Isang linggo mula ng lisanin ko ang bahay ng aking asawa at ng pamilya niya ay muli akong narito at ngayon ay hawak ang mga papeles na pina asikaso ko na agad sa isang abogado upang bigyan ng wakas ang anuman na nag uugnay sa amin ni Lyndon. Ganito ako ka determinado na hiwalayan na siya.
Pinag-isipan kong mabuti ang mga dapat kong gawin. Ayoko naman na habang panahon na maging ganito lang ang takbo ng buhay ko. Nasanay man ako na laging nass tabi ko ang asawa ko ay dapat ko ng tanggapin habang maaga na hindi ko na siya makakasama pa. Alam kong nasa akin ang lahat ng karapatan sa kanya. Pwede kong ipaglaban at hindi sukuan. Ngunit mas pinili ko na ang sumuko at mag paubaya.
Hindi ako humingi ng tulong sa family lawyer namin tungkol sa pagpapawalang bisa ng kasal namin ng asawa ko dahil siguradong malalaman ng mga magulang ko kung ano ang balak kong gawin.
Binenta ko na rin ang mga gamit na na pwede kong ibenta. Mula sa mga mamahaling alahas, bags, sapatos, mga damit at pati ang kotse na niregalo sa akin ni Papa noong kinasal kami ni Lydon. Madalang ko lang gamitin ang sasakyan kaya kahit limang taon na simula ng mapunta sa akin ay halos wala naman problema. Makinis at walang gasgas at maayos na maayos ang makina.
Bakit ako nagbenta ng mga gamit?
Mabuti na ang unahan ko kung ano ang mangyayari sa oras na malaman ng mga magulang ko na nakipaghiwalay na ako kay Lyndon. Siguradong pahihirapan nila ako gaya ng ginawa nilang pagpapahirap sa mga ate ko ng hindi sumunod sa kanilang mga utos. Natural na tutol sila sa kung ano aking balak dahil nakakahiya na isa akong babaeng hiwalay sa asawa. Pati ipon ko sa bangko ay sinimot ko. Gagamitin ko ang lahat ng nalikom kong pera upang magsimula muli.
Kasalukuyan akong nakatira sa isang maliit at lumang apartment. Mas pinili ko talaga ang mangupahan upang makapag-isa at makapag-isip ng mabuti tungkol sa mga bagay na gusto ko at plano kong gawin. Hindi naman ako pwedeng humingi ng tulong sa iba. Wala akong ibang kakampi ngayon kong hindi ang sarili ko.
Wala akong aasahan sa mga magulang ko bagkus baka kung ano pa ang gawin nila sa akin. Kung kay Ate April naman ay ayoko ng dumagdag pa sa mga iniisip niya. Alam ko kung gaano ang pagtitiis niya sa buhay may asawa na meron siya. Si Ate Alexis naman ay hanggang ngayon ay wala kaming balita kung nasaan siya. Kung ano na ang nangyari sa kanya at kung buhay pa siya. Wala rin akong kaibigan na pwedeng hingan ng tulong. Kaya sarili ko lang talaga ang aasahan ko.
Pinagmasdan ko ang paligid ng bahay ng pamilya ng asawa ko. Ilang araw pa lang akong wala ngunit miss na miss ko na ang bawat sulok ng tahanan na ito na limang taon ko rin naging tirahan.
Dito kami bumuo ni Lyndon ng mga pangarap na aabutin namin pareho. Ngunit ang totoo, ako lang ang nangarap. Kahit kailan ay hindi pala pinangarap ng asawa ko na makasama ako. Masakit man tanggapin ang katotohanan ngunit iyon ang totoo.
Napangiti ako ng mapait habang pahapyaw na naalala sa utak ko ang mukha ni Lyndon. Hindi ko akalain na sa likod ng kanyang gwapong mukha at matatamis na mga salita ay nagkukubli ang isang mapag kunwaring pagkatao.
