Nasa elevator pa lamang si Maxine papuntang twentieth floor ay nahihimigan na niya ang mga usap-usapan tungkol sa bagong hired na employee. Hindi yata siya napansin na naroon o mas ninais na huwag talagang pansinin habang nagtsi-tsismisan ang tatlong babaeng kasama nila sa elevator. Halos siksikan na sila roon at minabuti niyang sa gilid pumuwesto. Para na rin makalayo sa mapanuring mga mata ng mga katrabaho.
"Really? Si Boss talaga ang personal na nag-interview?"
"Oo. At huwag ka, bata at sexy daw. Ayon sa mga nakakita, sobra daw sa ganda. Parang artista. Kaya siguro agad na natawag ang pansin ni Boss Craig. Kabigha-bighani naman talaga siguro."
Nataas ni Maxine ang salamin na suot habang kunwari ay hindi binibigyang halaga ang mga naririnig. Pero ang totoo, nakuha na ng mga pinag-uusapan ng mga ito ang kuryosidad niya. Wala kasi siyang kaalam-alam tungkol doon. Ni hindi nabanggit ni Craig.
Kaya ba ito nagmamadali kanina dahil doon?
"Naku, siguradong magiging asset siya sa kompanya kapag na-hire nga siyang secretary ni Boss Craig. Kesa naman laging kasama ni Boss si baduy..." litanya pa ng isa. Nagtawanan ang mga ito.
Hindi na sigurado ni Maxine kung talaga bang hindi alam ng mga babae na naroon siya. Ang lakas kasi ng loob ng mga ito na pag-usapan siya. Sigurado naman na siya ang tinutukoy ng mga ito na baduy.
Tumikhim siya hindi dahil gusto niyang magpapansin. Bigla kasing nangati ang lalamunan niya at hindi niya kayang pigilan ang kating namuo doon. Napaubo pa nga siya bahagya kaya naman napalingon ang tatlong babaeng naroon sa gawi niya maging ang ilan pang naroon
Nagulat at pinamulahan ang dalawa. Napatungo pa nga ang mga ito nang magtama ang kani-kanilang mga mata. Pero ang isang babaeng na lantarang nilait siya ay hindi man lamang natinag. Matapang pa ngang nakipagmatigasan ng titig sa kanya. May uyam sa pagkakangiti sa kanya.
Tumunog ang elevator. Lumabas na ang karamihan. Hindi niya matukoy kung ano ang iniisip ng mga iyon pero nang muli siyang sinulyapan ay alam niyang kinakaawaan siya ng ilan. Kilala siya roon na siyang kanang kamay ni Craig, kaya ang ilan naman ay tila sinasabing buti nga sa kanya. Deserve niya ang panlalait.
"So what kung narinig mo? Totoo naman eh. Hindi ako natatakot sa iyo dahil malapit ka kay Boss at sa pamilya nito. Pare-parehas din lang tayong pinapasahod dito!" litanya ni Hannah nang halos apat na lamang sila roon kasama ang dalawang alagad nito.
As usual, hindi siya nagpakita ng anumang emosyon. Tila wala siyang pakialam na lumabas sa elevator nang bumukas muli iyon. Ni hindi niya tinapunan ng tingin si Hannah. Hindi karapat-dapat ang gaya nito ng atensiyon niya.
Kahit pa nga ba apektado siya. Masakit laitin ng iba lalo at hindi pa naman siya nakakasama ng mga ito. Hinuhusgahan siya kahit wala naman siyang ginagawang masama.
Nanlilisik naman ang mga mata ni Hannah na nakasunod kay Maxine. Nagpupuyos siya sa galit dahil inignora siya ng babaeng kahit kailan ay hindi niya matanggap na pinili kaysa sa kanya.
Kasabayan niya si Maxine pumasok sa kompanyang iyon. Dahil sa tulong ng uncle niyang General manager ay mabilis siyang nakapasa sa kantatutak na mga interviews. Pero ang bagsak niya, sa accounting department.
Nakuyom niya ang kamao. Tumusok ang mga kuko niya sa higpit ng pagkakakuyom. Okay sana na hindi siya nakuha. Pero ang hindi niya matanggap ay isang gaya ni Maxine ang makakakuha ng posisyon na inasam niya.
Pangit. Baduy. Probinsiyana.
Wala pa sa kalingkingan ng unibersidad na pinag-aralan niya ang pinanggalingan nito. Kaya hindi niya talaga maintindihan.
Napagtanto na lamang niyang mas mataas ang kapit nito noong araw na inanunsiyo na magreretiro na si Don Felipe Samaniego na siyang namamahala noon ng kompanya. Dahil mismong pamilya ng boss Craig nila ay malapit sa babae. Kung paano ay hindi niya alam. Ni sa kompanya ay wala ding nakakaalam kung paanong naging malapit si Maxine sa mga Samaniego.
"Akala mo kung sino! Hindi porke malapit siya kay boss Craig kung umasta parang kung sino. May oras ka rin sa akin!" piping puyos niya. Halata sa mukha ang pagtitimpi ng galit. Ang dalawa namang kasama nito ay nagkatinginan na lamang. May takot sa mga sarili dahil baka magsumbong si Maxine at maalis sila. Marami na ang na-fire out dahil sa panglalait at paninirang puri sa babae. Walang patawad ang boss nila kahit magpaliwanag at makiusap pa ang mga ito.
Taas noong naglakad si Maxine. Hindi pa iyon ang floor na pakay niya ngunit mas minabuti na lamang niyang bumaba mula sa elevator para umiwas sa gulong puwedeng mangyari.
