"IYON PA. Madumi pa sa bandang iyon," sita ni Zac. Naglalampaso siya ng sahig sa sala ng umagang iyon. Naiinis na pinuntahan niya ang tinuturo nito at nanggigigil na nilampaso iyon. Kanina pa ito nakikialam sa ginagawa niya. Animo Supervisor ito kung maka-asta.
"Ano ka ba naman! Madumi pa itong nilampaso mo," pagrereklamo pa nito. Malapit nang umusok ang mga butas ng ilong niya sa galit. Dali-daling pumunta siya sa dating puwesto at muli iyong nilampaso.
"Akin na nga iyang map," utos nito. Agad naman niyang ibinigay ang hawak na map dito.
"Ganito kasi ang tamang paggamit nito," anito, habang inuumpisahan ng lampasuhin ang sahig. Siya naman ay nakamasid lang sa ginagawa nito. Naisip niyang isahan ito.
"Iyon pa. Madumi pa sa banda roon," aniya, habang tinuturo ang maduming bahagi ng sahig. Agad naman itong tumalima. Nilampaso nito ang sahig.
"Madumi rin dito," paninita niya. Lumapit ito roon at agad na nilampaso iyon. Sino ang mag-aakalang hindi lang pala sa pag-arte magaling itong si Zac. Napangiti siya. Ano nalang kaya ang iisipin ng mga naging ex-girlfriend nito kung sakaling malaman ng mga ito na magaling maglampaso ng sahig itong si Zac.
"Anong nginingiti mo riyan?" sita nito.
"W-wala," pagmamaang-maangan niya.
"Tapusin mo na ito," anito sabay abot ng map na ginamit nito sa kanya.
Nanunulis ang ngusong inabot niya iyon. "Hindi pa tinapos!" aniya ngunit pabulong lamang.
Katatapos lamang niyang linisin ang sala. Umakyat siya sa ikalawang palapag ng bahay. Ang kuwarto naman ni Zac ang lilinisin niya. Nakailang katok na siya ngunit wala pa ring nagbubukas niyon. Pinihit niya ang door knob. Hindi naman pala naka-lock iyon. Nagtuloy na siya sa loob. Hindi naman makalat sa loob ng kuwarto nito. Inayos niya lang ang bahagyang nagulong bedsheet at comforter. Inilibot niya ang paningin sa buong silid. Nag iba na ang ayos niyon. Mas naging masculine ang dating niyon. Dati iyong kuwarto ng kanyang mga magulang noong nabubuhay pa ang mga ito. Naagaw ang pansin niya ng isang malaking portrait na nakasabit sa dingding ng kuwarto. Si Zac iyon habang nakahubad baro. Naka-posing ito suot ang swimming trunks habang may hawak na surf board. Ang background nito ay dagat na bahagya pang maalon.
Muli niyang tinitigan ang makisig na pangangatawan nito. Siguro ay napakatigas ng mga muscles nito. Lalo na ang six pack abs nito. Duda siya kung ganito talaga ang katawan nito sa personal bagamat nakita na niya ito noong sumugod sila ni Lily. "Baka naman in-edit lang ng konti?" aniya sa isip. Natukso pa siyang hipuin ang larawan nito. Wari'y kapag ginawa niya iyon ay mararamdaman niya kung gaano katigas at kalaki ang mga muscles nito. Dios mio! Nababaliw na talaga siya. Pinagnanasaan pa yata niya ang larawan nito.
"Pinagpapantasyahan mo ba ang larawan ko?" anang tinig na nagmumula sa likuran niya. Napaigtad siya at pumihit paharap para sinuhin ang nagsalita. Ang guwapong si Zac na kanina lamang ay pinagpapantasyahan niya. Halatang kalalabas lamang nito sa banyo. Naaamoy niya pa ang sabong ginamit nito. Nakatapi lamang ito ng tuwalya na hindi pa umabot sa tuhod nito.
Para siyang namatanda. Kanina lamang ay titig na titig siya sa larawan nito. Kung ano man ang nakita niya sa larawan nito kanina ay halos walang ipinagkaiba sa personal. Ganun at ganun pa rin. Ang malalapad na dibdib nito. Ang anim na matitigas na pandesal sa tiyan nito. Naniniwala na talaga siyang hindi edited ang kuha nito.
"Dios mio, tukso layuan mo ako. Pakiusap!
"Ano kasing ginagawa mo dito?" untag nito nang hindi pa rin siya gumagalaw sa kinatatayuan niya.
"A-ah.. kasi lilinisin ko sana itong kuwarto—
Hindi na niya natapos pa ang sasabihin nang mapansing lumalapit ito papunta sa kinatatayuan niya. Pinanlambutan siya ng mga tuhod.
"Ahh—huwag ka'ng lalapit," pakiusap niya habang lumalakad ng paatras dito. Ngunit tila wala itong naririnig patuloy pa rin ito sa paglalakad palapit sa kinaroroonan niya.
"Layuan mo ako. Wala pa iyan sa mga plano ko. Masyado pa'ng maaga para diyan," aniya habang patuloy sa pag-atras. Naramdaman niyang lumapat sa matigas na bagay ang kanyang likuran. Nakaramdam siya ng matinding kaba nang isang dipa na lamang ang pagitan nila nito. Wala na siyang ma-a-atrasan pa. Inilang hakbang lamang nito iyon.
"Huwag pakiusap," pakiusap niya bago mariing ipinikit ang mga mata. Ramdam niya ang mainit na hininga nito. Dinig na dinig niya ang mabilis na t***k ng kanyang puso.
"Tabi d'yan!" bulong nito sa puno ng kanyang tenga.
"H-ha?" nagtatakang bulalas niya, bago idinilat ang mga mata.
"Ang sabi ko tumabi ka d'yan. Kukuha ako ng maisusuot ko."
Madali siyang umisod. Saka lamang niya napansin na isang closet cabinet pala ang nasasandalan niya kanina. Bigla niyang naisip ang mga pinagsasabi niya kanina. Kukuha lang pala ito ng maisusuot. Ang buong akala niya pa naman ay may binabalak itong hindi maganda sa kanya. "Baliw ka talaga, Tricia. Malala kana!" anang kontrabidang bahagi ng kanyang isip.
"Ano ba'ng sinasabi—
Hindi na niya ito pinatapos sa pagsasalita. Agad siyang lumabas ng silid na iyon. Dumiretso siya sa kuwarto niya at doon ay huminga nang malalim. Inhale, exhale ang ginawa niya. Pinamulahan siya nang maalala kung ano ang mga pinagsasabi niya kanina. Halos masabunutan niya ang sarili. Ano nalang ang iisipin nito. Siguradong pinagtatawanan na siya nito. Papaano niya pa ito haharapin?
"KUMUSTA kana, Tricia?" tanong ni Lily. Tatlong araw na rin mula nang umalis siya sa bahay nito. Marahil ay nag-aalala na ito sa kanya.
"Ayos lang naman," kaswal niyang sagot. "Katatapos ko lang maglinis nitong bahay," pagbabalita niya.
"Ang ibig mo ba'ng sabihin ay nand'yan ka ngayon sa bahay mo—este nu'ng kamukha ni Zac Montecillo?"
"Oo ganu'n na nga. Ang totoo ay pinayagan na niya akong tumuloy dito—
"Ibig mo'ng sabihin magkasama kayo sa iisang bubong? Gosh! Baka natipuhan ka ng hombre! Hindi kaya na love at first sight siya sayo? Sinabi ko naman kasi sayo na may namana ka ring angking alindog sa akin. Ayaw mo pa kasing maniwala. O, ngayon—
"Sandali nga!" pigil niya rito. "Iyan ka na naman sa mga conclusion mo'ng mali" aniya. Naipaikot niya ang mga mata. Likas na talaga dito ang pagiging mahilig mag-assume ng mga bagay na tungkol sa pag-ibig. Love at first sight daw? Nuh? Never siyang naniniwala du'n. Iyon siguro ang resulta ng pagiging addict nito sa mga korean nobela.
"Ang totoo kaya niya ako pinayagang tumuloy dito ay para gawin ang mga gawaing bahay," seryosong pahayag niya.
"What? Pumayag ka na maging atchay niya?" gulat na bulalas nito.
"Ganu'n na nga. Pero hindi ibig sabihin ay sumusuko na ako na mabawi itong bahay. Siyempre gusto ko pa ring mabawi itong bahay sa mokong na iyon,"
"Kung sabagay. Kahit naman siguro sinong kalahi natin ay papayag na maging atchay lalo na kung kamukha ni Zac Montecillo ang pagsisilbihan nila" anito.
"For your info, Bruha. Hindi lang siya kamukha ni Zac Montecillo dahil siya talaga si Zac," pahayag niya.
Saglit itong natahimik sa kabilang linya. Marahil ay nagulat sa sinabi niya.
"Lily? Nandiyan kapa ba?" untag niya.
"Oh my gosh, Tricia!" tili nito. "Pwede mo ba'ng itanong kay Zac kung nangangailangan pa siya ng isa pang katulong? Sabihin mo'ng willing akong pagsilbihan siya ng libre. Okay na sa akin iyong makita ko lang siya. Kompleto na ang araw ko," anito, hindi maitago ang kilig sa boses nito. Umaatake na naman ang kalandian ng bestfriend niya. Wala pa naman yatang naiimbentong gamot sa kalandian.
"Sige, tatanungin ko siya," nasabi nalang niya para tumigil lang ito.
Hindi niya rin naman kasi alam kung seryoso ba'ng kausap ngayon si Lily. Mukhang lumuwag ang turnilyo nito sa utak. "Paano, ibababa ko na ito at marami pa akong gagawin," aniya. Hindi na niya hinintay pang magsalita ito. Ibinaba na niya iyon nang muli na namang tumunog iyon. Kulit talaga!
"Lily, pwede ba— Natigilan siya. Hindi boses ni Lily ang nasa kabilang linya.
"Si Zac 'to. Diyan ako magdi-dinner mamaya. Magluto ka ng pininyahang manok," anito.
Sasagot pa sana siya ngunit nawala na ito sa kabilang linya. Kinuha nga pala nito ang cellphone number niya kagabi. Natigilan siya tila ngayon pa lang pumapasok sa utak niya ang sinabi nito. "Dito siya kakain? Naku naman!" aniya. Mukhang mapapasubo ang powers niya sa kusina.
"MAALAT!" pagre-react ni Zac matapos tikman ang niluto niyang pininyahang manok. Naparami yata ang lagay niya ng asin. Nag-research pa naman siya sa internet kung paano ang proseso ng pagluto niyon. Hindi naman kasi talaga siya marunong magluto. Sixteen years old lamang siya nang sabay na mamatay sa isang aksidente ang kanyang mga magulang. Kaya hindi na siya naturuan pa ng kanyang ina pagdating sa kusina. Napasimangot siya. Nahirapan siya habang niluluto iyon. Ilang beses pa siyang nahiwa ng kutsilyo sa daliri, tapos kung makapag-react ito ay ganu'n nalang!
Napansin niyang tila nawalan na ito ng ganang kumain. Tumayo ito at nagtungo sa sala.
"Nakakainis siya. Hindi niya manlang pinansin ang effort ko!" pagdaramdam niya. Kung bakit ba naman kasi hindi siya nabiyayaan ng kahit konting galing pagdating sa gawaing pangkusina.
Paakyat na sana siya sa hagdan nang may marinig siyang nag-doorbell. Agad na tinungo niya ang pinto at pinagbuksan ang kung sino ma'ng nasa labas niyon. Isang delivery man ang napagbuksan niya. Matapos ma-receive ang mga dala nito ay inilagay na niya ang mga iyon sa ibabaw ng center table. Naka-upo si Zac habang nanunuod. Marahil ay nagpa-deliver ito kanina. Pakiramdam niya ay parang may kumurot sa dibdib niya. Kung masarap lang siguro ang niluto niya ay hindi na sana ito magpapadeliver pa.
