"Sandali lang ho, Sir, tawagin ko sa loob ang anak ko." Nakangiti namang wika ni Mang Pablo. Sa isip nito, kung ito ay nagkagusto sa kanyang anak ay botong-boto siya para sa anak dahil alam ni Mang Pablo na sa mukha pa lang ng lalaki ay halatang mayaman ito, lalo na’t ito pa ang nakabili sa bahay-bakasyunan ng mga Montefalco.
Lumingon siya patungo sa pintuan ng bahay. Naisip ng ama na si Donnah ang tawagin at hindi si Dinnah dahil si Donnah ang nasa kanilang poder pa, at ang isa pang anak ay uuwi sa susunod na araw sa lolo’t lola nito.
"Donnah! Labas ka nga rito!" tawag ng ama nila.
Sa loob ng kwarto, napasigaw ng mahina si Donnah habang kinukurot ang braso ni Dinnah.
"Narinig mo ba? Tawag ni Tatay! Ako talaga ang tinawag ni Tatay!" Sabay ay sinuklay niya ang kanyang buhok gamit ang mga daliri at inayos ang kanyang damit nang mabilis, kahit pa wala namang mali dito. Ngayon lang siya ganito ka-excited, lalo pa’t ang makikita niya ay ang gwapong estrangherong bagong nagmamay-ari ng bahay-bakasyunan ng mga Montefalco.
Lumabas si Donnah na may malawak at nakangiting mukha.
"Tay, tawag niyo po ako?" pa-cute na tanong ni Donnah na nakangiti at halatang masaya.
Natigilan naman si John nang makita ang magandang dalaga. Subalit tila ibang-iba ang nakikita niyang ekspresyon sa mukha nito ngayon kumpara kanina: ngayon ay masaya at di mahiyain, pero kanina ay mahiyain, namula at halatang nahihiya sa kanya.
Ngumiti naman si John at inilahad ang kanyang kamay nang may kagandahang-loob.
"Hi, I'm John Halden. Donnah pala ang pangalan mo," nakangiting wika ni John rito.
Halatang kilig na kilig si Donnah bago kamutin ang kanyang tenga, para lang itago ang kanyang kasiyahan at kilig.
"O-opo! Ako po yun," sagot ni Donnah kahit di siya tinanong nito kung siya ba ang nakikita nito kanina habang inabot ang kamay ni John upang makipag-shake hand.
Tila matutunaw na naman si Donnah sa malalagkit na mga titig ni John sa kanya habang hinawakan ang kanyang kamay, at tila di na nito iyon bibitawan. Si Donnah naman ay pinilit niyang manatiling kalmado.
"It's nice to meet you properly. Kanina kasi, bigla ka lang umalis," sabi nito nang may kaunting biro habang nakangiti kay Donnah.
Pasulyap-sulyap naman si Mang Pablo sa pag-uusap ng kanyang anak at ng bagong nagmamay-ari ng bahay-bakasyunan.
Samantalang sa loob ng bahay, nakasilip din si Dinnah sa pintuan at pinagmamasdan ang dalawang nag-uusap: ang kambal at ang guwapong lalaki.
Napakaguwapo naman nito, may pinong bigote sa mukha, medyo brown ang buhok, at may mga asul na mata. Naiinis man siya dahil sa nangyari kanina, hindi niya maiwasang mapangiti sa reaksyon ng kanyang kambal na halata namang kilig na kilig. Ngunit bigla siyang natigilan: bakit ba hindi niya maipaliwanag sa sarili kung bakit parang may panghihinayang rin sa dibdib niya na hindi siya ang humarap rito?
Pagkatapos ng ilang sandali ng pag-uusap, nagpaalam na si John.
"I have to go now, but I hope we can talk again soon. Maybe I can drop by again tomorrow to buy some fruits, and we can chat a little more?" sabi niya habang nakangiti pa rin kay Donnah bago siya naglakad pabalik sa kanyang bahay.
Kaagad namang pumasok si Donnah sa loob ng bahay at nagsimulang magtitili ng mahina habang kinukurot ang braso ni Dinnah.
"Oh my gosh! Gusto ko na siya agad, Dinnah! Ang gwapo, ang bait, at ang titig niya? Sobrang nakakakilig! Sana talaga bumalik siya bukas! Siya si Mr. John Halden, yan ang pangalan niya." sigaw niya habang paikot-ikot sa kwarto at hindi mapigilan ang kanyang kasiyahan.
Kinabukasan ng umaga, tulog pa rin tulog si Donnah habang si Dinnah ay gumising nang maaga, bago pa man sumikat ang araw. Nagpunta siya sa munting kwadra ng ama dahil nais niyang mangabayo at mamasyal muna sa paligid ng baryo bago makauwi sa kanyang lolo’t lola. Nagtaka naman ang kanyang ina nang makita siyang nakasuot na ng komportableng damit.
"Bakit ang aga mong gumising, anak?" tanong ni Aling Rowena.
"Gusto ko lang pong mangabayo gamit ang kabayo niyo ni Papa, nay. Gusto kong maglibot-libot pa bago ako umuwi bukas," sagot ni Dinnah.
Nagpaalam siya na kunin ang kulay brown na kabayo ng papa nila na pangalanang "Kulas", at pumayag naman ang ina.
Sa unang sakay niya sa kabayo ay okay pa ito, ngunit nang biglang nakarinig ito ng isang malakas na putok—hindi niya alam kung saan galing at kung sino ang nagpaputok—nagulat ito at biglang nagwala.
"No, hindi!!" malakas niyang sigaw.
Hindi inaasahan ni Dinnah ang biglang kilos ng kabayo kaya nawalan siya ng balanse at nahulog sa lupa.
"Argh!" sigaw niya dahil sa kirot ng pagkakahulog, habang ang kanyang mukha at damit ay nahagip ng dumi mula sa lupa.
"Aray ko! Ang sakit," hiyaw pa niya.
Ngunit hindi niya inaasahan na may biglang lumapit sa kanya at inilahad ang kamay para tulungan siyang tumayo.
"Hey, are you okay? You fell pretty hard," ang malinaw at may kaunting pag-aalalang tinig.
Nang mag-angat siya ng tingin, si Mr. Halden iyon! Nagulat si Dinnah at agad na inayos ang kanyang buhok kahit pa marumi ito, habang pinipigilan ang kanyang pagkabalisa.
"I-I'm fine, thank you," sagot niya nang mahina at napilitang tinatanggap ang kamay ni John para tumayo.
Kumuha naman agad ito ng malinis na panyo mula sa bulsa ng kanyang maong pants at inialok ito sa kanya.
"Here, let me help you wipe the dirt off your face. You might get it in your eyes," sabi nito.
"Ano ba kasing nangyayari sa kabayo mo, Miss Donnah?" dagdag pa nito sa tagalog na salita na may pag-aalala habang sinusubukang punasan ang kanyang mukha.
Ngunit agad na inagaw ni Dinnah ang panyo. Nahihiya siya at ayaw niyang punasan nito.
"Ako na po, salamat," sabi ni Dinnah habang sarili na niyang nagpupunas sa kanyang mukha at halos hindi makatingin rito.
Nagtataka naman si John habang pinagmamasdan siya. Muli siyang nagtataka kung bakit iba na naman ang ugali ng dalaga—iba ito sa dalagang nakausap niya kahapon na masigla, palaging nakangiti at walang kahihiyan, at iba rin sa dalagang nakita niya unang pagkakataon na biglang umalis nang nahihiya.
"You seem different from how you were yesterday," sabi niya nang may kaunting pagtataka.
"Yesterday you were so outgoing, but today you're quiet again. Did something happen?" nagtataka pa nitong tanong.
Natigilan naman siya.
"Ay, wala naman po, Mr. Halden. Moody lang po ako. Sige po, kailangan ko munang sundan ang kabayo ni Tatay," pormal niyang paalam rito na halatang naiilang.
"Wait, sayo nalang ang panyo ko, be careful with it," sabi ni Mr. Halden kay Dinnah saka ito ngumiti at may kindat pa sa kanya.