Gusto ko siyang sumbatan at sabihan ng kung anu-anong masasakit na salita ngunit mas pinili ko talaga ang maging kalmado.
Ayoko ng maging kaawa-awa sa harap ng iba.
Lumapit ako sa pinto upang kumatok ngunit ito ay bahagyang nakabukas at dinig at nasilip ko ang tila masayang pag-uusap sa loob.
Narito ang biyenan ko, ang hipag ko, ang asawa ko at ang babae niya.
Waring bumalik sa akin ang eksenang naabutan ko noon sa ospital.
Naramdaman ko na naman ang tila isang libong punyal na tumusok sa aking puso. Gustong tumulo ng mga luha ko ngunit mabilis kong pinigilan. Hindi ako iiyak. Hinding-hindi ako magpapa apekto.
Pero? Ilang beses ba nila ako dapat na saktan? Ilang beses ba nila na ipamumukha sa akin na wala silang pakialam sa kung ano man ang nararamdaman ko?
Isang linggo pa lang na wala ako sa bahay na ito ay narito na nga ang babae ng asawa ko.
Kuyom ang palad ko sa kung anong galit na umusbong sa aking damdamin. Gusto ko na naman pumasok sa loob at sumbatan silang lahat. Gusto ko na namang sabunutan ang babae ng asawa ko habang sinasampal. Gusto kong kalmutin ang mukha niya ngunit bakit pa? Para lalo akong maging kawawa sa paningin niya? Na kaya ako nagagalit ay hindi ko matanggap na siya ang mahal ng asawa ko?
"Anong naging kasalanan ko sa kanila para gawin nila sa akin ang lahat ng ito?" sigaw ko sa aking isip.
Ngunit pumikit ako ng madiin at saka nag buntong-hininga.
Kailangan kong maging kalmado. Maging mahinahon. Hindi ako dapat magpadala sa alimpuyo ng galit ko.
Ako ang legal. Ako ang dapat magtaas ng noo dahil ako ang kanilang niloko. Ako ang biktima kaya dapat lang na sila ang mahiya sa akin.
Isang mahabang buntong-hininga ang ginawa ko bago ako tuluyan pumasok sa loob ng bahay.
"Good morning!" masaya kong pagbati at saka nagpaskil na isang pekeng ngiti sa aking labi.
Tila napatda ang lahat. Hindi alam kung ano ang kanilang gagawin sa hindi inaasahan na pagsulpot ko sa isang masayang eksena na kasalukuyan ay nangyayari.
Nakita ko kung ano ang hawak ng aking hipag. Malayo man ako ay alam ko kung ano ang papel na kanyang hawak.
Isa iyong ultrasounds. Kaya naman pala ang saya nilang lahat. Nakita na pala nila ang magiging baby nila.
Tiningnan ko sila isa-isa. Partikular ang babae ng asawa ko. Ang kabit ng asawa ko. Ang babaeng siya raw tunay na mahal ni Lyndon.
Nakayuko siya at hindi makatingin sa akin.
"Dapat lang!" sigaw ko na naman sa utak ko.
Ngunit anong magagawa ko? Siya ang babaeng tunay na mahal ng asawa ko at ang babaeng dala ang unang anak ng asawa ko.
Bago pa ako kainin ng galit ay inalis ko na ang tingin ko sa kanya.
Habang ang asawa ko, ang biyenan ko at ang hipag ko ay hindi pa alam kung ano ang gagawin.
"Nakabukas ang gate ang pinto kaya nakapasok ako. Sa sobrang excited niyo yatang lahat at nakalimutan niyo ng isara." Pahapyaw kong sumbat at saka tinaas ang hawak kong brown envelope.
"Nagpunta lang ako para dito. Pwede ko bang makausap saglit ang asawa ko?" at saka ako muling tumingin sa babaeng nakakapit sa braso ng asawa ko na hanggang ngayon ay nakayuko.