PROLOGUE

553 Words
"HEART, will you marry me?" Nanlaki ang mga mata ni Aileen sa gulat dahil sa sinabing iyon ng nobyo. Nakaluhod ito sa kanyang harapan habang nakalahad ang isang kulay pulang kahita na hugis puso na may lamang singsing na napapalibutan ng mga bato. "Pero tatlong linggo pa lang tayong magnobyo't magnobya," tutol niya sa alok nito. "Alam ko, pero hindi mo ako masisisi kung bakit ako nagkakaganito. Takot na akong maiwan ulit at masaktan. Basta ang alam ko lang ngayon ay ikaw na ang babaeng gusto kong makasama habang buhay." "Huwag kang magpadalos-dalos sa mga desisyon mo, masyado pang maaga para riyan. Hindi biro ang hinihingi mo sa 'kin, marami pa tayong pagdadaanan sa paglipas ng panahon." Hinawakan ni Jyo ang dalaga sa parehong kamay nito. "Tinatanong mo ako noon kung ano ang gusto ko, 'di ba? Ito na 'yon, Aileen. Gusto kong makasama ka sa pagtanda kasama ang magiging mga anak natin." "Pero—" "Oo at hindi lang ang hinihingi ko, Aileen," putol nito sa nais pa sana niyang sabihin. "Sagrado ang kasal, hindi iyon dapat madaliin dahil hindi 'yon isang laro na kapag ayaw mo na at pagod ka na ay aayaw ka na lang." "Hindi mo kasi ako naiintindihan—" "Then ano'ng gusto mong gawin ko? Um-oo ako tapos ano? Ni wala pa nga tayong napapatunayan sa mga sarili natin tapos gusto mo makasal tayo agad?" Hindi nakaimik ang binata. Hindi pa kasi talaga handa si Aileen sa nais nitong mangyari. Mahal niya ito pero hindi naman aabot sa puntong gusto na niyang matali agad dito. Naalala tuloy niya iyong mga panahon na napag-usapan nila ang tungkol sa bagay na iyon noong nakaraang linggo lang. At heto ito ngayon, ibinabalik na naman ang naging usapan nila tungkol sa kanilang pagsasama. "Alam mo namang may pangarap pa ako para sa mga magulang ko, 'di ba?" paalala niya rito. "Oo, alam ko at naiintindihan ko—" "Hindi! Hindi mo naiintindihan! Kasi kung naiintindihan mo hindi ka luluhod ngayon sa harap ko para itali sa 'yo!" putol niya sa mga nais pa sanang sabihin ng binata. Hindi na rin niya napigilan ang bugso ng kaniyang damdamin na sumbatan ito. Ayaw niyang saktan ito pero mas nasasaktan siya sa mga nais na nitong gawin lalo na't sariling kaligayahan lang ang iniisip nito. Alam rin naman niya sa sarili niya na mabilis siyang nahulog dito pero hindi ganito na papayag na lang siya basta-basta na magpakasal sa lalaki. "Aileen, please, I'm begging you. Huwag mo naman akong ipahiya sa harap ng maraming tao," pagmamakaawa pa nito na hanggang ngayon ay tulala pa rin sa kaniya. Marami na kasi silang naagaw na atensyon sa mga taong dumaraan. Nasa Mall sila dahil inaya siyang lumabas nito para magdate at mamasyal na rin. Pinagbigyan niya ito dahil isang linggo rin siyang nanatili sa Benguet at ngayon lang siya nakapasyal ng Maynila. Miss na miss nila ang isa't isa kaya naman naisipan nilang magkita pero hindi naman niya aakalain na ang date nilang ito ay mauuwi pala sa isang surprise marriage proposal. Ayaw man niyang ipahiya ang binata sa harap ng maraming tao ay buo na ang kaniyang desisyon. "I'm sorry, Jyo, pero hindi pa ako handa na matali sa 'yo." Bumitaw siya sa pagkakahawak sa kaniya ni Jyo bago tuluyang lumisan sa harap nito na nagdurugo ang puso.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD