“Pwede naman na huwag na muna kaming masyadong pumunta sa mansiyon para hindi kami makaistorbo at mas magkaroon pa kayo ng maraming time ng asawa mo. Gabriel, please lang, pwede mo naman iwanan ang trabaho mo. Nandito naman kami para gawin ng pansamantala ang trabaho mo.” Naiiling na sabi ni Jaime.
Nahagod ni Gabriel ng wala sa oras ang batok niya nang marinig ang suhestiyon ng kuya Jaime niya. Naroon sila sa villa nito. Malaki ang lupain nila kung kaya maliban sa mansiyon ng mga magulang nila ay may nagpatayo rin ang mga ito ng lima pang villa para sa kanilang magkakapatid.
Walking distance lang naman ang distansiya ng mga villa pero dahil masyadong malawak ang lupain nila ay pwedeng maligaw ang kahit na sinong hindi pa sanay doon.
Tiningnan niya ang pangalawang kapatid na si Juancho nang marinig niya ang pagtawa nito. Karga nito ang isang taong gulang na anak ni Jaime. Parang may mabigat na bato ang bigla na lang dumagan sa dibdib niya nang marinig niya ang matinis na pagtawa ng pamangkin niyang si Phoebe.
Halatang aliw na aliw ang paslit habang pinapaulanan ito ng halik ng tito Juancho nito sa buong mukha. Hindi niya maiwasan na makaramdam ng inggit sa panganay na kapatid.
Gusto na rin niyang magkaroon ng sariling pamilya. Ang tatlong kapatid niya ay masaya at kontento na sa buhay may asawa ng mga ito. Nakita niya kung paano naging miserable ang mga ito noon at sa huli ay naging masaya rin naman. Nagpakawala siya ng malalim na buntong hininga at matamlay na ibinaba sa table ang hawak niyang tasa ng kape.
“Bakit parang ako lang ang nahihirapan sa early stage ng pagpapakasal ko? never ko naman kayong nakita sa ganitong estado noon.” Pagmamaktol niya.
Inakbayan siya ni Miguel. “Nasabi ko na ba sa'yo na minsan na akong nasapak ng asawa ko dahil lang hindi ko sinunod ang gusto niya?”
“Kahit alas tres ng madaling araw ay ginigising ako ni Allyson noong naglilihi pa siya kay Phoebe, para lang paghanapin niya ako ng kambal na saging.” Singit ni Jaime.
“Naglilihi si Suzy at sa totoo lang, ako na ang magsasabi sa inyo na kapag tulog lang siya mukhang mabait. Mabilis siyang magalit kaya madalas na ‘outside the kulambo’ ako.” Natatawang wika ni Juancho.
“Single ako, wala akong alam sa ganiyan.” Hirit naman ni Fabio, ang bunso nila.
Hindi na siya nagulat sa sinabi ng bunsong kapatid dahil kahit noon pa man ay hindi talaga ito nagseseryoso sa babae.
“Walang wala ang mga naranasan ninyo sa hirap ng pinagdaraanan ko ngayon.” Maktol ulit niya at nagsimulang maglabas ng sama ng loob sa mga kapatid.
Hindi niya akalain na may pagka-Gabriela Silang pala ang babaeng pinakasalan niya. Mukha lang itong anghel pero sa oras na magalit na ito ay nagsisimula nang manlisik ang mga mata nito. Hindi man lang nito magawang pansinin ang lahat ng effort niya.
Hindi pa man siya lumalapit dito ay binabara na siya nito kaya minsan ay umiiwas na lang muna siya. Pero madalas ay mas gusto pa talaga niya na mag away na lang sila para lang mapansin siya nito. Kapag hindi naman kasi sila nag aaway ay daig pa niya ang hangin na nilalampasan lang nito. Malaking issue din sa kaniya ang pagsusuot ni Maricon ng mga damit na hindi niya alam kung saan nito nabili. Maganda ang asawa niya, sa paningin niya o sa paningin man ng iba ay alam niyang napakaganda nito.
Hindi niya naman sinasabi na mag ayos ito ng sarili para mas lalo pang gumanda. Baka hindi lang niya magustuhan iyon dahil aminado siya na seloso siya at ayaw niyang may ibang tumitingin pa dito. Pero hindi naman tama na para lang itong nawalan ng ganang mabuhay sa tuwing haharap sa kaniya o sa pamilya nilang dalawa.
“May solusyon na ako sa problema mo.” Ani Juancho.
“Ano?” excited na tanong nilang apat.
“Sa isla Camito kayo magstay ng ilang linggo, kompleto naman sa mga gamit ang bahay doon. Mas masosolo mo siya doon.”
Good idea!
Napahalakhak na lang siya at bumuo na ng magandang plano sa isip niya.