Late na nang magising si Maricon. Nang sulyapan niya ang wallclock at makitang pasado alas nuwebe y medya na pala ng umaga ay napabalikwas siya ng bangon.
Bahagya pa siyang nasilaw mula sa liwanag na tumatagos sa malaking bintana ng kwarto. Kinusot niya ng palad ang mga mata at nakatulalang tumitig sa labas ng bintana.
Ilang minutong naging blangko ang isip niya dahil pilit na inaalala niya kung ano ang nangyari kagabi at bakit masakit ang ulo niya ngayon. Wala siyang masyadong maalala maliban sa tinakasan niya si Gabriel at nakipag inuman siya kay Nanay Pilar at sa iba pang mga nanay na kasama nila kagabi.
Masaya naman ang naging gabi niya at totoong nag enjoy siya. Naalala din niya na marami siyang nakuhang love advice mula sa mga ito. Napapalatak siya at sinuklay ng mga palad ang mahabang buhok niya. Malakas na naghikab siya at inunat ang mga braso. Sakto naman na biglang may eksena kagabi ang bigla na lang sumagi sa isip niya.
“Ibaba mo ako! Bwisit ka! Bwisit!”
“Pasensiya na kung nakalimot ako, nangako ako sa sarili ko na hahayaan ko lang na may mangyari sa atin sa oras na makuha ko na ng buong buo ang puso mo. Alam ko na hindi pa ito ang oras na hinihintay ko, I’m really sorry.”
Halaaa!
Namilog ang mga mata niya at hindi makapaniwalang natutop ang mga labi. Iglap lang ay narinig na niya ang malakas na pagkabog ng dibdib niya.
Nasabunutan niya ang sarili at malakas na napaungol ng parang ulan na bumuhos sa alaala niya ang nangyari kagabi. Kamuntik na siyang bumigay kay Gabriel! Kamuntik na niyang isuko sa asawa ang sarili niya! daig pa niya ang tinakasan nang katinuan. Nagpagulong gulong siya sa kama at muling umungol ng malakas.
“Ang tanga mo, Maria Concepcion! Bakit ba parang bibigay ka na sa lalaking iyon? Asawa mo lang siya sa papel, tandaan mo!” naiinis na paalala niya sa sarili.
Tinapik tapik niya ang mga pisngi at muling bumangon sa kama. Isinuot niya ang tsinelas at maingat ang mga hakbang na naglakad siya sa direksiyon ng pinto. Mula sa nakaawang na dahon ng pinto ay dumungaw siya. Natatanaw niya mula sa kwarto niya ang buong ibaba ng maliit na bahay. Nakahinga siya ng maluwag ng hindi niya makita sa ibaba si Gabriel.
Wala pa sana siyang balak na bumaba –dahil natatakot siya na baka bigla itong bumalik—kaya lang ay natanaw niya ang maliit na kusina at nakita niya ang umuusok na sinangag sa plato. Napalunok siya ng biglang kumulo ang tiyan niya. Nagugutom na siya at maliban pa doon ay masakit din ang ulo niya dahil marami siyang nainom kagabi. Bibilisan na lang niya ang pagkain para hindi siya nito maabutan.
Binuksan niya ang pinto at patakbong bumaba ng hagdan. Dumiretso siya sa kusina at agad na naghagilap ng kubyertos. Pero ang plano niyang pagtikim sa pagkain ay naudlot nang makita ang mga nakahain sa mesa. Maliban sa umuusok na sinangag ay may chicken adobo, menudo, fried chicken, sinigang na baboy at inihaw na isda ang naroon sa pabilog na mesa. Natigilan siya at napaupo na lang sa isang silya habang nakatitig sa mga pagkain na nasa harap niya.
Noong una ay medyo duda pa siya nang sabihin sa kaniya ng mommy ni Gabriel na masarap magluto ang asawa niya. Minsan daw kasing tumira si Gabriel sa isang matandang dalagang tiyahin nito sa Maynila kaya natuto itong magluto at maglinis ng bahay. Husband material daw ang lalaking pinakasalan niya, ayon na rin kay donya Leticia. Nakakasiguro daw ito na maaalagaan siya ng sobra ng asawa niya.
Ngayon ay ay parang gusto na niyang maniwala na totoong husband material nga si Gabriel dahil alam niya na hindi biro ang effort nito para lang makapagluto ng maraming pagkain. At lahat pa ng mga pagkain na nakahain sa mesa ay paborito niya at mukhang masarap. Naikurap niya ang mga mata nang mapansin na may puting flowervase sa gitna ng mesa.
May isang tangkay ng pulang oras ang naroon at sa gitna ng vase ay may nakadikit na notes. Kinuha niya ang maliit na papel at binasa ang message na nakasulat doon.
Alam ko na hindi mo pa ako gustong makita sa ngayon. Lumabas na muna ako para mas makakain ka ng ayos. Ayokong magpagutom ka kaya sana naman huwag ng matigas pa ang ulo mo. I love you, sweetie.
Nahagod niya ng wala sa oras ang kaliwang dibdib ng magsimulang magwala ang puso niya. Bigla ay parang nahirapan siyang huminga ng normal. Pinuno niya ng hangin ang dibdib at ilang beses na bumuntong hininga. Pero hindi pa man siya nakakabawi sa epekto ng notes sa kaniya ay mas lalo pang tumindi ang pagkabog ng dibdib niya nang makita ang ilang piraso ng tabletas sa tabi ng plato niya.
May salonpas at medicated oil pa iyong kasama na para bang nahulaan na agad ni Gabriel na magigising siyang masakit ang ulo at buong katawan dahil sa paglalasing niya kagabi.
Parang gusto niyang mapabunghalit ng iyak nang maalala si Junie. Sa halos isang taon na relasyon nila ay hindi niya matandaan na inasikaso siya nito. Hindi sweet ang lalaking dapat sana ay pakakasalan niya. Naiintindihan naman niya ito dahil katulad niya ay madalas na pagod na ito sa trabaho noon. Bihira lang silang lumabas at kung minsan ay hindi pa natutuloy ang mga date nila kapag kumukontra ang mga magulang niya.
Hindi boto ang pamilya niya kay Junie kaya ang lalaki na lang ang umiiwas sa mga ito at hindi na sumubok pa noon na bumisita sa kanila ng minsan itong prangkahin ng kaniyang ama.
Naisip niya na kung si Junie ang pinakasalan niya ay baka hindi niya maranasan ang ganoong klase ng treatment. Baka siya pa ang mag asikaso dito dahil noon pa man ay napansin na niya na mas gusto ng lalaki na ito ang inaalagaan niya sa halip na ito ang mag alaga sa kaniya. Panganay kasi ito at breadwinner pa ng pamilya kaya naiintindihan niya kung naghahanap ito ng pag aalaga mula sa kaniya.
Pero iba rin pala kapag siya na ang inaalagaan. Mas masarap sa pakiramdam dahil pakiramdam niya ay safe siya. Hindi man niya magawang aminin ng one hundred percent ay alam niya sa sarili niya nagagawa na niyang maappreciate kahit ang mga simpleng effort lang ni Gabriel.
Fifteen years ka niyang kinulit, Maricon, kailangan lang pala na masolo ka niya sa isla para lang mapansin mo ang lahat ng paghihirap niya?
Napailing siya at nagpasiyang kumain na. Muli ay namangha na naman siya nang matikman niya ang mga pagkain na niluto ni Gabriel. Masarap ang mga iyon at mukhang mapaparami pa ang kain niya. Hindi na lang ang tiyan niya ang lumobo ngayon dahil kahit ang puso niya ay nabusog na rin lalo pa at alam niyang pinaghirapan ng asawa niya ang pagluluto ng mga pagkain.
Pagkatapos kumain ay naligo na siya at nagbihis. Pink na bestida ang isinuot niya at tinernuhan niya iyon ng itim na fliptop slippers. Mission abort na ang pagpapakalosyang niya dahil pinalitan ng mga hipag ni Gabriel ang buong wardrobe niya. Hindi rin niya matiis na hindi maligo dahil mainit sa isla at baka naman heatstroke pa ang abutin niya kapag nagmatigas siya.
Hinayaan lang niyang nakalugay ang hanggang balikat at tuwid na buhok saka siya umikot sa harap ng malaking salamin. Dalawang araw pa lang siya sa isla ay medyo nababawasan na ang pagiging maputla niya. Hiyang siguro siya sa sariwang hangin doon.
Noong nasa Maynila kasi siya ay madalas na nakakulong lang siya sa kwarto at ang lamig lang ng aircon ang hangin na dumadampi sa balat niya. Napangiti siya nang pasadahan niya ng tingin sa salamin ang mukha niya. Kahit hindi siya maglagay ng makeup ay lumabas naman ang natural na ganda niya.
Pagkatapos niyang mag ayos ay lumabas na siya ng bahay para mamasyal. Ilang minuto siyang naglakad bago niya natanaw ang tabing dagat. Nakita niya si Gabriel na nakaupo sa buhanginan habang masayang nagkwekwento sa mga bata. Hindi naman siya nito mapapansin agad –dahil masyadong nakatutok ang atensiyon nito sa mga bata—kaya pasimpleng lumapit siya sa mga ito. Tumayo siya sa may hindi kalayuan at nakinig sa kwento nito.
“Hindi po ba magagalit si Belle kasi ikinulong siya ng Beast?” narinig niyang tanong ng isang batang babae dito.
“Siyempre magagalit si Belle pero dahil malalaman naman niya na mabait ang Beast kaya mawawala na ang galit niya. Mahal na mahal din ng Beast si Belle kaya sa huli pakakawalan niya ito.” Paliwanag ni Gabriel.
Hindi niya mapigilan ang mapangiti habang nakikinig sa kwento. Parang character sa isang anime si Gabriel na kumikinang sa paningin niya habang masiglang kausap nito ang mga bata.
Maliban sa pagiging husband material ay bagay din pala sa lalaki ang maging ama. Halata kasi na sanay itong makipag usap sa mga bata.
Halos hindi niya magawang ikurap ang mga mata habang nakangiting pinagmamasdan ito. Kahit na simpleng t-shirts at cargo shorts lang ang suot nito ay hindi iyon nakabawas sa kagwapuhan nito.
Nasanay na siyang makita ito na palaging nakaformal attire pero ngayon na nakita niya ito sa ganoong porma ay hindi naman niya mapigilan matunaw sa kilig habang pinagmamasdan dito.
Attracted na yata ako sa asawa ko!
Napapailing na sabi niya sa sarili.
Hindi sinasadyang nagtama ang mga mata nila ni Gabriel matapos siyang ituro ng batang katabi nito. Pinuno ng hindi maipaliwanag na init ang dibdib niya nang ngumiti ito sa kaniya.
At sa pinakaunang pagkakataon—sa loob ng maraming taon na itinaboy niya ito—ay nagawa niyang ibigay ang una at pinakamatamis na ngiti niya sa asawa niya. Daig pa niya ang ipinako sa kinatatayuan niya nang kawayan siya nito.
Hindi niya alam kung ano ang gagawin. Kakaway din ba siya? O flying kiss kaya? Pero bakit naman niya gagawin iyon?
Dahil iyon ang sinasabi ng puso mo… bulong ng kabilang bahagi ng isip niya.
Natutop niya ang kaliwang dibdib at handa na sanang ipunin ang lahat ng lakas niya para mag iwas ng tingin kay Gabriel pero bigla na lang ay nakarinig sila ng malakas na sigaw.
“Tulong! Tulungan ninyo kami! Bigla na lang hinimatay si nanay Pilar!”
Nagulantang siya sa narinig. Maging si Gabriel ay mabilis na tumayo at tumakbo sa direksiyon ng mga taong may buhat kay nanay Pilar.
“Ipahanda na ninyo ang bangka, kailangan nang madala agad sa ospital ang asawa ko.” Umiiyak na utos ni tatay Rody sa mga kalalakihan na naroon.
Mabilis na kumilos ang mga residente na para bang sanay na ang mga ito sa ganoong insidente.
“Sasama ako! Kailangan na sa bagong ospital madala si nanay Pilar para maasikaso siya agad. Tatawag ako mamaya kay mommy kapag nakatawid na tayo sa Mondemar. Kailangan niyang malaman ang nangyari kay nanay Pilar.”
Tumango naman si tatay Rody. Siya naman ay nakatulala lang at parang nalilito na sa nangyayari. Tama ba ang narinig niya na sasama si Gabriel pabalik ng Mondemar at maiiwan siyang mag isa doon?
“Gabriel..” kinakabahang sabi niya nang lumapit ito sa kaniya. Nahalata siguro nito ang pag aalala niya kaya kinabig siya nito at niyakap ng mahigpit.
“Babalik din ako mamayang hapon, kailangan ko lang masiguro na maaasikaso ng mabuti si nanay Pilar. Mahalaga kay mommy si nanay Pilar kaya kailangan ko ring ipaalam sa kanila ang nangyari. Uuwi din ako mamaya.” Anito at masuyong hinagod ang likod ng ulo niya.
Pakiramdam niya ay may nagliparang paruparo sa loob ng katawan niya. Nang yumuko si Gabriel at masuyong idampi ang mga labi sa noo niya ay ipinikit lang niya ang mga mata at hinayaan ang sarili na balutin ng kakaibang init.
Hindi na niya maipaliwanag ang nangyayari sa kaniya ngayon. Naweweirduhan na siya sa sarili dahil
pakiramdam niya ay ayaw niyang mawala sa paningin niya si Gabriel.
Nakukuha na nga ba talaga ng asawa ang loob niya?