FINAL CHAPTER
Diwatana
NAKARATING sa mga I-na ang pagtanggi ni Bebang na mamalagi nang tuluyan sa Engkantasya. Nalaman nila ang pagnanais nitong bumalik sa lupa, umuwi sa kinagisnang ina. Nagkasundo silang ipatawag ang dalaga upang magsagawa ng pagpupulong panloob. Kasama ng ilang matatandang I-na, napagkasunduan nilang lahat na kumbinsihin ito.. Panghihimasukan na nila ang desisyong iyon ng anak ng isa sa kanila. Napagkasunduan nilang ito ay dapat pigilan. Kailangannilang makausap nang masinsinan ang dalaga at ngayon na ang takdang sandali upang ito ay magpasya.
Nagpatianod si Bebang sa mga diwatang sumundo sa kaniya. Hindi niya naiwasang humanga sa gayak at itsura ng mga ito sa kabila ng nararamdamang kaba. Napansin niyang ang iba sa mga ito ay walang mga kumikinang na pakpak, habang ang iba ay mayroon. Hindi rin naikaila sa kanyang paningin ang pagkakaiba-iba ng hugi at laki ng mga iyon. Naisip niya kung nakalilipad ba ang mga ito gaya ng mga paru-parong nagsisipaglaro sa buong paligid. Naigtad siya at nanlaki ang mga mata nang matuklasang munting tao ang nagliliparan kasama ng mga iyon. Naalala niya ang nabasang libro noong bata pa, at ang cartoon characters sa napanood sa TV.
"Hindi rin kaya sila tumatanda?"
Napangiti siya nang maisip na hindi kaya mga diwata rin ang nakaisip gumawa ng mga ganoong uri ng panoorin at mga babasahin? Paano nailarawan ng mga ito ang isang lugar na kagaya ng kinaroroonan niya ngayon? Paano nabigyan ng itsura ang mga gumanap at naka-drawing sa mga libro? Kung tama ang naisip niya, maraming engkanto at diwatang namamalagi sa lupa. Maraming nilalang sa mundo ng pantasya ang piniling maging tagalupa. Ang namumuhay kasama ng mga tulad ng kanyang Inang!
Ang pagkamangha sa unang namalas ng mga mata ay hindi pa pala pinaka. Halos malaglag ang kanyang mga panga nang marating ang lugar na pinamamalagian ng mga I-na. Ang mga ito ang matatandang diwata, ang mga namumuno sa Engkantasya.
Isang malawak na hardin ang pinasukan nila. Napapalibutan ng mayayabong na punong pantay-pantay ang laki at taas ang nakahilera sa dinaraanan nila. Sa ilalim ng mga iyon ay may mga malalapad na batong animo salamin kung saan ang maliliit na batong iba't iba ang kulay ay nasa loob. Sa paanan ng mga iyon ay nakapalibot ang maninipis na damong tila napakalambot. May mumunting bulaklak na nangagtubo. Ang nilalakaran naman nila'y kawangis ng ginto. Hindi na bumalik sa normal ang mga mata niyang namimilog pagkakita sa isang mataas na talon na humahati sa matataas na puno, at sa pinakatuktok, mangasul-ngasul na ulap ang naroon!
Sinundan ng paningin niya ang lumalagasgas na tubig. Ang pagtalsik niyon sa binabagsakan. Kumikinang ang tubig sa gawing iyon. Napagkaganda. Napalilibutan ng walang kasing gandang tanawin ang Engkantasya!
"Maraming salamat sa iyong mga papuri, Diwatana."
Naigtad siya nang marinig ang pagtawag na iyon sa kanyang pangalan. Ipinaling niya ang paningin sa nagsalita. Isang napakagandang babaeng may hawak na kakaibang tungkod ang nakita niya. Nakapuyod ang buhok nitong napapaikutan ng makulay at kumikinang na mga dahon ngunit ang ilang mahahabang hibla ay nakalugay at may mumunting bulaklak. Nakaupo ito sa malapad na batong nasa sentro ng tila mababang stage gaya sa kanilang plaza. Naisip niyang marahil ay ito ang may pinakamataas na katungkulan sa lahat ng mga I-na.
"Ang lugar na ito ay bahagi lamang ng Engkantasya. Higit kang mamamangha kapag nakarating ka sa hardin ng ating Reyna."
Nalunok niya ang laway. Napaganda ng tinig nito. Marahil ay tama siya ng hinala. Hindi nga tumatanda ang mga diwata. Ang I-na na pinagmamasdan niya ay tila mas matanda lang ng kaunti sa kanya. Ang akala niya'y matanda na gaya nang pagkakaintindi niya sa sinabi ng kaibigan ng kanyang ina.
Nakita niyang ngumiti ang I-na. Nangingiti rin ang iba pa nitong kasamang I-na na nakaupo sa kani-kaniyang batong upuan. Magkakatulad ang ayos ng mga ito maliban sa taas ng mga nakapuyod na buhok. Mas makapal at mataas ang sa I-na na kumakausap sa kanya.
"Gaya ng mga diwatang nakita at nakasama mo, gano'n din ang iyong magiging ayos mo. Isang napakagandang diwata, gaya ng ipinangalan sa iyo ni Helena, ang iyong tunay na ina."
Tila may malaking bula na sumabog sa harapan niya dahil sa narinig. Tunay na ina, tunay na ina. Ang Inang niya ang agad niyang naisip.
"Maraming salamat po. Pero hindi po ako pupwedeng magtagal dito lalo na po ang dito tumira."
"Bakit nais mo pang bumalik sa lupa? Hindi ka ba natutuwang kami ay makasama? Ito ang iyong daigdig. "
"Masaya po ako na nakarating ako dito at nakikila ko kayong lahat. Natutuwa po akong malaman na sa kabila ng nagawang mali ng aking ina ay napatawad n'yo siya. Malaking karangalan para sa akin na tinatanggap ninyo ako rito Pero, hindi ko po magagawang talikuran ang babaeng kumupkop at nagmahal sa akin ng higit pa sa kanyang sarili. Hindi po ako magiging masaya kung alam kong ang pagkawala ko ang magiging dahilan para siya malungkot at masaktan. Siya po ang pinili ni I-na Felusa para mangalaga sa akin, dahil alam niyang si Inang ay karapat-dapat. Alam ko pong mauunawaan n'yo kung bakit. Dahil gaya nila, ng mga tao, tayong mga taga Engkantasya ay marunong din magmahal. Ang pait na mararamdaman ng isang inang nawalan ng anak ay mararamdaman din ng isang diwatang ina. Dahil para sa mga nanay, ang mga anak nila ang dahilan upang sila ay mangarap, maging malakas at matatag, at maging masaya sa kabila ng mga problema at paghihirap. Para sa kanila, ang anak nila ang pinakamagandang regalo ng Diyos, at nakahanda silang magbuwis ng buhay, magsakripisyo para sa kapakanan ng mga ito. Naniniwala po ako na ganyan din ang saloobin n'yo para sa lahat ng mga diwatang pinamumunuan n'yo dahil hindi lang kayo pinuno, kayo rin po ang tumatayo bilang nanay nilang lahat."
Nagitla ang mga I-na sa narinig lalo na ang pinunong I-na. Lihim itong nangiti. Ngunit nais nitong gampanan ang tungkulin. Kailangang makuha ng dalaga ang pagsang-ayon ng nakararami.
"Ang itinatagal ng buhay sa lupa ay sandali lamang. Mamamatay ka agad. Samantalang dito, daang libong taon man ay mabubuhay ka. Ang mga tagalupa ay naghahangad ng ganyan, Diwatana. Patuloy silang nananaliksik matagpuan lamang ang paraan upang manatiling bata, upang manatiling bata. Samantalang ikaw ay umaayaw."
"Patawarin n'yo po ako. Pero para po sa akin ay hindi basehan ang haba o itatagal ng ating buhay. Kung hindi, ang gaano tayo naging kasaya habang nabubuhay."
SA OSPITAL. Puting kisame ang sumalubong sa kanyang paningin. Naramdaman niyang may nakahawak sa kamay niya. Dahan-dahan niyang iginalaw ang ulo. Nangiti siya. Hindi niya makakalimutan ang makisig na mukha na nakikita. Hinawi niya ang ilang hibla ng buhok na tumatabing sa mukha nito gamit ang kabilang kamay. Napangiti siyang muli nang bahagya gumalaw ang ilong nito na parang nakiliti.
"B-Bebs? O, Diyos ko. Gising ka na? Gising ka na!" Hindi makapaniwalang sabi ni Gener kasunod nang pagtalon at pagpalakpak.
Wala itong malamang gawin. Tititig sa kanya, hahagurin ang kamay niya, at muling tititig sa kanya. Hindi niya alam kung tatawa ito, o iiyak. Nang sabihin niyang gusto niyang umupo ay agad nitong iniangat ang gawing ulunan ng kanyang kama. Naiyak na ito sa sobrang tuwa nang marinig siyang magsalita. Inilahad niya ang kamay, at nang lumapit ito sa kanya ay mahigpit silang nagyakap. Parehong hilam sa luha ang mga mata.
"Salamat at hindi mo kami iniwan Bebs. Salamat at bumalik ka." Humihikbi nito bulong sa kanya.
Dinig niya ang malakas na t***k ng puso nito. Dama niya ang init sa malapad na dibdib at braso. Pakiramdam niya ay ayaw na siyang bitawan pa. Ito ang lalaking hindi niya kayang iwanan. Ang lalaking gusto niyang makasama hanggang sa pagtanda. Ang pangalawang dahilan kung bakit niya tinalikuran ang pagiging diwata, tanggihan ang mala-paraisong Engkantasya.
SIMBAHAN. Umieko ang malakas na hiyawan at palakpakan ng mga tao sa loob ng simbahan nang halikan ng makisig na groom ang napakaganda niyang bride.
Hindi naman mapigilan ni Aling Telay ang pag-iyak sa sobrang kaligayahan. Katabi nito ang umiiyak ding ina ni Gener. Mayamaya ay nagkatinginan ang magbalae. Pinahid ng nanay ni Gener ang luha sa mga mata ng Inang ni Bebang at gano'n din ang ginawa ni Aling Telay sa ginang Pagkatapos ay nagkatawanan na sila. At muling sinulyapan ang mga bagong kasal.
Matagal din ang pinaghintay ng dalawa bago nagpakasal. Nang maka-graduate si Gener at magkaroon ng magandang trabaho ay nag-ipon muna sila. Natupad na rin ni Bebang ang pangarap. May Catering service na ito. Nang maihanda na ang lahat ay saka palang nila pinagplanuhan ang pagpapakasal.
Ikinasal na ang dalawa at may bonus pa. Magkakaapo na si Aling Telay. Dalawang buwan nang buntis si Bebang.
Masayang-masaya din ang mga kaibigan ng dalawang ikinasal lalo pa at ilang buwan pagkatapos ng kasalan ay binyagan naman ang kanilang ipagdiriwang.
SA ENGKANTASYA.
"Hindi lahat ng tagalupa ay masama at mapagsamantala. Marami ang may mabuting kalooban."
"Ang tapat na pag-ibig na hindi nakamtan ni Helena ay nakamit ng kanyang anak. Kalimutan mo na si Diwatana, Romulus. Darating din ang babae para sa'yo." Sabi ni Felusa sa malungkot na anak."
At nilisan na nilang mag-ina ang batis na nagpapakita kung ano ang nagaganap kay Diwatana, na mananatiling Bebang sa mga tagalupa. Aabangan na lang nila ang pagdating ng mga munting Diwatana sa mga darating pang mga taon. Gaya ng ina, ipapasyal din nila ang ito sa Engkantasya. Tiyak na matutuwa ang mga I-na kapag nangyari iyon.
To God be the Glory
WAKAS