Pagluha ng Diwata
IPINAGPATULOY ni Felusa ang pagsasalaysay. Matamang nakinig ang dalaga. Gusto niyang kompirmahin ang nabubuong hinala. Kung totoong ang lalaking inihulog sa bangin at ginamot ng kanyang tunay na ina ay kanyang ama.
Madalas puntahan ni Helena ang estrangherong lalaki. Hindi siya napagod na ito'y alagaan. Dinadalhan niya ito nang makakain at maiinon. Isang araw ay kinausap ko siya.
"Lubhang mapanganib ang iyong ginagawa, Helena. Kapag nahuli ka ng mga bantay ay tiyak ang mabigat na kaparusahan!"
"Hindi ko magagawang sundin ang payo mo, Felusa. Iniibig ko si Rosauro at dala ko sa aking sinapupunan ang binhi ng aming pagmamahalan."
"Nahihibang ka na, Helena! Isa kang Engkantada at ang lalaking 'yon ay isang taga lupa! Sa akala mo ba ay hindi siya matatakot kung malalaman niyang isa kang Engkanto? Makabubuting layuan mo na siya!''
"Hindi mo ba ako narinig, Felusa? Nasa loob ng katawan ko ang aming anak. Tulungan mo ako, Felusa. Nais ko siyang makasama. Nais kong maging tagalupa."
Hindi nga sinunod ni Helena ang payo ko. Bumalik siya sa yungib na pinaglalagian ni Rosauro. Wala na ang lalaki sa loob ng yungib nang dumating siya.
Nalaman kong ipinagtapat na niya sa
iyong ama ang totoo. At nang malaman nitong isang Engkanto ang iyong ina ay nawala na ito at hindi na muling nagpakita.
Mula noon ay naging malulungkutin na ang iyong ina. Tinulungan ko siyang itago ang kanyang pagdadalantao. Kung malalaman ng I-na ang nangyari ay tiyak na kamatayan ang aabutin ng iyong ama.
Mahal na mahal niya ang iyong ama Diwatana, at ayaw niya itong mamatay.
Nang isilang ka ng iyong ina ay hiniling niya sa akin na itago ka sa mata ng mga I-na. Natakot siyang baka pati ikaw ay parusahan. Matapos ka niyang gawaran ng halik, binawian siya ng buhay.
Habang nagkukwento si Felusa ay pumapatak na ang luha ni Bebang. Hindi man niya nakita at nakasama ang tunay na ina ay naramdaman niyang mahal siya nito.
"Marahil ay nagtataka ka kung bakit narito ka ngayon. Matagal ka nang ipinatatawag ng mga I-na. At nakararating sa'yo ang panawagang iyon."
"Tinatalunton mo ang daan papunta rito, Diwatana. Paulit-ulit kang dumarating. Nagkaisip ka man at lumaki sa pangangalaga ng isang tagalupa, ang Engkantasya ay bahagi ng iyong pagkatao. Nakapupunta ka sa hangganan. Nakikita mo ang Engkantasya. Alam mo ang lugar na ito hindi man ituro sa iyo. Mula sa iyong pagkabata hanggang sa pagdadalaga, ang Engkantasya ang nangalaga sa'yo. Walang sakit sa lupa ang makadadapo sa'yo. Walang makapananakit sa'yo. Ganyan ka namin pinangalagaan, Diwatana. Matagal ka na naming hinihintay. Sa tuwing masusumpungan mo ang daan pabalik ay umiiwas ka. Nasa malapit ka na ngunit ginugusto mo pa ang magtatakbo palayo. Iba ang tinatawag mo sa ibinubulong ng iyong puso. Hindi ka makatuloy dahil pahinto-hinto ka. Nag-aatubili ka. Kaya naisip naming ipasundo ka na kay Romulus. Siya ay aking anak."
Nakangiting lumapit si Romulus sa ina nitong si Felusa. Napakakisig ng lalaki. Para itong isang prinsipe gaya sa mga napapanood niya sa TV. Ngayon ay malinaw na sa kanya ang lahat. Naiintindihan na niya kung bakit kakaiba ang mga kilos at pananalita ni Romano sa lupa. LUPA? Naalala niyang bigla ang Inang niya.
"Puwede na po ba akong umuwi sa amin?" Nakangiti niyang paalam sa mga naroon.
"Ito ang iyong tahanan, Diwatana. Dito ka nararapat manatili. Dito ka nagmula, ito ang lugar para sa iyo. Matagal na panahon ka nang nawala. Dumito ka na lamang sa atin. Dito ka nababagay." Pakiusap ni Romulus.
"Paano ang aking Inang, Romulus? Matanda na siya at kung mawawala ako ay mag'iisa na lang siya sa buhay. Kanina ay ipinakita ninyo sa akin ang nagaganap sa katawan ko. Humihinga subalit walang malay. Nakita ko ang lungkot at pag-aalala ni Inang. Hindi man siya ang nagluwal sa akin ay Inang ko pa rin siya. Hindi ko siya pwedeng iwanan. Mahalaga siya sa akin. Mahal na mahal niya ako. Napakarami na niyang pinagdaanang paghihirap mula pa noon, hanggang ngayon. Alam kong nahihirapan siyang makitang nakaratay ako sa sakit na 'di niya alam kung ano, kung paano gagamutin. Kilala ko siya, kahit ano ay gagawin niya para sa akin. Iiyak siya nang iiyak. Paano kung magkasakit siya dahil sa sobrang pag-aalala? Sa sobrang lungkot? Paano na ang Inang ko?"
SA HOSPITAL.
"Hindi ako maaaring magkamali, Gener. Kagabi ay nakita kong may luhang naglandas sa gilid ng mata ni Bebang. Umiiyak ang anak ko. Hindi ko talaga sinabi sa mga nurse dahil baka kung ano-ano na namang test ang gawin ng mga doktor sa kanya. Hindi ko alam kung bakit gano'n ang naisip ko. Biglang-bigla'y napagdudahan ko ang kahusayan at nalalaman nila sa panggagamot. Ewan, hindi ko alam kung bakit. Basta hindi ko na lang sinabi. Hinintay kong magising ang anak ko. Ang akala ko gigising na siya. Tinatawag ko siya pero..."
"Huwag na po kayong masyadong mag-alala. Sila na rin naman ang nagsabing walang sakit si Bebang. May nakakabit na sa katawan niya para mag-supply ng fluids. Kaya ayos lang po kung 'di n'yo na ipinaalam sa kanila. Ako man ang nalagay sa sitwasyon ay gano'n din po ang gagawin ko. Ipanatag n'yo na ang loob n'yo. Higit kaninoman, kayo ang higit na nagmamalasakit sa kanya. Wala pong mali sa ginawa n'yo." Paliwanag ni Gener upang pawiin ang agam-agam ng ginang. Naramdaman nito na tila sinisi ni Aling Telay ang sarili, natatakot ang ginang na baka may mangyaring masama sa anak dahil hindi ipinaalam sa doktor ang pag-iyak nito habang tulog.
"Maraming salamat, Gener. Ano kaya ang nangyayari sa kanya? Maganda kayang balita, o masamang palatandaan ang pag-iyak niya gayong wala pa rin naman siyang malay?"
"Malamang ay magandang senyales po ang nangyari. Nagre-respond po si Bebang. Maaaring may dahilan ang pag-iyak niya. Maaaring dahil nalulungkot siya, o kaya ay sa sobrang saya. Hindi magtatagal at magkakamalay na po si Bebang, Aling Telay. Lumalaban po siya." Positibong pagkumbinsi ni Gener sa ginang, lalo na sa kanyang sarili.
Lumapit si Gener sa dalaga at bumulong sa tainga nito.
"Hindi kami aalis sa tabi mo. Hihintayin ka namin. Sana makabalik ka na. Nag-aalala na sa iyo ang Inang mo, ako."
ENGKANTASYA.
"Bakit hindi ko pwedeng isama si Inang dito? Bakit sa pelikulang napanood ko ay nakakapunta sila Enteng Kabisote at iba pang tagalupa sa Engkantasya? At 'yong asawa niyang si Faye may magic pa."
Natawa ang iba pang engkanto na nakarinig sa sinabi ni Bebang.
"Sa napanood mo lang maari ang gano'n, Diwatana. Gawa-gawa lamang iyon ng mga tagalupa. Wala iyong katotohanan. Malayo sa katotohanan, malayong- malayo. Dahil sa totoong buhay ay hindi maaaring mamuhay ng normal ang nasa magkaibang daigdig," nakangiting paliwanag ni Felusa.
"Hindi ko maaaring iwanan ang Inang ko. Ako lang ang mayroon siya. Kayo ang mas nakakaalam ng mga paghihirap niya, ng mga pasakit na pinagdaanan niya. At alam kong nasubaybayan n'yo rin kung ano ang mga tiniis niyang paghihirap mapalaki lang ako nang maayos. Kung paano niya ko inalagaan at minahal. Kung paanong hanggang ngayon ay patuloy na minamahal. Masasaktan siya, hindi na kakayanin. At hindi ko kayang makitang nalulungkot siya dahil nawalan na naman siya ng anak."
Natigilan si Felusa sa sinabi ni Bebang.
"Gaya mo rin ng iyong anak, Helena. Mahalaga rin sa kanya ang mga taga lupa," bulong ni Felusa. Habang sa mga mata nito ay makikita ang lubos na paghanga sa anak ng kanyang matalik na kaibigan.