ANG PAGTATAKSIL

2372 Words
SA ISANG kaharian ng mga diwata ng apoy- ang Silvana ay masayang nagdadaos ng isang napakalaking piging ang mag-asawang hari at reyna para sa nalalapit na pag-iisang dibdib ng kanilang panganay na anak, si Prinsesa Ameera sa nag-iisang anak ng pinakamataas na opisyal ng kanilang kaharian- si Argon. Ang kaharian ng Silvana ay may dalawang uri ng nilalang na namumuno. Ang mga Diwata at ang mga Mira. Ang mga Diwata na dating mababang uri ng engkantado at siyang lahi na naghahari ngayon sa Silvana, at ang mga Mira na dating naghari ngunit ngayon ay namumuhay nang tahimik malayo sa sentro ng kaharian. Nagtatag din sila ng sarili nilang kastilyo ngunit sa lupaing sakop pa rin ng Silvana. Iilan lamang ang lahi ng mga Mira dahil sila ay ang lahing may angkin na natatanging kapangyarihan. Sa ngayon ay apat na Mira na lamang ang natitira sa Silvana. Nagsasaya ang buong kaharian maliban kay Ameera na hindi natutuwa sa nalalapit na pag-iisang dibdib niya sa kinaiinisang diwata. Maliban sa wala siyang pag-ibig kay Argon ay hindi niya gusto ang mapagmataas na ugali nito. “Ameera, bakit naririto ka pa sa iyong silid? Ang lahat ay nagkakasiyahan sa sentrong bulwagan at kanina pa naghihintay sa ‘yo si Argon. Mukhang inip na inip na nga iyon.” Napaangat ng tingin si Ameera at nakita niyang papalapit sa kanyang kinauupuan ang tapat niyang dama, si Lusiya. Isa itong baguhan at kakasimula pa lamang nitong magsanay ng pakikipagdigma. Ngunit may natatanging kakayahan si Lusiya. Kaya nitong magpalit ng anyo sa kahit na ano’ng uri ng nilalang na gustuhin nito. Nararapat lamang na matuto ang lahat ng diwata sa pakikipaglaban at paggamit ng apoy bilang kapangyarihan. Kapangyarihan na dating ipinagkait sa kanila ng mga Mira. Napabuntong-hininga si Ameera. “Wala akong ganang dumalo sa piging na iyon, Lusiya. Sapagkat hindi ko nais na maging kabiyak si Argon.” Umupo si Lusiya sa kanyang tabi. Nag-iwan ng maliit na distansya sa pagitan nila ni Ameera. Bagamat itinuturing siyang kaibigan ni Ameera ay kumikilos pa rin siya ng naaayon para sa isang dama. Anak ng Haring Niro si Ameera at kailangang igalang niya ito bilang isang Prinsesa. “Ano naman ang inaayawan mo kay Argon? Isa siyang matikas na diwata, magaling sa pakikipaglaban, matalino at higit sa lahat ay—” “Napakayabang!” putol niya sa iba pang sasabihin ni Lusiya. “Kung hindi lamang magagalit sa akin ang aking ama ay tututol ako nang lantaran sa ginawa nilang pasya. Ngunit ayokong bigyan ng sama ng loob ang aking ama at ina.” “Kung ganoon ay halika na at sumabay ka na sa akin pababa sa bulwagan. Magtataka ng labis ang mahal na hari at reyna kung hindi ka nila makikita roon. Tiyak na hahanapin ka nila sa akin.” Isang beses pang napabuntong-hininga si Ameera. “Hindi ko alam kung paano ko matatakasan ang kasalang iyon, Lusiya.” “Huwag ka nang mag-isip ng kung ano-ano, Ameera. Tanggapin mo na lang si Argon na maging iyong kabiyak upang mapangalagaan niya ang ating kaharian. Sa tingin ko naman ay magiging mabuti siyang hari katulad ng iyong ama.” “Hindi ko alam, Lusiya. Sadyang tumututol lamang ang aking loob. Hindi ko nakikita ang sarili kong makakasama si Argon sa hinaharap bilang isang kabiyak.” “Marahil ay kinakabahan ka lamang dahil sa nalalapit ninyong pag-iisang dibdib, Mahal na Prinsesa.” Tumayo si Ameera pagkatapos ng malalim na buntong-hininga. “Halika na, Lusiya,” yaya nito at nagpatiunang lumabas ng kanyang silid. Pagdating nila sa sentrong bulwagan ay hindi pinansin ni Ameera ang ganda ng mga ilaw at dekorasyon. Tila ay wala siyang nakikita. Bawat masalubong niya ay binabati siya sa nalalapit niyang kasal ngunit ni hindi magawang ngumiti ni Ameera sa mga ito. Sumama lalo ang pakiramdam niya dahil hindi niya kayang tagalan ang titig ni Argon simula nang dumating siya sa bulwagan. Hindi siya nito nilalapitan ngunit tila siya sinasakal sa ginagawa nitong pagtitig. “Hindi mo manlang ba lalapitan ang iyong ama at ina?” tanong ni Lusiya. “Ayokong magkunwaring masaya sa harapan nila, Lusiya. Baka hindi ko mapigilan ang aking sarili at imungkahi sa bulwagang ito ang pag-urong ko sa aming pag-iisang dibdib ni Argon.” “Iyan ang huwag mong gagawin, Ameera. Para mo na ring sinuway ang iyong ama sa gitna ng kaniyang nasasakupan. Nasisiguro kong mapapahiya siya at magdaramdam sa ‘yo,” nag-aalang wika ni Lusiya. Mahigpit ang ginawang pagkuyom ni Ameera sa kaniyang palad. “Tama ka, Lusiya. Marahil ay hindi ko na nga mapipigilan ang mangyayari...” malungkot na saad ni Ameera. Habang nasa gitna ng maraming diwata ay nahagip ng tingin niya si Argon at ang ama nito na tinungo ang isang pasilyo na patungo sa isang pribadong silid na tanging ang amang hari at ibang opisyal lamang ang maaaring pumasok. Nagtatakang sinundan niya ang mga ito ng tingin. “Dito ka lang, Lusiya.” “Sandali! Saan ka pupunta?” Hindi na niya sinagot ang tanong ni Lusiya at sinundan si Argon at ang ama nito. Ngunit nanatili lamang siyang nakatayo sa likuran ng bahagyang nakabukas na pinto. Dahil sa kursyudad ay nakinig si Ameera sa pinag-usapan ng mag-ama. “Kailangang isagawa natin ang balak nating ngayong gabi ng piging, Argon. Walang makakahalata dahil lahat ay nagkakasiyahan.” “Alisin mo na sa iyong isip ang iyong masamang balak sa hari at reyna, ama! Pasaan ba’t uupo rin ako sa trono. Nalalapit na ang pag-iisang dibdib namin ni Ameera at sa malaon at madali ay ako na ang papalit na hari!” “Na siyang malabong mangyari! Batid mong walang pag-ibig sa iyo ang Prinsesa at napipilitan lamang ito! Hindi natin alam ang tinatakbo ng kanyang isip!” malakas na wika ni Ludo-ang ama ni Argon. Napakuyom ng kamao si Ameera sa pakikinig sa pinag-uusapan ng dalawa. May masamang balak si Ludo sa kanyang ama at ina! “Matututunan din akong ibigin ni Ameera, ama. Nasisiguro ko iyon! Paano niya mababalewala ang isang katulad ko gayong halos lahat ng diwata dito sa ating kaharian ay nagkakandarapa sa akin?” puno ng kompyansang wika ni Argon. “Hindi ko na maaaring bawiin ang inutos ko sa ating mga kapanalig, Argon. Ngayong gabi ay dadanak ng dugo sa trono. Mas mapapadali ang pag-upo mo bilang hari at mapapasaiyo na ang Prinsesa. Magiging makapangyarihan ka sa lahat kapag napasaiyo na ang pirea!” Sandaling nag-isip si Argon. Totoo ang sinabi ng kaniyang ama. Kapag siya ang naging tagapangalaga ng pirea ay magagawa na niya ang lahat ng nais niya. Siya ang magiging makapangyarihan sa buong Silvana na kahit ang mga makapangyarihang Mira ay walang magagawa sa kayang gawin ng pirea. “Ngunit paano kung hindi ibigay ng kusa ni Haring Miro sa akin ang pirea, ama?” Napalatak si Ludo at humarap sa isang mahiwagang salamin na nakadikit sa pader ng silid. Nakikita niya ang sariling repleksiyon sa salamin. “Nakalimutan mo na bang oras na pumanaw ang tagapangalaga ng pirea ay otomatikong kilalanin ng pirea na tagapangalaga ang unang diwatang makakahawak nito?” nakangiting wika ni Argon, “kaya ganoon na lang ang proteksyon na ginagawa ng mga diwata kay Niro para mapangalagaan siya,” dagdag ni Ludo. “Maikli ang iyong pasensya, ama. Ayoko mang daanin sa dahas ang pag-upo sa trono ngunit wala na akong magagawa kung iyon ang iyong pasya. Kung makakabuti at mapapadali rin naman ang pagiging hari ko ay bakit hindi?” “Magaling, Argon. Mabuti at naiintindihan mo. Maghanda ka na at ayusin mo ang iyong kasuotan. Ilang sandali lamang ay ikaw na ang mag mamay-ari sa kaharian ng Silvana.” Napasinghap si Ameera at mabilis na nilisan ang kinaroroonan at tinungo ang trono ng ama at ina. “Saan ka nanggaling, Ameera?” sinalubong siya ni Lusiya at hinila siya palayo sa mga diwata. “Hinahanap ka sa akin ng hari at kahit ang iyong kapatid ay nag-aalala sa iyo.” “Tutungo ako ngayon din sa aking ama, Lusiya. May kailangan akong sabihin sa kaniya,” wika ni Ameera at nagmamadali siyang lumapit sa ama. Ngunit bago pa man sabihin ni Ameera ang masamang binabalak ni Ludo at Argon sa kaniyang ama ay may tumama nang palaso sa dibdib nito. Kumawala ang malakas na sigaw sa kaniyang lalamunan. Tila bumagal ang oras na nilingon ni Ameera ang pinaggalingan ng lumipad na palaso patungo sa dibdib ng kaniyang ama. Nakita niya ang isang nilalang na naroon sa ikalawang palapag ng kastilyo at nang makita siyang nakatingin dito ay mabilis na tumakas. Muling binalingan nin Ameera ang kaniyang ama. Nakita niyang gumuguhit ang pulang likido kulay sa magarang kasuotan nito. “Ama!” natilihang sigaw ni Ameera at tinakbo ang kinaroroonan ng ama. Hawak nito ang dibdib kung saan nakatarak ang palaso. Naririnig pa niya ang mga takot na sigawan ng mga diwata. Nakita niya ang pangkat ng mga kawal na patungo sa kinaroroonan niya at tinakpan siya at ang kanyang ama ng mga sandatang pananggalang ng mga ito. Napatayo ang kanyang inang reyna ngunit bago pa ito makalapit sa kanila ng kanyang ama ay may tumama ring palaso sa dibdib nito. Nanlalaki ang mga mata at napaawang ang bibig ni Ameera nang makita ang unti-unting pagbagsak ng katawan ng kaniyang ina. Ang sigaw na nais kumawala ay napigil sa kaniyang lalamunan. Lubhang napakabilis ng pangyayari. Nagkakagulo ang mga diwata. Lahat ay hinahanap kung saan nanggaling ang mga palasong tumarak sa dibdib ng hari at reyna. Habang si Ameera ay hindi malaman ang gagawin. Parehong sapo ng kanyang ama at ina ang kani-kanilang dibdib. Hinanap ng kaniyang mga mata ang kapatid na si Aniya at nakita niya na pinalilibutan ito ng mga kawal upang maprotektahan mula sa mga palasong nagsimulang magliparan sa loob ng bulwagan. Muli niyang tinitigan ang kanyang ama na halos sumuka na ng dugo. Napansin niya na may dalawang palaso ang nakabaon sa dibdib ng ama. “Ama!” bulalas ni Ameera at nagsimulang umiyak. “Tumakas ka na, Ameera. Isama mo ang i-iyong kapa—tid...” “Ama, si Ludo at Argon ang may kagagawan nito! Nais ni Ludo na mapapadali ang pag-upo ni Argon sa iyong trono! Tama ang hinala kong hindi mapagkakatiwalaan ang mag-amang iyon at...” “Ameera, tu...tumakas ka na! Lumayo ka mula kay Ludo at Argon! Kailangan mong ma...makaligtas!” “Hindi ko kayo maaaring iwan, ama! Kayo ni ina. Ayokong iwan kayo rito!” “Kunin mo ang iyong kapatid at tumakas, Ameera. Magmadali kayo! Bago pa kayo gawing bihag ni Ludo!” nahihirapang wika ni Haring Niro. “Ameera, sundin mo ang nais ng iyong ama!” wika ni Lusiya na nasa kanyang likuran. “Hayaan mo na ang kahariang ito, Ameera. Ang mahalaga ay ligtas kayo ni Aniya!” Mariing napapikit si Ameera habang hindi mapigilan ang pagdaloy ng masaganang luha. Ayaw niyang makita na nalalagutan ng hininga ang kanyang pinakamamahal na ama’t ina. “Hindi ko maaaring ibigay na lang basta kay Ludo at Argon ang kaharian, ama. Babalik ako, pangako. Babawiin ko ang nararapat para sa amin ni Aniya...” Tinapik ng kanyang amang hari ang kanyang kamay na nakahawak sa dibdib nito. “Isinasalin ko sa iyo ang pangangalaga sa pirea, Ameera. Huwag mong hayaang mapunta ito sa masasamang nilalang. Hanapin mo ang mga Mira. Humingi ka ng tulong sa kanila.” “Ama!” Binigyan siya ni Haring Niro ng umaasang ngiti bago ipinikit ang mga mata. Binalingan niya ang kanyang inang reyna at hindi na ito kumikilos. Hindi na niya maintindihan ang nangyayari sa paligid. Halos wala na siyang makita dahil walang tigil ang pagbukal ng luha sa kanyang mga mata. Sumasakit ang kanyang dibdib sa nasasaksihang pangyayari. “Halika na, Ameera. Bago pa tayo maabutan ni Argon at ng kanyang ama!” ani Lusiya na hinawakan siya sa braso at hinila patayo. Pareho pa silang napapikit ni Lusiya nang makitang nagliparan ang mga palaso patungo sa kanilang direksyon ngunit mabilis ang mga kawal sa pagharang ng kanilang mga katawan. “Halika na, Ameera! Nauubos na ang mga kawal ng kastilyo. Nanganganib na ang buhay ninyo ni Aniya!” sigaw ni Lusiya. Binawi ni Ameera ang braso mula sa pagkakahawak ng kanyang dama. “Itakas mo si Aniya rito, Lusiya. May kailangan lamang akong kunin.” “Ngunit...” “Sundin mo ang inuutos ko, Lusiya!” natatarantang tumalima si Lusiya at hinawakan ang kanyang umiiyak na kapatid upang tumakas. Kinuha ni Ameera ang kanang kamay ng kanyang amang hari at hinugot mula roon ang pirea at mahigpit na ipinaloob sa kanyang palad. “Ibigay mo sa akin ang pirea, Ameera!” Nilingon niya ang nagmamay-ari ng pamilyar na tinig na iyon. Napalitan ng mabagsik na hilatsa ang kanyang magandang mukha. Napuno ng galit ang kanyang dibdib para sa diwatang kaharap. “Hindi ito mapapasaiyo, Argon!” aniya at mabilis na tumakbo para lumabas ng kastilyo. “Bumalik ka rito, Ameera!” tawag sa kanya ni Argon ngunit hindi niya ito pinakinggan. Tuloy-tuloy lamang siya sa pagtakbo ngunit napatigil siya nang sumulpot sa harapan niya si Ludo. “Saan sa tingin mo ikaw patutungo, Ameera?” “Kapag pinigilan mo ako ay hindi ako mangingiming gamitin sa ‘yo ang aking kapangyarihan, Ludo!” Humalakhak si Ludo. “Sa tingin mo ay magagapi mo ako gamit ang pirea na iyan, Ameera? Ni hindi mo alam kung paano iyan gamitin.” Batid niyang matindi ang kapangyarihan ng pirea ng kanyang ama. At kung hindi iyon magagamit ng tama ay siguradong mawawasak ang anumang paggamitan ng kapangyarihan. Ginamit ni Ameera ang sariling kapangyarihan upang pansamantala ay makatakas kay Ludo. Tumakbo siya nang mas mabilis at halos liparin na niya ang nadadaanan. “Hanapin ninyo si Ameera at huwag kayong babalik na hindi dala ang pirea!” mabagsik na utos ni Ludo sa mga kapanalig nito. Tinungo ni Ameera ang nag-iisang lagusan patungo sa mundo ng mga mortal. Ang Guwaan na nasa pagitan ng dalawang malaki at matayog na mga puno. Hindi siya maaring manatili sa kanilang kaharian dahil mahahanap siya ni Ludo saan mang sulok ng Silvana siya naroroon. Pumasok siya sa lagusan at pagtapak niya sa mundo ng mga mortal ay agad na naramdaman niya ang panghihina ng katawan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD