Dalawa✟:

1961 Words
GIRL IN THE PAPER Belle Matriaga Click....click..... Tunog ng camera habang kinukuhanan ng litrato ang mga kasamahan ko dito sa paaralan ng Wanda. Malayo sa syudad pero dahil may kotse na ibinigay sa akin ang tatay ko ay iyon ang ginagamit ko para makapasok ako kahit medyo may kalayuan. "Next po." Rinig kong sabi ng photographer. Agad na pumwesto ang isang kasamahan ko dito sa paaralan. Si Sister Zabrina, isang madre dito sa school. Mas nauna siya sa akin dito dahil nandito na siya simula pagkabata niya ayon na rin sa record niya na nakita ko. Ako naman ay nakatingin lang kanya habang nakatayo sa mismong pintuan nitong silid. Sa totoo lang ay madami silang mga madre dito pero si Sister Zabrina Yap lang ang madalas na nakakausap ko sa kanila. Iwas kasi sa akin ang iba o mas tamang sabihing inuutusan silang iwasan ako. Kahit hindi nila sabihin ay alam ko naman kung sino ang nag uutos sa kanila. Ang dating guidance counselor dito pero ngayon ay principal na nitong Wanda Academy. Walang iba kung hindi si Nana Clarrise Fuente. Hindi ko alam kung ano ang dahilan niya at bakit pinapaiwas niya sa akin ang mga madre. Click....click.... "Next po." Sabi ulit ng photographer matapos kuhanan ng litrato si sister Zabrina. Ako na ang susunod kaya agad akong pumunta sa upuan sa gitna. Nasa isang classroom kami. May isang upuan sa gitna habang ang mga upuan naman na iba na ginagamit ng mga estudyante ay iniligay muna sa labas nitong silid. Sa harap ng upuan sa gitna ay may nakatayo na tripod na may mamahaling camera. Umupo ako sa upuan. Agad kong narinig ang pagtunog ng camera at pag flash ng ilaw galing dito. Nakatitig lamang ako sa camera. Wala akong gana. Tumigil ang photographer at napatitig sa akin. "Ngiti ka naman po ma'am." Sabi nito sa akin. Umayos ako ng upo at tinuwid ang katawan. Ngumiti ako ng peke. Walang ganang ngiti. Isang pekeng ngiti dahil may bumagabag talaga sa akin. Ang isang pangyayari noon na alam kong hindi lang galing sa sabi sabi or haka-haka. Ang kwento ng isang batang sikat dito noon sa Wanda Academy. Matalino. Masayahin. Mabibo. Ngunit isang araw ay natagpuang nakabigti sa dulo ng cubicle. Nakasabit sa isang tubo doon na daluyan ng tubig. Sa banyo sa third floor katabi ng hagdanan. "Ayan! Ang ganda niyo po ma'am pag nakangiti." Sabi nito sa akin matapos akong kuhanan ng litrato. Isang matipid na ngiti ang ibinalik ko sa sinabi niya at tumango bago ako tumayo. Ako ang pinakahuling kukuhanan na solo dahil ang kasunod ko ay isang section na ng mga estudyante na ngayon ay nakapila na at naghihintay sa may pintuan. *** "Belle, look at this oh." Rinig kong sabi ni Sister Zabrina. Nandito kami ngayon sa isang kwarto na kung saan pinapatuyo yung mga nadevelop na litrato na kinuhanan kani-kanina lang. May dalawang lababo sa magkabilang gilid. At sa itaas ng mga iyon ay may sabitan na kung saan doon na nakasabit ang mga litrato namin na kasya sa isang normal na picture frame. Nakaipit ang bawat isang litrato sa sabitan gamit ang ipit na ginagamit pang sampay ng mga damit. Napalingon ako sa kanya dahil magkatalikod kami at nasa isang lababo siya sa kabila. Nakita kong may hawak siyang isang litrato. Dinala niya iyon at lumapit sa akin. "Sayang naman. Hindi ka kasi nakangiti dito eh." Sambit niya pa ng maipakita sa akin ang litrato. Ayun yung litrato na kinuha sa akin kanina na kung saan para akong pinagsakluban ng langit at lupa. Sa lababo kasi na inasikaso niya ay mga litrato na itatapon na. Binigay niya sa akin ang litrato at pinagmasdan ko ng mabuti ang sarili ko. Tama nga siya. Maganda sana ang litrato kung nakangiti ako. Napabuntong hininga na lang ako. "Ayos lang yan." Sabi ko na lang. "Medyo marami lang talaga akong inaalala." Dagdag ko pa. "Lalo na yung nangyari kay Selena." Dagdag ko na naman at muli ko na naman naalala ang isa pang estudyante ko na namatay kamakailan lang. Selena Cruz. Isang estudyante na galing sa isang ampunan. Pinag aral dito bilang isang madre. "Is it true? Si Nana Clarisse ang nakakita sa kanya?" Tanong ko kay Sister Zabrina. Natagpuan kasi ang batang iyon na wala nang buhay sa palikuran sa third floor. And to think of it, doon din nakabigti si Annie? Napatango naman siya sa tanong ko. "Yun ang sabi sa akin ni Sister Leon at Sister Acosta eh." Sagot niya pa. Ang mga tinutukoy niya ang mga madreng kasamahan niya rin. Mas matanda sa kanya. Napabuntong hininga ako bago muling hinarap ang lababo. "Kung bakit ba kasi ayaw nila ipakausap sa akin yung bata-" "Si Nana Clarisse na ang bahalang umasikaso doon." Pagputol niya sa sasabihin ko. "Pero-" Sabi ko habang humaharap sa kanya. "Masyado ka lang talagang maraming iniisip Belle." Putol niya na naman sa sasabihin ko. Napatitig ako sa kanya dahil doon. Hindi ko alam pero parang may alam siya sa kakayahan ko. Kakayahan kong makaramdam at minsan ay makausap ang mga nilalang na wala ng buhay. Napabuntong hininga na lang ako doon bago ko muling hinarap ang lababo at inasikaso ang mga basa pang litrato. *** Nakatitig lamang ako sa litrato ko ngayon na nakadikit na sa pader. Ito yung litrato na binigay sa akin ni Zabrina kanina na hindi man lang ako nakangiti. Ito na lang ang ginawa kong pang display para ngayong taon dahil sayang nga naman. Katabi non ay ang isang certificate. Katunayan na graduate ako sa kursong edukasyon. Nakaframe din yon. Muling bumalik ang paningin ko sa litrato ko. Inayos ko ang pagkakadikit non dahil nakatabingi iyon. Matapos kong maiayos iyon ay lumayo ako ulit para tignan kong muli kung pantay na. Napangiti ako dahil pantay na pero naramdaman kong may tao sa likod ko napalingon ako agad sa kaliwa ko. "Anna." Pagtawag ko sa estudyanteng nag ngangalan na Anna Macaraig. Tinitigan lamang ako nito bago diretsong umupo sa upuan kaharap ng lamesa ko. Ako naman ay maingat na sinarado ang pinto. *** "Nahuli ka na naman ba nila sa rooftop?" Tanong ko sa kaniya ng maayos na akong nakaupo sa upuan ko. Hindi ito nakasagot at nakatingin lang sa ibabaw ng lamesa ko kaya isang buntong hininga ang aking pinakawalan. Pinatong ko ang dalawa kong kamay sa lamesa ko. "Akin na." Utos ko sa kanya sa mahinahong paraan. Hindi ko ugali na sigawan ang mga estudyante ko dahil hindi lahat ng guidance counselor ay masyadong istrikto. Agad na tumalima ito at kinuha ang isang bagay sa bulsa ng kanyang palda. Ang uniform kasi ng mga estudyante dito ay isang puting long sleeve na tinernuhan ng dark blue na palda na medyo lagpas tuhod. Inilagay niya ang bagay na iyon sa ibabaw ng lamesa ko. "Wala nang laman yan." Sabi niya matapos makabalik sa upuan. Agad ko naman kinuha iyon at itinabi sa gilid katabi ng lamp ko na de-kuryente na nasa kanan. Isa iyong pakete ng sigarilyo na magaan na dahil wala na ngang laman. "Para saan ba kasi iyon?" Pagtukoy ko sa pakete ng sigarilyo. Tumitig ako sa kanya. Napakaganda ng batang ito. Bagay na bagay sa kanya ang buhok niyang hanggang balikat lang at ang bangs nitong tinakpan ang nuo niya pero bakas sa mukha niya ang haluhalong emosyon. Pagod. Stress. Depression. Pagsisisi. Iyon ang nakikinita ko sa mga ilalim ng magaganda nitong tsokolateng mata. "Para manatili akong gising." Walang gana nitong sagot sa akin. Nanatili pa rin ang mata na nakatingin sa ibabaw ng lamesa ko. "Hindi ba mas maganda kung matulog ka?" Suhestyon ko sa kanya. "Nakakatulog ka ba?" Dagdag tanong ko pa. "Dapat kasama akong namatay ni Selena." Iyon ang sinagot niya sa akin. Tumingin sa kanyang mga kamay na nakalagay sa kanyang hita. "Baka nandito pa siya ngayon kung sinamahan ko siya at hindi-" Pero bago pa man niya matuloy ang sasabihin niya ay pinutol ko na ito. "Anna, hindi mo kasalanan ang nangyari kay Selena." Mahinahong sabi ko sa kanya. "Ano sa tingin mo ang nangyari? May nakita kaya siya doon?" Tanong niya. Umangat ang tingin nito at tumitig sa mga mata ko. Itinutukoy niya sa Selena. Na baka may nakita ito na hindi dapat kaya ito namatay. Iyon din naman ang tanong ko pero sa sobrang tagal ko na dito at kahit ilang beses ko na SIYA na kausapin at tanungin tungkol kay Selena ay hindi SIYA sumasagot at bigla-bigla na lamang mawawala. "Bakit kasi walang nagsasabi? Bakit walang nagsasalita?" Tanong niya muli at bumaba na naman ang tingin sa mga kamay niya na kanina ko pa nakikita. Hindi rin nakatakas sa paningin ko ang mga sugat sa isang kamay niya. Napaiwas ako ng tingin sa sinabi niya dahil may punto ang sinabi tanong na iyon. Matagal ko ng napapansin na may tinatago itong paaralan na ito. Matagal ko ng gustong matuklasan ang lihim ng Academy na ito pero hinaharangan ako ni Nana. Muli akong tumingin sa kanya. "Si Selena lang ang makakapagsabi niyan." Sagot ko na lamang sa kanya. Napatingin siya sa lamp shade ko na nasa kanan ko lang katabi ng ilang folders at tape recorder pati na rin ang kahon ng sigarilyo. "Kung bakit ba kasi hindi na lang ako umalis noon ng maaga." Sabi niya muli habang nakatingin dito. "Bakit naman?" Tanong ko sa kaniya. Hindi ko inaalis ang tingin ko sa mukha niya. "Araw araw na lang lagi..." Sambit nito ulit. Alam ko ang tinutukoy niya. Nakokonsensya siya. "Kaya nga pumupunta ako ng rooftop para makapag isip." Dagdag pa nito. "Para kasing walang kwenta lang lahat eh." Sambit nito muli at nahagip na paningin ko ang pagkamot niya sa sugat niya sa may kanan niyang kamay. "Anna..." Pagtawag ko muli sa atensyon niya kaya walang gana niyang itinapat ang kanyang mata sa akin. "Sinasaktan mo na naman ba ang sarili mo?" Tanong kong muli sa kanya. Hindi na bago sa akin ang balitang iyon. Namatay kasi ang bestfriend niyang si Selena na wala man lang siyang nagawa kaya sinisisi niya ang sarili dahil nung gabing iyon ay gising daw siya at nakita niyang lumabas si Selena na hawak ang isang flashlight at lumabas sa kwarto ng mag isa. At isa pa, ang problema sa pamilya niya. Agad niyang itinago ang kanang kamay niya gamit ang puti niyang long sleeve at ipinatong muli ng maayos ang mga kamay sa hita. *Ting...ting.... Parehas nakuha ng aming atensyon ang pag tunog ng kampana. Hudyat na tapos na ang break time. "Nana Clarrise will kill me." Pagkasabi niyang iyon ay agad na siyang tumayo. "I'm late again." "Anna?" Pagkuha ko muli sa atensyon niya. Alam ko ang itinutukoy niya dahil ayaw na ayaw ni Nana Clarisse na may nahuhuli sa klase niya. Napatingin siya sa akin. "You're always welcome to come back here kung gusto mo ng kausap hmm?" Sabi ko sa kanya. Isang alanganing tango lang isinagot niya bago naglakad papunta sa pinto. Pero nang makalapit na siya sa pinto ay tumigil siya. May kinuha ang kanyang kanang kamay sa bulsa niya at muling naglakad papunta sa akin. "Um...ginawa ko pala para sayo, Miss Belle." Sabi nito matapos ibigay ang isang papel na nakaapat na tupi. Kunot nuo kong tinignan iyon habang siya ay naglakad na muli papunta sa pinto. Napangiti ako ng makita ko kung ano ang nakasulat doon. Nakadrawing ang mukha niya at gaya pa ng uniform niya pero hindi nakangiti kaya napangiti ako. Bago pa niya mapihit ang seradura ay nagsalita akong muli. "Bakit naman hindi ka nakangiti dito?" Tanong ko sa kanya. Hindi niya ako nilingon pero sumagot siya. "Hindi ako yan." Sagot niya at tuluyan na nga siyang lumabas. Muli akong napatingin sa nakaukit na larawan sa papel. Hindi siya? So sino itong dalagitang naka-drawing sa papel na kamukha niya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD