KABLAAG!
“Ayla, ano iyon?”
Nagulat ako nang bigla na lang akong may marinig na nahulog sa itaas ng bahay. Umakyat ako sa kawayan na hagdanan na may limang baitang patungo sa ikalawang palapag ng bahay namin.
Sahig na kawayan lamang ang ikalawang palapag namin hindi katulad sa ibaba na semento. Medyo may kalakihan ang bahay namin at gawa lamang sa kawayan at plywood ang dingding. Nakatayo ang bahay namin pinakadulong sulok ng kalsada ng zone four sa aming baryo.
“Titingnan ko po, Ma.”
Lumangitngit ang sahig na kawayan nang umakyat na ako. Nilibot ko ang paningin sa kubuuan ngbikalawang palapag at hinawi ang kurtina na humahati sa tinutulugan namin ng nakababata kong kapatid at ni Mama.
Nang wala naman akong nakita ay muli kong isinara ang kurtina.
“Ahhhh!”
“Meow!”
Sapo ko ang dibdib ko sa pagkagulat. May lumundag na itim na pusa sa harap ko. “Ertha!” inis na tawag ko sa alaga naming pusa.
“Anong nangyayari d'yan, Ayla?” tanong ni Mama na abala sa pagluluto sa kusina.
“Wala, Ma. Naglilikot lang dito si Ertha.”
“Baka naman ginawang tulugan ng pusang iyan ang mga damit ng pinsan mo na nakatambak d'yan sa taas! Ilagay mo nga ang mga iyon sa karton kapag may oras ka.”
“Opo.”
Tama, Ertha ang pangalan ng pusa namin. Bigla lang kasi sumulpot ang pusang iyon dito sa bahay noong may lindol. Earthquake talaga ang binigay na pangalan ng kapatid ko sa kaniya. Ertha na lang for short. Sinubukan din naming siyang iligaw kung saan-saan dahil lagi itong dumudumi sa kusina namin pero alam pa rin ng pusa kung paano bumalik dito sa bahay. Nitong huli ay lagi nang kinakausao ng kapatid kong si JM ang pusa at mula noon ay hindi na ito nagkakalat pa.
Hindi rin naman kasi pumayag si Mama na itapon sa ilog si Ertha dahil masama raw iyon. Mamalasin daw ng siyam na taon ang sino mang magtatapon ng pusa sa ilog. Iyon ang mga pamahiin dito sa amin.
“Bumili ka nga muna ng paminta roon sa tindahan ni Mareng Tere. Nakalimutan kong wala na pala tayo niyon. Bilisan mo, ha baka magsara na 'yon. Hindi ka pa makaabot,” utos ni Mama habang naghihiwa ng mga sangkap sa lulutuing adobong manok, my favorite.
“Sige po, Ma. Iyong pera na lang po dito sa ibabaw ng TV ang kukunin ko.”
Hindi ko na hinintay ang sagot ni Mama at lumabas na. Malapit lang naman ang tindahan ni Aling Tere. Apat na bahay lang ang pagitan pero binilisan ko ang paglalakad dahil baka magsara na iyon.
Palabas na ako sa bakuran namin nang may marinig akong parang tunog ng mabigat na bagay ni hinihila sa semento. Nakakangilo ang tunog niyon. Bigla akong inatake ng kaba nang mapatapat ako sa puno ng niyog. Ang kuwento kasi sa amin, sa punong iyon ng niyog sa bahay namin may nakikita si ate Angie na kabaong na lumilitaw. At ayon sa kuwento basag pa raw ang isang dulo ng kabaong na iyon.
Bigla akong kinilabutan. Pinalis ko sa isip ang bagay na iyon at marahan kong binuksan ang bakod. Hindi masyadong umaabot sa tapat ng bahay namin ang ilaw ng poste dahil doon nakatayo sa kabilang bahagi pa ng kalsada at tatlong bahay pa ang nakapagitan mula sa bahay namin.
Mabilis akong naglakad. Malapit na ako sa tindahan ni Aling Tere nang makasalubong ko si Zyl. Mukhang patay na ang ilaw sa tindahan ni Aling Tere. Minsan nga alas otso pa lamang ng gabi ay tulog na ang mga tao rito at wala nang pagala-gala sa kalsada.
“Saan ka pupunta?” narinig kong tanong ni Zyl na tumigil sa harap ko.
“Diyan lang sa tindahan ni Aling Tere. Bibili lang sana ako ng paminta.”
Sinipat ni Zyl ang oras sa suot nitong relong pambisig. “Mag-a-alas otso na ng gabi. Hindi pa kayo naghahapunan?” kunot-noong tanong nito. Kaibigan ko si Zyl matagal na.
Umiling ako. “Ginabi kasi si Mama ng uwi galing siyudad, eh, alam mo namang tuwing umuuwi siya ay siya na ang bumibili ng uulamin namin.”
Napalatak si Zyl. “Sarado na si Aling Tere. Pero bukas pa ang tindahan ni Boss,” wika nito na ang tinutukoy ay ang tindahan sa zone two. May kalayuan din iyon.
Nagdadalawang-isip ako kung tutuloy pa ako roon sa tindahan ni Boss gayong malayo na iyon. Madadaanan ko pa ang basketball court at ang Health Center ng baryo namin bago ang tindahan nito. At kahit ganitong oras ay wala na masyadong tumatambay sa kalsada maliban kay Zyl na ngayon ay pagala-gala pa at hindi ko alam kung saan pa pupunta.
“Babalik na lang siguro ako. Malayo na, eh. Isa pa takot rin akong dumaan sa basketball court. Baka kasi kunin ako ng maligno roon,” biro ko.
Ngumisi si Zyl flashing his set of perfect white teeth. “Nagpapaniwala ka ro'n? Gusto mo samahan na kita? Pupunta sana ako kina Francis doon sa kamalig nila pero sasamahan muna kita. Mahirap na madagit ka pa ng aswang dito,” wika nito na sinabayan pa ng tawa.
“Hindi nakakatawa ang biro mo, ha? Pero okay lang ba?”
“Oo naman. Tara na at baka tapos na iyong niluluto ni Tita Nina, eh hindi pa dumadating ang pamintang pinabibili sa 'yo.”
“Loko ka talaga,” sabi ko.
Magkasabay kami ni Zyl na naglalakad. Panakanaka akong tumitingin sa kaniya.
“Bakit?” tanong niya na marahil ay napansin ang pagsulyap ko sa kaniya.
“Iinom lang kayo roon sa kamalig ni Francis. Pupusta akong kompleto na naman kayong pito roon.”
“Galing mo manghula, ah!”
“Gabi na bakit ka pa pupunta roon? Malayo kaya ‘yon.”
“Nandoon kasi ang barkada. Kaya dapat naroon din ako.”
“Gano'n? Hindi ba puwedeng kahit minsan maghiwalay naman kayo? Aba'y kulang na lang sabihing may relasyon kayong pito!” biro ko.
Natawa si Zyl. “Iyon ang tinatawag na bromance!” pakikisakay nito sa biro ko.
Pagdating namin sa Zone two kung nasaan ang tindahan ni boss ay binili ko kaagad ang pinabibili ni Mama. Mabuti at bukas pa tindahan nito. Tatlo lang naman kasi ang tindahan sa baryo namin. Iyong isa sa Zone four na kay aling Tere, at isa sa Zone three.
“Ayos na ba?”
Tumango ako at naglakad uli kami pabalik sa bahay. Maya-maya'y naramdaman kong panay ang lingon ni Zyl sa kanan niya.
“Bakit?” takang tanong ko.
“Bilisan natin. Mukhang sinusundan tayo ng manliligaw mo,” anito na nagpakabog sa dibdib ko.
Bigla akong kinilabutan nang marinig ang sinabi ni Zyl. Kaya ayokong lumabas ng bahay lagi ay dahil sa sinasabi niyang manliligaw ko. Kinuha niya ang kamay ko at hinawakan niya ito nang mahigpit.