Bumaling ito sa mga pagkain na nakapatong sa center table. Isa-isang inilabas nito mula sa balot ang mga iyon. Mainit pa ang fried chicken, cheese burger, french fries at hindi na niya alam ang pangalan ng iba pa'ng pina-deliver nito.
"Kumain kana rin," pag-yayaya nito. Tumalima naman siya. Mabait rin naman pala ang mokong. Kanina pa nga siya nagugutom. Akmang kukuha na siya nang isang hita ng fried chicken nang iiwas nito.
"Oops! Hindi 'yan sayo," anito.
"Alin ba? Itong Cheese burger?" tanong niya. Kukunin na lamang niya iyon nang muli na naman nitong iiwas iyon. Ano ba'ng problema nito? Naiinis na talaga siya.
"Iyong sayo nand'un" anito at inginuso ang gawing kusina.
"Ano?" nakakunot-noong tanong niya.
"Kainin mo iyong niluto mo. Tutal ay ikaw naman ang nagluto niyon. Isa pa ay ayaw kong may nasasayang na pagkain," anito.
Halos pandilatan niya ito. Ito naman ay inumpisahan nang lantakan ang pina-deliver nitong pagkain. Nagngingit-ngit na tinungo niya ang kusina. "Asar talaga ang Zac na iyon!" gigil niyang sabi nang makarating ng kusina. Sinusubukan talaga siya nito. Nakasimangot na sinulyapan niya ang nilutong ulam.
"Hindi 'yan mauubos kung tititigan mo lang," nang-aasar na sabi ni Zac. Sinundan pala siya nito sa kusina. Matalim na tingin ang pinukol niya dito. Kung nakamamatay lang ang tingin, siguro ay bumulagta na ito sa sahig. Ngingiti-ngiti pa itong bumalik sa sala. Aba't mukhang nakahanap pa yata ito ng mapagti-tripan sa katauhan niya.
"Ahh!" nayayayamot na sigaw niya.
"HAVE YOU heard about the news?" tanong ni Bianca kay Zac.
Hindi siya umimik. Kasalukuyan sila nitong nasa isang restaurant. Niyaya siya nito dahil may importante daw itong sasabihin sa kanya.
"Well, sinabi ko sa kanila nung in-interview nila ako na totoong may relasyon tayo," anito.
"What? Bakit mo naman ginawa iyon?" pigil ang galit sa tinig niya.
"I'm sorry, Zac. Aaminin ko noong una na gusto ko lang tulungan si Ron, para sirain ka. Actually plinano talaga namin ni Ron iyon. You know? Hindi kasi sikat si Ron kagaya mo, so nagkasundo kami na gumawa ng isyu na talagang ikasisira mo," seryosong pahayag nito.
Nagtatagis ang mga bagang niya sa mga rebelasyon nito. Pagkatapos niya itong pagkatiwalaan ay ito pa pala ang sisira sa kanya.
"Damn!" aniya bago inihampas ang kamao sa mesa. Mabuti na lamang at kakaunti lang ang customer sa restaurant na iyon. "Ano pa bang gusto niyo? Bakit sinasabi mo pa ang mga bagay na iyan? Hindi ba dapat ay nagsi-celebrate na kayo ni Ron ngayon? Tagumpay ang plano niyo," sarkastikong sabi niya.
Lumungkot ang magandang mukha nito. "No, Zac. Ang totoo ay nakipaghiwalay na ako kay Ron. I don't love him anymore. Simula nang makilala kita ay unti-unting nahulog ang loob ko sayo. I think I'm already in love with you," seryosong pahayag nito.
"Inlove? Sa palagay mo ba ay paniniwalaan pa kita ngayon? Pagkatapos niyong sirain ang career ko?" sarkastikong sabi niya. Hindi na siya mapapaniwala nito sa mga kasinungalingan nito.
"I know, Zac na hindi ka maniniwala pero iyon ang totoong nararamdaman ko. Hindi ko sinabi sa press na may relasyon tayo para sirain ka. I told them those things because that's the truth. I love you," malumanay nitong pahayag.
