Hindi na natutuwa si Maricon sa nangyayari. Pakiramdam niya ay pinagkakaisahan siya ng buong mundo dahil sa nangyayari ngayon sa buhay niya. Ngayon siya naniniwala na kapag dumating ang kamalasan ay sunod-sunod iyon at walang tigil na kagaya na lang nang nangyayari ngayon sa kaniya.
“Naipahanda ko na ang kwarto ninyo ni Gabriel, may iba ka pa bang kailangan?”
Nahihiyang umiling si Maricon.
“Wala na po, donya Leticia.”
Napalis ang ngiti ng ginang at mahinang tinapik siya sa balikat.
“Bakit naman ganiyan pa rin ang tawag mo sa akin? Asawa ka na ng anak ko kaya dapat lang na mommy na rin ang itawag mo sa akin.”
“Pasensiya na po,” naiilang na tugon niya. Nahihiya kasi siya at hindi niya alam kung paano niya pakikisamahan ang ina ni Gabriel.
Napakaganda kasi ng ginang at kahit na may edad na ito at may limang anak na puro mga lalaki ay hindi iyon mahahalata sa magandang katawan at kutis nito.
Sa pagkakaalam niya ay dati itong beauty queen. Mahahalata naman iyon dahil maliban sa maganda ito ay aral na aral din ang kilos at paglalakad nito. Noon pa man ay mabait na sa kaniya ang mommy ni Gabriel. Madalas pa nga ay binibigyan siya nito ng pasalubong sa tuwing nagbabakasyon ito sa ibang bansa.
Kasundo rin ito ng kaniyang ina. Kahit kasi mayaman si donya Leticia ay hindi ito matapobre. Matulungin din lalo na sa mahihirap na tao sa bayan nila.
May limang anak sila donya Leticia at don Federico. Si Jaime ang pinakapanganay sa limang magkakapatid na lalaki. May limang anak na ito at ilang taon na ring kasal kay Allyson. Pamilyar sa kaniya si Allyson dahil sa iisang eskwelahan lang sila nag aral noong highschool. Katulad niya ay hindi ito nanggaling sa isang mayamang pamilya kaya pinag usapan ito ng lahat noon nang pakasalan ito ni Jaime.
Si Juancho naman ang pangalawa sa magkakapatid. Ilang buwan pa lang ang nakakaraan nang magpakasal ito. Pinag usapan din ng mga tao ang bonggang kasalan na ginanap sa lumang simbahan ng Mondemar. Sa pagkakaalam niya ay tatlong buwan ng buntis ang asawa nitong si Suzy. Schoolmate din niya si Suzy at kagaya nila ni Allyson ay nagmula din ito sa isang simpleng pamilya.
Si Dorothea naman na kaklase niya noong high school ang pinakasalan ni Miguel, ang pangatlong anak ng mag asawang Mondemar. Magkaklase sila noon ni Dorothea pero nang makapagtapos sila ng highschool ay nawalan na siya ng balita dito. Laking gulat na lang niya nang mapanood niya ang ilan sa mga TV commercial na ito ang mismong modelo.
Hanggang sa nabalitaan niya na nagpakasal pala ito kay Miguel.
Ang magaling na mister naman niya ang pang apat na anak. Hindi na siguro masyadong nagulantang ang mga tao nang magpakasal silang dahil kahit ang mga kapatid nito ay nagpakasal rin sa mga babaeng katulad niya na kabilang sa simpleng pamilya.
Ang pinakabunso sa lahat ay si Fabio. Dahil ito ang bunso ay dito natutok ang atensiyon ng buong pamilya nito. May balita noon na may pagkaspoiled at pasaway daw si Fabio. Palagi rin itong wala sa bayan nila dahil mas hilig nito ang pagbabakasyon sa ibang bansa sa halip na tumulong sa pagpapatakbo ng mga negosyo ng pamilya nito.
Maliban sa limang anak na lalaki ni donya Leticia –na aminado siya na parang bumaba mula sa mount Olympus dahil sa mala anghel na hitsura ng mga ito—ay hindi rin magpapahuli ang iba pang binatang Mondemar lalong lalo na si Governor Seth. Nasa late thirties palang ang gobernador nila at totoo naman na napakagwapo nito. Ilang beses ng kumalat sa social media ang picture nito kaya mas lalo pa itong pinag usapan at sumikat.
“Nasabi sa akin ni Gabriel na naiinip ka na sa Maynila kaya umuwi na muna kayo dito para makapagbakasyon kayo. Pwede tayong mamasyal kapag wala dito ang asawa mo, nandito rin naman sila Allyson kaya marami kang makakausap.” Untag ni donya Leticia sa pananahimik niya.
Matipid na ngumiti lang si Maricon habang binabagtas nila ng ginang ang mahabang hagdan patungo sa third floor ng mansiyon ng mga Mondemar. Alas diyes ng umaga sila nakarating ni Gabriel sa mansiyon ng mga magulang nito at bumalik din ito agad ng Maynila para sa meeting nito sa isang kliyente.
Mas mabuti nga na wala ang isang iyon para matahimik ang buhay ko.
Naisaloob niya. Sinundan niya si donya Leticia nang tumbukin nito ang isa sa mga pinto sa third floor. Nalula siya nang madaanan niya ang malawak na sala. Naka aircon ang buong third floor at ayon sa mommy ni Gabriel ay mayroong apat na kwarto sa floor na iyon.
Sinundan niya ang ginang nang tumbukin nito ang pinto na nasa bandang gitna.
Namangha siya ng sa pagbukas nito ng pinto ay tumambad sa kaniya ang malaking kwarto. Pinaghalong kulay ng pink at blue ang pintura ng pader. May malaking built in cabinet sa kaliwang bahagi ng silid na malapit lang sa direksiyon ng kama.
Napasinghap siya nang mapansin kung gaano kalaki ang kama. Kahit siguro lima o anim na tao ay kakasya dahil sa sobrang laki niyon. May mini refrigerator sa tabi ng bookshelf na kadikit lang ng mahabang glass window. Wood tiles ang sahig kaya parang masarap humiga at magpagulong gulong doon.
Kompleto rin sa mga appliances ang kwarto at kung naroon lang siguro ang pamilya niya ay baka mapasigaw na sa tuwa ang mga ito.
“Wow…” hindi niya mapigilang bulalas.
Natawa naman si donya Leticia at muli siyang tiningnan.
“Si Garbiel mismo ang nagbilin na palitan ng pink at blue ang kulay ng kwarto niya dahil iyon daw ang favorite color mo.”
“T-talaga po?” hindi makapaniwalang tanong niya. Tumango ito at marahang hinila siya palapit sa built in cabinet.
“Itinago ko dito sa ilalim ng cabinet ang mga nightgown na binili ko para sa'yo.”
Napangiwi siya nang iabot sa kaniya ng ginang –na ngayon ay biyenan na nga pala niya—ang isang night gown. Masyadong revealing ang tabas niyon lalo na sa bandang dibdib. Aminado siya na maswerte siya na isa siya sa nabiyayaan ng malusog na hinaharap. Pero parang hindi niya kayang magsuot ng ganoong klaseng damit at ipakita sa asawa niya ang katawan niya.
“Salamat na lang po pero—”
“Sige na, magagamit mo 'yan.” Pinigilan ng biyenan niya ang mga kamay niya nang aktong ibabalik niya dito ang night gown.
Ano pa nga ba ang magagawa ko?
Mayamaya pa ay nagpaalam na si donya Leticia at lumabas na ng kwarto. Naiwan na siyang mag isa at ang balak sana niya ay matulog na muna. Nahiga siya sa kama at balak na sanang magtalukbong ng kumot nang makarinig siya ng dalawang katok mula sa pinto. Napilitan siyang bumangon para buksan ang pinto.
“Dorothea!” malakas na tili niya nang makita ang dating kaklase. Mangiyak ngiyak na niyakap niya ito.
“Kaloka kang babae ka! Hindi ko akalain na magiging ganiyan ka kaganda.”
Natawa ng malakas si Dorothea. Totoo naman kasi ang sinabi niya dahil noong mga bata pa sila ay may pagkaboyish ito. Kahit nga sa suntukan ay hindi ito magpapatalo kahit na sabihin pa na mga lalaki ang kalaban nito. Seatmate niya ito noon kaya masasabi niya na close silang dalawa. Siya lang ang naging kasundo nito sa buong section nila dahil natatakot ang ibang kaklase nila na lumapit dito. Magaling kasi sa self defense si Dorothea kaya walang nagtatangka noon na pakialaman ito.
“Marami kang utang na kwento sa akin, bigla ka na lang hindi nagparamdam.” Sumbat niya.
Bumitiw sa kaniya si Dorothea at nakangiting pinisil ang pisngi niya.
“Mas marami kang dapat na ikwento sa akin, nagulat ako nang malaman ko na nagpakasal ka kay Gabriel at—”
“At?” nagtatakang ulit niya sa huling sinabi nito. Bigla ay kumunot ang noo ni Dorothea at pinasadahan siya ng tingin mula ulo hanggang paa.
“Maria Concepcion, umamin ka nga sa akin, malabo na ba ang mga mata mo o sadyang nagbago na ang trip mo pagdating sa fashion?” naniningkit ang mga mata na tanong sa kaniya ng kaibigan. Napangisi siya at umikot sa harapan nito.
“Bagay ba? style ko lang ito para mawalan ng gana sa akin si Gabriel. Baka kapag hindi na niya ma-take ang hitsura ko ay iwan na niya ako, 'di ba?”
Alam niyang kahit hindi ipakita sa kaniya ni Gabriel ay naiinis na ito sa porma siya. Mas masahol pa kasi sa tambay ang outfit niya. Basta na lang niya ipinuyod pataas ang mahabang buhok at hindi man lang siya nag abalang magsuklay nang magising siya kanina.
Maluwag ang suot niyang t-shirt na tinernuhan niya ng maong pants na may butas pa sa magkabilang tuhod. Kahit ang mommy ni Gabriel ay namutla nang makita ang porma niya. Nahiya na lang siguro itong tanungin siya kaya pinabayaan na lang siya sa trip niya.
Napapalatak naman si Dorothea.
“Kaya naman pala ipinatapon na ni Gabriel kanina sa driver ang mga maleta mo.”
“What?!”
“At pinakiusapan niya kami ni Allyson na samahan kang magshopping ngayon. Nasa ibaba na ang asawa ni kuya Jaime at hinihintay na tayong dalawa.”
“Anak ng—” hindi na niya maituloy pa ang pagmumura. Wala siyang maidagdag sa dapat sana ay sasabihin niya dahil pakiramdam niya ay biglang lumubo sa inis ang dibdib niya.
“Halika na!” hinatak na siya ni Dorothea palabas ng kwarto nilang mag asawa.
Anak ng kambing! Naisahan mo na naman ako Mondemar! Hindi na ako papayag na masundan pa ito grrrrr!