Hinahanap ni Einna ang lalaking gwapo pero bigla itong nawala sa karamihan ng tao. Kanina lang ay nakikipagkamay ito kung kani-kanino. Hinila na kasi siya ng Tiya Ghing niya para sa harap daw sila maupo. Naroon kasi ang mayayamang may edad na na gustong ipakilala sa kanya.
"Nand'yan si Mr. Tan, Einna," bulong nito na inginuso pa ang isang mesa na puno ng kalalakihan. "Matandang biyudo na 'yan at nag-iisa lang ang anak. Ang sabi ng mga amiga ko, mailap 'yun sa mga babae. Pero kailan lang ay bali-balita na may nagugustuhang isang kolehiyala pero hindi lang natuloy sa panliligaw. Aba'y kapag natipuhan ka para kang naghukay ng ginto d'yan."
Hindi naman niya nilingon ang inginunguso ng tiyahin niya. Hindi siya interesado sa biyudo kahit pa gaano kayaman. Ang gusto niyang makilala sa gabing iyon ay ang lalaking kaisa-isang kumuha ng atensyon niya. Pero kaht anong haba na yata ng leeg niya ay hindi niya na ito matanaw. Nakaramdam tuloy siya ng panghihinayang.
"Napakaganda talaga ng pamangkin mo, Ghing. Baka naman pwede mo akong ipakilala d'yan," wika ng isang lalaki na lumapit sa kanila. Kaagad kinamayan at bumeso ang Tita Ghing niya. Siya naman ay nanatili lang na nakatayo bagama't naglabas naman ng tipid na ngiti.
"Of course. This is my beautiful niece, Mr. Amoro." Sa kanya naman ipinakilala ng tiyahin ang lalaki. "Mr. Amoro is the owner of few laundry shops in Metro Manila, Einna."
"It is nice to meet you, Mr. Amoro." Kinuha kaagad ng lalaki ang kamay niya. Pero sa halip na shakehands lang ay dumampi ang labi nito sa ibabaw ng kamay niya. Mabuti na lang palagi siyang may dala alcohol. Ginagamit niya iyon sa ganitong pagkakataon.
"Parati na kitang nakikita sa mga events na dinadaluhan ng auntie mo. Ngayon lang talaga ako nagkaroon ng lakas ng loob na lapitan ka. May I dance with you?"
Napatingin siya kaagad sa tiyahin niya sa pag-asang tatanggi ito sa paanyaya ni Mr. Amoro. Bagama't mukha namang mabait ang lalaking may edad na, hindi niya talaga gustong ilapit ang sarili sa mga katulad nito. She wasn't here to catch a big fish. Ang tiyahin lang niya ang makulit.
"I'm sorry, but my niece is too shy to dance." Iniharang ng Tiya Ghing niya ang braso para ilayo kay Mr. Amoro. Natuwa naman siya. Ibig sabihin ay hindi si Mr. Amoro ang tipo nito para ibugaw siya. "Kaya ko isinasama sa mga ganitong okasyon ay para masanay sa pakikihalubilo sa tao. Ni ayaw tumanggap ng manliligaw."
Napailing pa ang tiyahin niya na tila totoo ang mga pahayag nito. Gusto niyang tumawa nang malakas. Mahiyain siya, oo. Pero kung ayaw tumanggap ng manliligaw dahil sa pagiging mahiyain ay malaking kasinungalingan. Kaya siya hindi tumatanggap ng manliligaw ay dahil ayaw ng Tiya Ghing niya. Wala daw siyang mapapala sa batang binata.
"Really? No boyfriend since birth?"
"Yeah... weird right? She is saving her V card for the right man daw. Natutuwa naman ako sa pamangkin kong ito dahil ganoon pa rin ang pananaw sa buhay sa kabila ng modernong panahon ngayon."
Gusto niyang takpan ang mukha sa kahihiyan. Hindi naman kailangang pag-usapan ang vrginity niya. At pakiramdam niya'y nag-iba ang tingin ni Mr. Amoro sa kanya. Nagkaroon yata ng pagnanasa, kung hindi siya nagkakamali. Kahit ang ilang kalalakihan doon ay napalingon sa kanya dahil malakas ang boses ng tiyahin.
Na marahil ay sinasadya dahil naroon mismo sa mesang iyon si Mr. Tan. Nagtama pa nga ang paningin nila na bahagya lang tumaas ang isang sulok ng labi bilang pagngiti.
"How lucky is that man you marry, Einna. Wala ka pa namang napipili sa ngayon?"
Mula sa sulok ng mata niya ay biglang lumitaw ang lalaking kanina pa hinahanap ng mata niya. Isang mapang-akit na ngiti tuloy ang pinakawalan niya para mapansin naman siya nito.
"I am focusing to have a degree first, Mr. Amorro. I am still young anyway. I want to fulfill my dreams first and enjoy my dream job."
"Hmmm... Inspiring. And what is your dream job, Miss Gulles?" muling tanong ng matandang lalaki.
"To work in a multi-billion company and learn their---"
"You can work for me as one of my branch managers," kaagad nitong wika na pinutol ang sasabihin niya. "Hindi mo na kailangang dumaan sa maraming job applications, trainings, at kung ano-ano pa. I can give you forty-thousand as a starting salary."
Gustong manlaki ng mata niya sa offer ni Mr. Amoro. Forty thousand ang sahod ng isang branch manager? Wala siyang ideya. Pero dahil nasa paligid lang ang lalaking type niya, gusto niyang magpa-impress.
"I don't mind waiting in queue as long as I want that job, sir. There's a feeling of fulfillment if I get that after competing with other applicants."
"Oh... Impressive. Do you have a dream job right now?"
"Yes. I want to work in a company like this. Albano Hotel is one of the best hotels in the Philippines."
Totoo namang gusto niyang magtrabaho sa Albano Hotel kahit lang isa sa mga clerks muna. Palagi niya na itong tinatanaw at ngayon ay nakapasok na siya at nakita niyang lalo kung gaano ito kaganda. At ang Albano Hotel lang ang nakikita niyang pwedeng ipantapat sa negosyo ni Mr. Amoro. Hindi niya gustong magtrabaho sa laundry shops kahit pa sa opisina naman siya. Mas mataas na kompanya ang gusto niya.
Nilingon niya ang lalaki sa pag-asang nakikinig ito sa pag-uusap nila ni Mr. Amoro. Narooon pa nga ito. At muntik na siyang matuwa nang makitang nakatutok din ang mga mata sa kanya.
Kung hindi lang biglang isang matalim ang pinakawalan nito pagkatapos. Ni wala itong kangiti-ngiti. Napapaso ang katawan niya sa pagsuri nito ng kabuuan niya bago ito tumalikod at basta na lang umalis.
Sa kabila niyon ay natuwa pa rin siya kahit paano. May pakiramdam siyang napansin siya ng lalaki, nagkataon lang na may kasungitan ito.
'Magkikita pa tayo, Mr. Suplado,' aniya sa isip. Inalis niya na ang ngiti nang muli siyang humarap kay Mr. Amoro.
"Hindi ka ba talaga puwedeng isayaw?" pag-uulit na tanong ng matanda. Ang tiyahin niya ulit ang tumanggi.
"Some other time, Mr. Amoro. Baka umuwi na kami dahil may exam pa si Einna bukas."
May ilang kalalakihang tumayo dahil marami ang nagpupunta sa gitna ng bulwagan para isayaw ang mga asawa. Tumayo rin si Mr. Tan na nagulat siyang lumapit sa kanya.
"If you are interested in working in a big company, we are looking for a hard-driven and can be trusted. You may give me a call anytime, Miss Gulles."
Napatingin siya sa tiyahin niya na nangislap ang mga mata sa tuwa. Iyon ang hinihintay nito, ang mapansin siya ni Mr. Tan. Hindi naman na ito nagtagal sa harap niya dahil nagpaalam na ito sa ilang kaibigan din na naroon. Nakatulala lang siya hawak ang calling card dahil hinihintay kung ano ang iuutos ng Tiya Ghing niya.
"Sabi ko na hindi makakaligtas kay Mr. Tan ang ganda mo, Einna. Kanina ko pa nakikita ang pagsulyap-sulyap niya sa 'yo. Ako na ang magtatago ng calling card baka maiwala mo pa," bulong ng Tiya Ghing niya na kinuha ang maliit na papel na nasa kamay niya.
Naging kabagot-bagot na ang buo niyang gabi dahil hindi pa sila umuwi. Totoo nga ang sinabi ng tiyahin niya na pasulyap-sulyap si Mr. Tan. Ipinagpasalamat niya na lang na hindi na ito lumapit ulit dahil tiyak na hindi siya makakatanggi ngayong iyon ang hinihintay ng Tiya Ghing niya.
Kung sana'y naroon man lang sa paligid ang gwapong lalaki kanina, baka nag-enjoy man lang siya. Sana lang makadaupang-pala niya iyon sa iba pang pagkakataon.