.
PRIBADO at simpleng kasalan ang ginanap sa Private garden ng mansiyon ng mga Montecillo. Iilan lamang ang naging bisita nila. Sa panig niya ay ang matalik na kaibigan niyang si Lily pati ang Tiya Ligaya niya kasama ang Tiyo Arman. Bigla na lamang sumulpot ang mga ito nang malamang ikakasal na siya. Maumbok na rin ang tiyan ng kanyang tiyahin. Iilan lang din ang sa side ni Zac—ang Lola Caridad, ama nitong si Morris, at ina nitong si Precy. Imbitado rin ang mga piling artista, manager ni Zac na si Cynthia at ilang kaibigan. Nang matapos ang seremonya ay inanunsyo ng pari na pwede na siya nitong halikan. Magkaharap sila nito. Hindi niya alam ang gagawin. Sobrang bilis ng pagtahip ng kanyang dibdib. Bigla siyang nakaramdam ng tensiyon. Relax, Tricia kiss lang 'yan kastigo niya sa isip.
Namalayan na lamang niyang unti-unti nang bumababa ang mukha nito sa mukha niya. Pinanlambutan siya ng tuhod. Na a-amoy na niya ang mabangong hininga nito. Naipikit niya ang mga mata kasunod nang paglapat ng malambot na labi nito. Isang mabilis ngunit mariing halik ang iginawad nito. Parang nagrarambulan ang mga paru-paro sa loob ng tiyan niya. Naku! Nakaka dalawa na sa akin ang impaktong ito!
Isa-isa nang naglapitan ang mga bisita para batiin sila.
"Congratulations, Tricia. Mukhang epektibo ang panggagayuma mo kay Zac," panunukso ni Lily. "Pwede bang makahingi?
"Pasensya na naubos ko na," pakikisakay niya sa biro nito.
"Ginulat mo ang buong madla bruha. Akalain mo sa dinami-daming magaganda ang nakakasalamuha ni Zac sa showbiz ay pa ikaw ang pinakasalan niya. Nakakainggit ka!" anito. Muntik na itong himatayin nang ipaalam niya rito ang nalalapit na kasal nila ni Zac. Nginitian niya lang ito. Kung alam lang nito ang nasa likod ng kasalang iyon kainggitan pa kaya siya nito?
Natigilan siya nang lumapit ang kanyang tiyahin at tiyuhin para batiin siya. Kahit galit ay pinilit niyang pakiharapan ito nang maayos.
"Binabati ka namin, Tricia" anang kanyang tiya Ligaya. Pilit ang ngiti niya.
"Alagaan mo ang pamangkin namin, hijo" bilin naman ng tiyuhin niyang si Arman. Nagkamayan ang mga ito. Pagkatapos ay nagtuloy na sila sa reception.
"WHAT ARE YOU waiting for, Sweetheart ?" pang aasar ni Zac. Nakahiga na ito sa kama habang siya ay nakatayo pa rin.
"Sweetheart mong mukha mo!" nakanguso niyang baling dito.
Kung bakit kasi iisang silid lamang ang inookupa nila. Natatandaan pa niya ang sinabi nitong 'separate room'. Kanina pa niya gustong magpahinga dahil pagod din siya sa biyahe.
"Akala ko ba separate room tayo?" hindi na nakatiis niyang tanong.
"Separate room tayo pagbalik natin sa bahay. Saka nakakalimutan mo na bang nasa honeymoon tayo ngayon? Ano nalang ang iisipin nila kapag nalaman nilang sa magkahiwalay na kuwarto tayo natulog? Baka mabuko pa nila tayo," paliwanag nito. "Kung ayaw mong tumabi sa akin, pwede ka naman d'yan sa sahig," pang-aasar nito.
Aba't loko 'to ha?
"Tutal naman ay mag-asawa na tayo. Siguro naman puwede na akong mahiga dito," aniya. Tinungo niya ang kama at walang kaabog-abog na humiga sa tabi nito. Ipinikit na niya ang mga mata ngunit agad ding napadilat nang maramdaman niya ang pagpatong ng kamay nito sa leeg niya.
Aba't sinusubukan talaga nito ang aking pasensya!
Ipinatong niya rin ang kanyang kamay sa leeg nito.
Akala mo ikaw lang ang marunong mang bully?
Ito naman ay isinanday ang kanang binti sa kanyang binti. Naiinis na isinanday niya rin ang kanyang binti sa binti nito. Ngayon ay magkaharap na ang mga mukha nila. Naramdaman niyang palapit ng palapit ang mukha nito. Amoy na amoy na naman niya ang mabangong hininga nito. Huminto ito nang halos gahibla na lamang ang distansiya nila. Hahalikan na naman ba siya nito? Sa takot na baka halikan siya nito ay bigla niya itong naitulak palayo. Hindi naman ito gaanong natinag sa ginawa niya. Naiinis na bumangon siya at pinaghahampas ito ng unan.
"Nakita niyang ngingisi-ngisi ito.Inagaw nito ang hawak niyang unan at pilit niya namang iniiwas iyon kaya nawalan siya ng panimbang. Nahatak niya rin ito kaya ang resulta ay nakubabawan siya nito. Sabay pa silang napatingin nang bumukas ang pinto.
Ang bellboy ang nasa pinto dala ang in-order nilang pagkain. Nagulat pa ito sa nakitang eksena. Nahihiyang nag-iwas ito ng tingin. Saka lamang niya napagtuunan nang pansin ang posisyon nila. Nakaibabaw ito sa kanya.
"P-pasensya na po," hinging paumanhin nito. Kanina pa po kasi ako kumakatok, at nakabukas po ng konti ang pinto,"
Si Zac ang unang nakabawi. Kaagad nitong nilapitan ang bellboy at kinuha ang pagkaing in-order nito rito.
Pagkatapos ay muli rin nitong isinara ang pinto at ini-lock. Nakaupo na siya sa kama. Bakit ba kasi hindi nila narinig na kumatok ito? Siguro ay dahil abala sila ni Zac sa paghaharutan. Ano nalang ang iisipin nito? "Ano pa nga ba? Eh, nasa honeymoon kaya kayo?" singit ng kontra bidang bahagi ng kanyang isip.
"Kumain muna tayo," pagyayaya nito.
"Hindi ako nagugutom," tanggi niya. Nag iwas siya ng tingin dito.
"Bahala ka," balewalang sabi nito. Nagtungo na lamang siya sa sofa at doon nahiga.