CHAPTER SIX: MY ONLY HOME

1540 Words
TATLONG araw rin akong namahinga. Sabi ng doktor, napalakas ang pagbagsak ko sa lupa kaya kailangan akong turukan ng anesthesia para daw hindi ko maramdaman ang labis na sakit. Mabuti na nga lang daw at nakontrol ko ang aking ulo sa pagbagsak kaya hindi ako nabagok. Bumalik na ako sa pagtatrabaho at nakausap ko na rin si Edward, alalang-alala siya sa akin kaya naisip ko na guni-guni lamang ang nakita ko noong araw na iyon. Malabo rin na gawin iyon ni Edward sa akin dahil matalik niya akong kaibigan at siya lang ang kaisa-isang taong lumapit sa akin habang nilalayuan ako ng iba, kaya imposibleng ngingiti o matutuwa siya sa naging kundisyon ko. Hindi ako naniniwalang, ginawa niya ang bagay na 'yon. “Edward, aalis na ako,” paalam ko sa kaniya dahil pupuntahan ko na ang pasyenteng nakaatang sa akin. Nagsimula akong ihakbang ang aking mga paa patungo sa lugar kung nasaan si Mrs. Liwayway. Habang naglalakad ako'y hindi ko maiwasang isipin na tatlong araw na rin ang nagdaan nang huli kong masilayan ang maamong mukha ni Kyle. Ilang araw ko nang hindi nararamdaman ang presensya niya. Hindi ko alam pero nakaramdam ako ng kakaiba nang sabihin ni Edward sa akin na wala akong kasama noong araw na 'yon. Imposible namang sinakal ko ang sarili ko? Hindi ako baliw para gawin ang bagay na 'yon. “Wala ka ngang kasama! Ano ba ang pinagsasabi mo?!” sigaw na sabi ni Edward na halatang inis na inis na sa akin. Kanina ko pa siya paulit-ulit na tinatanong kung saan napunta si Kyle dahil gusto kong malaman kung maayos ba siya o hindi. Nag-aalala ako para sa kaniya. Nakatatawa ngang isipin na mas nag-aalala ako sa lagay niya kaysa sa nangyari sa akin. “Imposible 'yon dahil pasyente natin siya!” sigaw na tugon ko rin kay Edward. Mas lalong kumunot ang kaniyang noo at nagsalubong ang kaniyang kilay. Tila asar na asar na siya kanina pa. Hindi niya ako masisisi, hindi puwedeng isang ilusyon lang si Kyle. Malabong mangyari ang bagay na 'yon, hindi ako baliw. “Wala nga,” mahinahon niyang sambit na halatang-halatang pinipilit niya lamang pakalmahin ang sarili. “Siya 'yong babaeng sumakal sa akin!” Kanina ko pa ipinagpipilitan sa kaniya ang bagay na 'yan ngunit paulit-ulit lang ang nagiging sagot niya. “Nakita kitang sinasakal mo ang sarili mo kaya imposible na may gumawa n'on sa 'yo dahil walang naka-admit na Kyle Erin sa mental hospital na ito.” Huminga ako nang malalim bago kumatok nang tatlong beses sa pinto ni Mrs. Liwayway. Binuksan ko ang pinto at nakita ko siyang komportableng nakahiga at natutulog kaya naupo na lamang ako sa gilid niya na may bakanteng silya. Hindi ko wari maisip ang sinasabi sa akin ni Edward dahil malabo ang mga bagay na iyon. Imposible 'yon! Hindi ako isang baliw para sakalin ang sarili ko! At isa pa, hindi pa ako nasisiraan ng ulo. “Baliw.” Napatingin ako kay Mrs. Liwayway na nagsasalita habang tulog. Napakunot ang aking noo dahil sa narinig ko. “Baliw ka!” sigaw niya na medyo napalakas. Lumapit ako sa kaniya upang siguruhing mahimbing nga siyang natutulog. Nang tuluyan ko nang makita ang mukha niya'y nagtaka ako, hindi naman siya gising. Nakapikit ang mga mata niya. Heto na ba 'yong sinasabi ni Edward sa akin? Na mahirap alagaan si Mrs. Liwayway dahil kung anu-ano ang lumalabas sa bibig niya, gising man siya o tulog. Akmang aalis na sana ako nang idilat niya ang kaniyang mga mata at mabilisang iniangat paupo ang sarili kaya halos ilang espasyo na lamang ay magdidikit na ang aming mga mukha. Natakot ako sa kaniyang itsura. Kulubot na ang kaniyang balat at lubog na ang mga mata. Pakiramdam ko'y hindi ako makahinga nang dahil sa ginawa niya. “Humiga po muna kayo.” Pilit kong pinapakalma ang sarili dahil tungkulin kong alagaan siya at huwag matakot sa kaniya. Aalalayan ko na sana siya pabalik sa higaan nang hampasin niya ang dalawang kamay ko. “Isa kang baliw!” aniya dahilan para umakyat ang lahat ng aking dugo sa aking ulo. Biglang naglaho ang takot at kabang naramdaman ko kanina lang, napalitan ito ng galit sa 'di malamang dahilan. Itinulak ko siya nang malakas dahilan ng pagtunog ng kaniyang higaan. Napahiga siya roon habang tumatawa nang napakalakas. “Ang kasama mong babae. Baliw siya, kagaya mo! Isa siyang kaluluwa na maghihiganti sa 'yo!” Lumapit ako sa kaniya dahil sa narinig ko ang pangalan ni Kyle. Tinitigan ko siya nang maiigi habang hindi ko na napapansin na nanlilisik na pala ang aking mga mata. Nagagalit ako nang sobra at hindi ko alam kung ano ang rason nito. Hindi ko alam kung bakit ako nagiging ganito. Mayamaya'y natagpuan ko na lang ang aking sarili na inaawat ng aking mga katrabaho kasama na roon si Edward. Nakita ko ang pagkabigla sa kanilang mga mukha at mas nabigla ako nang dumapo ang aking mga mata sa dalawa kong kamay na nakapulupot kay Mrs. Liwayway. “Bitiwan mo siya!” sigaw nila sa akin ngunit hindi ko magawang tanggalin ang aking kamay sa pagkakasakal sa kaniya. Nakita ko ang pagtirik ng kaniyang mga mata kaya nanlumo ang aking braso at dahan-dahan na akong napabitiw sa leeg nito. Habol-hininga siyang nakatitig nang masama sa akin, gayon na rin ang mga kasamahan ko. Pakiramdam ko'y isa akong kriminal na nakagawa ng mali. Pero, hindi ko alam kung paano nangyari ang mga bagay na iyon sa akin. Hindi ako 'to. Hindi ko alam ko alam kung bakit ko ginawa ang bagay na 'yon. “Sumama ka sa akin sa office,” wika ng head namin sa akin kaya dali-dali akong tumayo at nakayukong umalis sa silid na iyon. Narinig ko ang pagtawag sa akin ni Edward ngunit hindi ko na lamang siya pinansin, dala na rin ng hiya. Hiyang-hiya ako sa mga gulong nagawa ko. Hiyang-hiya ako sa nangyari ngayon. “Umupo ka.” Tuluyan na namin narating ang office kaya inanyayahan niya akong umupo na agad kong sinunod. Hindi ako mapakali sa aking puwesto, may bumabagabag sa akin na hindi ko alam. Ang daming katanungan, napakarami na halos hindi ko na maintindihan. Bigla na lamang pumasok sa aking isipan ang sinabi ni Mrs. Liwayway. Isang kaluluwa? Ano ba namang kalokohan ang bagay na iyon. Imposibleng mangyari ang bagay na iyon. Imposible ang sinasabi niya. “Alam mo ba ang ginagawa mo? Mr. Barbara, maaari kang matanggal dahil nilabag mo ang rules natin,” ani ng head namin na si Ms. Santiago, wala akong maisagot kundi ang yumuko na lamang. Hindi ko alam kung paano nangyari ang bagay na iyon, wala akong kaide-ideya. Natatakot na ako sa aking sarili. Alam ko na hindi ako isang baliw. Matino ang pag-iisip ko kaya malabo na gawin ko ang ganoong bagay. Sobrang nakahihiya. “Sumagot ka,” dugtong na sabi niya pa. “Ano po ang parusa ko? Tatanggalin n'yo po ba ako? Aalisin na po ba ako? Itataboy n'yo na rin ba ako?” sunod-sunod na tanong ko. Hindi ko maiwasang hindi mag-alala dahil ayaw kong umalis sa lugar na ito. Ito na lang ang natitira sa akin, ito na lang ang tahanan ko. Walang ibang tumanggap sa akin kundi ang lugar na ito. Biglang nanikip ang dibdib ko sa 'di malamang dahilan. Bakit ganito? Bakit tila nasasaktan na naman ako nang walang rason? “Hindi, pero wala na munang pasyente ang iaatang sa 'yo dahil sa ginawa mo. Balik ka sa paglilinis ng mga kuwarto nila. Ayos lang ba iyon?” Nalungkot ang aking mukha dahil sa narinig ko pero mas okay na rin 'to. Mas maayos na 'to kaysa ang umalis sa lugar na dahil wala nang tatanggap sa isang kagaya ko. Ipagtatabuyan lang akong muli gaya ng ginawa ng mga magulang ko. Tumango ako bilang tugon sa head namin kaya pinaalis niya na ako. Napagdesisyunan ko na tumambay muna sa rooftop. Malayo sa lahat, malayo sa gulo at ingay. Pagkarating ko roon ay mas lalo akong nalungkot, wala akong natagpuan na Kyle na nakatayo sa pinakadulo ng rooftop. Wala akong makitang maganda, wala dahil wala siya. Siguro'y galit din siya sa akin gaya ng iba. Siguro, iiwasan niya na rin ako dahil ganito akong klase ng tao. Siguro, tuluyan na siyang hindi magpapakita sa akin. Umupo ako sa isang gilid. Hindi ko malaman kung ano ang gagawin. Gusto kong maglaho at lumisan muna pansamantala. Gusto kong mamahinga kahit na sa loob ng tatlong araw lamang. Gusto kong mapag-isa at huwag na munang makakita ng tao dahil wala naman silang ibang ginawa kundi ang iwasan ako na para bang isa akong baliw. Wala silang ibang ginawa kundi ang iparamdam na kakaiba ako sa lahat. “Baliw ba talaga ako?!” sigaw ko sa kawalan kasabay ng pagbaba ng araw mula sa kalangitan. “Ano ba ang mali sa akin?!” sigaw kong muli, umaasang may sasagot ng katanungan na pilit pinipiga ang aking isipan. Ayaw ko na nang ganito pero wala akong magawa kundi ang magtiis. Walang tatanggap sa akin bukod sa lugar na ito. Ito lang ang bukod-tanging tumanggap sa akin — ito na lang ang tahanan ko. Huminga ako nang malalim bago ituon ang pansin sa araw na malapit nang lumisan. Nag-iiba ang kulay ng kalangitan dahil dito. Hindi ko maiwasang hindi mapangiti. “Mabuti na lang at nandiyan ka araw.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD