SIMULA
Artemia Rhenim Ravior
"You're mine... Artemia."
Naidilat ko ang mga mata ko at ang unang sumalubong sa akin ay ang puting kisame ng aking kuwarto.
Maliwanag na ang paligid dahil sa sikat ng araw na tumatagos sa salamin ng bintana ng kuwarto. Marahan akong umahon at umupo mula sa pagkakahiga sa kama.
Bangungot na naman?
Napabuntong hininga ako bago hawakan ang dibdib kong ngayon ay malakas ang kabog dahil sa mabilis pa ring t***k ng puso ko sa hindi ko malamang dahilan.
Wala naman akong panaginip maliban sa isang boses na ilang gabi nang laman ng panaginip ko. Posible bang mabangungot dahil sa isang tinig lang?
Naihilamos ko ang mga palad sa mukha ko.
Ang totoo ay ilang umaga na kong nagigising ng ganito, sa bawat pagtulog ko ay iyon lang ang tanging laman ng panaginip ko, tanging ang ang boses na iyon lang ang naririnig ko. Paulit-ulit lang ang sinasabi na hindi ko maintindihan ang ibig sabihin o kung may ibig sabihin nga ba iyon.
"Artemia? Gising ka na ba?"
Nabaling sa pintuan ang tingin ko nang kumatok si tita Liya sa pinto ng kuwarto. Malalim akong napabuntong hininga bago sumagot.
"Opo. Lalabas na rin po ako."
"Sige, nasa kusina lang ako."
Saglit pa akong tumulala sa kawalan bago tuluyang tumayo para dumaretso sa banyo.
Marami kaming kailangang gawin ngayong araw kaya wala akong matatapos kung iisipin ko nang iisipin ang boses na iyon. Kailangan ko pang tumulong kay tita sa kusina at maghanda dahil paniguradong magiging mahaba ang araw na ito para sa amin.
Isang normal na araw lang naman ang araw na ito katulad ng iba pang mga nagdaang araw, naging espisyal lang siguro dahil sa araw na ito ang kapanganakan ko, at mas naging espisyal pa dahil sa wakas ang matagal ko nang paghihintay ay matutuldukan na rin.
Sa wakas ay magkakaroon na nang kasagutan ang marami kong katanungan tungkol sa mga magulang ko.
Napangiti ako sa sarili sa harap ng salamin ng banyo nang matapos akong magsipilyo.
Ang tagal ko ring hinintay ang araw na ito. Hindi ko alam kung bakit inabot pa si tita ng halos labing siyam na taon para sabihin sa akin ang tungkol sa mga magulang ko, pero masaya pa rin ako na sa wakas ay magkakaroon na nang kasagutan ang bawat katanungan sa isip ko simula bata pa lang ako.
"Ang kuwintas!" bulaslas ko nang makalabas na ako ng banyo at hindi makapa ang kuwintas sa leeg ko.
Agad akong bumalik sa banyo para kuhain ang kuwintas na hindi ko pala naisuot matapos maglinis ng katawan.
Palagi ko na lang itong nakakaligtaang suotin lalo na pagtapos kong maligo. Ang pinaka bilin pa naman ni tita ay huwag na huwag kong iwawala, at palagi ko raw dapat na suot ang kuwintas na iyon dahil pag-aari ito ni mama.
Gawa sa purong ginto ang kuwintas habang ang pendant nitong hating araw at buwan ay gawa sa batong kristal, ngunit ang buwan sa pendant ay kulay pula na halos kakulay na ng dugo. Ang sabi ni tita, ito raw ang huling iniwan sa akin ni mama kaya mahalagang ingatan at palagi ko 'tong isuot.
Nakahinga ako nang maluwag nang makita na nandoon pa rin sa pinaglapagan ko ang kuwintas. Agad ko iyong isinuot bago muling lumabas ng banyo. Paniguradong hinihintay na ako ni tita sa baba para tulungan siya sa pagluluto——
Nakakailang hakbang pa lang ako ay agad na akong napatigil, hindi dahil may nakalimutan pa ako sa loob ng banyo kundi dahil may iba akong naramdaman sa loob ng kuwarto paglabas ko.
Nabaling sa bintana ang tingin ko nang sumayaw ang puti nitong kurtina dahil sa pag-ihip ng hangin na nanggagaling sa nakabukas ng bintana. Kumalabog ang puso ko.
May nakapasok sa kuwarto ko.
Inilibot ko ang paningin sa kabuoan ng kuwarto, at tahimik na pinapakiramdaman ang paligid.
Matagal nang hindi nabubuksan ang bintanang iyon kaya imposible na nakabukas iyon ngayon.
Hindi maawat ang dagundong sa dibdib ko ngunit pinili kong maging kalmado para makiramdam sa paligid. Maingat akong naglakad papunta sa gilid ng kama kung nasaan nakasabit ang pana at palaso ko, pero hindi ko pa man naitataas ang braso ko para abutin iyon ay dumilim na ang paligid ko.
Malamig ang kamay ng nilalang na ngayon ay tumakip sa mga mata ko mula sa aking likuran.
"S-Sino ka?"
Ang bilis niya.
Nakarinig ako nang mahinang pagtawa mula sa likuran ko at kung hindi ako nagkakamali ay galing iyon sa isang lalaki.
Hindi siya nagsalita. Ramdam ko ang lamig ng palad niyang nakatakip sa mga mata ko, pero hindi dahil sa takot o ano, tila sadyang malamig lang talaga iyon.
Rinig na rinig ko ang malakas na t***k ng puso ko. Sino naman kaya ang nilalang na ’to? Magnanakaw? Pero imposible, napaka bilis niyang kumilos na hindi ko naramdaman ang pagkilos niya sa loob ng kuwarto. Walang normal na tao ang gano'n kabilis kumilos.
"Sagutin mo ako, sino ka at anong ginagawa mo sa kuwarto ko? Anong kailangan mo?"
Pinilit kong hindi manginig ang boses ko at hindi magpakita ng kahit na anong senyales ng takot kahit na ang totoo ay gusto nang bumigay ng mga tuhod ko sa sobrang kaba.
Hindi siya umimik pero ramdam ko ang hininga niya sa balikat ko, na ngayon ay direkta ng tumatama sa balat ko na siyang nagpataas ng aking balahibo. Pilit kong pinakakalma ang sarili habang pinapakiramdaman ang lalaki sa aking likuran.
Kailangan kong makawala sa pagkakahawak niya.
Pinapakiramdaman ko siya habang nag-iisip kung paano ako makakawala dahil kailangan kong masabihan si tita Liya.
Nang hindi ko siya naramdaman na gumalaw ng ilang sandali, ay kinuha ko iyong pagkakataon para sana sikuhin siya gamit ang isa ko pang braso, para makawala sa pagkakahawak niya ngunit hindi ko pa man nagagawang gumalaw ay hawak na agad niya ang braso ko.
Ngayon ay ramdam ko ang hininga niya sa tainga ko. "Kung ako sa ’yo ay hindi ko gagawin ang nasa isip mo ngayon."
Nangilabot ang buong katawan ko.
Kilala ko ang boses na iyon!
"I-Ikaw... sino ka? Mag pakilala ka!"
Muli kong narinig ang mahina niyang pagtawa, muli kong naramdam ang paghinga niya sa aking leeg na ikinataas lalo ng mga balahibo ko. Naikuyom ko naman ang kamao ko bago magpumiglas sa hawak niya at pilit na kumakawala, ngunit sadyang mahigpit ang pagkakahawak niya sa braso ko.
"Ikaw ang sino? At bakit s‘ya nag-aabalang puntahan ka pa sa mundong ’to?"
Natigil ako sa pagpupumiglas. Anong ibig niyang sabihin? at sinong siya ang tinutukoy niya?
Gusto ko siyang tanungin, at kumawala sa pagkakahawak niya, ngunit bago ko pa man maibuka ang bibig ko ay natahimik na ako sa sunod niyang sinabi.
"Nandito na sila," mahinang bulong niya muli sa tainga ko. "At ikaw ang pakay."
Kumalabog ang dibdib ko. Hindi ko alam kung ano o sino ba ang tinutukoy niyang nandito, o kung dapat ko bang paniwalaan ang sinasabi ng estrangherong ito pero nagdala ang mga salitang iyon sa akin nang takot.
Sino ang tinutukoy niyang andito para sa akin? At bakit sila nandito para sa akin? Wala akong naaalala na may atraso ako sa kahit na sino.
Isang malamig na hangin ang naramdaman kong dumaan sa akin bago unti-unting nag-adjust ang mata ko sa liwanag ng paligid. Binitiwan na niya ako. Nilingon kong agad ang bintana ng makaaninag ako ng anino mula roon, ngunit ang sumasayaw na kurtina na lang dahil sa pang-umagang hangin ang naabutan ko.
Wala na siya.
Muling nagbalik sa akin ang huling sinabi nito. Hindi ko alam kung dapat ba akong maniwala pero natagpuan ko na lang ang sariling namamadaling lumabas ng kuwarto para puntahan si tita Liya.
Paano kung siya naman ang puntahan ng lalaking iyon!
"Tita!" ang sigaw ko nang makalabas na ng kuwarto.
Nagmamadaling tinahak ko ang kusina ng bahay at nang makapasok ako ay agad akong sinalubong ng nakagugutom na amoy. Agad kong natagpuan si tita sa harap ng kalan habang nagluluto. Nilingon niya agad ako.
Bakas sa mukha niya ang pagtatakha dahil sa biglaang pagsulpot ko. Agad niyang iniwan ang niluluto niya para lapitan ako.
"Bakit? May nangyari ba?" ang nag-aalala niyang tanong.
Napabuntong hininga naman ako bago umiling. Nakahinga na ako ng maluwag ngayong nakita ko siyang ligtas.
Mukhang hindi naman siya pinuntahan ng lalaki kanina. Mabuti na lang.
Napatitig naman siya sa akin na tila tinatansya pa ang itsura ko bago manlaki ang mata nang may maalala.
"Sandali, 'yung niluluto ko." Muli siyang bumalik sa niluluto niya para hinaan ang apoy nito.
Nabaling naman ang tingin ko sa magulong lamesa dahil sa mga nagkalat na mga balat ng gulay at mga pinaghiwaan. Napangiti ako. Makalat talaga siya kapag nag luluto, mas marami pa nga 'ata ang kalat kaysa sa luto niya, pero kahit na ganoon siya pa rin ang may pinaka masarap na luto ng chicken curry na natikman ko.
"Tita, ang sabi ko naman ay gisingin mo ako para matulungan kita sa pagluluto," ang sabi ko habang pinupulot na ang mga kalat sa mesa.
"Naku, ayoko naman na istorbuhin ang mahimbing na pagtulog ng maganda kong pamangkin," ngiti aniya na ikinanguso ko. "At saka pa ay kaarawan mo ngayon, ayokong mapagod ka. Maupo kana nga at ako ng bahala r‘yan sa mga kalat. Kumain ka na rin muna nang agahan."
"Ako na dito, Tita. Saka sabay na tayong kumain, alam mo naman na hindi ako sanay na hindi ka kasabay kumain."
Hindi ko muna sasabihin sa kaniya ang nangyari sa kuwarto ko dahil paniguradong buong araw lang siyang mag-aalala.
Hindi na niya ako inimik pagkatapos no'n. Ipinagpatuloy ko naman ang paglinis sa lamesa maging sa lababo para mabawasan ang trabaho sa kusina. Habang hinuhugasan ang mga ginamit niya ay napansin kong nakatitig pa rin siya sa akin.
"Tita? May problema ba?" takhang tanong ko, na tila ikinabalik niya sa wisyo.
"A-Ahh... wala, may iniisip lang." Bahagya siyang ngumiti sa akin bago bumalik sa niluluto niya, ganoon din ang ginawa ko bago siya muling lingunin nang tawagin niya ako.
Hindi siya agad nagsalita at saglit pa akong tinitigan. Hindi ko alam kung bakit pero kinakabahan ako sa mga tingin niya ngayon. Alam niya bang may hindi ako sinasabi sa kan‘ya?
Isang maliit na ngiti ang sumilay sa mga labi niya, "Masanay ka nang hindi na ako kasama sa pagkain," aniya, sa pagkakataon na ito ay ako naman ang hindi na nakaimik.
Hindi ko iyon inaasahan at hindi ko alam, pero lalong tumindi ang masamang pakiramdam ko na parang mayroong hindi magandang mangyayari sa araw na ito.
"A-Anong ibig mong sabihin, tita?"
Bumaling na ulit siya sa niluluto niya, "Hmm? College ka na sa pasukan, magiging busy ka na at paniguradong madalang na tayong kakain ng sabay kaya dapat masanay ka na."
Hindi na ako nakasagot. Bakit pakiramdam ko hindi iyon ang dahilan? Saglit pa akong napatitig sa kaniya bago napailang at isinawalang bahala ang mga nararamdaman at naiisip. Ayokong mag-overthink kahit na ang totoo ay hindi ako mapakali.
Muling sumagi ang lalaki kanina sa kuwarto ko. Sino ba ang lalaking iyon? Ano siya? Sino ang tinutukoy niyang nandito na para sa akin? At bakit magkatunog ang boses niya at ang boses sa panaginip ko?
Mariin akong napapikit dahil sa napakaraming katanungan ngayon sa isipan ko, dumagdag pa ang hindi mawala-walang pangambang nararamdaman ko.
Sana lang talaga ay walang mangyaring hindi maganda.