Gumising ka, Bebang
SA bahay ni Aling Telay. Hindi mapirmi sa iisang lugar ang ginang. Paroo't parine sa paglakad. Uupo, tatayo at muling maglalakad. Hapon na ay hindi pa rin nagigising ang kanyang anak. Humihinga man ay wala naman itong malay. Hindi gumagalaw. Sa tuwing maiisip na baka tuluyan na itong 'di magising ay magsisimula na naman sa pagbalong ang luha niya. Natigilan siya nang maalala ang naikuwento nito tungkol sa napapanaginipan. Nagsimulang mangalog ang mga tuhod niya. Paano kung tuluyan na itong naligaw? Paano kung hindi nito nakita ang daan pauwi sa bahay nila gaya nang kinatatakutan nito kung kaya sa tuwing magigising ay pawis na pawis at yumayakap sa kanya nang mahigpit? Paano kung hanggang sa ngayon ay naglalakad pa rin ito sa mahabang kalsadang puro matataas ang puno? Paano kung pagod na pagod na ito? Paano kung hindi na makabalik sa kanya? Sukat sa naisip ay mabilis niya itong nilapitan.
"Bebang, anak. Ang Inang mo ito. Umuwi ka na anak. Huwag kang magtagal diyan at nag-aalala na ako sa'yo. Halika na, anak. Bumalik ka na. Hinihintay ka ng Inang. Bebang, anak." Nangangatal ang tinig niya sa pagpipigil na humagulgol. Buhay ang anak niya. Alam niya, naniniwala siyang maririnig nito ang mga sinabi niya. Kung naliligaw man ito, kung hindi man makita ang daan pabalik sa kanila, maituturo niya ang dadaanan nito sa pamamagitan ng boses niya. Masusundan nito ang boses niya. Muli niyang inulit ang pagtawag dito, ang pagpapauwi. Naisip niyang tawagin ito sa tonong galit. Gaya noong bata pa ito kapag nawiwili sa paglalaro maghapon.
Si Gener, tahimik lang na pinagmamasdan si Aling Telay. Kailangan nilang subukan ang lahat ng paraan. Kung ang pakikipag-usap kay Bebang ang paraang upang ito ay magigising ay gagawin din niya. Walang kailangang buong araw itong kausapin, pakiusapang umuwi na ay gagawin din niya. Tumulo na rin ang kanyang luha. Awa para sa inang kahit magmukhang baliw magising lang ang anak, at pag-aalala para sa babaeng pinapangarap niyang iharap sa dambana. Hindi na rin siya umalis sa tabi ng dalaga. Hindi niya maiiwan sa gano'ng kalagayan ang mag-ina. Alam niyang ano't anuman ay kakailanganin ng mga ito ang tulong niya. Walang ibang nakaaalam ng nangyayari sa dalaga. Hindi nila pinaalam sa mga kapitbahay ang sitwasyon nito. Napakiusapan rin nila ang doktor. Iniiwasan lang nilang dumagsa ang mag-uusyoso sa kanila. Maging ang mga kapatid niya at inay ay pinagbawalan niyang magpabalik-balik. Nangungumusta na lang ang mga ito sa pamamagitan ng pagtawag o pag-text.
Madilim na nang ipasya ni Aling Telay dalhin sa hospital ang anak. Maghapon na itong hindi nakakakain, o nakaiinom man lang. Natatakot na siyang baka mapaano ito. Laking pasalamat niya at naroon si Gener. Buhat pa kaninang umaga ay 'di na umalis sa kanila ang binata. Matiyaga itong nagbabantay sa kanyang anak. Sinasamahan siya. Nang malaman nito ang pasya niya ay dali-dali itong umalis at nang bumalik ay kasama na si Kiko. Nakaparada sa tapat ng karinderia ang isang kotseng hiniram nito sa talyer na pinapasukan.
Kinabitan agad ng dextrose si Bebang pagdating sa hospital upang maiwasan ang dehydration na maaari nitong ikamatay. Sa solong kwarto sila ipinalagay ng doktor upang makaiwas sa mga uusyoso. Naging palaisipan sa mga doktor na naroon kung anong uri ng karamdaman ang dumapo sa kanyang anak. Nais ng mga itong masuring mabuti ang kalagayan ng dalaga. Confidential Case ang nakita niyang nakasulat sa hospital chart ng anak.
Nakaalalay pa rin si Gener sa mag-ina. Bumili siya ng pagkain at saka kinumbinsi si Aling Telay na sumubo kahit kaaunti. Nangiti siya nang pagbigyan nito ang pakiusap niya. Kung magkakasakit din ito ay mas magiging komplikado ang lahat. Hindi lang si Bebang ang aalagaan niya pati na rin ang ina nito.
Naupo siya sa upuang malapit sa kama ni Bebang. Maingat niyang hinawakan ang kamay ng dalagang walang malay.
Nakatitig lang siya sa mukha nito. Piping dinadasal ang pagbuti ng kalagayan, ang pagmulat ng mga mata, ang pagbabalik sa kanila. Hindi niya alam kung ano ang gagawin, kung paano ang mangyayari sa kanya kung mawawala ito.
"Mahal na mahal kita, Bebs. Mahirap para sa akin ang makita kang ganyan, tapos ay wala akong magawa. Ang mga tawa mo, mga pakwela mo na nagpapatawa sa amin, ang mga pagtataray mo, miss na miss ko na ang kwentuhan natin. Gumising ka na. Lumaban ka. Huwag mo kaming basta na lang iwanan. Ang Inang mo, sila Mean, sila Kiko, ang mga suki mo, at ako. Matagal ko nang hinihintay na matutunan mo akong mahalin. Mahal kita. Please 'wag ka umalis. Huwag mo akong iwan."
Pumatak ang luha niya nang dampian ng masuyong halik ang kamay ng babaeng ang lahat ay kakayanin niyang gawin mapaligaya lamang.
Nakita ni Aling Telay ang pagluha ni Gener habang hawak ang kamay ng kanyang anak. Nangingiti siya at naiiyak. Nangingiti dahil may isang Gener na nagmamahal sa anak niya. Naiyak dahil sa awa. Ramdam niya ang paghihirap ng kalooban ng binata. Tahimik niya itong pinasalamatan. Kung wala ito ay siguradong mahihirapan siya. Nahihiya siya dahil kinailangan pa nitong um-absent sa trabaho. Sa halip na nakapagpapahinga ito dahil semestral break, o kaya'y may karagdagang kikitain sa pinapasukan ay heto at nakabantay sa kanilang mag-ina. Kahit pa sinabi nitong huwag siyang mag-isip ng gano'n ay nahihiya pa rin siya. Gano'n din sa mga magulang nito at mga kapatid. Hindi pa man ay nakaaabala na sila. Mababait man ang mga magulang nito at nauunawaan ang pinagdadaanan nila ay hindi pa rin mawala sa kanya ang magdalang-hiya. Pati ang ama nitong nasa ibang bansa ay tumawag pa upang kamustahin sila, upang sabihing kung may maitutulong ay huwag siyang mahihiyang magsabi. Ngunit hindi sumagi sa isip niya ang bagay na iyon. Sobra-sobra na ang ginagawa ng mga ito sa kanila. Tama na 'yon. May naitatabi naman silang pera. Malaki-laking halaga na iyon. Kung sakaling kakapusin, ibebenta niya ang tinitirhan nila. Magpapalagay na lang siya ng maliit na silid sa karinderia upang may matitirhan pa rin at 'di na mangupahan. Kung hindi pa rin sapat, pati ang karinderia ay ibebenta niya na rin. Walang kailangang maubos ang lahat ng naipundar nila, mawala ang lahat ng pinaghirapan niya, huwag lamang ang anak niya.
Bago lumalim ang gabi ay pinauwi niya na muna si Gener upang makapagpahinga. Nang una ay ayaw pa nitong iwanan ang kanyang anak kahit pa sinabi niyang may mga nurse at doktor naman doon. Na kung may mangyayaring 'di maganda ay pipindutin niya lang ang pulang button sa ulunan ng kama, at magdadatingan na ang makatutulong sa kanila. Sa huli ay pumayag na rin ito nang sabihin niyang bumalik bukas, at ito naman ang magbabantay. Uuwi muna siya bukas upang kumuha ng iba pang gamit nilang mag-ina. Nakalimutan niya ang mga ito kanina nang magmadali silang dalhin si Bebang sa hospital.
Nang wala na ito ay nilinisan niya ang anak. Pinunasan ang mukha, mga braso, at ang mga binti't paa. Pagkatapos ay maingat niyang sinuklay ang buhok. Nang matapos sa ginagawa ay naupo siya sa upuang malapit sa hinihigaan nito. Habang hinahaplos ang noo at mukha ng nakapikit na anak, matuling nagbalik ang alaala ng kanyang kahapon...