“Hoy, huwag mo akong bibitiwan, ha,” nanginginig na wika ko habang hindi ko na mapigil ang panginginig ng tuhod ko. Kanina ay hindi ko pa ramdam pero ngayon ay tila nama-magnet na ang balahibo ko sa katawan.
“Maglakad ka lang nang mabilis pero huwag kang lilingon. Okay?”
“O-Okay...”
Parang gusto nang umangat ang mga paa ko dahil sa bilis ng paglalakad namin. Para kaming nasa horror movie na hinahabol ng isang serial killer. Wala akong ibang naririnig kung hindi ang sinasabi ni Zyl at ang malakas na kabog ng dibdib ko. Pagkapasok namin ng bakuran namin ay saka lang binitawan ni Zyl ang mga kamay ko.
“Pumasok ka na.”
“Kung...Kung dito ka na lang kaya muna. Baka abangan ka niya riyan sa labas at kung ano pa ang gawin sa 'yo.”
Marahan tumawa ni Zyl at tinapik ako ng dalawang beses sa pisngi.
“Ikaw lang ang habol niya at hindi ako. Don't worry, I can take care of myself. Siya lang?”
“Huwag ka ngang mayabang d'yan. Hindi siya basta-basta lang. Mamaya, dagitin ka niya at gawing hapunan.” Kinuha ko ang maliit na bote ng langis na laging nasa bulsa ko at iniabot iyon kay Zyl. Lagi ko iyong dala kahit saan man ako magpunta. Ibinigay iyon sa akin ni Mama at sinabi niyang bumubula raw ang langis kapag may aswang sa paligid.
“Ano, 'to?” ani Zyl na sinipat ang laman ng bote.
“Basta. Ilagay mo lang iyan sa bulsa mo. Ibalik mo na lang sa akin bukas dahil alam mo namang mas kailangan ko 'yan. Pangontra iyan sa aswang.”
“Nah. Hindi ko kailangan 'to.” Kinuha niya ang kamay ko at inilagay uli iyon sa palad ko.
“Pero...”
“Sige na. Aalis na ako. Paki 'hi' na lang ako kay Tita Nina at JM.”
I sigh. “Sige. Maraming salamat sa pagsama at paghatid sa akin. Ingat ka.”
Itinaas lang nito ang kamay at lumabas na ng bakuran namin. Pumasok na ako sa loob ng bahay at ini-lock nang mahigpit ang pinto.
“Bakit ang tagal mo?”
“Doon pa po kasi ako bumili sa tindahan ni boss, Ma. Sarado na po kasi si Aling Tere,” sabi ko sabay abot kay Mama ng pinabili niya. Mabilis naman nitong hinalo sa niluluto niya.
“Sana bumalik ka na lang. Mabuti na lang at walang nangyari sa 'yo habang nasa daan,” may bahid ng pag-aalala ang boses ni Mama.
“Sinamahan po ako ni Zyl, Ma. Nakasalubong ko kasi siya sa tapat ng bahay ni Tiyo Nelson. Papunta sana siya sa kamalig nila Francis,” sagot ko para mabawasan na ang pag-aalala nito. Alam ko kasing kapag may kasama naman ako sa labas lalo na ‘pag gabi y hindi masyadong nag-aalala si Mama.
“Mabuti naman kung ganoon. Delikado para sa 'yo ang maglakad sa kalsada kapag gabi na lalo at nag-iisa ka.”
“Alam ko po.”
“Oo nga pala. Malapit ka nang mag disi-sais. Anong gusto mo sa birthday mo?”
“Magluto ka na lang ng pansit, Ma!” singit ng kapatid kong si JM na kakapasok lang sa pintuan dito sa kusina.
“Saan ka galing, magaling na bata?” sita ni Mama nang makalapit siya sa amin.
“Magaling at magandang bata, Ma,” ngumiti pa ito nang pagkatamis kay Mama. “D'yan lang po ako galing kay ate Amie. Naglaro lang kami ni Mac. Dito na nga po ako dumaan sa kusina dahil naka-lock ang pintuan doon sa sala.”
Pinapayagan ni Mama ang kapatid kong lumabas ng bahay kahit gabi basta sa kapitbahay naming si Ate Amie lang ito pupunta. Inaanak ko kasi ang tatlong taong panganay ni Ate Amie na si Mac. “Sige na po, Mama. Magluto ka na lang po ng pansit o di kaya ay spaghetti,” ungot ni JM na parang siya ang may birthday.
“Makapag-demand ka parang ikaw ang may birthday, ah!” nakangiting wika ni Mama. Nakita ko namang nanulis ang nguso ni JM at siguradong kapag humaba pa ang pang-iinis sa kaniya ay siguradong mapipikon na ito.
“Ate sabihin mo po kay Mama na pansit o ‘di kaya spaghetti na lang po, please?” JM begged.
Tumaas ang isang sulok ng labi ko. “Magalang ka lang kung may kailangan ka.”
“Ate naman, eh! Love mo naman ako, ‘di ba? Hayaan mo sa birthday ko, ate lahat ng gusto mong handa ko ibibigay ni Mama.”
“Aba, at nadamay pa ako!”
Pareho kaming humalakhak ni JM. Ito talagang kapatid ko nahawa na sa pamimilosopo ni Jim na isa ko ring kaibigan at kuya-kuyahan nito.
“Ate, sige na…” ungot ni JM na lumapit pa sa akin at yumakap. Kingina. Malambing lang kapag may gustong makuha.
“Kahit ano na lang, Ma. Okay na 'ko,” nakangiti kong sagot at umirap kay JM.
“Sige. Magluluto ako ng spaghetti at pansit para super long life,” biro ni Mama na ikinatuwa ni JM. May kasama pang talon at tili.
“Thank you, Mama. Mahal na mahal kita!” sagot ng kapatid ko na pinupog ng halik ang mukha ni Mama.
“JM!” bulalas ni Mama dahil may hawak itong mangkok at sandok at munting pang mawalan ng panimbang.
“Diyaskeng bata ka. Ang kulit mo!”
“Thank you, Ate, ha? Hayaan mo at bibigyan kita ng regalo sa birthday mo!” tuwang-tuwa na wika ni JM.
“Oo na. Mas excited ka pa kaysa sa akin. Parang ikaw ang mabi-birthday, ano?”
My sister just winked at me. Napailing na lang ako. JM was only eleven years old at apat na taon ang tanda ko sa kaniya.
“Ma?” untag ko kay Mama.
“Hmm?”
“Kanina kasi...” Nag-aatubili akong sabihin.
“Ano, ate sinundan ka na naman ng manliligaw mong pogi?” tanong ni JM na sinundan ng nang-aasar na tawa.
“Tss. Parang ganoon na nga,” napakamot ako sa batok ko.
“Hindi na talaga titigil iyon. Huwag mo lang ihihiwalay sa katawan mo ang langis na binigay ko sa 'yo, ha? Para hindi ka niya basta-basta malapitan,” may bahid ng pag-aalala ang boses ni Mama.
“Ma, totoo rin po ba ang kuwento tungkol sa puno ng narra na nasa bungad ng basketball court?”
Napabuntong-hininga si Mama. Nilapag na nito ang mangkok ng ulam para sa hapunan namin. Adobong manok na paborito namin ni JM.
Late na kami maghahapunan dahil gabi nang umuwi si Mama galing sa trabaho. Sa siyudad pa kasi siya nagtatrabaho at tuwing Sabado ng gabi ang uwi niya. Kapag weekdays dalawa lang kami ng kapatid ko sa bahay dahil wala na rin akong Papa. Namatay na siya bago pa ipanganak si JM kaya si Mama ang solong kumakahod para sa amin.
Naglagay ako ng tatlong pinggan at kubyertos sa mesa at naupo.
“Iyon ang sabi ng matatanda rito sa baryo. Ang kuwento kasi nila, mula sa elementarya, sa basketball court, sa kalsada hanggang dito sa bakuran natin ay daanan ng mga engkanto papunta roon sa ilog. Ang ilog ang nagsisilbing pier nila. Ang narra naman ang kanilang kaharian. Ang elementarya naman ay ang kanilang pasyalan.
Nanayo ang balahibo ko sa sinabi ni Mama. Kung gano'n ang bakuran pala namin ang mismong daanan nila papunta sa ilog. Maliban kasi sa ilog ay may maliit na sapa roon sa zone six. Liblib na iyon na bahagi ng baryo namin at halos mga nakatira roon ay mga kamag- anak na namin pero may kalayuan ang kapitbahay. Ang tubig na nagmumula sa sapa ay dumadaloy patungo sa ilog.
“Pero, Ma, may nakakita na po ba ng mga engkanto na iyon?”
“Ano ba naman 'yang topic n'yo, ate? Gabing-gabi iyan ang pinag-usapan n'yo.”
“Tumahimik ka na lang d'yan,” napaismid ang kapatid ko at sumiksik kay Mama. Umaandar na naman kasi ang kaduwagan nito.
Biglang lumikot ang mga mata ni Mama. She cleared her throat. “Mayroon, Ayla.”
“Sino po?” curious kong tanong.
My mother sighed. “Ang lolo mo.”
Biglang may bumalik sa akin na alaala pagkasabi niyon ni Mama.
“Lasing na naman si Lolo. Mamaya kakanta na naman siya.”
Inday ko, inday kong pinalangga…
Kay yari na ako nalumos gid sa luha.
Napatigil ako sa pagbabasa ng libro ko at nagsimulang makinig sa kanta ni lolo. Kanta iyon ng pangungulila sa mahal nitong asawa na si lola Rosa. Magmula nang mamatay si lola Rosa pitong taon pa lamang ako ay lagi nang naglalasing si lolo. Naroon na naman siya sa harap ng kalabaw niya kapiling ang isang malaking pitsel ng lambanog.
“Itong puno ng mangga ipapamana ko ito sa apo kong si Ayla,” narinig kong wika ni lolo, “May nakatira kasi diwata at duwende sa punong iyan! Sila ang anghel dela guwardiya ng mga anak at apo ko kaya wala sino mang puputol ng punong iyan. Kung hindi’y kakaratehin ko kayo! Pak pak pak!”
Napailing na lamang ako dahil nakikinita ko nang nagsa-shadow boxing si lola sa harap ng kalabaw nito. Tuwing nalalasing ito ay hindi nito nakakalimutan na laging banggitin ang tungkol sa mga diwata, duwende at iba pang engkanto. Which made me think na marahil ay nakakakita ang lolo ko nang mga kakaibang nilalang. Marahil ay may third eye ito.
Inday ko, inday kong maluluy on…
“Kung gano'n po, Ma, totoo ang mga sinasabi ni Lolo noon tuwing nalalasing siya?”
“Oo. Kahit gano'n ang Lolo mo hindi siya natatakot na makipag- usap sa mga enkanto at iba pang nilalang na hindi nakikita ng mga ordinaryong tao. Naalala ko noong dalaga pa ako, nagising ako sa kailaliman ng gabi dahil may narinig akong nagsasalita. Nang bumangon ako at sumilip sa pinagmumulan ng boses ay nakita ko ang Lolo mo na nakatayo riyan sa likod ng puno ng mangga at may kinakausap. Sinasabi niya sa kausap niya na bantayan daw kami ng Auntie mo.”
“Ano po ang nangyari, Ma?”
“Kinabukasan umakyat ang Auntie mo sa puno ng mangga dahil hitik iyon sa bunga. Gustong-gusto kasi ng Auntie mo na umaakyat doon at doon mismo sa taas kinakain ang mangga. Dahil hindi nag-iingat, nahulog siya. Ngunit sa pagkagulat namin ay ni hindi manlang umaray ang Auntie mo nang mahulog siya. Malapad pa ang ngiti. Noong tinanong siya ni Mama, iyong Lola mo sabi niya parang may sumalo raw sa kaniya bago pa siya tuluyang bumagsak sa lupa. Naisip ko kaagad iyong narinig ko na pag-uusap ng Lolo mo sa hindi ko nakikitang nilalang.”
“Cool! Puwede rin kaya 'yon sabihin sa kaibigan ni Lolo na bantayan din kami, Ma?” singit ni JM.
“Paano ko sasabihin, eh hindi ko naman siya nakikita. Tanging ang Lolo mo lang ang nakakakita sa kanila. Kahit ang Lola mo hindi rin sila nakikita.”
“Anong ang sabi ni Lola dati tungkol sa kakayahan ni Lolo na makipag-usap sa mga engkanto, Ma?”
“Syempre noong una natakot ang Lola mo. Pero sa katagalan ay nasasanay din siya. Naalala mo ba noong nabubuhay sila kapag may okasyon dito sa bahay lagi silang may alay d'yan sa likod ng bahay?”
Tumango ako. Kahit hanggang ngayon ay iyon pa rin ang ginagawa ni Mama. Kapag may okasyon dito sa bahay lagi kaming nagtatabi ng pagkain para ihandog doon sa likuran. Nagtataka man ako dati ngayon ay alam ko na ang dahilan.
“Eh, Ma. Hindi ka ba natatakot dito sa bahay?”
“Kayong dalawa ang dapat kung tanungin niyan dahil kayo ang naiiwan dito.”
“Dati hindi. Ngayon takot na. Ate, kapag bumalik na si Mama sa trabaho samahan mo na akong matulog sa taas, ha?”
“Psh! Umaatake na naman 'yang kaduwagan mo.”
“Ikaw ba, Ayla. Hindi ka natatakot dito?”
“Hindi naman, Ma. Kinakabahan lang ako sa mga naririnig ko minsan pero ayos naman.”
“Naririnig? Anong naririnig mo?”
“Like kaninang palabas ako, narinig kong parang may tumutunog ng hinihilang mabigat na bagay riyan sa tapat ng niyog natin.”
“Ano pa?”
Mataman akong tiningnan ni Mama.
“Tapos noong nagising ako bandang ala-una ng umaga. Narinig kong nag-iingay ang mga manok sa likod pero parang ang pangit ng ingay nila. Parang... parang nasasaktan na ewan.”
“Anong ginawa mo?”
“Wala po. Natulog ulit.”
“Ayos ka rin, ate!” natatawang komento ng kapatid kong si JM.
“Eh, ano naman ang gusto mong gawin ko? Makikiiyak ako roon sa mga manok?” pasarkastiko kong sagot sa kapatid ko.
“Baka kasi namana mo ang third eye ni Lolo, ate! Hala ka!” pananakot ni JM.
Tumayo si Mama sa kinauupuan ko at lumapit sa likod ko. Inangat niya ang mahaba kong buhok.
“Bakit, Ma?”
Nagtaka ako bakit hindi sumasagot si Mama.
“Ma?”
“Malapit na ang ika-labing anim mong kaarawan, Ayla. Kapag may napansin kang kakaiba sabihin mo sa akin, ha?”
“Ano po ang ibig mong sabihin, Mama?” takang tanong ko.
“Magsuklay ka nga ng buhok mo, Ayla. Magulo,” puna ng ina niya imbes na sagutin ang tanong niya.
“Hindi ko nga alam, Ma kung paano nagustuhan ni Kuya Zyl 'yang si ate, eh!”
“JM!” bulalas ko na pinanlakihan ng mata si JM. Hindi ko alam bakit tinutukso ako nito lagi kay Zyl. Alam naman nitong magkaibigan lang kami.
“Kumain na nga tayo,” yaya ni Mama.
“Kuwentuhan mo ako uli mamaya, Ma, ha? Bedtime stories.”
“Yay! Ate naman, eh!” reklamo ni JM
Napatawa kami ni Mama sa reaksyon ng kapatid ko. Siya kasi ang tinagurian naming dakilang duwag.