CHAPTER TWO: KYLE ERIN

1565 Words
HANGGANG ngayon ay hindi pa rin mawala-wala sa aking isipan ang babaeng nakilala ko sa rooftop. Hindi ko man lang naitanong kung ano ang kaniyang pangalan. “Kanina ka pa talaga nakatulala. Ano ba 'yang nangyayari sa 'yo?” tanong sa akin ng kaibigan kong si Edward dahilan para mapahinto ako sa pag-iisip. Huminga ako nang malalim bago higupin ang kape na itinimpla niya para sa akin. “May nakilala ako,” paunang wika ko na naging dahilan ng pagtataka sa kaniyang mukha. “Sino?” tanong niya habang dahan-dahang isinasara ang librong hawak-hawak. Sa puntong iyon ay tuluyan ko nang naagaw ang kaniyang atensyon. “Hindi ko kilala. Bago natin siyang pasyente pero wala siyang code at—” Natigilan ako nang magsalita siyang bigla. “Alam mong bawal tayong maging malapit sa mga pasyente natin. Mga baliw sila at puwede nila tayong mapatay,” aniya na may tono ng pag-aalala at takot. Napasinghal ako dahil sa naging tugon niya. Kahit kailan talaga, napakamatatakutin ni Edward pero tama siya, bawal nga ang ginagawa ko dahil bukod sa maaari akong mapahamak, maaari din akong matanggal sa trabaho na 'to. “Mukha naman siyang matino at isa pa, ang ganda niya at...” Napahinto ako sandali, inalala ang hubog ng kaniyang katawan. “... Sexy, sexy siya kahit na nakasuot siya ng bestidang maluwag. Hindi naging hadlang 'yon para hindi makita kung gaano kaganda ang pangangatawan niya.” Napatitig siya sa akin na para bang hindi makapaniwala sa mga pinagsasabi ko. “Kadiri ka. Kahit kailan talaga napakalibog mong lalaki ka.” Tumayo siya dala-dala ang librong binabasa niya kanina. Kahit hindi pa niya nauubos ang kape ay iniwanan niya na lamang ito sa lamesa na madalas niyang hindi gawin. “Ano ba ang problema mo?!” pasigaw kong tanong sa kaniya pagkatapos ay napangiwi na lamang ako. Normal naman sa lalaki ang maging ganito. Malayo-layo na siya ngunit alam kong narinig niya ang sinabi ko pero hindi niya man lang ako nagawang sagutin. Nakaiinis talaga siya kahit kailan. “Bwiset ka talaga, Edward!” Ibinagsak ko nang malakas ang tasa matapos kong inumin ang kape na nasa loob nito. Akmang tatayo na sana ako nang may nakita akong isang piraso ng papel na mukhang naiwan ni Edward. Agad ko itong kinuha ngunit wala namang nakasulat. Isa lamang itong simpleng papel hanggang sa may mahawakan akong magaspang. “Teka,” bulong kong sabi kasabay ng pagtapat ko sa hawak-hawak na papel sa sinag ng araw na umaabot mula rito sa bintana kung saan ako nakapuwesto. Nang gawin ko iyon ay nabasa ko ang isang pangalan, “Hestia Estella.” Hindi ko maiwasang isipin kung sino ba ang babaeng 'yon sa buhay ni Edward. Hindi ko rin maiwasang isipin na napakapamilyar ng pangalan na iyon, para bang narinig ko na ito noon. Agad ko ring ibinalik ang pirasong papel sa dati nitong ayos. Saglit pa akong naupo hanggang sa may marinig akong mabibigat na yapak na papalapit sa akin. “Hoy! May nakita ka bang maliit na papel?” pasigaw na tanong ni Edward habang hingal na hingal na tumatakbo. Napakunot ang aking noo dahil sa ginawa niya. Ganoon ba kahalaga ang maliit na papel na 'yon para sa kaniya na talagang kailangan niya pang tumakbo para lamang makita 'yon? “Bakit tumatakbo ka?” tanong ko sa kaniya nang tuluyan na siyang makalapit sa akin. Napansin ko ang paghinga niya nang maluwag nang makita niya ang piraso ng papel. Kinuha niya ito at iniipit sa librong bitbit-bitbit. “Ano ba ang mayro'n diyan?” tanong ko sa kaniya sabay nguso sa papel na nakaipit na sa libro. “Wala!” huling sabi niya bago ako muling iwanan. Napasapo na lamang ako dahil sa kakaibang ikinikilos ni Edward. Nitong mga nakaraan ay naging aligaga siya sa 'di malamang dahilan. Para bang palagi siyang nababahala. Mayamaya pa ay naisipan ko nang tumayo at silipin ang mga pasyenteng nagbuburda. Iyon ang kanilang ginagawa tuwing araw ng biyernes. Iba-iba ang mga pampalipas oras na nakalaan sa bawat araw at ngayon ang araw ng pagbuburda nila. Habang naglalakad ako ay hindi ko maiwasang umasa na sana ay muli ko siyang makita, sana ay muli kong masilayan ang mala-anghel niyang mukha. Nakaramdam ako ng hiya nang mapansin ko ang mga matang nakatitig sa akin. Ano ba ang problema nila? Hindi naman ako isang baliw para tingnan nang may panlalait sa mga mata. Sa araw-araw, wala silang ibang ginawa kundi ang iparamdam sa akin na kakaiba ako kahit na katrabaho lang din naman nila ako. At sa tuwing kauusapin ko naman sila'y agad silang iiwas sa akin na para bang nakakita ng isang multo. “Mga bwiset,” bulong na sabi ko sa sarili. Napahinto ako nang makita ko na ang mga pasyenteng babae na nagbuburda. Tahimik lang sila at seryosong nakatuon ang atensyon sa ginagawa. Mabuti na lang at walang gulo at away sa pagitan ng dalawang baliw, minsan naman ang nag-aaway ay isang baliw at ang mga nakatokang nag-aalaga sa kanila. Kinakabahan tuloy ako kapag naiisip kong may mga ilalaan na rin sa amin na pasyente. Bukas na malalaman kung sino ang aalagaan namin at hindi ko alam kung magagawa ko ba nang maayos ang trabaho ko. Sa matagal na pagtitig ko sa kanila ay hindi ko namalayang nakatitig na pala ako sa isang babae. Nahaharangan ng buhok ang kaniyang mukha kaya halos hindi ko maaninag ang kaniyang itsura. Pamilyar ang pisikal na anyo niya, parang siya 'yong babaeng nakita ko sa rooftop. Hindi ako puwedeng magkamali dahil siya lamang ang nakita kong gano'ng kagandang babae na sira ang pag-iisip. Ilang minuto pa akong tumitig sa kaniya hanggang sa bitiwan niya ang hawak-hawak na kagamitang pamburda. Napahawak ako sa kabila kong pulsuhan nang makita ko ang pagsilay ng mga mata niya sa akin. Tama ako, siya nga 'yong babaeng nasa rooftop. Tinitigan niya ako nang seryoso at nakatutunaw. Hindi ko alam kung bakit ganito na lamang ang pakiramdam ko sa tuwing natititigan ko ang mga mata niya. “Ginagawa mo riyan?” Napaatras ako nang may bumulong sa aking tainga. Halos batukan ko siya dahil ginulat niya na naman ako. “Ano ba! Edward, huwag mo nang uulitin 'yon dahil may kiliti ako sa tainga!” sunod-sunod na sigaw kong sabi sa kaniya. “Titig na titig ka sa upuan na 'yon,” aniya sabay turo sa isang bakanteng silya na kanina lang ay inuupuan ng babaeng nakilala ko sa rooftop. Nagtaka ako nang masilayan ko iyon. Bakit bigla na lamang siyang nawala? “Wala ka bang nakitang babae?” tanong ko sa kaniya dahilan para mapakunot ang kaniyang noo. “Babae?” nagtataka niyang tanong. Tumango naman ako bilang sagot sa kaniya. Umiling-iling siya sa akin dahilan para makaramdam ako ng kaba. “Wala akong nakita at kanina pa bakante ang silya na 'yon,” aniya “Baka umalis na siya,” bulong na sabi ko sa sarili dahil ayaw kong mag-isip ng kung anu-ano. Huminga ako nang malalim. Napatingin ako sa aking orasan at ilang oras na lang ay maggagabi na. Pumasok sa aking isipan na ganitong oras kami nagkita ng babaeng 'yon at may usapan kami na magkikita kaming dalawa sa ganitong oras din. Dali-dali akong tumakbo palayo kay Edward. Narinig ko pa ang sigaw niya sa akin pero hindi ko na 'yon pinansin dala na rin ng pagmamadali. Hingal na hingal akong huminto nang marating ko na ang rooftop. Nakahinga ako nang maluwag nang masilayan ko siyang nakatingin sa tanawin na makikita mula rito. Napangiti ako nang masilayan ko ang maamo niyang itsura kahit na gilid lang ng kaniyang mukha ang aking nakikita, napakaganda niyang talaga. Hindi ko maiwasang humanga sa kaniya. “Nandiyan ka na pala,” aniya habang nakatitig pa rin sa malayo. “Kanina pa kita hinihintay,” dugtong na wika niya dahilan para tuluyan akong lumapit sa tabi niya. “Bakit bigla kang umalis do'n?” Nang tanungin ko iyon ay humarap siya sa akin. Nabigla ako nang makita ko ang mukha niya, kakaiba ito sa nakasanayan kong makita sa kaniya. May mga luha na bumabagsak patungo sa kaniyang pisngi na agad kong ipinagtaka. Hindi ko ugaling maawa o makaramdam ng lungkot kapag nakakakita ako ng ganitong sitwasyon pero sa puntong ito'y iginalaw ko ang aking mga kamay at pinunasan ko ang mga luhang bumabagsak mula sa kaniyang mga mata, ngunit nabigla ako nang tapikin niya ito. Ang mukha niya ay nag-ibang muli, ang nakikita ko naman ngayon ay galit at pagkamuhi. Napalunok ako nang mariin dahil sa ginawa niya. “Ano ang nangyayari? May nagawa ba ako?” nagtatakang tanong ko sa kaniya dahil wala akong maalala na may ginawa akong masamang bagay sa kaniya. Hindi niya ako pinansin at nagsimula siyang ihakbang ang kaniyang mga paa palayo sa lugar kung nasaan ako. Nakaramdam ako ng lungkot nang gawin niya iyon. Naiintindihan ko na isa siyang baliw pero bakit labis akong nagpapaapekto sa kaniya? Bago siya tuluyang makaalis ay humarap siyang muli sa akin. “Ang pangalan ko, Kyle Erin,” huli niyang sambit mula sa malayo bago magpatuloy sa paglalakad. Nakaramdam ako ng hindi pamilyar na emosyon nang sabihin niya ang pangalan niya. Bakit ganito ang nangyayari sa akin? Bakit tila nawawala ako sa aking sarili? Pakiramdam ko'y tuluyan na akong nilisan ng katinuan. Biglang nawala ang kalungkutan na kanina'y yumakap sa akin, napalitan ito ng kasiyahan nang marinig kong sinambit niya ang kaniyang pangalan. Nakangiti akong tumingin sa mga ulap na unti-unti nang nilalamon ng kadiliman. “Kyle Erin,” bulong kong sabi kasabay ng malakas na ihip ng hangin na humaplos sa aking balat. “Sana'y magkita tayong muli.”  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD