Kung pwede lang siguro na utusan ni Maricon ang driver na paliparin na ang kotse ay ginawa na niya. Daig pa niya ang mahihimatay sa sobrang kaba matapos niyang makatanggap ng tawag kanina mula sa ate Esmeralda niya.
Ayon sa ate niya ay bigla na lang daw sumama ang pakiramdam ng kanilang ina at ilang beses na itong nagsuka. Ayaw naman daw magpadala sa ospital ng mama nila kaya ipinatawag na lang ang kakilala nilang nurse para matingnan ito.
Dala daw ng matinding pagod at pagpupuyat kung kaya bigla na lang tumaas ang presyon ng kanilang ina.
Pinayuhan ito ng nurse na
magpahinga na muna at uminom ng gamot. Ang sabi naman ng ate niya ay medyo maayos na ang pakiramdam ng kanilang ina pero hindi pa rin niya mapigilan na mag alala. Mula nang magkasakit ang papa nila ay parang naging malaking trauma na sa kaniya kapag may isa sa mga magulang niya ang nagkakaroon ng sakit.
Nang maalala ang ama at kapatid ay parang gusto nang uminit ng ulo niya. Ilang araw na siyang nakabalik sa Mondemar pero hindi pa rin niya nakikita ang dalawa. Ang alam niya ay pinuntahan ng ama ang malayong pinsan nito sa kabilang bayan para sunduin at alukin na magtrabaho sa kanila. Nangako daw kasi si Gabriel na magbibigay ng puhunan sa pamilya niya para ipaayos ang sinehan nila at gawing malaking grocery store ang ibaba.
Ang second floor ang magiging tirahan ng pamilya niya. Siguradong nalibang ang ama at kapatid niya sa pagbisita sa mga kamag anak nila kaya ilang araw na ay hindi pa rin bumabalik ang mga ito.
Dahil wala ang kuya Ryan niya ay pansamantalang umuwi na muna ang asawa at mga anak nito sa biyenan nito. Kaya walang ibang maaasahan ngayon si Esmeralda maliban sa kaniya.
“Ma'am, nandito na po tayo.”
Nakahinga siya ng maluwag sa narinig at mabilis na bumaba ng kotse.
Nang bigla siyang may maalala ay kinuha niya ang cellphone sa bag para sana tawagan si Gabriel at ipaalam kung nasaan siya. Inis na napapalatak siya nang matuklasan na drained na pala ang battery ng cellphone niya. Kinatok niya ang salamin ng kotse at kinausap ang driver nang dumungaw ito mula doon.
“Susunduin po ba ninyo si Gabriel ngayon?”
Tumango ang driver.
“Pakisabi na lang po na hindi ako makakauwi ngayong gabi dahil may sakit po ang mama ko, mamaya ko na lang po siya tatawagan kapag nacharge ko na po ang cellphone ko.” Bilin niya.
“Sige po.”
Pagkaalis ng driver ay nagmamadaling pumasok siya ng sinehan at dumiretso sa kwarto nila. Naabutan niya ang ina na nakatagilid ng higa sa kama at nagsusuka sa planggana na hawak ng kapatid niya.
Napabuntong hininga na lang siya nang mapansin na sarado ang mga bintana kaya halos makulob na sa init ang buong kwarto.
“Paano naman hindi susumpungin ng highblood si mama kung halos tinutusta na kayo sa init dito?” bungad na tanong niya.
Nilingon siya ni Esmeralda habang hinahagod nito ang likod ng kanilang ina.
“Kung nagrerequest ka ba naman sa asawa mo na ibili kami ng aircon 'eh 'di hindi sana kami nagtitiis sa init.”
Naitirik niya ang mga mata sa inis. Mula nang makabalik siya ng Mondemar ay wala na itong ginawa kundi ang magparinig sa kaniya. Ang akala siguro ng mga ito ay madali lang humingi ng pera sa asawa niya.
Oo nga at sobrang bait ni Gabriel pero hindi naman dapat na abusuhin ng pamilya niya ang pagmamasalakit nito. Ayaw niyang isipin ng pamilya nito na mukhang pera ang babaeng pinakasalan nito. Hindi siya papayag na mangyari iyon.
“Hayaan ninyo, kapag nakapaghanap ako ng trabaho ay makakapagbigay naman ako sa inyo.”
“Trabaho?” marahas na bulalas ng kanilang ina. “Nakahiga ka na nga sa pera tapos magtatrabaho ka? Ano na lang ang iisipin ng mga tao? Na pinapabayaan ka ng asawa mo kaya nagpipilit kang magtrabaho?”
“Mama, magpahinga ka na lang, baka mas lalong tumaas ang presyon mo.” Saway niya sa ina.
Lumapit siya sa mga bintana at binuksan iyon. Napaubo naman ang ina at muling nagsalita.
“Hoy, ikaw na babae ka, huwag na huwag kong malalaman na nagtatrabaho ka. Makukurot talaga kita sa singit. Ang yaman ng asawa mo tapos magpapakahirap kang magtrabaho samantalang kayang kaya ka niyang ipagpatayo ng sarili mong negosyo. Napakababaw talaga ng pangarap mong bata ka.”
Heto na naman po tayo…
Napahinga siya ng malalim at nagpaalam na sa kapatid.
“Sa labas na muna ako,” sabi niya at binigyan ito ng five hundred peso bill na pambili ng pagkain nila mamaya.
Kalat na ang dilim ng lumabas siya ng kwarto. Binuksan niya ang mga ilaw at naupo sa mahabang kahoy na upuan habang nakatanaw siya sa labas ng sinehan. Hinayaan niyang nakabukas ang kalahati ng bakal na gate para pumasok ang hangin sa loob.
Sa tingin niya ay mukhang kailangan nga talaga na magpakabit na sila ng aircon dahil sementado ang palibot ng buong sinehan at kapag ganoon na tag init ay talagang pwedeng magkasakit ang mga magulang niya.
May pera naman siya dahil kahit ayaw niyang tanggapin ay madalas na binibigyan siya ng pera ni Gabriel. Nasa kaniya din ang isang credit card ng asawa na pwede niyang magamit kapag gusto niyang magshopping.
Gusto naman sana niyang gamitin ang credit card at itreat ang pamilya niya kaya lang ay baka iba na naman ang isipin ng mga ito. Sa oras na malaman ng mga ito na may pera siya ay baka magsamantala na naman ang mga ito at gamitin siya para sa sariling interes.
Pagod na ipinikit niya ang mga mata at isinandal ang likod sa malamig na pader. Buong araw na wala si Gabriel dahil may inaasikaso itong problema sa pag aaring mall ng pamilya nito. Halos hindi na nga siya nito natawagan buong araw dahil sa sobrang busy nito.
Sumama naman siya sa biyenan sa ospital para bisitahin ang may sakit na kaibigan nito. Pagkagaling sa ospital ay kinulit naman niya ang cook sa mansiyon at nakiusap na turuan siyang magluto.
Ngayon lang niya naramdaman ang lahat ng pagod dahil sa ginawa niya buong araw. Malapit na sana siyang makaidlip ng bigla na lang ay maramdaman niya ang pagsandal ng likod niya sa kung anong matigas na bagay.
“Gabriel!” bulalas niya nang maramdaman ang pamilyar na init ng katawan nito.
Isinandal nito ang likod niya sa malapad na dibdib nito at ipinatong nito ang baba sa ibabaw ng ulo niya habang ang palad nito ay masuyong humahagod sa braso niya.
“Sinabi sa akin ng driver na nandito ka kaya nagpahatid agad ako dito.” Anito.
“Dapat sa mansiyon ka na lang dumiretso, uuwi din naman ako bukas.”
Hindi nakaligtas sa kaniya ang malalim na pagbuntong hininga nito.
“Paano mo magagawang hayaan na matulog ako ng mag isa lang mamaya matapos mo akong sanayin na nasa tabi lang kita kapag natutulog ako?”
Kahit parang dinudurog ang puso niya dahil sa inis sa ina at kapatid ay hindi niya mapigilan ang mapangiti at pumihit paharap kay Gabriel.
“Wala kang matutulugan dito, masyadong mainit dito at hindi rin malinis ang paligid dahil tamad maglinis sila ate.”
“Okay na ako dito.” Anito at tinapik ang kahoy na upuan.
Napailing siya. Hindi niya kayang tiisin na makita ang pagod sa mga mata nito. Dumukwang siya at inalis ang suot nitong necktie saka niya binuksan ang dalawang butones ng polo nito.
Niyakap naman siya ni Gabriel. Kapag ganoon na nararamdaman na niya ang mainit na yakap nito ay nawawala na ang inis sa dibdib niya. Nakakalimutan niya ang tampo sa pamilya niya.
“Kumain na ba kayo? Marami akong dalang pagkain, nasa kotse. Teka, sigurado ka ba na hindi na kailangan ni mama na dalhin sa ospital?” nag aalalang tanong ni Gabriel.
Umiling siya. “Kailangan lang niyang magpahinga, natingnan na siya ng kakilala namin na nurse. Kapag okay na si mama, uuwi na tayo. Siguradong hindi rin siya papayag na hindi ako bumalik sa mansiyon dahil nandito ka na. Gusto ko lang talagang masiguro na okay na siya.”
Hindi din naman niya hahayaan na matulog na lang sa kahoy na bangko si Gabriel. Pagod ito at kailangan din umalis ng maaga bukas dahil may dadaluhan itong meeting sa Maynila.
“Maricon?”
“Hmmm?” mula sa pag aayos sa kwelyo ng damit nito ay nag angat siya ng tingin sa asawa niya. Natigilan siya nang maramdaman ang matiim na pagtitig nito sa kaniya.
“May problema ka, nararamdaman ko iyon. Bakit hindi mo sinasabi sa akin?”
Kumunot ang noo nito ng sa halip na magsalita ay ngumiti lang siya.
“Asawa mo ako.” Giit nito.
“Wala ito,” nagsisikip ang dibdib na sabi niya.
“Kilala mo ako at alam mong hindi ako matatahimik hangga’t hindi mo sinasabi sa akin kung ano ang problema mo.”
Kumibot ang mga labi niya at nagsimulang ipaliwanag dito ang nangyari kanina na pagtatalo nila ng ina at kapatid.
“Nakakasama lang kasi ng loob, minsan na lang nila ako makita pero ganoon pa ang maririnig ko sa kanila. Nakakainis lang kasi.” Humihikbing sumbong niya. Kinabig naman siya nito at niyakap ng mahigpit.
“Ssshh…” pag alo nito sa kaniya.
“Huwag mo ng masyadong problemahin pa iyon, ako na ang bahala. Tatawag ako bukas sa mall para ipadeliver dito ang nirerequest na aircon nila mama.”
“Gabriel!” hindi makapaniwalang bulalas niya.
Pinilit niyang kumawala sa mahigpit na pagyakap nito sa kaniya pero mas lalo lang siya nitong kinabig palapit sa katawan nito.
“Hindi ako naglabas ng sama ng loob sa'yo para ayusin mo ang problema ko!” nagsisimula nang mainis na sabi niya.
Tumawa lang ito at muling nagsalita.
“Babayaran mo naman ako.”
“P-paano?”
Namula ang mga pisngi niya nang ibulong ng asawa sa isang tenga niya kung ano ang kabayaran na tinutukoy nito. Naeeskandalong tinapik niya ito sa noo.
“Bastos!” sikmat niya sa magaling na lalaki.
Pinuno naman ng malakas na tawa ni Gabriel ang buong ibaba ng sinehan.