Natawa siya ng pagak.
"Please, Zac maniwala ka. Pwede pa rin naman nating maayos ang career mo," anito.
"How? Madali lang para sayo na sabihin 'yan dahil hindi naman ikaw ang nasa sitwasyon ko!" hindi na niya napigilan pa ang pag-alpas ng galit. Napansin niyang luminga-linga ito sa paligid. Inaalam kung nakaka-agaw na ba sila ng atensiyon sa mga tao roon.
"Totohanin nalang natin ang lahat, tutal iyon naman ang pinaniniwalaan nila. Darating din ang araw na lilipas din ang isyu at babaliwalain nalang nila ang tungkol sa atin," paliwanag pa nito.
"Your crazy, Bianca. Sa tingin ko ay walang patutunguhan ang usapang ito," aniya bago tumayo. Kapag ginawa niya ang suhestiyon nito ay parang inamin niyang totoo ang mga napapabalita tungkol sa kanya.
"Zac, wait!" Tinangka pa siya nitong pigilan ngunit hindi na siya nagpapigil pa. Mahirap na at baka may makakita pa sa kanila nito na magkasama. Siguradong panibagong isyu na naman iyon pagnagkataon.
Naihagis niya ang mga dyaryo. Pinabili niya ang mga iyon sa kanyang personal assistant. Kagaya nang sinabi ni Bianca, inamin nga nito sa isang panayam na may relasyon sila nito. Siguradong umuusok na naman sa galit ang manager niyang si Cynthia. Kailangang matapos na ang mga intriga tungkol sa kanya. Kung hindi ay tuluyan nang masisira at matatapos ang dating maganda niyang career. Iyon pa naman ang pinaka-ayaw niyang mangyari. Ang gusto niya kapag iniwan na niya ang mundo ng showbiz ay may magandang imahe siyang iiwan sa mga tao.
"HELLO, Zacarias? Bakit hindi mo man lang sinasagot ang mga tawag namin?" galit na turan ng nasa kabilang linya. Bahagya niyang inilayo ang telepono sa tenga. Pakiramdam niya ay mababasag ang eardrum niya kapag hindi niya iyon ginawa.
"Sino po ba sila? Wala hong, Zacarias dito," magalang niyang sabi.
"Eh, ikaw? Sino ka ba?" Isa ka na naman ba sa mga napapabalitang karelasyon ni Zacarias?" iretadong tanong nito.
Aba't ang kulit naman talaga. Sinabi nang walang, Zacarias dito. Hmp! Makakatikim na talaga ito ng katarayan sa kanya.
"Hindi po. Ni hindi ko nga kilala ang, Zacarias na timutukoy niyo. Bakit ba ang kulit niyo? Unli ba kayo?" pang-aasar niya. Gusto niyang matawa sa mga pinagsasabi nito. Karelasyon daw siya nung, Zacarias? Eh, mukhang umi-edad na ng singkuwenta anyos ang tinutukoy nito. O, baka naman asawa nito iyon tapos pinaghihinalaan na may kabit?
Natigil siya sa pag-iisip nang muli itong magsalita.
"Huwag ka ngang magmaang-maangan. Ito mismo ang numero sa bahay ni Zacarias!" galit na sabi nito.
"Wala nga hong, Zacarias na nakatira dito. Nagkamali lang ho siguro kayo ng na-dial na numero," aniya.
"Hindi ako pwedeng magkamali," umuusok sa galit na sabi nito.
"Naku! Wala na hong perpektong tao ngayon sa mundo. O, baka naman ho kayo si Perpekta?" pang-aasar niya.
"Ikaw na babae ka! Humanda ka sa akin kapag nagkita tayo isinusumpa kong bubunutin ko ang lahat ng buhok sa katawan mo," banta nito. Natatawang ibinaba na niya ang telepono. Sigurado siyang may edad na ang nakausap niya sa telepono kanina. "Bubunutin pala ang lahat ng buhok ha?" natatawang sabi niya. Baka nga hindi na ito makatayo at nasa rocking chair nalang dahil sa katandaan.