"OKAY, smile," anang photographer. Magkatabi sila nito habang nakaupo sa isang pahabang upuan sa may garden. Ipi-feature kasi sa isang magazine ang pagiging buhay mag-asawa nila ni Zac. Pakana na rin iyon ng manager nitong si Cynthia para mas lalo pang tangkilikin ng mga fans si Zac.
Maayos na ang career nito ngayon at patuloy pa ang mga oppurtunities na dumadating dito. Inuumpisahan na rin nito ang bagong movie na pagbibidahan nito. Mas lalo pa ata itong sumikat ngayon na may asawa na ito.
"Okay, one more," anang photographer. Todo naman ang ngiti nila ni Zac habang nakaakbay pa ito sa kanya.
Matapos iyon ay may kukunang ilang eksena ang mga ito na ipapalabas naman sa isang programa sa tv. Ayon dito ay ipakikita sa publiko ang pagiging buhay mag-asawa nila nito. Marami daw kasi ang naiintriga sa madaliang pagpapakasal nila ni Zac.
"Kukunan namin kayo habang nagdidilig nitong mga halaman," pagbibigay ng instruction ng direktor. Hawak nila pareho ang hose habang nakaalalay naman sa kanya si Zac sa likuran. Bahagya nitong nahigit ang hose kaya nabasa ang kanang bahagi ng kanyang suot na maong short. Kunwa'y tiningnan niya ito ng nakangiti kahit ang totoo ay gustong-gusto na niya itong paliguan. Patuloy sa pagkuha ng eksena ang camera man.
Pasimple niya itong binasa. Bahagya naman itong nagulat sa ginawa niya.
"Iyan ang bagay sayo," bulong niya dito. Alam niyang hindi ito magpapatalo. Ito naman ang humawak ng hose at itinutok iyon sa kanya. Tatawa-tawang inagaw niya mula sa pagkakahawak nito iyon. Kung wala lamang sila nito sa harap ng kamera ay malamang na kanina pa ito naliligo ng tubig mula sa hose.
"Cut! Proceed naman tayo para sa interview," anang direktor.
Ngayon ay nasa sala naman sila ng bahay. Magkatabi silang nakaupo sa malaking sofa. Katapat nila ang interviewer habang nakatutok ang mga kamera sa paligid nila.
"So paano naman kayo nagkakilala nitong iyong butihing may bahay na si Miss Tricia?" tanong ng interviewer kay Zac.
"Sa isang coffee shop kami nagkakilala. Nagtatrabaho siya bilang crew roon. Unang kita ko pa lang sa kanya ay alam kong siya na ang babaeng pakakasalan ko," sagot nito bago sumulyap sa kanya.
Pilit siyang ngumiti para magmukhang convincing ang sinabi nito. Bilib na talaga siya kay Zac. Napakagaling nitong humabi ng kuwento. Aminin man niya o hindi ay may bahagi ng kanyang kalooban ang di maiwasang kiligin sa sinabi nito.
"Ano naman ang nagustuhan mo kay, Zac, Miss Tricia?" tanong naman ng reporter sa kanya. Ano nga ba ang nagustuhan niya sa mokong na ito? Tumingin muna siya kay Zac bago sinagot ang tanong ng interviewer.
"Ang isa sa mga pinakanagustuhan ko kay Zac ay ang ngiti niya," aniya. Totoo iyon sa loob niya. Napagtanto niya iyon noong nasa beach resort sila nito habang nakatingin sa malawak na kalangitan.
"Totoo naman talaga. Maraming mga fans ni Mr. Zac ang nababaliw kapag nginingitian niya," hindi napigilang komento nito. Nang lingunin niya si Zac ay napakalawak na ng ngiti nito. Aba! Lumaki naman ata ang ulo nito.
"Pinaplano na ba ninyong magkaroon ng anak?" Pareho silang natigilan sa tanong nito. Siya ang unang nakabawi.
"Wala pa iyan sa plano namin ni Zac. Masyado pa kasing busy ang asawa ko sa career niya" Inunahan na niya ito at baka kung ano pa ang isagot nito.
Napatango-tango naman ang interviewer.
"Tama ang sinabi ng misis ko. Sa career na muna ang focus ko ngayon," segunda naman ni Zac.
May ilan pang mga itinanong ang interviewer tungkol sa kanila na sinagot naman nila.
Nang matapos ang interview ay nag break muna pansamantala. Inayos ang make-up niya. May huling eksena pang kukunan ang mga ito.
"One, two, three, action," anang direktor. Ang instruction ay susubuan nila ni Zac ang isat-isa ng chocolate cake. Ipakikita nila kung gaano sila ka-sweet nito. Isinubo niya rito ang malaking hiwa ng chocolate cake. Namumukol ang magkabilang pisngi nito matapos tanggapin ang isinubo niya. Ito naman ang magsusubo sa kanya.
"Eat this, honey" nakangiting sabi nito.
