Kyle
"Thank you for your honesty, Mr. Villaflor. Mabuti na lang ay ikaw ang nakakita kay Veronica." nginitian ako ni Mrs. Olga. Nandito ako ngayon sa office niya at isinawalat ang nadatnan ko kanina sa room. Pinaliwanag ko ang posibleng rason kung bakit gano'n ang asal ni Veronica. Iyon ay dahil sa kondisyon niya.
"Walang anuman po. " tuluyan na akong nagpaalam at lumabas ng office.
Palaisipan sa akin ang nangyari habang naglalakad ako sa hallway. Dala ko ngayon ang panyo ni Veronica. Sinubukan kong iladlad ito at namangha ako sa disensyo. Ang pangalan niya ay nakaburda habang napapaligiran ng maliliit na bulaklak. Isasauli ko ito sa kaniya mamaya.
Saglit akong natauhan nang masalubong ko si Mrs. Vargaz.
"I heard what happened. Pinauwi ko na muna si Veronica." napangiti ako. Mas mabuti na rin iyon. May bukas pa naman para isauli itong panyo sa kaniya.
"Much better po kung makapagpahinga siya," sagot ko.
"Osya, Kyle. Mauna na ako at may next class pa ako."
Nakaupo ako ngayon sa tapat ng hapag-kainan habang hinihintay si Mama na ngayon ay may kausap sa phone. Hindi ko alam kung sino. Habang nagsasandok ay 'di ko maiwasang makinig sa usapan nila. Ito kasing si Mama ay malakas talaga ang boses.
Saglit akong natigilan sa mga sunod kong narinig.
"Ay kumusta naman ang kapatid mo, Mars?"
"Oh? Seryoso ba 'yan?"
"Kawawa naman siya, nako! Naggagamot na ba 'yan?"
"Mabuti pa nga. Sa pagkakaalam ko rin kasi, Mars, iyang mga ganiyang kondisyon hindi basta napapagaling gamot. Therapy ang kailangan niya."
Matapos makipag-usap ni mama sa phone niya ay dumiretso na siya sa harap ko.
"Sinong kausap mo, Ma?" kuryosidad kong tanong.
"Ay iyong Tita Melanie mo, Anak. Iyong kapatid niya kasi may sakit sa utak," sagot niya habang nagsasandok ng kanin.
"Pa'nong may sakit? Parang nababaliw, gano'n?" nagsandok na rin ako ng kanin habang inaantay ang sagot niya.
"Parang gano'n na nga. Napakatalino naman kasi ng anak no'n, jusko! Kaya ikaw, mabuti na 'yong 'wag ka masyado magpa-stress sa academics mo, Anak, ayokong matulad ka kay Ysabelle."
Napakunot noo naman ako. "Ma, hindi sa talino nakukuha 'yon. May mga causes kasi 'yon. Onga pala, ano bang nangyayari do'n sa anak ni Tita Melanie?"
"Nako po, nagsisigaw daw sa kwarto. Noong isang araw nga nadatnan daw siya ng Tito Ben mo na nagwawala sa kwarto. Mabuti na lang hindi niya sinaktan sarili niya." hindi agad ako nakasagot sa sinabi ni Mama.
Bigla ko tuloy naalala si Veronica at ang kaganapan kahapon.
"Siguro ayaw din sa dilim ni Ysabelle o kaya sa maingay." bigla ko na lamang nasabi iyon.
"Tama ka, pa'no mo nalaman? Sinabi nga ng Tita Melanie mo mas madalas sumumpong kapag walang ilaw."
"May kaklase kasi ako na gano'n." nag-aalangan pa 'kong ikwento. Praning pa naman itong si Mama.
"Ibig sabihin may baliw kang kaklase? Anak, hindi pwede 'yon ah!" sinasabi ko na nga ba ganiyan ang reaksiyon.
"Chill, Ma, may kaunting sakit pero hindi baliw," paglilinaw ko.
"Ay nako, 'wag ka pa rin lalapit do'n at baka magkaroon ng gulo at madamay ka."
