Agad akong napatingin sa mukha ni Icey at nakita ko ang senyas nito sa akin gamit lamang ang kanyang mga mata.
Dahil sa matagal kong pagiging agent, alam ko na kung paano bumasa ng tao gamit lang ang tingin.
Agad niyang siniko ang lalaking may hawak sa kanya at hinawakan ang kamay nito nang mahigpit bago niya ito malakas na binalibag sa sahig.
Ako naman ay mabilis na bumaril sa mga tauhan nitong nakapalibot sa amin.
Nang matapos niyang ihagis ang lalaki ay agad niyang kinuha ang baril nito at walang sabi-sabing binaril sa ulo.
Maya-maya ay nagdatingan pa ang ilang tauhan ng kalaban, kaya agad akong lumapit kay Icey upang hilahin siya palayo sa lugar na iyon. Pero bago pa man kami makalabas, pinalibutan na kami ng napakaraming kalaban kaya napahinto kami.
Inilagay ko siya sa aking likuran upang mailayo sa panganib, ngunit agad siyang bumitaw.
“Wag mo akong tratuhing parang bata. Hindi ako mahina. Kaya kong makipagsabayan sa’yo,” seryosong wika nito bago siya sumandal sa aking likuran.
Hawak-hawak niya ang baril na kinuha niya mula sa kalaban kanina.
“Are you ready? Show me what you can do, miss.”
“Of course,” sagot niya.
Maya-maya ay narinig ko ang hiyaw niya—hudyat na handa na siya.
Agad kong ipinaling ang sarili ko sa gawi niya at pinaputukan ang mga kalaban sa harapan niya. Siya naman ay lumuhod sa gawi ko at pinaputukan ang mga nasa harapan ko.
Doon ko nakita ang kakaibang galing niya sa pakikipaglaban—tila ba nahasa siya nang husto.
Nang maubos ko ang bala ko, agad kong tinakbo ang mga papalapit na kalaban. Isang lalaki ang itinapat ang baril sa akin, pero bago pa niya maiputok iyon ay malakas kong tinadyakan ang kamay niya, dahilan upang tumalsik ang baril.
Halos mamilipit siya sa sakit, hanggang sa isa pang lalaki ang sumugod upang suntukin ako. Agad kong hinuli ang kamay niya at malakas na binalibag sa sahig.
Maya-maya ay narinig ko ang boses ni Icey.
“Ismael!”
Paglingon ko, nakita ko ang paghagis niya ng baril sa akin. Agad ko itong sinalo at ginamit upang barilin ang mga kalaban.
Nang matapos ko sila, ibinaling ko agad ang tingin ko kay Icey upang tulungan siya, ngunit natapos na rin niya ang mga kalaban niya.
Sadyang kahanga-hanga ang galing niya—lalo na at isa siyang babae.
Ngumiti siya sa akin nang makita niya ako ay dahan-dahan siyang lumapit.
“Hindi ba sabi ko na hindi ako mahina? ” nakangiti niyang wika. Napangiti rin ako sa kanya.
Hanggang sa may marinig kaming isang malakas na sigaw.
“Icey!!!”
Agad akong napalingon sa likuran niya. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang isang lalaking ilang hakbang lang ang layo, nakatutok ang baril sa kanya. Agad ko siyang hinila papunta sa likod ko, at naramdaman ko ang pagtama ng bala sa aking dibdib.
Pero bago pa man ako bumagsak, nagawa ko pang barilin ng limang beses ang kalaban sa kanyang dibdib.
Pakiramdam ko’y biglang nag-slow motion ang lahat habang dahan-dahan akong bumabagsak sa sahig.
Narinig ko pa ang malakas na hiyaw ni Icey.
“Ismael!”
Agad siyang lumapit at hinawakan ang aking pisngi.
“Hindi ka puwedeng mamatay, Ismael! Wake up! ” halos pasigaw niyang wika. Nakita ko siyang pinunit ang blouse niya at pagkatapos ay pinunit din ang damit ko.
Itinakip niya ang malinis na tela sa aking dibdib upang pigilan ang pagdaloy ng dugo.
“Kumapit ka, Ismael. Dadalhin kita sa ospital.”
Maya-maya ay narinig ko ang hiyaw niya.
“Tulong! Tulungan ninyo kami! ”
Hindi nagtagal ay dumating ang mga pulis at mga rescuer.
Pero hindi ko na alam ang mga sumunod na nangyari dahil unti-unti akong nanghina. Unti-unting lumabo ang aking paningin, hanggang sa bumigat ang talukap ng aking mga mata.
---
Nang magising ako mula sa mahabang pagkakatulog, nakita ko ang puting kisame sa itaas ko.
Narinig ko ang boses ng isang babae sa aking tabi.
“Ismael? Ok ka na ba? Kamusta ka? ” tanong niya.
Dahan-dahan akong bumangon mula sa higaan. Inayos niya ang unan sa aking likod.
“Kamusta ka na? ” seryoso niyang tanong habang nauupo sa tabi ng kama.
“Ayos lang ako. Malayo pa ‘to sa bituka,” sagot ko habang hawak ang aking dibdib.
Ramdam ko pa rin ang matinding kirot.
Narinig ko ang mapangasar niyang tawa.
“Talaga ba? Ok ka lang? Eh muntikan ka nang mamatay bago ka namin madala dito,” sarkastiko niyang sagot.
“Alam mo bang halos isang linggo ka nang nandito sa ospital? At ako ang nag-alaga sa’yo. Tapos sasabihin mong malayo pa ‘yan sa bituka? ”
“Talaga ba? Inalagaan mo ako? Totoo ba lahat ng sinasabi mo? ”
“Oo naman. Hindi ako masamang tao para pabayaan ka—lalo na at iniligtas mo ang buhay ko,” seryoso niyang wika.
Hindi ko maiwasang mapangiti.
Maya-maya ay bumukas ang pinto. Pumasok ang isang matandang lalaki na may hawak na tungkod.
“Gising ka na pala, iho,” sabi nito.
“Magandang araw po.”
“Ako si Don Francisco Millier, ama ni Icey—ang babaeng iniligtas mo. Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Gusto kitang pasalamatan sa pagligtas mo sa aking anak.”
“Wala po kayong dapat ipagpasalamat, Don Francisco. Ginawa ko lang po ang tama,” sagot ko.
“Alam ko iyon. At talagang pinabilib mo ako nang matapos mo ang mga kalaban nang mag-isa.”
“Mag-isa? ” tanong ko, sabay tingin kay Icey.
Sinenyasan niya ako gamit ang mga mata—nagsasabing sumang-ayon na lang ako.
“Ah… eh… wala po iyon, Don Francisco,” nakangiti kong sagot.
“Pinahanga mo ako sa ginawa mo. At dahil doon, may nais akong ialok sa’yo. Alam kong wala kang trabaho ngayon, Ismael, kaya gusto kitang alukin ng trabaho—na alam kong hindi mo matatanggihan.”
“Ano pong trabaho iyon? ” seryoso kong tanong.
“Papayag ka ba… na maging personal bodyguard ni Icey? ”
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya.
Dahil hindi ko inasahan iyon.