Chapter 12: New home
NAGLARO ulit silang dalawa at pagkatapos ay saka lang kami kumain ng lunch namin. May pizza kami, burger, fried chicken, rice and spaghetti. Sa aming tatlo ay si Ryry ang masaganang kumain.
Habang tinitingnan ko silang dalawa ay parang gusto ko na lamang silang isama sa Indonesia pero nag-aalangan ako kasi alam kong si Randell na naman ang gagawa ng paraan para sa mga kapatid ko. Ayokong abusuhin ang kabaitan niya.
May ipon na ako para makabili kami ng lupa rito sa Manila at kung may sapat na rin akong pera ay saka ko iisipin na magnegosyo. Para naman wala na kaming poproblemahin pa at kayang-kaya ko na rin silang pag-aralin.
Ayoko na rin kasing umalis ng bansa. Mas gusto kong alagaan na lamang sila at subaybayan ang paglaki nila. Hindi pa nga ako makapaniwala na nagawa namin ang maghiwalay ng dalawang taon. Na kung dati ay may trauma talaga ako kapag hindi ko sila nakikita agad. Nag-aaral naman na sila ngayon.
3PM na nang mapagdesisyunan kong umuwi na rin. Isnag oras pa ang itatagal namin sa biyahe at makararating kami sa bahay ay baka nasa 5PM na. Ayoko rin naman na pagalitan kami ni Tita Araneta.
Malaking plastic bag ang dala ko at iba naman ang dala ni Darlene. Para naman iyon sa kanila. Pag-uwi nga namin sa bahay ay nakatulog agad ang dalawang bata. Pagod na pagod sila sa pamamasyal namin. Ako na nga lang ang nagpalit sa kanila ng pantulog at pinunasan ko na lamang sila ng maligamgam na tubig. Pinagpapawisan din kasi sila.
ISANG linggo pa ang nakalipas at pakiramdam ko ay napakabilis nang panahon. Bakit kaya ganoon? Kapag kasama mo ang mga mahal mo sa buhay ay ang bilis lumipas ng oras. Tapos kapag nasa malayo ka naman ay sobrang tagal naman matapos ang isang araw.
Kaya siguro sabi nila, kapag kasama mo ang pamilya mo ay i-enjoy mo at maging masaya ka na lamang.
Isang araw ay dumalaw kami sa puntod ng mga magulang namin. Dalawang oras yata ang itinagal namin doon na parang nakikipagkuwentuhan din kami kina nanay at tatay. Hindi na masakit para sa ’kin ang pagkawala nila, kasi alam kong nasa maayos na rin ang kalagayan nila. Si nanay na hindi na rin makararamdam pa nang kahit na ano’ng sakit.
Na isa pa, kasama ko ang mga kapatid ko. Kahit mahirap lang ang buhay ay basta magkasama kami at hindi pa rin nila ako iniwan.
Pagdating namin sa bahay ay nakita ko na may truck sa labas at maraming mga kalalakihan ang nagbubuhat ng mga gamit. Nagtaka naman ako dahil mukhang lilipat kami ng bahay nang hindi ko alam?
“Tita? Lilipat po ba tayo ng bahay?” agad na tanong ko pagkakita ko pa lamang sa tita ko. Suot niya ang dress na binili ko.
“Nakauwi na pala kayo! Oo, lilipat tayo ng bahay. Huwag ka na ring mag-abala pa dahil naimpake ko na ang mga gamit ninyo. Nauna pa ngang binuhat sa truck,” sabi niya at naguguluhan pa rin ako.
Si Rouge ang nilapitan ko na walang ekspresyon ang mukha na mukhang masama na naman ang mood niya.
Hawak ko pa rin sa kamay si Ryry. “Bakit tayo lilipat ng bahay, Rouge?” tanong ko sa kaniya. Tinapunan niya ako ng malamig na tingin.
“Bakit ba ang burara mo?” malamig niyang tanong. Nagulat ako. May ginawa ba akong hindi niya nagustuhan?
“Ano? Ano naman ang pinagsasabi mo, Rouge?” nalilitong tanong ko pa rin.
“Bakit basta-basta ka na lang nag-iiwan ng pera mo sa silid mo at may note pa na bibili ka ng bahay?” tanong niya at nang makuha ko ang ibig niyang sabihin ay nabitawan ko ang kamay ng kapatid ko.
Patakbong pumasok ako sa bahay ni tita upang magtungo sa aming silid. Hinanap ko sa aparador ang wallet na naglalaman ng pera para pambili namin ng lupa. Parang nabuhusan ako ng malamig na tubig dahil wala ng laman ang wallet ko. Ang bilis-bilis nang pintig ng puso ko.
H-Hindi puwede. . . Hindi puwede ito. Bakit kinuha ni tita ang pera para sa amin? Bakit niya ginamit iyon para lang makalipat kami ng bahay?
Napansin ko naman ang pagpasok ni Tita Araneta sa kuwarto. Napatayo ako at pinunasan ko ang pisngi ko.
“Nanghihinayang ka sa pera mo, Dalia?” sarkastikong tanong niya sa ’kin. Sapagkat ang perang iyon ay pinaghirapan ko at savings ko.
“Tita, ang perang iyon. . . Para po iyon sa mga kapatid ko,” sabi ko at napailing siya.
