magsinungaling sapagkat totoo ang itinanong at sinabi niya. Nahihiya ako pero hindi dahil sa kaniya, nahihiya ako sa sarili ko na pinandidirihan ng lahat. “Tara na nga!” Sa pagkakataong ito ay siya naman ang humatak sa kamay ko papuntang rooftop. Biglang tumibok nang napakabils ang dibdib ko nang gawin niya iyon. Halos hindi ako makahinga nang maayos, para bang may nakabara sa lalamunan ko. Napahinto kaming dalawa nang marating na namin ang lugar. Malamig na hangin ang sumalubong sa amin kaya sabay kaming napapikit at sa 'di malamang dahilan, sabay rin kaming tumawa na para bang may nakita kaming katawa-tawa. “Nakakaloka!” pasigaw niyang wika habang hinahampas ang braso ko. “Iniisip ko tuloy na para tayong nasa loob ng isang movie. Ipinagtanggol kita sa mga taong 'yon dahil inapi ka nila,” dugtong na sabi pa niya dahilan para mas lalong bumilis ang pintig ng puso ko. Napatulala ako nang masilayan ko ang mukha niya — ang napakaganda niyang itsura. Sumasabay ito sa pagbaba ng araw mula sa kalangitan. Wala na akong mahihiling pa na makita bukod sa senaryo na ito. Napakaganda niya. Nakangiti siyang tumitig sa paglubog ng araw habang ako ay nakangiting nakatitig sa kaniya habang sinisinagan ng araw ang walang katulad niyang mukha. “Ang ganda mo,” wala sa sarili kong sabi kasabay ng pag-ihip ng hangin sa hibla ng kaniyang buhok na animo'y alon sa karagatan. Naagaw ko ang atensyon niya. Tinitigan niya ako nang diretso sa mga mata. “Talaga?” naninigurado niyang tanong. “Sobra.” Nakita ko ang pagguhit ng ngiti sa kaniyang labi sa naging tugon ko. Mukhang naging masaya siya dahil sa sinabi ko. “Kailangan mo nang umalis at ako, kailangan ko na ring umalis,” aniya. Agad na nag-iba ang itsura ko dahil gusto ko pa siyang masilayan. Gusto ko pang matitigan ang mukha niya, kahit ilang minuto na lang. “Hindi puwede ang nasa isip mo.” Ngumiti siya sa akin bago hawakan ang aking kamay. Tinitigan niya ako nang diretso sa mga mata at sa pagtitig niya'y para bang nalulunod ako sa ilalim ng balon. “Paalam,” huling sabi niya bago tuluyang mawala sa aking paningin. Naiwan akong nakatulala ngunit mayamaya rin ay naibalik ko na ang sarili sa kontrol. Napatitig ako sa buwan na pinalitan na ang trabaho ng araw. Siya naman ngayon ang nagbibigay liwanag. “Pareho kayong maganda,” wika ko sa buwan habang inaalala ang bawat anggulo ng mukha ni Kyle. Napakaganda niya. Wala siyang katulad.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD