“'Yun na nga ang sinasabi ko, Gabriel, kinukumbinsi ko naman ang anak ko na maghoneymoon kayo sa ibang bansa para mas maging komportable siya sa'yo pero sadyang matigas ang ulo ng isang iyon, mana sa tatay niya. Pagpasensiyahan mo na lang sana, ha?”
Awtomatikong tumaas ang isang kilay ni Maricon nang marinig ang tinig ng kaniyang ina. Hindi pa man niya nagagawang buksan ang pinto ng kwarto ay naririnig na niya ang masiglang tinig nito. Kung sa ibang pagkakataon iyon ay baka lumabas na siya ng kwarto at excited na sinalubong ito.
Pero hindi niya iyon kayang gawin ngayon dahil masama pa rin ang loob niya sa pamilya niya. Dalawang linggo na siyang nasa Maynila pero kahit isang beses ay hindi siya nag abalang tawagan ang mga ito. Palagi niyang pinapatayan ng tawag ang mga magulang at mga kapatid. Kahit ang mga text ng ina ay hindi rin niya sinasagot.
“Hayaan na lang po natin siya, mama. Naninibago lang po siguro ang asawa ko at saka hindi ko rin po maiiwan sa ngayon ang ibang negosyo ko kaya imposible pa po na magbakasyon kami sa ibang bansa.”
Maliban sa tumutulong si Gabriel sa negosyo ng pamilya nito ay may ilang commercial building din itong pag aari sa Mondemar at sa Maynila.
Hmp!
Napaismid siya. Dalawang linggo palang silang kasal pero halatang komportable na si Gabriel na tawaging ‘mama’ ang kaniyang ina.
Nakasimangot na lumabas siya ng kwarto. Ang malawak na sala ang tumambad sa kaniya kung saan masayang nag uusap ang magbiyenang hilaw.
“Gabriel, bakit nga pala may unan at comforter dito sa sofa ninyo—”
“Sa sala po natutulog ang mabait na manugang ninyo.” Malamig na putol niya sa tanong ng ina.
Napamulagat ang kanyang ina nang makita siya. Nagkibit balikat lang siya. Totoo ang sinabi niya na sa sala natutulog si Gabriel. Paano naman kasi ito magkakaroon ng interes na tumabi sa kaniya kung halos hindi na siya naliligo.
Kahit siguro ang ama at mga kapatid niya ay itatakwil siya kapag nakita siya ngayon dahil kahit nakatira siya sa sosyal na condo unit ay mas masahol pa sa tambay ang hitsura niya.
Kung ang ibang babae ay nag e-effort na magpaganda ng todo para matuwa ang mister ay iba naman ang style niya. Pinagbubutas niya ang mga t-shirt niya para magmukha siyang tambay. Hindi na rin siya nagsusuklay. Mukha siyang bagong gising palagi. Wala naman siyang body odor at kahit hindi siya maligo ay naghihilamos naman siya. Gusto lang niyang magmukhang marungis para mawalan ng interest sa kaniya ang magaling niyang mister.
“A-anak, ikaw ba 'yan?”
“Yes, ako nga po ito. Ang mabait at masunurin ninyong anak na—awww!” napangiwi siya nang tumama ang matulis na dulo ng singsing sa daliri ng kaniyang ina nang magmano siya dito.
“Anong nangyari sa'yo? sa pagkakaalala ko maayos naman ang mga damit na inempake mo bago ka umalis sa atin. Gabriel, ganoon ka ba kabusy para hindi mo masamahan na mamili ng gamit ang asawa mo?” nahihindik na tanong ng kaniyang ina.
Pumalakpak ang tenga niya at nakangising nilingon si Gabriel na nakaupo sa pang isahang sofa. Tumabi naman siya ng upo sa ina na hanggang ngayon ay kinikilabutan pa rin sa nakitang hitsura niya.
“Ang anak ko…” namumutlang tiningnan siya nito. “Anong nangyari sa'yo? nalolosyang ka na agad.”
Napangisi na naman siya. Tingnan na lang niya kung paano malulusutan ni Gabriel ang problema nito ngayon. Inaasahan na niya ang naging reaksiyon ng ina dahil kahit noon pa man ay alagang alaga na siya nito.
Noon ay madalas na sumasali siya sa mga beauty contest sa bayan nila. Title holder pa nga siya at marami ang nagsasabi na minana niya ang natural na ganda mula sa ina.
Noong teenager siya ay hindi naman talaga masasabing maganda siya. Simple lang kasi ang hitsura niya. Lumutang lang ang totoong ganda niya nang tumuntong na siya ng college dahil natuto na siyang mag ayos. Napakinabangan niya ang ganda niya dahil kumikita siya ng malaki laki sa pagsali noon sa mga beauty contest.
Naaalala mo rin ba na si Gabriel ang may pinakamalakas na sigaw noon kapag moment mo na sa stage?
Napalis ang ngisi sa mga labi niya dahil sa biglang naisip niya. Napansin niya si Gabriel na tinawag ang kasambahay nito. Umalis saglit ang kasambahay dahil may kukunin daw sa parking lot sa ibaba kung saan nakaparada ang sasakyan ng lalaki.
Nagpatuloy ang pagdadrama ng kaniyang ina. Ilang sandali lang ay bumalik na ang kasambahay at kasama pa ang driver. Halos hindi na magkandaugaga ang dalawa sa pagbitbit nang napakaraming paperbag.
“Hindi ko po pinapabayaan ang asawa ko 'ma, pero hinahayaan ko po siyang magsuot ng mga well....hindi ko alam kung damit pa nga bang matatawag ang mga isinusuot niya ngayon. Basta ang alam ko lang po ay okay lang naman sa akin na makita siyang ganiyan dahil diyan siya komportable. Pero hindi ibig sabihin ay tinitipid ko na ang asawa ko. Nagshopping ako kahapon at ibinili siya ng mga gamit. Ginawa ko iyon kahit na nakakailang pumunta sa mga boutique ng mag isa lalo pa at gamit pambabae ang mga pinamili ko. Hindi po kasi masyadong lumalabas ng condo si Maricon. Naisip ko na rin na papuntahin dito ang secretary ko at bigyan siya ng mga latest na magazine para hindi na niya kailangan pang lumabas at magshopping. Secretary ko na ang gagawa niyon para sa kaniya.”
“Wow!” bulalas ng mama niya.
Nagningning ang mga mata nito nang ilapag ng dalawang tauhan ang mga paperbags sa table na nasa harap nila.
“Nakapagdecide na rin po ako na kahit hindi kami magbabakasyon sa ibang bansa para sa honeymoon namin ay uuwi po kami ngayon sa Mondemar para magstay doon ng ilang buwan. Hindi naman ganoon kalayo ang bayan natin sa Maynila kaya pwede akong magbiyahe araw-araw. May private plane si daddy na pwede kong gamitin para mas mapabilis ang pag uwi ko sa atin.”
What?
Daig pa ni Maricon ang ineject mula sa pagkakaupo niya sa sofa. Mabilis na tumayo siya at gimbal na tiningnan si Gabriel. Binigyan lang siya nito ng makahulugang tingin habang ang ina naman niya ay nakangiting tumango naman.
“Hindi pwede! Busy ka 'di ba?” protesta niya.
Alam niyang busy talaga si Gabriel maliban sa may sarili mga negosyo ay hawak nito ang Mondemar Shipping company. Mula sa pagiging easy go lucky nito noon ay nagseryoso na ito ngayon sa trabaho. Halos sa harap na nga ito ng laptop kumakain.
“Sweetie, makakapaghintay ang trabaho ko pero hindi sila mommy. Excited na sila na makasama ka at isa pa, tradisyon na sa pamilya namin na kailangang tumira ng isang buwan o higit pa sa mansiyon ang magiging fiancée ng isa sa amin ng mga kapatid ko. Nagkataon nga lang na nauna ang kasal natin pero kailangan pa rin nating sumunod sa tradisyon dahil baka naman magtampo ang mga ninuno ko at hindi sila matahimik sa langit.”
Parang may invicible bell ang bigla na lang tumunog sa mismong harapan niya. Hudyat na natalo na naman siya ni Gabriel sa pangalawang pagkakataon.
Pakshet! Ahhhh! Bwisit talaga!