“Maliit na halaga lang ang dalawang daang libong piso, Dalia. Kayang-kaya mong pag-ipunan iyon kung babalik ka na ulit sa abroad. Bibili ka ng lupa at magpapatayo ng sariling bahay? Paano naman kami, Dalia? Malaki rin ang utang na loob ninyo sa amin dahil ilang taon kayong nasa poder ko. Kaya bago ka umalis sa bahay namin ay kami muna ang unahin mo. Bilhan mo kami ng bahay saka kayo umalis!” sigaw niya at napayuko na lamang ako.
Hindi ko naisip ang bagay na iyon. Hindi naman dahil wala akong utang na loob. Pero ang naisip ko lang kasi ay kung paano kami makaalis sa poder nila para hindi na kami masyadong abala sa kanila. Pero ngayon, tama naman si Tita Araneta. Bago kami umalis ay siguraduhin ko na muna na mabibigyan ko sila ng isang bahay na hindi katulad ng lumang tinitirhan namin sa ngayon.
Mabigat ang loob ko na sumama na lamang kami. Nanghihinayang pa rin talaga ako. Dahil sa isang iglap lang ay nawala ang pangarap kong magkaroon kami ng sariling bahay.
Tulala lamang ako buong biyahe. Nakatulog na sa kandungan ko si Ryry at si Darlene naman ay nakasandal sa akin.
Pumasok sa isang subdivision ang truck na sinasakyan namin at huminto ito sa hindi kalakihan na bahay. Hindi ko alam kung house and lot ang binili ni tita. Sa halagang iyon ay nakabili na agad siya?
Ginising ko na ang mga kapatid ko pero si Ryry ay tulog mantika. Bubuhatin ko pa lamang sana siya nang inunahan na ako ni Rouge. Siya ang kumarga sa aking kapatid.
“Salamat, Rouge,” sambit ko na halata ang pagiging matamlay ko. Inalalayan ko na lang na makababa si Darlene at sumunod kami kina tito at tita na papasok sa bahay.
’Sakto lang ang laki ng bahay at maganda naman pero halos wala pang mga gamit sa loob. Dalawang palapag.
“Apat ang silid dito,” pahayag ni Tita Araneta.
“Tig-isa kami ng kuwarto, ’Ma?!” tanong naman ni Zenai at halata sa boses niya ang excitement.
“Hindi. Tabi lang kayo ni Honary,” sagot nito.
“Bakit po?! Apat naman ang silid! Isa sa inyo ni papa, isa kay kuya at tig-isa naman kami ni Honary, Mama!” sambit nito at napailing si Rouge.
Kami ay kahit saan ay ayos lang naman. Kahit sa sahig ay puwede naman kaming matulog. Sa sala lang ay ayos na ayos na.
“Tabi kayo dahil para sa mga pinsan mo ang isang kuwarto, gaga!” sigaw sa kaniya ni tita na kulang na lang ay sabunutan na siya sa buhok. Talagang nakaiinis na siya. Nakauubos talaga siya ng pasensiya.
“Po?! Para saan pa kung matutulog sa isang silid si Ate Dalia?! Babalik naman na siya sa abroad!”
“Zenai!” sambit ni Rouge sa pangalan ng kapatid niya at napahinto na ito. “Hindi tayo lilipat ng bahay ngayon kung wala sa pera ni Dalia. Tandaan mo iyan,” malamig na sabi nito dahilan na manlaki ang mga mata niya.
Nagising sa sigawan ang nakababata kong kapatid at nagtaka pa siya nang makitang buhat-buhat siya ng pinsan namin kaya nagpababa agad siya saka siya lumapit sa amin. Hinaplos ko ang buhok niya.
Si Tito Carlo ay umiling lang sa mga anak niya at hindi talaga siya nagsasalita.
Si Tita Araneta mismo ang pumili ng silid namin. Nasa baba iyon, ilang steps lang naman ang hagdanan pero mas mabuting hindi na mag-aakyat ang mga kapatid ko.
Bumalik sa pagtulog niya si Ryry at si Darlene naman ay tumulong sa ’kin para mag-ayos ng mga gamit ko.
“Ate, binigyan mo po si tita ng pera para pambili nitong bahay?” tanong ni Darlene. Tumango ako.
“Oo. Tapos mag-iipon na si ate para tayo naman ang magkakaroon ng sarili nating bahay, Len,” nakangiting sabi ko. Ayokong sabihin sa kaniya ang totoo. Baka kasi dumating ang araw na susumbatan niya ang tiyahin namin.
“Tapos po, ate. Hindi ka na aalis?” I nodded.
“Magpapatayo ako ng negosyo para hindi na tayo magkaproblema pa sa pang-araw-araw nating gastusin,” sambit ko pa. May mga plano na ako at kailan ko naman kaya iyon masisimulan?
“Sige po, ate. Aalagaan ko po si Ryry habang wala ka pa,” aniya.
“Salamat, Len. Huwag kang mag-alala, ako naman ang mag-aalaga sa inyo sa susunod dahil hindi na aalis si ate kapag may sarili na tayong bahay at negosyo. Ang gawin ninyo ni Ryry ay mag-aral kayo nang mabuti para worth it palagi ang pera ni ate, okay?”
“Okay po, Ate Dalia!”
“Sige na. Doon ka na sa tabi ni Ryry. Magpahinga ka na muna roon, Len.”
“Sige po, ate.”