Ilang araw ko nang minamatyagan ang isang bar sa may bandang sentro ng lungsod—isang lugar na malimit puntahan ng anak ni Don Francisco. Ilang beses ko na siyang nakita rito, at walang pagkakataong hindi siya bantay-sarado ng mga bodyguard. Dahil doon, napipilitan lang akong obserbahan siya mula sa malayo. Hindi ako puwedeng magpakita ng motibo; hindi ako puwedeng magkamali.
Si, Icey. Maganda, sexy, at tipikal na tipo ng maraming lalaki. Pero kahit pa kilala ako sa pagiging babaero, ni hindi ko man lang magawang magka-interes sa kanya. Hindi dahil sa may mali sa kanya, kundi dahil kasama siya sa ilalim ng imbestigasyon. At kung tama ang mga hinala ko, may malaking papel siya sa sindikatong sinusubaybayan ko.
Nang gabing iyon, ilang table lang ang pagitan namin. Kasama niya ang mga kaibigan niya—mukhang sanay sa marangyang pamumuhay—habang ang mga bodyguard niya ay estratehikong nakapuwesto ilang mesa mula sa kanila. Ako naman ay nakaupo sa pinakamadilim na bahagi ng bar, nanonood, umaantabay, naghihintay ng anumang kilos na magbibigay linaw sa sitwasyon.
Habang nakatingin ako sa direksyon nila, may biglang lumapit na babae sa akin. Matangkad, maputi, naka-bestida na halatang mamahalin. Agad siyang ngumiti bago naupo sa tabi ko.
“Hi, pogi. Ako nga pala si Erich Baltazar. Anak ako ni Governor Zalde,” pakilala niya, may kumpiyansang nakasulat sa mukha.
Napangiti ako at iniabot ang kamay ko. “Hindi ko alam na may ganyang kagandang anak ang governor. Ako nga pala si Ismael Anderson.”
Namilog ang mata niya. “Ismael Anderson? ”
“Yup,” maiksi kong sagot.
“Ano nga pala work mo? ” tanong niya, nakahilig nang bahagya na parang interesado talaga.
“Honestly? Wala pa. Naghahanap pa lang ako ngayon ng mapapasukan.”
“Ahhh, gano’n ba? May kasama ka? ”
“Wala.”
Ngumiti siya na may halong kapilyahan. “Gusto mo bang sumama sa amin? Para naman hindi ka mag-isa dito.”
Sinundan ko ng tingin ang direksyon na tinutukoy niya—mga kaibigan niyang masayang nagkukuwentuhan. At doon agad tumama ang paningin ko kay Icey. Hindi ko alam bakit, pero may kaunting kirot ng excitement na dumaloy sa dibdib ko noong nakita ko siya ng malapitan. Hindi ko alam kung dahil sa matagal ko na siyang inoobserbahan… o dahil malapit na akong makakuha ng sagot tungkol sa tunay niyang pagkatao.
“Napansin kasi kitang nakatingin sa amin kanina,” dagdag pa ni Erich. “Baka gusto mo lang naman sumama at malibang.”
Nakangiti akong tumugon. “Napansin mo pala? Actually, nabighani lang ako sa ganda mo.”
Napatawa siya. “Talaga ba? Eh, bakit hindi ka lumapit? ”
“Hinahanap ko pa ang tamang timing para lumapit,” sagot ko na may halong biro.
“Eh, since nandito na ako, halika na. Pakilala kita sa kanila.” Hinawakan niya ang kamay ko at hinila papunta sa kanilang table.
Pagdating namin doon, agad kong naramdaman ang titig ni Icey. Hindi ko mabasa kung inis ba siya o wala lang talaga siyang pakialam sa tao sa paligid niya.
“Hi guys! Tingnan n’yo naman itong kasama ko—gwapo, ’di ba? ” masiglang sabi ni Erich.
“Siya pala si Ismael Anderson,” dagdag niya. “Ismael, sila ang mga kaibigan ko. Ito si Vivian…” turo niya sa babaeng may suot na salamin. “At ito naman si Icey. Mukha lang maldita pero mabait ’yan.”
“Tsssk. Nasaan ang gwapo? Wala naman ako makita,” sabat ni Icey, malamig ang boses.
Naglakad ang ngiti sa labi ko. “Grabe naman ’to. Erich, bakit ang sungit at ang yabang yata ng kaibigan mo? ”
Tumawa si Erich. “Pagpasensyahan mo na ’yan. Kulang lang ’yan sa aruga.”
“Shemay, ang gwapo naman! ” bulalas ni Vivian. “Lakas maka-laglag-panty.”
“Kanina pa ’yan tingin nang tingin sa atin,” dagdag ni Erich na sabay tingin sa akin bago ako hilahin papaupo sa tabi niya.
Habang nag-uusap sila, hindi ko maiwasang bantayan ang bawat galaw ni Icey. Wala naman akong nakikitang kahina-hinala… maliban sa pagiging brusko niya kumilos, parang palaging alerto.
Hanggang may dumating na grupo ng kalalakihang naka-itim. Mabibigat ang hakbang. Matalim ang tingin. At iisa ang direksyong tinitignan nila—si Icey.
Biglang nanigas ang panga ni Icey. Naramdaman ko agad na may mali.
Tumayo si Erich, halatang hindi natatakot. “Sino kayo? Ano’ng kailangan n’yo? Nakakaabala kayo, pwede bang umalis kayo? ”
“Hoy, babae,” sagot ng isa. “Kung ayaw mong butasin namin ang ulo mo, manahimik ka. Hindi ikaw ang pakay namin.”
Bago pa kami makareact, hinablot ng isa si Icey mula sa upuan.
“Ano ba?! Bitawan mo ako! ” sigaw niya.
Mabilis na tumayo ang bodyguards niya. Ikinasa ang mga baril nila at tinutok sa mga lalaki.
“Bitawan n’yo si señorita kung ayaw n’yo mabutas ang ulo n’yo! ” sigaw ng isa.
Ngunit bago pa man sila makaputok, naunahan na sila ng mga nakaitim. Sunod-sunod na putok ang umalingawngaw. At natumba ang mga bodyguard.
Nagkagulo ang buong bar.
Agad kong hinila si Erich at ang mga kaibigan nito. “Dito muna kayo. Huwag kayong lalabas. Ligtas kayo dito.”
“Ismael… and Icey! ” umiiyak na sabi ni Erich. “Hawak nila siya! Tulungan mo siya, please! ”
“Huwag kayong mag-alala. Ako bahala sa kanya.”
Pagkasabi ko noon, bumalik agad ako sa gitna ng gulo.
Nakita ko ang mga lalaking hilahila si Icey palabas. Mabilis kong binunot ang baril ko at tinutok sa kanila.
“Bitawan n’yo siya! ” sigaw ko.
Nagtinginan sila, at natawa pa. “Sino ka? Akala mo ba kaya mo kami? Mag-isa ka lang.”
Hindi ko sila inintindi. Mabilis akong nagpaputok. Dalawa agad ang bumagsak sa malamig na sahig.
Nagulat ang lalaking may hawak kay Icey. Agad niyang hinila si Icey palapit sa katawan niya, inipit ang leeg nito gamit ang braso, at tinutok ang baril sa ulo niya.
Napakapit si Icey sa braso ng lalaki, nanginginig, at hirap huminga.
“Sige! ” sigaw ng lalaki. “Subukan mo pang gumalaw. Kakalat ang utak ng babaeng ’to sa sahig! ”
Nakasentro sa kanila ang baril ko. Ramdam ko ang tensyon sa hangin, ang amoy ng pulbura, at ang unti-unting pagkawala ng composure ng lalaki. Pero hindi ako puwedeng magpadala. Hindi ako puwedeng sumablay.
Dahan-dahan akong huminga, pinapanatiling steady ang kamay.
“Kung papatayin mo siya,” mahinahon kong sabi, “mamamatay ka rin bago ka pa makalabas sa pintuan. Siguradong-sigurado ako.”
Natatawa siya. “Anong akala mo, matatakot—”
Pero bago pa niya matapos ang sasabihin, may nangyaring hindi ko inaasahan.
Nagpumiglas si Icey.
Mabilis. Desperado.
At doon nagsimula ang laban na hindi ko hahayaang matalo ako.