Nagmamadaling bumaba ng sasakyan si Maricon at agad na pumasok sa villa na pag aaring ng mag asawang sila Jaime at Allyson. Paalis na sana siya para bumisita sa mga magulang niya nang makatanggap siya ng tawag mula kay Allyson. Mukhang kailangan nito ng tulong niya kaya sa halip na umuwi sa kanila ay inutusan na lang niya ang driver kanina na ihatid siya sa villa ng mag asawa.
Walking distance lang naman ang mga villa mula sa mansiyon ng mga magulang ni Gabriel pero medyo malayo pa rin ang pagitan ng mga bahay. Minsan nang nabanggit sa kaniya ni Gabriel na may pag aari din itong villa doon. Pero dahil masyado pa itong abala ngayon sa trabaho ay mas mabuti na raw na nasa mansiyon siya ng mga magulang nito para may makasama siya kapag wala ito.
Hindi pa niya nakikita ang villa na tinutukoy ni Gabriel dahil ang balak nito ay isama siya doon kapag nakompleto na nito ang pagpaparenovate niyon. Ayaw rin naman niyang masira ang sorpresa nito sa kaniya kaya hindi na siya nagpumilit pa.
Nang makapasok na siya sa loob ng malaking villa ay halos ilang beses siyang napasinghap nang makita ang marangyang ayos ng sala. Napakalaki ng flat screen tv na nakainstall na sa pader at ang mga throwpillow ay maayos na nakasalansan sa itim na sofa. Malinis ang buong paligid at halatang may pagkametikolosa si Allyson dahil kahit kaunting alikabok ay wala siyang nakita sa mga appliances na naroon.
Sa pagkakaalam din niya ay wala itong kasambahay at ang mag asawa lang ang nag aalaga sa limang anak ng mga ito. Malaki na ang triplets –na anak ni Jaime sa dati nitong girlfriend—kaya ang dalawang bunsong anak na lang ang tinututukan ng atensiyon. Dalawang taon na ang pangatlong anak ng mag asawa na si Janine at isang taong gulang naman ang pinakabunso na si Phoebe.
Kung paano kinakaya ni Allyson na maging ina ng limang bata at mabuting asawa kay Jaime ay hindi niya alam. May mga babae talaga siguro na sadyang expert na pagdating sa ganoong bagay.
“Maricon, mabuti naman at pumayag kang puntahan ako dito.”
Mabilis na nilingon niya ang babae.
“May problema ba? nag alala kasi ako dahil bigla kang tumawag.” Tugon niya.
Napansin kasi niya kanina habang kausap niya ito sa telepono na parang may problema nga ito. Pero base sa nakikita niyang hitsura ni Allyson ay wala naman siyang nakitang kakaiba dito. Nakapostura pa nga ito at mukhang may lakad ngayon. Nakangiting lumapit ito sa kaniya at hinawakan ang kamay niya.
“Maricon, favor naman, please? Pwede bang ikaw na muna ang mag alaga ngayon kay Phoebe? Mabait naman ang anak ko at hindi rin mahirap alagaan. Kailangan ko lang talagang umalis dahil ipinatawag ako ng teacher ng tatlong panganay ko. Hiniram naman ng mommy ko si Janine kaya si Phoebe lang ang walang kasama ngayon.” Pakiusap nito.
Napangiwi siya sa narinig. Kahit isang beses ay hindi pa niya naranasan na mag alaga ng bata. Pero ang lahat ng pag aalangan sa dibdib niya ay biglang naglaho nang maglakad si Phoebe palapit sa direksiyon niya.
“Tata!” tawag nito sa kaniya at nakangiting pumalakpak pa.
Nakakatunaw ng puso ang ngiti ni Phoebe. Napansin din niya na medyo may hawig ito kay Gabriel kaya sigurado siya na kapag nagkaroon na sila ng anak ay magiging kamukha din iyon ni Phoebe.
Kinarga niya ang bata at hindi na nakatanggi pa sa request ni Allyson. Nang umalis na ito ay nagsimula na siyang alagaan ang paslit. Buong araw silang naglaro at nang mapagod ay pareho silang nakatulog sa sofa.
Mahigit isang oras na siguro siyang nakaidlip nang maramdaman niya na parang may mainit na palad ang humaplos sa pisngi niya. Mabilis na iminulat niya ang mga mata at napasinghap nang makitang naroon si Gabriel.
Nakaluhod ito sa sahig –para magpantay sila—habang patuloy ito sa paghaplos sa mga pisngi niya.
“Gabriel..”
“Shhh..” saway nito sa kaniya at tiningnan ang paslit na mahimbing na natutulog habang nakaunan sa braso niya. Hindi niya magawang gumalaw dahil sa takot na magising si Phoebe.
“Paano mo nalaman na nandito ako?”
“Tinawagan ako ni Allyson at sinabi niya sa akin na nakiusap siya sa'yo na alagaan na muna si Phoebe. Napagod ka ba?” masuyong tanong nito sa kaniya.
Nakangiting umiling siya.
“Medyo lang, nakakatuwa palang mag alaga ng bata. Hindi ko kasi naranasan ang ganito sa mga pamangkin ko.”
Kahit kasi nasa iisang tirahan lang sila ay bihira niyang makasama ang mga pamangkin dahil madalas na busy siya sa trabaho. Hindi rin kasi masyadong pinapalapit ng hipag niya ang mga anak nito sa kanila dahil hindi ito kasundo ng kaniyang ina.
Napapikit siya nang yumuko si Gabriel at kintalan ng magaang halik ang noo at tungki ng ilong niya. Mayamaya ay tumayo na ito at maingat na binuhat si Phoebe. Bumangon na rin siya at sumunod sa asawa nang umakyat ito sa second floor ng bahay at pumasok sa mismong kwarto ng mag asawa. Inihiga nito sa kama ang natutulog na paslit at inakbayan siya.
“Sweetie, bakit parang bigla akong nainggit? Hindi na rin ako makapaghintay na magkaroon ng sarili kong mga prinsesa.”
“Mga?”
“Limang mga prinsesa.”
Nanlaki ang mga mata niya at kinurot ito sa bandang tagiliran. Pinamulahan siya ng mukha dahil sa request ni Gabriel. Hindi niya masasabi kung handa na ba siyang magkaroon sila ng anak. Pero hindi naman siya makakatanggi kung ibibigay na iyon ng langit sa kanila.
Aarte pa ba ako?