PROLOGUE
Kahit gaano kahirap ay pursigido si Mia na alagaan ang kanyang nagiisang anak na si Mira. Unang araw iyon ng pasukan kaya naman maagang nagising si Mia para ayusan ang kanyang chikiting. Sinusuklayan niya na lamang ito at handa na ang bata sa pagpasok.
"Nanay, sabi ni tita Aida gwapo raw ang tatay," ani ng paslit na nasa 6 na taong gulang. Napatigil sa pagsuklay si Mia sa manipis na buhok ng bata.
"Oo naman at kamukhang kamukha mo siya anak," sagot naman nito at pinisil ang pisngi ng bata.
Napabungisngis naman ang bata kaya mas lalong natuwa ang ina.
"Makikilala ko ba ang tatay, nay?" inosente nitong tanong. Hindi agad nakasagot ang ina. Tila pinagiisipan kung ano ang sasabihin.
"Hindi sa ngayon anak. Pero darating ang araw na makikilala mo siya," nakangiting ani nito kaya naman nabuhayan ng loob ang bata.
Pumanhik papalabas ang mag ina mula sa maliit na bahay. Hinatid ni Mia ang kanyang anak papasok ng school. Hindi katulad niya dati na papasok ay nakasakay sa sasakyan. Ngayon ay nilalakad niya lamang ang anak papasok sa eskwelahan.
Napabuntong hininga si Mia. Nangingilid ang mga luha. Hindi niya inaasahan na sa kabila ng kanyang karangyaan ay napalitan ito ng kahirapan at mas masakit para sa kanya na makita ang anak na nagtitiis sa paglalakad.
"Anak, pagbutihin mo ang pag- aaral ha? Iyan na lang ang maipapamana ko sa iyo,"
tumango ang bata habang nilalaro ang bawat linya ng kalsada na para bang iniiwasan niyang maapakan ang mga iyon.
Nang makarating sa eskwelahan ay ginawaran ng halik sa pisngi ni Mia ang batang Mira. "Nay, huwag mo na ako samahan ha? Kaya ko sa loob mag isa," matapang na ani ng bata kaya naman natawa si Mia.
Alam niyang hindi talaga ito natatakot sa halip ay excited pa itong pumasok. Kumaway ang bata habang naglalakad papasok at nakadungaw naman sa gate si Mia sinisugradong nakapasok nga ang kanyang anak.
Doon lamang naramdaman ni Mia ang pagod. Dahil wala pa itong tulog kakatrabaho. Paalis na sana siya nang matanaw ang pamilyar na tao sa malayo.
Kitang kita ng dalawang mata niya ang lalaking pamilyar sa kanya na hawak hawak ang kamay ng isang batang lalaki na sa tingin niya ay anak nito. Nagtago siya sa isang sasakyan upang hindi makita at tumambad naman sa kanya ang isang babae na hindi niya mamukhaan dahil nakatalikod. Iyon naman siguro ang asawa.
Napangiti nang mapait si Mia. Hindi mawari kung anong mararamdaman. Parang naghalo halo ang lahat ng ito at hindi niya na magawang maramdaman. Habang nakatingin sa pamilya, ay biglang napalingon ang lalaki sa gawi niya pero agad siyang nakapagtago. Nang mapagtantong nakaalis na ito ay tumayo agad siya at tinahak ang daan papauwi.
Habang naglalakad ay unti unting pumatak ang ambon mula sa ulap. Nalimot magdala ni Mia ng payong pero kahit ganon ay hindi siya nagmadaling maglakad sa halip ay ninamnam niya ang bawat patak kasabay nito ay ang mga luhang naguunahan sa pagbasak sa kanyang pisngi. Napasapo siya sa kanyang mukha.
"Nalimutan ka na niya, Mia" aniya sa sarili habang humihikbi.
Nang makauwi sa bahay ay inayos niya ang sarili para sa kanyang trabaho. Dalawa ang trabaho ni Mia. Waitress siya ng isang restaurant sa isang mall sa umaga at sa gabi naman ay nagtatrabaho siya sa isang maliit na bar na malapit sa kanto ng kanilang bahay. Kahit na nakatapos ay ito lang ang nakayanan niyang trabaho dahil hindi siya tinatanggap sa mga kumpanya.
Habang naglalakad ay inilala niya ang mga panahon na marangya pa siya at walang iniisip na ibang problema. Kung pwede nga lamang hilingin na bumalik sa pagkabata ay ginawa na niya kahit alam niya sa sariling hindi naman na iyon mangyayari.
Dumadating ang mga panahon na nanunumbalik sa kanya ang lahat ng sakit na dinulot ng kanyang ama at ng pamilyang kanyang minahal. Hindi niya na alam kung saan siya kukuha ng lakas at bawat araw, buwan, taon na lumipas pakiramdam niya ay sariwa pa rin ang lahat.
Pero hindi katulad dati ay tahimik na siyang namumuhay at kahit hindi ganon kayaman ay masaya silang dalawa ng kanyang anak. Ang tanging iniisip niya na lamang ay makaraos para sa kanyang mumunting prinsesa na si Mira. Kailangan niyang maging matatag. Iyon ang inirehistro niya sa kanyang isipan. Iyon na lamang ang mahalaga, ang kanyang nagiisang anak dahil napagtanto niyang wala ng gintong kadena ang nakapalupot sa kanya at para sakanya sapat na iyon upang maging masaya.