"Naku hindi ako mahilig—
Hindi na niya natapos pa ang sasabihin nang isubo na nito ang malaking hiwa ng cake. Dahil nasa harap sila ng kamera ay wala na siyang nagawa pa kundi ang kainin ang isinusubo nito. Halos mamukol ang magkabilang pisngi niya.
Alam niyang gumaganti ito ngunit hindi siya magpapatalo rito. Siya naman ang humawak ng kutsara.
"Nganga," bulong niya dito. Pinandilatan niya pa ito. Dahil nakatutok ang kamera sa kanila ay napilitan na rin ito. Hindi pa man nito ganap na nauubos ang nginunguya ay muli na naman niya itong sinubuan. Halos mabulunan na ito. Pinunasan niya ng tissue ang mga lumampas na chocolate sa bibig nito. Napatitig tuloy siya sa mapula at kissable lips nito. Napansin niyang nakatitig din ito sa mukha niya.
"Nakakakilig naman ang ka-sweet-an niyo. Talagang mahal na mahal ninyo ang isat-isa," komento ng interviewer nila kanina.
Iniiwas niya ang tingin dito at nakangiting humarap sa kamera.
Nang makaalis na ang mga ito ay pinandilatan niya si Zac. Tila sila may mga nakakahawang sakit na bigla silang naglayo nito.
"Pwede ka nang maging artista," nakangiting turan nito. Hindi niya alam kung pinupuri ba siya nito o inaasar. Iningusan niya ito.
ALAS diyes na nang gabi ngunit hindi pa rin siya dalawin ng antok. Kaninang alas otso pa siya nahiga. Nakatingin siya sa kisame pero bakit ang nakangiting mukha naman ni Zac ang nakikita niya? Naku malala na ito. Hindi kaya nahuhulog na siya sa karisma nito? Or mas worst, baka nai-inlove na siya dito. Naku masama ito. Pagnagkataon ay mawawalan ng saysay ang kontrata nila nito. Hindi niya mababawi dito ang bahay pagnagkataon.
"Ahh! Pakiusap Zac. Tantanan mo na ako!" naiinis na sigaw niya. Pabiling-biling siya sa higaan hanggang sa ipinasya niyang bumaba muna at doon ay magpalipas ng oras. Nagulat siya nang mabungaran ang kanina pa laman ng isip niya. Nakakunot ang noo nito, pero di man lang iyon naka-apekto sa kaguwapuhan nito.
"Sumisigaw kaba?" tanong nito.
"Hah? Hindi. Bakit naman ako sisigaw?" pagmamaang-maangan niya. Ang akala niya ay mahimbing na itong natutulog.
"May narinig akong sumigaw kanina,"
"Hindi nga sabi ako sumigaw. Baka iyong nagmumulto dito sa bahay ang narinig mo" pananakot niya.
"You mean may nagmumulto dito sa bahay na ito?" hindi makapanawalang tanong nito. Siyempre gawa-gawa niya lang iyon.
"Oo at nagpapakita 'yon sa mga makukulit na katulad mo," aniya. Gusto na niyang matawa sa hitsura nito. Mukhang naniniwala ito sa mga pinagsasabi niya. Lumakad na siya at tinungo ang hagdan.
"Teka sandali. Saan ka pupunta?"
Paglingon niya ay nakasunod na pala ito sa likuran niya.
"Doon na muna ako sa sala magpapaantok," aniya bago nagtuloy na pababa ng hagdan.
"Sasamahan na kita" Hinayaan na lamang niya ito hanggang sa makababa na sila pareho.
"Anong gusto mong inumin?" tanong niya.
"Coffee," sagot nito. Nagtuloy na siya sa kusina at ipinagtimpla ito ng kape. Kumuha siya ng selecta ice cream sa ref bago pumunta sa sala.
"Mahilig ka pala sa ice cream?" puna nito nang mapansin ang bitbit niyang selecta ice cream.
"Bata palang ako favorite ko na ito," sagot niya bago inabot ang kape dito. "Gusto mong tikman?"
"No thanks. Hindi ako—
"Sige na. Masarap kaya ito," pamimilit niya.
"Hindi nga sabi—
"Hindi kita titigilan pag hindi mo ito tinikman," banta niya. Kiniliti niya pa ito.
"Okay, okay" anito. Sinubuan niya ito ng ice cream.
"O diba masarap. Favorite ko ang cookies and cream flavor," aniya. "Kapag may problema ako. Kumakain lang ako niyan. Tapos gumagaan na ang pakiramdam ko," pagkukuwento niya.
Napangiti ito. "Ibang klase ka rin talaga. Ibinubunton mo ang problema sa pagkain ng ice cream. Ngayon lang ako naka encounter ng babaeng katulad mo,"
"Eh, kasi puro sosyal ang lagi mong nakakasalamuha," nasabi na lang niya. Paminsan-minsan dapat tinitingnan mo rin ako. Nais niya sanang idagdag.