Nanginginig man ang mga palad ay pilit na kinalma ni Maricon ang sarili. Araw ngayon ng kasal niya kaya dapat lang na maging masaya siya. Maliban sa espesyal na araw iyon para sa kaniya ay dapat din siyang matuwa dahil maayos niyang naisagawa ang plano niya.
Hindi na nakatanggi pa ang pamilya niya sa desisyon niyang magpakasal kay Junie. Kilala naman kasi niya ang mga ito at alam niya na kahit maraming sinasabi ang mga magulang ay wala nang magagawa pa ang mga ito sa naging desisyon niya.
Nakahanda na ang lahat para sa kasal nila ni Junie ngayong araw. Sa munisipyo gaganapin ang simpleng kasal nila, sa mismong opisina ng mayor. Nangako naman si Junie sa kaniya na sa oras na makapagtapos na ng pag aaral ang bunsong kapatid nito ay mag iipon ito para sa kasal nila sa simbahan. Hindi naman siya naghahangad ng mas higit pa sa kasal nila ngayon.
Masaya at kontento na siya dahil alam niyang hindi siya nagkamali sa pagpili ng lalaking mamahalin niya.
“Nasaan na ba ang Junie na 'yon? Ang akala ko sa simbahan lang umeeskapo ang ibang ikakasal. Pati ba naman sa huwes?”
“Kuya!” naiinis na saway niya sa kapatid.
Mas lalong nadagdagan ang kaba niya sa sinabi nito. Mahigit sampung minuto na kasing delayed ang seremonya ng kasal. Nakakahiya na sa mayor nila dahil kanina pa ito naghihintay.
Sinubukan niyang tawagan si Junie pero hindi naman niya ito macontact. Nahihiyang tumingin siya sa mayor bago nilingon si Ryan.
“Baka may nangyaring masama sa kaniya?” kagat labing tanong niya.
“At sa buong pamilya niya?” pasarkastikong pambabara nito.
Napahugot na lang siya ng malalim na buntong hininga. Kahit ang mga magulang ni Junie ay wala din doon. Ano ba talaga ang nangyari?
Maayos naman ang naging pag uusap nila kahapon. Naayos na nila ang lahat kahit ang reception mamaya. Mas lalo pang tumindi ang kabang nararamdaman niya ng patuloy na tumakbo ang oras. Hanggang sa ang sampung minuto ay mas humaba pa.
Pinagpawisan na siya ng malamig lalo na nang makita niya ang pagkainip sa mukha ng mga ninong at ninang na kinuha nila sa kasal.
Napangiwi na lang siya at muling napahinga ng malalim. Mayamaya ay nakarinig siya ng komosyon mula sa labas ng opisina. Nalilitong ibinaling niya ang tingin sa pinto nang mapansin na maraming mga tao ang dumungaw mula sa window glass ng opisina.
Anong nangyayari?
“I’m really sorry, hindi ko inaasahan ang biglang pagdating ng kliyente ko kanina from Manila kaya hindi agad ako nakapunta dito.”
Gabriel?!
Nanlaki ang mga mata niya nang bumukas na pinto at pumasok sa loob ng opisina ang isang matangkad at gwapong lalaki na nakasuot ng itim na tuxedo. Napaatras siya at gimbal na napatitig dito nang salubungin siya nito nang tingin.
“Hi, sweetie.” Bati nito sa kaniya.
Hindi nakaligtas sa kaniya ang malakas na pagsinghap ng mga taong naroon sa loob ng opisina ng mayor.
Parang may kamay na bakal ang pumisil ng mahigpit sa puso niya nang makita ang kakaibang ngiti sa mga labi ni Gabriel.
Nararamdaman niya na may binabalak itong hindi maganda. Siguradong pipigilan nito ang kasal niya kaya dapat lang na unahan niya ito.
Binigyan niya ito nang nagbabantang tingin. Ibinuka niya ang mga labi at nakahanda na sanang paalisin ito nang marinig niyang magsalita ang kaniyang ama.
“Magsimula na po tayo, mayor. Nandito na ang lalaking pakakasalan ng anak ko.”
Halos sumabog na ang ulo niya dahil sa pagkabigla niya at marahas na nilingon ang ama.
“Anong ibig sabihin nito? nasaan si Junie? May ginawa ba kayo para takutin siya at huwag sumipot sa araw ng kasal namin?!” nagpapanic na sigaw niya.
Matalim na tiningnan siya ng ama.
“Wala na ang magaling na boyfriend mo, umalis na siya kasama ang pamilya niya. Kung ayaw mong maniwala, puntahan mo mamaya ang bahay nila para makita mo na totoo ang sinasabi ko. Pero sa ngayon ay kailangang matuloy ang kasal ninyo ni Gabriel.”
“Hindi pwede!” tumatahip ang dibdib sa matinding pagkabigla na sigaw niya.
Nilapitan siya ng ama at mahinang nagsalita ito.
“Alam mo ba ang mangyayari sa'yo sa oras na hindi kayo magpakasal ngayon ni Gabriel? Pagtatawanan ka ng mga tao dahil nagkamali ka ng naging desisyon mo. Habambuhay na matatatak sa isip nila na nagpakatanga ka sa isang lalaking tinakbuhan ka lang sa mismong araw ng kasal mo.”
“P-pero…” napakagat labi na lang siya at nagsimula ng mag init ang paligid ng mga mata niya.
Naalala niya ang pinagdaanan ng ate Esmeralda niya. Dati ay may nanliligaw dito na nagmula sa isang mayamang pamilya. Pero kagaya nga ng madalas niyang sabihin sa sarili ay talagang hindi natuturuan ang puso dahil sa huli ay pinili ng kapatid niya na pakasalan ang boyfriend nito.
Batugan at maraming bisyo ang lalaking pinakasalan ni Esmeralda. Ilang beses na rin itong binugbog ng asawa at ng hindi na nito makayanan ang paghihirap ay nakipaghiwalay ito sa asawa at bumalik sa pamilya nila.
Dahil sa nangyari ay maraming natanggap na pangungutya ang kapatid niya mula sa ibang tao. Hindi nga halos ito makalabas ng sinehan nila dahil natatakot itong mapag usapan na naman ito ng mga tsismosa sa lugar nila.
“Isipin mo rin naman kami ng mama mo, Maricon, matanda na kami at nahihirapan nang magtrabaho pa. Bigyan mo naman kami ng magandang buhay. Ikaw na lang ang pag asa ko dahil walang pakinabang ang mga kapatid mo. Nangako rin si Gabriel na sa oras na pakasalan mo siya ay babayaran niya ang mga utang natin. Bibigyan din niya ako ng malaking puhunan para makapagtayo ako ng bagong negosyo. Hindi na tayo maghihirap, 'yon naman ang gusto mo 'di ba? kaya ka nagkakandakuba sa pamamasukan sa kapitolyo. Nasa harap mo na ang sagot, sa isang sabi mo lang ay hihiga ka sa salapi.”
Naikuyom niya ang mga palad. Alam niyang wala na siyang takas pa. Alam rin ng kaniyang ama na kapag ganoon na parang nagmamakaawa na ito sa kaniya ay wala na siyang lakas na tumanggi pa. Paano pa siya aatras kung marami na ang nakasaksi sa nangyari? Hindi rin magiging tahimik ang buhay niya sa oras na tumakbo siya dahil mapapahiya ang pamilya niya.
Ah, ang laking tanga niya para isipin na nakalusot na siya sa problema niya. Nakalimutan niya na isa nga palang Mondemar ang kalaban niya kaya siguradong dadaan na muna siya sa butas ng karayom bago pa niya matakasan si Gabriel.
Pinunasan niya ang mga luha at nanlilisik ang mga mata na tumingin kay Gabriel na nakatayo sa tabi niya. Nakita niya ang pagdaan nang pagkagulat sa mga mata nito bago iyon napalitan ng matinding kalungkutan. Ilang sandali lang niyang nakita ang lungkot sa gwapong mukha nito dahil muli lang itong ngumiti sa kaniya.
Masuyong inabot nito ang palad niya. Parang may nakataling mga bakal sa magkabilang paa niya nang magkasama silang naglakad palapit sa table ng mayor.
Nagsimula na ang seremonya ng kasal. Nagsikip ang dibdib niya dahil sa magkakahalong emosyon na bumabalot sa kaniya. Kagaya ng ibang lalaki ay mukhang nagpadala din si Junie sa takot sa kaniyang ama at kay Gabriel.
Ano nga ba ang nangyari sa boyfriend niya at paano siya nito nagawang iwan na lang sa mismong araw ng kasal nila?
Naramdaman niya ang pagpisil ni Gabriel sa palad niya habang nagsasalita ang mayor. Malamig na nilingon niya ito.
“'di ba sabi ko naman sa'yo, akin ka? Hindi ako papayag na makuha ka ng iba, Maricon. Sa akin ka lang at wala ka nang magagawa pa sa bagay na 'yon.”
Binalot ng matinding galit ang puso niya. Sisiguruhin din niya na magiging impiyerno ang buhay nito sa kaniya at wala na rin itong magagawa pa sa plano niya!