“Sigurado ka po ba sir Gabriel, na hindi po natin siya susunduin?”
Umiling lang si Gabriel at hindi na nagawang tapunan pa ng tingin ang driver niya. Hindi niya kasi kayang alisin ang mga mata kay Maricon. Pakiramdam niya ay mawawala ito ano mang oras sa paningin niya kaya ayaw niyang alisin ang mga mata sa babae.
Napansin niya ang matinding lungkot sa mga mata ng asawa niya habang kausap nito ang isang may edad na babae sa labas ng sari-sari store na malapit lang sa bahay ni Junie. Alam niya kung ano ang sadya ni Maricon sa pagpunta doon, gusto nitong malaman kung bakit bigla na lang nawala si Junie sa mismong araw ng kasal ng mga ito.
Nagpakawala siya ng mahinang buntong hininga nang maalala ang ginawa nito kaninang umaga. Bigla na lang itong umalis ng condo unit niya ng walang paalam at umuwi sa Mondemar. Ngayon niya pinagsisihan na hindi niya sinunod ang suhestiyon ng kuya Jaime niya na ikuha ng bodyguard ang kaniyang asawa.
Ayaw kasi niyang maramdaman ni Maricon na ikinukulong niya ito sa mundo niya. Gusto niya na maging malaya pa rin itong kumilos kahit na nakatali na ito sa kaniya. Alam niyang hindi magiging madali ang buhay may asawa niya dahil galit na galit sa kaniya ang babaeng pinakasalan niya. Pero hindi pa rin siya nawawalan ng pag asa na isang araw ay matututunan din siya nitong mahalin. Hindi man ngayon pero alam niyang may tamang oras para sa lahat ng bagay.
Nasanay na siya na madalas siyang itinataboy ni Maricon. Kahit noong mga bata pa sila ay hindi niya nakitang nginitian siya nito. Maliban sa unang araw na nagkita sila sa sinehan. Nang iparamdam niya dito ang nararamdaman niya noon ay hindi niya inakala na makakaramdam siya ng matinding rejection. Pero hindi siya sumuko at patuloy na naghintay siya hanggang sa magtagumpay siya na mapunta ito sa kaniya.
Ngayon na abot kamay na niya ito ay hindi siya papayag na manatiling ganoon ang relasyon nila. Wala siyang pakialam kung magmukha man siyang masama dahil alam niya sa sarili niya na hindi niya gagawin iyon kung hindi dahil sa pagmamahal niya kay Maricon. Umaasa siya na darating ang araw na maiintindihan din siya nito at kung bakit siya nagkakaganoon.
May mga taong nagiging mapagbigay kapag natututong magmahal, pero hindi siya. Pwedeng kunin sa kaniya ng iba ang lahat ng mayroon siya ngayon pero hindi si Maricon. Handa na siyang maging masama ngayon sa paningin ng babaeng mahal niya dahil alam naman niya na iyon naman talaga ang iniisip nito, na isa siyang masama at makasariling lalaki. Kung hindi niya ito madadaan sa pagiging good boy niya ay kailangan na niya sigurong ilabas ang huling alas niya. Ipapakita niya dito ang pinakamasamang side niya kahit alam niyang pwedeng mas lumaki pa ang galit nito sa kaniya.
Kailangan na kasi niyang sindakin ito dahil hindi nadadaan sa pakiusap lang ang asawa niya. Habang tumatagal ay mas nagiging pasaway ito. Isang linggo pa lang silang nagsasama bilang mag asawa pero hindi ito pumapalya na sirain ang araw niya.
“Sir, mukhang uulan po ng malakas ngayon.” Untag ng driver sa kaniya.
Naikurap ni Gabriel ang mga mata at ibinaba ang bintana ng sasakyan. Nagsisimula nang dumilim ang langit at kumukulog na rin. Hindi na siya nagdalawang isip pa na magpakita kay Maricon. Mabilis ang mga kilos na bumaba na siya ng kotse at nilapitan ito.
“A-anong ginagawa mo dito?” gulat na tanong nito nang lapitan niya ito.
Napaatras ito nang hawakan niya ito sa braso at akmang hihilahin na patungo sa kinapaparadahan ng kotse.
“Ayoko pang umuwi! Hindi mo ba nakikita na may kausap ako?”
“Nandito na pala ang asawa mo, bakit hindi ka na lang sa kaniya? Siguradong uulan ng malakas ngayon.” Gulat na sa sabi ng matandang babae.
Alam niyang kalat na sa buong bayan ang pagpapakasal nila ni Maricon kaya hindi na siya nagulat sa sinabi nito.
“Pero gusto ko pong hintayin si Junie, baka bigla po siyang umuwi ngayon.” Humihikbing pakiusap ni Maricon sa matanda.
Biglang nagsikip ang dibdib niya nang marinig ang pag iyak nito. Paano nito nagagawang iyakan ang ibang lalaki sa harap ng sarili nitong asawa? Wala ba talaga itong pakialam sa nararamdaman niya? bumuntong hininga siya at muling hinila palayo doon si Maricon.
“Hindi na siguro babalik pa sila Junie, may iba nang nangungupahan sa dating apartment na tinutuluyan nila.” Pahabol ng matanda.
Nagpumiglas si Maricon pero hindi niya hinayaan na makawala ito sa kaniya. Mas lalo pa niyang hinigpitan ang pagpigil sa braso nito. Pero bago man niya mabuksan ang pinto sa passenger seat ng kotse ay itinulak na siya nito saka ito mabilis na tumakbo palayo.
“Maricon!” nanggigigil na hinabol niya ang asawa.
Hindi naman ganoon kabilis ang pagtakbo nito kaya mabilis na naabutan niya ito. Hinaklit niya ito sa baywang para pigilan ito sa pagtakbo. Napaungol na lang siya sa inis nang magsimula nang bumuhos ang malakas na ulan.
“Bitiwan mo ako! Hindi ako sasama sa'yo! ayokong makita ang pagmumukha mo!” galit na sigaw nito at pinagsusuntok ang kamay niyang nakapulupot sa baywang nito.
“Tumigil ka na!” nagtatagis ang mga bagang na bulyaw niya sa babae.
Balewala na sa kaniya kung mabasa man ng ulan ang suot niyang poloshirt. Si Maricon ang kailangan niyang intindihin ngayon dahil alam niya na mula nang mabaril ito noon ay naging sakitin na ito.
Umiiyak na itinukod nito ang mga palad sa dibdib niya at matalim na tiningnan siya.
“Binayaran mo ba kahit ang may ari ng apartment para huwag niyang sabihin sa akin kung ano ba talaga ang totoong nangyari kay Junie?”
“At kung sabihin ko sa'yong oo, tama nga ang hinala mo, makokontento ka na ba?” pasarkastikong tanong niya.
Bumaha ang magkakahalong emosyon sa mga mata ng babae. Alam niyang hindi ito makapaniwala sa naging sagot niya dahil ngayon lang niya ito kinausap sa ganoong paraan. Palagi kasi niya itong sinusuyo noon at kahit kailan ay hindi siya nagpakita ng galit kapag kaharap ito.
“A-ang sama mo!” nagsimulang mangatal ang mga labi ni Maricon.
Kumuyom ang mga palad nito at pinagsusuntok siya sa dibdib. Sa bawat pagtama ng mga kamao nito sa dibdib niya ay parang matalim na bagay iyon na bumabaon sa katawan niya.
“Anong karapatan mong bilihin ang pagmamahal ko!”
Nasaktan siya sa narinig. Bumangon ang matinding hinanakit sa dibdib niya. Pinigilan niya ang mga kamay nito at galit na sinalubong ito ng tingin. Muli itong nagpumiglas kaya wala na siyang ibang mapagpipilian pa kundi ang buhatin ito para lang mabilis na maipasok niya ito sa loob ng sasakyan.
“I hate you! Ikaw na ang pinakasamang tao na nakilala ko!” galit na singhal nito nang magawa niya itong maisakay sa kotse. Naupo siya sa tabi nito at nakangising nagsalita.
“Fine, you can hate me all you want, sweetie. Pero hindi ako papayag na sirain mo ang sarili mo ng dahil lang sa walang kwentang lalaking yun!”
“Bwisit!”