Prologue

454 Words
HUMINGA ka nang malalim para makakuha ka ng lakas, Nina. Kaya mo ‘yan!” Tagatak ang pawis sa noo at leeg ni Nina habang habol ang paghinga. Kasama niya roon ang isang hilot na siyang magpapaanak sa kaniya. Gusto na niyang mawalan ng ulirat. Pakiramdam niya anumang sandali ay pipikit ang talukap ng kaniyang mga mata. Pagod na siya. “Aahhh!” sigaw ni Nina na halos mapugto na ang ugat sa leeg dahil sa pagpwersa. “Ire mo pa, Nina. Malapit nang lumabas ang bata!” Panay ang usal ng dasal ng ina niyang si Rosa na umaasiste sa hilot. Kalmado naman ang kaniyang amang si Benjamin na nagpasyang lumabas ng bahay. Malalim na ang gabi at tanging huni na lamang ng mga kulisap at panggabing ibon ang naririnig niya. Narinig ni Benjamin ang malakas na pag-ire ng kaniyang anak at ilang sandali pa ay pumalahaw na ang iyak ng bagong silang na sanggol. Tumingala si Benjamin sa kalangitan. Unti-unting sumibol ang kaba sa kaniyang dibdib nang makita ang puti at bilog na buwan na napapaligiran ng napakaganda at kulay bahaghari na limbo. Sa kabila ng napakagandang kababalaghan ng buwan nang mga sandaling iyon ay hindi niya magawang magdiwang. Dahil ang palatandaang iyon ang siyang magpapabago sa buhay ng kaniyang bagong silang na apo. “Napakaganda niya, hindi ba?” tanong ni Rosa habang nasa bisig ang munting sanggol at marahang isinasayaw. “Tunay na maganda, mahal ko. Nagmana siya sa kaniyang ina,” nakangiting wika ni Benjamin na sinulyapan ang nakangiti ring anak na nakahiga sa papag at nagpapahinga. Halata sa mukha nito ang hirap at pagod. “Ang bait-bait naman ng apo ko. Ako ang iyong lola Rosa at kasama kong nakatitig sa ‘yo ngayon ang lolo Ben mo,” kausap nito sa sanggol, “O, Ben! Ngumiti siya!” sabik na bulalas ni Rosa na lumiwanag ang mukha. Nang tingnan niya ang sanggol ay nakaguhit nga sa kulay rosas na labi nito ang isang napakagandang ngiti. “Oh, Nina. Ano ang nais mong ipangalan sa iyong anak?” tanong ni Rosa. Bahagyang umiling si Nina. “Wala pa po akong naiisip na ipangalan sa kaniya, inay.” “Dapat ay maganda rin ang pangalan ng maganda kong apo, hindi ba?” ani Rosa. “Ano kaya kung Ayla na lang ipangalan natin sa kaniya?” suhestiyon ni Benjamin. “Ayla… Napakagandang pangalan!” malapad ang ngiting wika ni Rosa, “Narinig mo, apo? Ayla ang pangalang ibinigay ng lolo mo sa ‘yo. Bagay na bagay sa iyo,” sabi ni Rosa sa walang kamuwang-muwang na sanggol. Matipid na ngumiti si Benjamin. Kinuha niya ang sanggol mula sa asawa at naupo. Marahan niyang hinaplos ng kaniyang daliri ang malambot na balat nito sa braso. “Kawawang bata,” mahinang usal niya na bahagyang sinilip ang balikat ng sanggol kung saan naroon ang marka na tanda ng mabigat na responsibilidad nito sa hinaharap.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD