CHAPTER FIVE: YOU KILLED ME

1574 Words
“WALA ka ba talagang kilala na Kyle Erin?” paulit-ulit na tanong ko kay Edward na kanina pa naaasar sa akin. “Ano ba naman! Kanina ko pa sinasagot 'yang tanong mo. Wala nga!” pasigaw niyang sabi na umalingawngaw sa buong paligid. Ramdam ko ang labis na inis niya dahil kanina ko pa siya kinukulit at wala akong ibang sinabi kundi puro Kyle Erin. Tinitigan niya ako nang masama bago ituong muli ang atensyon sa librong binabasa. Napasinghap na lamang ako dahil gustong-gusto ko talagang malaman kung ano ang code ni Kyle para naman mapuntahan ko siya kahit na kailan ko gustuhin. Gusto ko talagang araw-araw siyang makita, sayang nga at hindi siya ang napunta sa akin, tuloy nagtitiis ako na alagaan si Mrs. Liwayway na walang ibang ginawa kundi sigawan ako at sabihin na isa akong baliw. “Aalis na ako,” paalam ko kay Edward na itinaas lamang ang kamay bilang simbolo na narinig niya ako at malaya niya akong pinapaalis. Naisipan kong silipin ang lahat ng silid, umaasang makikita ko si Kyle at malalaman kung nasaan ang kaniyang kuwarto. Gusto ko rin kasi na dalawin siya paminsan-minsan at bigyan ng pagkain Gusto ko siyang surpresahin at gusto ko rin na mas lalo pa siyang makilala. “Ah, excuse me,” wika ko sa isang babaeng katrabaho ko na nakaupo sa isang silya habang gumagamit ng cellphone. Bakas sa kaniyang mukha ang labis na gulat at pagkabigla nang kausapin ko siya kaya natataranta siyang umalis nang mabilisan sa aking harapan na agad kong ipinagtaka. Ano naman kaya ang problema niya? Para siyang nakakita ng baliw na agad mananakmal. Napangiwi na lamang ako. Mukhang ayaw talaga akong kausapin ng mga tao rito. Ang pinagtataka ko lang, wala naman akong makitang rason para iwasan nila ako nang gano'n. Wala naman akong nakahahawang sakit at isa pa, matino naman ako kung mag-isip. Mayamaya'y naisipan ko na lang na maglakad-lakad habang sumisilip sa mga pasyenteng nasa loob. Halos lahat ng silid ay nakita ko na at ni isa, wala akong nakitang Kyle Erin sa loob n'on. Ilan na lang ang natitirang silid na hindi ko pa nakikita at tila nawawalan na ako ng pag-asa. Bakit ba kasi wala siyang code? Imposible talaga na mawalan ng code ang mga pasyente namin dito. “Ito na ang huli pero hindi ko pa rin siya nakikita. Imposible talaga ang bagay na ito,” wika ko sa sarili dahilan para tumingin ang iilan sa akin kasabay ng pagkaripas ng takbo na para bang nakakita ng multo. Huminga ako nang malalim at napatingin na lamang sa araw na malapit nang bumaba. Tanaw rito mula sa bintana ang makulimlim niyang sinag kaya alam kong malapit nang lumisan si Haring Araw. Agad akong natigilan at napatingin sa aking orasan nang maalala kong ganitong oras kami kung magkita ni Kyle. “Lagot ako nito!” Tumakbo ako nang mabilis papunta sa rooftop, hindi ko magawang huminto dahil nasasayang ang segundo na masisilayan ko ang kaniyang maamong mukha. Hindi ko kayang palampasin na lamang ang bagay na iyon dahil bilang lang ang oras namin. Kaunti lang ang oras na inilalaan sa amin ng tadhana. Napahinto ako nang marating ko na ang lugar. Habol na habol ako sa aking hininga nang huminto ako, pakiramdam ko'y nauubusan na ako ng hangin na lalanghapin. “Ngayon ka lang?” Isang boses ang narinig ko na alam na alam ko kung kanino. Agad akong napaayos at napatingin sa kaniya. Hindi ko maipagkakaila, mas lalo siyang gumaganda sa bawat araw na lumilipas. Napahawak ako sa aking dibdib bago muling ihakbang ang aking mga paa palapit sa kaniya. “Hinanap ko 'yong kuwarto mo,” panimulang wika ko na naging dahilan ng pagkunot ng kaniyang noo. “Bakit mo ginawa 'yon?” tanong niya habang hindi pa rin umaayos ang kaniyang kilay, nakakunot din ang mga ito. “Gusto kong bisitahin ka,” tugon ko sa kaniya na alam kong hindi siya naging kumbinsido. “Hindi mo ako mahahanap dahil...” Huminto siya pansamantala at tumingin sa kung saan. “... You killed me.” Sa puntong ito ay ako naman ang naguluhan dahil sa sinabi niya. Paano ko naman siya mapapatay, e ngayon pa nga lang kami nagkakilala. Napalunok ako nang mariin nang makita ko na naman ang kakaiba niyang mga mata — ang mga mata niyang walang emosyon. Nagmimistula itong tala na matagal nang wala ang kinang. Napakamot ako sa aking ulo bago sumagot, “Ano ang sinasabi mo? Paano naman kita mapapatay?” Tumawa siya nang malakas na ikinabigla ko pero, bakit ba nabibigla pa rin ako? Hindi siya matino at matagal ko nang alam 'yon pero bakit ayaw pumasok sa isipan ko na isa siyang baliw? Pakiramdam ko kasi'y isa lamang siyang normal at ayaw kong isipin na may kakulangan siya sa pag-iisip. Ayaw kong ipasok sa utak ko ang bagay na iyon. “Hindi mo na matandaan? Seryoso ka ba talaga?” sunod-sunod na tanong niya. Sumeryoso ang kaniyang mukha at hindi ko na ito maipinta. Napalunok ako nang mariin dahil wala akong makitang rason kung bakit niya sinasabi ang mga bagay na iyon sa akin. Napapagkamalan niya ba akong isang taong na nagawan siya ng mali? “Bakit umaarte ka na para bang wala kang alam?!” Umalingangaw sa buong paligid ang malakas niyang sigaw at halos mabingi ako nang dahil do'n. Napansin ko na mas lalong naging mabigat ang presensya niya. Pakiramdam ko'y binalot na siya nang labis na galit. “Bakit mo 'to ginagawa sa akin?” Sa puntong iyon ay mahina na ang kaniyang boses ngunit sapat lamang ito upang marinig ko ang bawat sinasabi niya. Unti-unti siyang lumapit sa akin hanggang sa kaunti na lang ang aming distansya. Ipinagapang niya ang kaniyang kamay sa aking leeg, halos mapapikit ako nang madampian ng kaniyang palad ang aking balat. “T-Teka...” Hindi ko na naituloy ang sasabihin ko nang sakalin niya ako nang napakariin sobrang diin na halos hindi na ako makahinga. “Bakit mo 'to ginagawa sa akin?” seryoso niyang tanong sa akin habang nakatitig nang diretso sa aking mga mata habang hindi pa rin tinatanggal ang kamay niyang nakapulupot sa aking leeg. “A-Ano ba a-ang sinasabi mo?” Pilit kong dinidiretso ang aking pagsasalita pero hindi ko na magawa dahil mas lalong humigpit ang pagkakahawak niya sa akin. Pakiramdam ko'y nauubusan na ako ng hininga kaya pilit kong nilanghap ang hangin pero hindi iyon sapat, kulang iyon para makahinga ako nang maayos. Ang ipinagtataka ko, bakit tila nagugustuhan ko ang ginagawa niya? Hindi ko man lang magawang tanggalin ang kamay niya sa leeg ko. Hindi ko alam kung ano ang rason nito. Hindi ko alam kung bakit gustong-gusto ko ang ginagawa niya kahit na nahihirapan na ako. “Coner!” Napalingon ako sa tumawag sa aking pangalan at kasabay niyon ay ang pagbagsak ko sa sahig. Biglang nawala sa paningin ko si Kyle sa isang iglap lamang. Hindi ko alam kung tumakbo ba siya o nagtago dahil hindi ko na namalayan ang paligid. Unti-unti na akong nabalot ng kadiliman. ——————— “Coner! Coner!” sunod-sunod na sigaw ang narinig ko habang tulak-tulak ako ng mga katrabaho ko. Nakaratay ang aking katawan at wala akong maramdaman na kahit ano. Pakiramdam ko'y namanhid ako. Naramdaman kong may bumaon sa akin na syringe pero wala akong maramdaman na kahit anong sakit. Napatingin na lamang ako kay Edward na alalang-alala sa aking kalagayan. “Ano ba kasing ginagawa mo? Bakit nando'n ka mag-isa sa rooftop?!” sigaw niyang tanong sa akin. Nag-iisa? Sa rooftop? Pero, nandoon si Kyle at hindi ako nag-iisa dahil kasama ko siya, kasama ko siya! “Ano ba ang nangyayari sa 'yo?! Ngayon, sinasakal mo na ang sarili mo? Ano ba talaga ang balak mo?!” Nakaramdam ako ng kaba nang marinig ko ang sinabi niya. Hindi ito maaari. Hindi ko sinakal ang sarili ko dahil si Kyle ang may gawa ng bagay na iyon sa akin. Hindi ko kayang gawin 'yon sa sarili ko. Hindi ako isang baliw! “Coner, kung may problema ka, nandito lang ako. Hindi mo kailangang saktan ang sarili mo dahil baka kung ano ang mangyari sa 'yo,” aniya na may tono ng pag-aalala, bakas na bakas sa kaniya ang takot at kaba. Gusto kong sumagot sa kaniya ngunit hindi ko magawang igalaw ang aking labi, nanatili lang itong nakatiklop. Hindi ko rin magawang pagsalubungin ang aking mga kilay o ikunot man lang ang aking noo. Ano ba itong nangyayari? Malabong ganito ang kahihinatnan ko sa isang sakal lamang. Napapikit na lamang ako nang maalala ko ang pagturok sa akin ng anesthesia. Naalala ko rin na bumagsak ang aking katawan nang napakalakas sa sahig. Pero, hindi ko man lang namalayan ang pagbitiw ni Kyle sa aking leeg. Napadilat ang aking mga mata nang may marinig akong boses. “Umalis na po kayo, sir,” wika ng doctor kay Edward kaya tumayo ito at naglakad paalis ngunit bago pa siya mawala sa aking paningin, nakita ko ang pagguhit ng ngiti sa kaniyang labi. Hindi ako sigurado pero nakita ko talaga ang hugis ng labi niya, nakangiti ito ngunit malabo ang iniisip ko, malabong magin masaya siya ng dahil sa kalagayan ko. May itinurok muli sa akin na naging dahilan ng unti-unting pagpikit ng aking mga mata. Wala na akong masilayan pa ngunit nabigla ako nang makita ko ang imahe ni Kyle na galit na galit. Ano ba ang nagawa ko sa kaniya? Hindi ko alam, hindi ko maisip kung bakit gano'n. Ang dami nang tumatakbo sa aking isipan. Pakiramdam ko'y nababaliw na ako, pakiramdam ko'y malapit na akong masiraan ng ulo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD