Hindi! Imposibleng nagpakasal kami ni Gabriel. Panaginip lang lahat ito!
Nalilitong nasabi ni Maricon sa sarili. Ilang marahas na buntong hininga ang pinakawalan niya at malakas na tinapik ng mga palad ang magkabilang pisngi. Napangiwi siya nang maramdaman ang kirot sa mukha niya dahil sa pagsampal niya sa sarili.
Kamuntik na siyang mapabunghalit nang iyak nang masiguro sa sarili na hindi lang talaga isang panaginip lang ang lahat ng nangyari sa kaniya. Sa mabilis na pagkilos ni Gabriel ay nagawa nitong baguhin ang mundo niya. Mag asawa na sila sa ayaw man o sa gusto niya.
Bwisit! Bwisit talaga!
Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala na nagawa ng lalaki na pakialaman ang buhay niya bago pa man siya magtagumpay sa plano niya.
Dahil sa nangyari ay mas lalo pang naging matindi ang hinanakit niya sa mga magulang. Daig pa niya ang isang bagay na basta na lang ipinamigay ng mga ito.
Hindi rin siya naniniwala sa sinabi ng ama na nang malaman nito at ni Gabriel na wala na si Junie maging ang pamilya nito sa bahay na tinutuluyan ng mga ito ay nagdesisyon ang dalawa na iligtas siya sa kahihiyan na sasapitin niya.
Ayaw daw ng kaniyang ama na isipin ng mga tao na isa siyang t~nga at uto u***g babae na pumatol sa isang lalaking walang paninindigan.
Sigurado siya na may foul play sa nangyari. Malamang na tinakot ni Gabriel si Junie kaya wala na itong nagawa pa. Kilala niya si Junie at alam niyang hindi ito magpapadala sa pera ng mga Mondemar. Alam niyang kahit alukin ito ng pera ni Gabriel para iwanan siya ay hindi nito gagawin.
Maliban na lang kung tatakutin ni Gabriel ang boyfriend niya na may mangyayaring masama dito o sa pamilya niya sa oras na ituloy nila ang pagpapakasal.
Nanggigigil na diniinan ni Maricon ang pagkuskos ng facial tissue sa pisngi niya. Naroon siya sa condo unit ni Gabriel sa Maynila. Doon siya dinala ng magaling na lalaki pagkatapos ng kasal nila. Masyado daw itong abala kaya hindi sila pwedeng manatili ng matagal sa bayan ng Mondemar. Napaismid siya nang maalala na sinabi nito kanina sa mga magulang niya na tuwing weekends ay dadalaw silang mag asawa sa mga ito.
Sa estado ng emosyon niya ngayon ay hindi na muna niya gustong makita ang pamilya niya. Alam niyang magiging maayos naman ang kalagayan ng mga ito kahit wala siya.
Para saan pa ang pag aalala niya? Malamang na sa mga oras na ito ay abala ang pamilya niya sa pagmamalaki sa mga kakilala nila na malakas na ang koneksiyon ng mga ito sa Mondemar.
Samantalang siya ang aani ng lahat ng kamalasan dahil sa pagpapakasal niya kay Gabriel. Sabihin man ng iba na nakahiga siya sa salapi ay hindi iyon sapat sa kaniya. Hindi siya materialistic na tao at kontento na siya na magkaroon ng simpleng buhay kasama ang lalaking mahal niya. Pero ang lahat ng iyon ay sinira ng kasakiman ni Gabriel at ng mga magulang niya.
Mula sa pagtitig niya sa malaking salamin ng dresser ay hindi sinasadyang napalingon siya sa malaking kama na nakapwesto sa bandang likod niya. Tumayo ang mga balahibo niya sa braso at batok nang maalala na iisa lang ang kwarto sa unit ni Gabriel. Ibig sabihin ay magsasama sila hindi lang sa iisang bubong kundi sa iisang kwarto din.
Nag iinit ang mga pisngi na tumayo na siya. Mabilis na dinampot niya ang mga damit na nakapatong sa ibabaw ng kama at pumasok na sa banyo. Natanggal na niya ang makeup sa mukha niya kaya maliligo na siya bago pa man pumasok ng kwarto si Gabriel.
Mabilis na naligo siya at isinuot ang maluwag na t-shirt at pajama bottom na halos sumayad na sa sahig ang tela dahil sa sobrang haba. Sinadya niyang magsuot ng ganoon ngayong gabi at itago sa pinakailalim ng cabinet ang mga binili niyang nightgown para sirain ang gabi ng magaling niyang asawa. Tingnan na lang niya kung hindi pa ito sumuko sa kaniya.
Bwisit! Nagresign ako sa trabaho ko dahil mas gusto kong asikasuhin na lang si Junie kapag nakasal na kami tapos ganito lang ang mangyayari?
Nakasimangot na lumabas na siya ng banyo habang kinukuskos niya ng towel ang mahabang buhok. Sakto naman na bumukas ang pinto ng kwarto at pumasok si Gabriel. Suot pa rin nito ang itim na tuxedo na siyang suot din nito sa kasal nila kanina.
Napansin niya ang pagod sa buong mukha nito dahil siguro pagkarating nila ng Maynila ay dumiretso agad ito sa business meetingPero wala siyang pakialam kung pagod man ito dahil mas dapat niyang intindihin ang sarili niyang emosyon.
Nanlisik agad ang mga mata niya nang magtama ang mga paningin nila. Hindi niya ito magawang komprontahin kanina dahil sa mga magulang niya. Ngayon na nasolo na niya ito ay nasa kaniya ang lahat ng pagkakataon para maibalik ang lahat ng paghihirap na naramdaman niya sa loob ng buong araw.
“Walanghiya ka! Bwisit ka! Anong karapatan mong sirain ang kasal namin ni Junie!” nangangatal sa galit na binitiwan niya ang hawak na tuwalya at sinugod ang lalaki.
Pinagsusuntok niya ito sa dibdib. Ang buong akala niya ay naubos na ang lahat ng luha niya kanina. Pero ngayon na nakita na naman niya ito ay napaiyak na naman siya matapos bumalik ang lahat ng sakit at frustration na nararamdaman niya.
Wala siyang ibang pwedeng sisihin kundi si Gabriel. Napakaselfish nito at kaya nitong gawin ang lahat makuha lang ang gusto nito kahit na alam nito na may masasagasaan itong ibang tao.
Hindi naman umimik ang lalaki. Nanatili lang itong nakatayo at hinayaan siyang bayuhin ito ng malakas sa dibdib. Napapagod na siyang saktan ito pero kahit isang salita ay wala siyang narinig mula dito. Umiiyak na nag angat siya ng tingin kay Gabriel. Inilapat niya ang mga palad sa dibdib nito para siguruhin na hindi siya nito malalapitan.
“Ilang beses ko ba dapat sabihin sa'yo, Gabriel na hindi pagmamahal ang kung ano man na nararamdaman mo sa akin? Pineperahan ka ng mga magulang ko, hindi mo ba nakikita 'yon?!” nagpupuyos sa galit ang dibdib na sigaw niya.
Muli ay nakita niya ang pagdaan ng lungkot at pait sa mga mata nito. Ipinilig nito ang ulo at hinawakan ang mga palad niya. Pinilit niyang magpumiglas pero hindi siya nito pinakawalan. Nanlaki ang mga mata niya nang dalhin ni Gabriel ang isang palad niya sa tapat ng kaliwang dibdib nito.
“Ano ba ang alam mo sa
pagmamahal? Hindi mo pa rin ba naririnig ang sinasabi ng puso ko kapag kinakausap ka nito? kapag tinitingnan kita sa mga mata mo? O baka nagbibingi bingihan ka lang dahil mas gusto mong sundin ang sinasabi ng isip mo kaysa sa puso mo.”
Natigilan si Maricon nang maramdaman ang sakit sa tinig nito. Hindi niya inaasahan ang biglang pagkirot ng puso niya. Pero bakit kailangan niyang maapektuhan sa mga sinasabi ni Gabriel? Galit siya dito kaya hindi niya pwedeng pakinggan ang mga sinasabi nito.
Matalim na tiningnan niya ang asawa.
“Asawa mo lang ako sa papel, tandaan mo 'yan, Gabriel. Gagawin kong impyerno ang buhay mo at sisiguruhin kong gaganti ako sa'yo sa oras na malaman ko kung ano talaga ang ginawa mo kay Junie.”
“My God, Maricon!” Hindi makapaniwalang umiling ito. “Ano naman sa tingin mo ang gagawin ko kay Junie? Iniisip mo ba na magagawa ko siyang takutin na ipapapatay ko siya at ang pamilya niya sa oras na hindi sila umalis sa Mondemar?”
“Oo!” sigaw niya.
Ibinuka niya ang mga labi at nakahanda pa sanang sigawan ulit si Gabriel. Pero natigilan siya at hindi na nakapagsalita pa nang mapansin ang pagbabago ng reaksiyon nito.
Bumakas ang hindi maipaliwanag na sakit sa gwapong mukha nito. Pero sa halip na ipakita nito iyon sa kaniya ay pinilit nitong ngumiti at muling nagsalita.
“Siguro nga tama ka, kasi nga baliw na baliw ako sa'yo kaya pwede kong gawin ang ibinibintang mo sa akin. Napakaganda mo kasi kaya hindi ko mapigilan na maging territorial at seloso pagdating sa'yo. Baka nga sa mga oras na ito ay hindi na humihinga ang gagong boyfriend mo dahil ipinapatay ko na siya at nagtago na ang pamilya niya dahil sa takot. Pero sana….” Ipinilig nito ang ulo at binitiwan siya.
Hinagod nito ang batok at muling tiningnan siya. Hindi niya magawang huminga habang nakikita niya ang sakit sa mga mata nito. Alam niyang galit siya pero bakit hindi niya mapigilan na maapektuhan sa nakikita niyang paghihirap sa mga mata ni Gabriel?
“Sana maisip mo na hindi ako ganoon kasama. Nagmahal lang ako, Maricon at kung ang pagmamahal na 'yon ang magiging dahilan para magalit ka sa akin, wala akong magagawa. Basta ang importante ay asawa na kita at hinding hindi mo na mababago pa iyon.”
Sh~t!
Hindi siya nakapagsalita at nanghihinang sinundan na lang niya ng tingin si Gabriel nang lumabas na ito ng kwarto nila. Mariing ipinikit niya ang mga mata.
First round palang ay natalo na siya nito. Paano na siya sa mga susunod na round nang pagbabangayan nila?
Nakakainis!