Sa kalagitnaan ng aming pagkain ay palaisipan sa 'kin ang tungkol doon. Bakit nga ba kasi kalalaki kong tao, napakabilis kong magkaroon ng kuryosidad sa isang bagay. At hindi ako napapakali kapag hindi nasasagot ang mga tanong ko.
Kasalukuyan akong naglalakad sa hallway. Pagpasok pa lang ng room ay tumambad na ang maiingay kong kaklase. May kaniya-kaniyang mundo ang mga ito. Ang ilan ay nagdadaldalan, nagsusulat at nag-aasaran. Nang magawi ang tingin ko sa upuan ni Veronica ay wala siya roon.
Hanggang sa makaupo ako at saglit na mapatingin sa gilid.
"Kyle!" pagtawag sa 'kin ni Niel na ngayon ay kadarating lang. "Kumusta?"
"Ayos lang naman, bakit?" pagtataka ko.
"Sus!" biglang sumulpot sa gilid ko si Leo.
"Akala mo ba 'di namin alam."
Napakunot ang noo ko. "Ang ano? Trip niyo na naman ako? Wala kayong mga babae noh?"
Sabay silang natawa.
Inilapit ni Leo ang mukha niya sa tainga ko. "Hindi, bro, nalaman kasi namin na ikaw nakapagpakalma kay Veronica. Legit ba 'yong balita, bro?"
"Ang mag-deny nagsisinungaling ah!" saad naman ni Kiel.
"Hindi ko siya pinakalma. Siya mismo nakapagpakalma sa sarili niya. Sadyang ako lang 'yong nando'n no'ng nakita ko siya," paliwanag ko na umaasang paniwalaan nila at 'wag na 'kong asarin.
Akmang magsasalita pa silang dalawa nang bumukas bigla ang pinto at pumasok ang professor namin sa Biology, si Sir Liam.
Mabilis na nagsibalik ang mga kaklase ko sa upuan nila at tahimik na tumingin kay Sir Liam hanggang sa ang klase ay magsimula na.
Ilang minuto pa lang ang nakalilipas ay marami nang nabuburyo. Kahit 'di sabihin ay mahahalata ito sa mukha ng karamihan.
Sa kalagitnaan ng discussion ay biglang bumukas ang pinto at iniluwal nito si Veronica. Kagaya no'ng una ko siyang nakita, walang emosyon ang kaniyang mukha. Dire-diretso lamang siyang umupo sa tabi ko at hindi man lang ako tiningnan.
Habang nakikinig ay hindi ako mapakali. Para bang may nagtutulak sa 'kin na kumustahin siya. Hanggang sa hindi ako makatiis ay naglabas ako ng papel at at balpen. Doon ay nagsulat na ako.
"Are you okay?"
Inabot ko ito sa kaniya. Sa kaba ay halos 'di ko siya matitigan. Nang abutin at mabasa niya ito ay agad din siyang sumulat sa papel. Nang iabot niya ito sa 'kin ay umaasa akong "Yes" ang isasagot niya.
Nang buklatin ito ay nagulat ako sa nabasa.
"Why did you ask?"
Sa kabilang papel ay sumulat ako. "Just worried." Inabot ko sa kaniya ito at laking gulat sa sunod kong nabasa na galing sa kaniya.
"I'm sorry, but nothing happened to me."
Sa halip na sumagot ay pinili ko na lamang na lukutin ang papel at i-shoot sa basurahan na sa bandang likuran. Sinubukan ko siyang tingnan ng ilang segundo pero hindi talaga siya lumilingon. Walang anumang mababasa sa kaniyang emosyon na para bang walang nangyari kahapon.
Ilang sandali pa ay may bigla akong naalala. Dala ko nga pala 'yong panyo niya. Kinalkal ko ang bag ko at doon at kinuha iyon. Nang iabot ko ito sa kaniya ay biglang nanlaki ang mata niya na tila ba 'di makapaniwala. Mabilis niya itong kinuha at inilagay sa kaniyang bulsa.
Buong akala ko'y wala siyang sasabihin pero nagkamali ako.
"Thank you."
Sa unang pagkakataon ay narinig ko ang maamo niyang boses.