"Miss Salvador, bakit narito ka?" tanong ng isang staff na nakakita sa kanyang pagbungad. Ang palapag na iyon ay para sa human resources. May mga boss din doon at isa si Miguel sa manager.
"Miguel, can you give me the details of the ones we hired today," aniya. Marami iyon pero hindi na niya in-specify na sa secretarial ang gusto niyang makita.
Mukhang nahalata naman ni Miguel ang talagang pakay niya kaya naman imbes na lahat ay isang resume at iba pang dokumentong kalakip ng resume na iyon ang iniabot sa kanya.
"Thank you..I just..."
"You don't need to explain, Max," putol nito sa pagsasalita niya. "Alam kong ang kapakanan lang naman ni Boss ang gusto mo. Nagtaka nga ako kung bakit personal na si Boss ang nag-interview sa kanya. Dati naman ay ikaw ang gumagawa at sumasala..." pahayag nito.
Ngumiti siya kahit pa na may pait sa kanyang panlasa. Sa limang taon niya sa kompanya at limang taong personal na kanang kamay ni Craig sa lahat ng desisyon at pamamalakad ay ngayon lamang siya nito initsapwera. His decisions bother her. May kung anong kati na hindi niya makamot at matukoy. Ayaw man niyang aminin ay may pangamba siyang nararamdaman bukod sa takot.
Natawa siya sa sarili.
'Takot para saan?'
"Salamat Miguel," paalam niya at muling tumalikod sa lalaki. Naglakad muli siya habang mahigpit na hawak ang dokumento.
Nang nasa elevator na muli siya nang magawa niyang siyasatin ang resume at iba pang detalye sa babaeng ni-hire ni Craig ng personal. Mula doon ay natanto niyang maganda nga talaga ito. Sa picture pa lamang nito sa resume ay masasabi niyang mukha itong manika. At isa pa, anim na taon ang tanda niya rito. She's only twenty-two.
Inilipat niya sa ibang pahina ang binabasa. Report na iyon na ginawa ng mga tauhan nila. Bago man tawagin sa personal interview ay pinaimbestigahan na ang mga aplikante. Para iyon sa sekyuridad ng lahat. Lalo na si Craig dahil ilang beses na rin na napagtangkaan ang buhay nito. At ilan na rin ang pumapasok na iba talaga ang agenda.
To seduce their boss.
May picture ang babae roon. Masasabi niyang maganda nga talaga ang babae maging pananamit nito. Tama naman ang narinig niya sa mga katrabaho kanina. Malayo siya sa babaeng personal na ni-hire ni Craig.
She wore shabby clothes. Nakapony tail ang mahaba niyang buhok. Masasabi ngang kahanay niya ang sikat na bida noon sa teleserye. Si Betty la Fea. Minus lang sa braces dahil magaganda naman ang ngipin niya kaya hindi niya iyon kailangan.
Napasandal siya sa dingding ng elevator. Mapait na naman siyang napangiti. Napapikit siya nang sumibol ang luha sa mga mata niya. Tanggap naman niya na nakikita lamang siyang parausan ni Craig. Na dadating din ang panahon na makakakita ito ng gugustuhing babae at papakasalan. Siya? Mananatiling parausan lamang nito.
Bakit nga ba napunta siya sa ganoong sitwasyon? Bakit hinahayaan niya si Craig sa gustong gawin sa kanya? Bakit nga ba?
Is it for money?
Oo, malaki ang sahod na binibigay sa kanya plus the special treatment she's receiving. Ang condo na tinutuluyan niya ay regalo ni Craig sa kanya. Kaya nga kahit in and out doon ang lalaki ay okay lang. May sarili din na susi ito doon.
Is it because of fame?
Fame? Gusto niyang matawa. Naging sikat nga siya dahil kay Craig pero kabaliktaran sa inaasahan niya na kasikatan. Halos lahat sa kompanya, kung hindi naiinis ay puno naman ng inggit sa kanya. Sikat siya sa mga kaibigan ni Craig dahil kahit naman hindi magsalita ang mga ito, alam niya, pinagtatawanan siya dahil isa siya sa mga babaeng naikakama ni Craig at babaeng pinaglalaruan. Ang lamang niya lamang sa ibang mga babae ay tumagal sila ni Craig bilang bed partners. Walang relasyon kundi sa kama lamang.
Mga kaibigan na malalapit nga lamang din ang nakakaalam ng nangyayari sa kanila. Sa lahat, isa lamang siyang kanang kamay ng lalaki.
Is it because?
Utang na loob niya kay Craig ang buhay. Iniligtas siya nito sa pagkalunod dahil hindi siya marunong lumangoy. Sekretarya siya noon sa isang shipping company. Isinama siya ng boss niya noon sa isang meeting. Ang hindi niya inaasahan ay sa barko gaganapin ang meeting na iyon. Hindi naman na siya makatanggi pa at makapag-back-out dahil naroon na sila. Buti na lang at si Craig ang ka meeting ng dati niyang Boss. Nang magkaroon ng aksidente ay iniligtas siya nito. Doon nagsimula lahat at ugnayan nila. Hanggang sa napasok sila sa ganoong sitwasyon.
Is it because of lust? Inaamin niya sa sarili na nadala siya ni Craig sa isang lugar kung saan ay lubos na luwalhati ang kanyang nararating. Ito din lamang ang tanging lalaking nakapagpaparamdam sa kanya ng ganoon. Haplos pa lamang nito ay nagiging dahilan na para mawala siya sa sarili. Craig woke up the 'bïtch' in her. Nagiging iba siya sa harap nito lalo na sa apat na sulkj ng silid na sila lamang dalawa. Wala siyang limitasyon sa sarili.
Ngunit ano nga ba ang dahilan?
Ayaw niyang aminin sa sarili...