CHAPTER 16 - Liwanag sa b****a

1526 Words
Liwanag sa bukana SA bawat araw ay 'di nakalilimot si Gener na pasyalan si Bebang. Kahit saglit lang ay palagi itong dumadaan upang tumulong magbukas, o kaya ay magsara ng karinderia. Sa tuwing makauuwi ito galing sa eskuwela, o trabaho ay hindi pupwedeng hindi muna mangumusta. Madalas ay may dala itong mame-meryenda, o makukukot. Sawayin man ng mag-ina ay hindi ito naawat. Anp katwiran ay hindi naman daw mamahalin ang mga iyon. Maliit na bagay lang daw, at masaya raw ito sa ginagawa kung kaya huwag na nilang sawayin. Ang mga kapatid nito ay gano'n din. Naroong magdala ng mga bagong pitas na alatiris, bayabas, saging na saba, mangga, at kung ano-ano pa. Ang inay rin nito ay may sariling pamamaraan upang ipakita ang pag-aalala sa dalaga at kay Aling Telay. Kaya hindi maiiwasang tuluyang mahulog ang loob ni Bebang sa binatang walang kapagurang nanunuyo sa kanya. Ang bagay na iyon ay hindi nalingid sa kaalaman ni Romano. Ayon dito'y hindi maaaring si Gener ang mapiling mahalin ng dalaga. Kaya nagdesisyon na itong gawin ang matagal nang binabalak. Kailangan na nitong kumilos bago mahuli ang lahat. Gabi. "Hindi! Bakit ako naririto? Nananaginip ba ako? Bakit ito na naman? Hayun! May liwanag sa banda roon. Kailangan ko nang malaman kung ano ang liwanag na iyon, at kung bakit lagi akong napupunta rito. May dahilan at kailangan ko nang malaman ngayon!" Hindi gaya nang mga naunang napapanaginip kung saan ang hinahanap niya'y ang daan pauwi, sa pagkakataong iyo'y buong tapang niyang tinalunton ang kahabaan ng kalsadang natatanaw. Kung dati'y tila walang katapusan ang natatanaw niya ngayo'y nakauusad na siya. Kung dati'y takot ang nararamdaman niya, ngayo'y pananabik na marating ang pinagmumulan ng kaakit-akit na liwanag. Ang nagtataasang puno na dati'y laman ng panaginip, ngayo'y naaabot na ng paningin. Ang kilabot na dati'y nararamdaman ay napalitan ng magaang na pakiramdam. Nalalanghap na rin niya ang mabangong hangin. Ang katamtamang lakas ng pag-ihip. Hanggang sa marating niya ang hangganan ng kalsadang kataka-takang naging maigsi. Ang pinagmumulan ng liwanag ay isang b****a ng mala-paraisong daigdig. Napanganga siya sa tanawing bumungad sa kanyang paningin. Kulang ang salitang napakaganda upang ilarawan ang natuklasan niyang lugar. Kumikinang ang luntiang paligid. Mayayabong ang mga punong ang mga bunga'y tila kay sarap pungusin. Walang kahirap-hirap, kayang abutin ang mga sangang hitik na hitik. Nagkalat ang mga halamang ang mga dahon ay nangingintab. Iba't iba ang kulay ng naggagandahang. bulaklak. Gano'n din ang mga batong iba't iba ang hugis at laki. Lumakad pa siya papasok. Nakakita siya ng mga paru-parong 'di pangkarinawan ang laki at kulay. Kaaya-ayang pagmasdan ang tila slow motion na paglipad. Tantiya niya'y maaamo ang mga iyon. Nagliliparan ang mga ito at animo sumasabay sa paghakbang ng kaniyang mga paa. Nang huminto siya'y lalong dumami ang naglapitan sa kanya. Pinaiikutan siya. Pakiramdam niya'y sumasalubong sa kanyang pagdating. Nang iangat niya ang kamay sa ere ay may dumapo sa daliri niya. Ang isa ay naging dalawa, naging tatlo. Napangiti siya nang maintindihang