Siguro nga ay galit siya dahil hanggang sa pag-uwi namin ni Daddy ay wala na siyang reply. Hindi ko naman talaga intensyon na mali ang letrang napindot, pero hayaan na. Hindi naman ako matitiis n'yon. Bukas lang ay kakausapin niya ako at aayain na pumunta sa kung saan. Kumain ako ng madami ngayong gabi dahil nakulangan ako sa tinanghalian ko kanina. Hindi kasi masarap ang nabili ko na pagkain mula sa canteen. Paborito ko ang inihanda ni mommy kaya magana kong inubos ang sandamakmak kong kanin. Natuwa si Mommy dahil doon kaya natatawa na lang siya at pinapaalalahanan ako na bagalan ang pagkain dahil hindi naman ako uubusan. Pagkatapos kumain nagpahinga kami sa sala. Nagkulitan kami saglit ni Keeper bago ko napag-pasyahan na matulog na dahil inaantok na ako dulot ng labis na kabusugan.