ang iba pa ay nagnanais din dumapo sa kanya. Dahan-dahan niyang iniangat ang isa pang kamay. Napahagikgik siya nang mag-unahan ang mga iyon. Nasisiyahan niyang pinaglaro sa hangin ang mga bisig, hindi umalis ang mga nakadapo sa mga daliri niya. Gusto niyang alamin kung mananatili pa rin bang nakadapo ang mga iyon kahit ikampay niya ang mga braso. Mistulang ibong lumilipad ang ginawa niya. Lalo siyang bumungisngis nang sumunod sa pagkampay niya ang mga hindi nakadapo sa mga daliri niya. Saan man niya ipaling ay mga paru-paro ay sumusunod pa rin. Nalibang na siya nang tuluyan. Ang takot at mga tanong na laman ng isipan ay nakalimutan. Ang alam niya ay nasa loob siya ng kanyang imahinasyon, nasa daigdig ng pantasya. Bata pa lang siya ay pinapangarap na niyang makarating sa gano'n kagandang lugar. Ini-imagine ang isang paraisong lugar. Makulay, buhay na buhay. At sa imahinasyong binuo niya sa isipan ay isa siyang diwata. Isang napakagandang diwata. "Hindi bunga ng imahinasyon ang lugar na ito, Diwatana!" Napapitlag siya sa narinig. Hinanap niya ang pinagmulan ng ubod lambing na tinig. Hindi na niya napansin ang paglipad ng mga paru-paro palayo. Nakita niya ang isang magandang babae. Nakatayo ito 'di kalayuan sa kanya. Mahaba ang tuwid na tuwid nitong buhok na napapalamutian ng malilit na bulaklak na nakapaikot sa noo. Nakatingin ito sa kanya, nakangiti. Gaya sa mga napapanood niya sa TV ang pananamit nito. Kulay puting may kombinasyong asul na mura ang mahaba at malambot nitong damit. Nakasayad sa kinatatayuan ang laylayan niyon. Nakahantad ang mga balikat nito ngunit may tila kulambong nakatali hanggang sa mga daliri. Hindi niya ito sinagot sa pag-aakalang bahagi lang din ito ng kanyang imahinasyon. Inilinga niya ang paningin. Natanaw niya ang isang napakagandang talon. Hindi na niya pinagtakhan kung bakit mababa lang iyon. Umaagos mula roon ang malinaw na tubig at bumabagsak sa tila batis kung saan ang ilalim ay natatanaw pa rin. Nakikita niya ang mga kumikinang na bato. Naisip niyang marahil ay doon galing ang liwanag na nakikita niya sa kalsada. Ang ngiti sa kanyang mga labi ay hindi nabubura. Hangang-hanga siya sa ganda ng tanawing nakikita. "Ang galing naman ng imahinasyon kong ito, parang totoong-totoo. Kung nananaginip naman ako, aba e, napakaganda ng panaginip na ito!" "Totoo ang lahat ng nasasaksihan mo, Diwatana." Pagsasalita uli ng mgandang babae. Naglalakad na ito palapit sa kanya. "Diwatana? Ako?" Natawa siya sa sinabi nito. "Hala ka. Nasobrahan yata ako sa kai-magine." Umiiling pa niyang pinagtawanan ang sarili. "Ako si Liyanala. Hindi mo ako kilala ngunit siya ay siguradong makikilala mo." Lumingon siya sa itinuro nito. "R-Romano?" SAMANTALA. Halos mapugto ang hininga ni Aling Telay sa pag-iyak. Kanina pa niya ginigising ang anak. Tanghali na ay tulog pa rin ito, at hindi gumagalaw. "Ano ang nangyayari sa'yo anak? Bakit ayaw mong bumangon? Bebang, anak. Gumising ka na, ha," umiiyak niyang pakiusap. Humahangos na dumating si Gener, may kasama ng doktor. Nang pumunta siya kaninang umaga ay nalaman niyang hindi magising si Bebang. Kahit anong gising ang gawin nila ni Aling Telay ay nanatili itong nakapikit at 'di gumagalaw. Nang idikit niya ang tainga sa dibdib nito ay tumitibok naman ang puso nito. Hindi nila ito mapangahasang ibango sa pagkakahiga sa takot na baka makasama, na baka may diprensiya sa buto, o litid nito at kung magagalaw ay lalong maparalisa. Kaya dali-dali siyang nagtungo sa health center. Pinakiusapan ang doktor na naroon. Kunot-noong napailing ang manggagamot. Normal ang resulta ng pagsusuring ginawa sa dalaga. Hindi nito maipaliwanag kung bakit hindi ito gumagalaw at hindi nagigising gayong ang lumabas sa pagsusuri ay natutulog lang ito... normal na natutulog nang mahimbing. Kahit sinabi ng doktor na natutulog lang ang anak ay 'di pa rin mapanatag si Aling Telay. Ang 'di paggalaw at ang hindi paggising ng anak niya sa kabila ng pagyugyog niya at ingay na likha ng mga tao at dumaraang mga sasakyan ay isang malaking palaisipan sa kanya. Ano ang nangyayari sa kanyang anak? "AKO nga. Sa lupa ay Romano ang pangalan ko. Subalit dito sa atin ako si Romulus at ikaw si Diwatana." paliwanag ng lalaki. "Sa atin? Teka lang Romano, o Romulus, 'di ko talaga maintindihan, e. Ako si Diwatana? Teka lang ha. Imahinasyon ko ito, ako ang sumusulat sa isip ko ng kung ano ang mga eksena ko. Bakit hindi ko yata alam ang mga sinasabi mo? Ano ang ginagawa mo sa panaginip ko?" Napipikon na niyang sabi. "Hindi ka nananaginip. Lahat ng nakikita mo ay hindi imahinasyon lamang. Totoong nakabalik ka na sa lugar na iyong pinagmulan." Paliwanag ng magandang babae. Naihilamos niya ang kamay sa mukha dahil sa inis. Hindi niya maintindihan ang pinagsasasabi ng mga kaharap. Sumasakit ang ulo niya sa mga ito. Lalo na kay Romano na ang kasuotan ay gaya sa mga palabas sa TV. Ayos lang sana kung naroon ito, kung extra sa panaginip na nangyayari sa kanya. Pero may mga sinasabi ito na nakakagulo sa eksena. Nanlaki ang mga mata niya nang may lumapit na isa pa, dalawa, tatlo, apat na magagandang babae sa kanya. Pawang mga nakangiti. Kasunod ng mga ito ay isa pang babae na ubod ng ganda. Lalong nandilat ang mga mata niya ng makitang may malinaw na pakpak ang likod nito. "Nasa shooting ba ako? Kanino kayang pelikula ito? Hindi kaya imahinasyon ito ng isa sa mga kapitbahay ko tapos naligaw ako at napadpad dito?" "Matagal ka na naming hinihintay, Diwatana. Nagagalak kami sa iyong pagdating." Kamuntik na siyang masamid. "Ang lalim no'n a. Nagagalak talaga? Puwede namang masaya, o natutuwa. Para akong nasa panahon nina Rogelio Dela Rosa at Carmen Rosales." Naiiling ngumiti ang magandang babaeng may pakpak. Hinawakan siya nito at iginiyang maupo sa isang malapad na bato. "Ako si Felusa. Alam kong naguguluhan ka sa mga nangyayari. Nais kong ipaliwanag sa iyo ang lahat, mula sa simula." Wala na siyang nagawa kung hindi ang makinig. "Dito ka sa Engkantasya nagmula, Diwatana." sabi ng kaharap. ''Engkantasya? Napanood ko na 'yun ah. Nandito kaya si Faye na asawa ni Enteng Kabisote? Nyeh!" natawa siya sa sarili. "Dito sa lugar na ito nagmula ang iyong ina." Nagulat siya sa ginawa nitong pagbanggit sa kanyang Inang. Umayos siya sa pagkakaupo at seryosong hinintay ang susunod nitong sasabihin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD