Chapter 2

2989 Words
NANDITO ako ngayon sa library at nag-aayos ng mga libro sa shelves. Ito kasi ang ginagawa ko araw-araw pagkatapos ng klase ko sa hapon. Alas quatro natatapos ang huling klase ko sa hapon kaya deretso agad ako rito sa library. Naglilinis din ako rito. Minsan kasama ko ang kaklase kong si Saffi. Monday, Wednesday at Friday kasi ang schedule niya rito sa library. Hindi kagaya ko na araw-araw. Natatapos ako sa paglilinis at pag-aayos hanggang alas cinco y media na. Madalas ay mas marami pa akong ginugugol na oras a pagbabasa kaysa sa pag-aayos ng mga libro. Sinusundo naman ako ng pinsan kung lalaki rito sa school kaya okay lang sa akin na abutin ng hapon. “Ayla, ikaw na ang bahalang magsara ng library, ha. Kailangan ko nang umuwi dahil nariyan na sa baba ang sir Chris mo.” “Sige po, Ma’am! Kaya ko na po rito. Baka po mainip sa paghihintay si Sir. Ingat po sa pagbaba sa hagdanan, Ma’am!” paalala ko sa librarian namin. Pitong buwan na kasi siyang buntis kaya kailangan niya ng ekstrang pag-iingat kapag bumababa ng hagdanan. Ang asawa nitong si Sir Chris ay teacher din ng school pero Sophomores ang tinuturuan nito. Nagtuturo ito ng English subject. Alimudin National Comprehensive High School o mas kilala sa tawag na ANCHS ay isang public school at malaki ang eskwelahan na ito dahil ito lang ang secondary school sa aming bayan na binubuo ng limampu at dalawang baranggay. Mayroon itong gymnasium, oval—tawag namin sa malawak naming field, little Baguio—tinawag na little Baguio kasi maraming puno at malamig ang hangin. Nasa mataas na bahagi iyon ng vicinity. Mayroon din kaming two-storey building sa harap kung nasaan ang English department sa second floor at Science department naman ang nasa ground floor. Ang Administration building naman ay katabi ng two-storey building at dito nga sa taas ng admin building ang library. Nasa harap ng building ay damuhan kung saan laging nauupo ang mga estudyante tuwing breaktime o di kaya ay vacant period. May roon ding social hall at dalawang canteen na katabi ng gymnasium. Balik tayo rito sa library. Ito nga, nag-aayos pa rin ako ng mga libro rito. Tapos na akong maglinis ng sahig. Nawili ako sa pagsalansan ng libro nang may mahagip ang mata ko na gumalaw sa kabilang shelves. Bukas pa ang pinto kaya siguro may pumasok nang hindi ko namamalayan. “Manghihiram ka ba ng libro?” malakas na tanong ko, “kung manghihiram ka iwan mo lang d’yan sa mesa ang library card mo, ha? Mag-fill up ka na lang din ng borrower’s form,” dagdag ko. Mapagkakatiwalaan naman ang mga estudyante rito. Kapag ako na lang ang naiiwan dito at may gustong manghiram ng libro ay iniiwan na lang nila ang library card pagkatapos mag-fill up ng borrower’s form. Simple lang naman ang nilalagay sa form. Name, student’s number at title ng hihiraming libro plus ‘yong pirma. Napatigil ako sa ginagawa nang wala akong makuhang sagot. “Hey? Nandiyan ka pa ba?” Iniwan ko ang ginagawa at tiningnan ang kabilang shelves. Nasa pitong malalaking shelves kasi ang magkahanay at nasa pangalawang shelf ako. Dahan-dahan kong tiningnan ang bawat shelf na madaan ko. Hanggang makarating ako sa huling shelf. Wala namang tao. Baka wala namang hiniram na libro at umalis na? Nagkibit-balikat na lang ako at akmang babalik na sa ginagawa ko kanina. “Ahh!” “Hey! Makasigaw, ah!” Sapo ko ang dibdib ko sa pagkagulat nang sa bigla kong pagtalikod ay nakaharap ko si Chax. “Shocks! Ginulat mo ‘ko!” “Sorry. Mahilig kang lumaklak ng kape, ano? Nasa labas na ng gate ang pinsan mo. Hindi ka pa ba tapos diyan?” “Laklak talaga? Malapit nang matapos ‘to. Bakit umakyat ka pa rito? Puwede naman niya akong e-text na lang.” “Nakatambay kasi ako sa labas nang maabutan niya ako kaya nagpresinta na akong sunduin ka rito sa taas.” Alam ni Chax na nandito ako tuwing hapon dahil magkaklase naman kami. Kahit sino naman yata ang pagtanungan ng pinsan ko ay kilala naman ako. Tatlong taon na rin naman akong nagsa-sideline dito sa library hindi dahil sa gusto kong kumita kung hindi dahil gusto ko lang talaga rito. Ewan, para akong na-inlove dito sa library. Marami kasi akong nahihiram na libro, eh! “Okay. Ano pa nga pala ginagawa mo sa labas, eh, uwian na?” “Wala naman. May hinihintay lang akong lumabas.” “Wala raw pero may hinihintay. Pinoy ka talaga.” “Ikaw ba intsik? Tulungan na nga kita riyan para maka-uwi ka na.” “Mabuti pa nga.” Tinulungan ako ni Chax sa pag-aayos ng mga libro. “May nakasalubong ka ba nang umakyat ka rito kanina?” “Hmm? Wala. Bakit?” sagot nito na patuloy pa rin sa ginagawa. “Akala ko kasi kanina may kasama ako rito.” “Parang wala na namang tao rito sa school maliban sa ‘yo at sa dalawang guard sa baba.” “Ah, okay. Tapos ka na ba riyan? Tapos na ako rito.” “Done. Baba na tayo?” “Sige. Kukunin ko lang ang bag ko.” Pinuntahan ko ang bag ko na nakapatong sa table ng librarian namin. Nahagip ng mata ko ang isang library card. Napakunot-noo ako. Akala ko ba guni-guni ko lang ‘yon kanina? Tiningnan ko ang card. Karen dela Cruz Fourth Year Section 2 Card no: 031866-70 Ang weird ng card number niya. Sa pagkakaalam ko ang card number ng mga estudyante ngayon ay 19 ang nasa ika-lima at ikaanim bago ang dash. Gaya ng sa akin, ang card number ko ay 060219-90 dahil June two 2019 ako nag-enrol at ika-siyamnapung enrollee. At saka parang wala naman akong kilala na Karen sa section 2? Kung sa bagay hindi naman lahat kakilala at kaibigan ko roon. “Oh, bakit titig na titig ka riyan sa card?” Nabaling ang pansin ko kay Chax na naghihintay sa akin. “Ah, wala,” inilagay ko ang card sa lagayan nito para makita bukas ng librarian namin. Wala akong nakitang borrower’s form na kasama ng card. Marahil ay pasaway ang estudyante na ito. “Halika na!” Magkasama kami ni Chax na lumabas at ni-lock ang pinto ng library. Pababa na kami ng hagdanan nang marinig namin na parang may nahulog sa loob ng library. Nagkatinginan kami ni Chax at kinuha ko uli ang susi sa bag ko at bumalik. Kasama ko pa rin si Chax. “Ano kaya ‘yon?” tanong ko. “Kaya nga babalikan natin, eh! Tinanong mo pa talaga ako.” Nang buksan ko uli ang library ay nilibot ko ang tingin sa loob. Nakahawak pa rin ako sa seradura ng pinto. Nakisilip na rin si Chax. “Wala naman, eh! Tara na!” “Sige,” isinara ko ulit ang pinto at bumaba. Nasa labas na kami ng gate at naabutan ko roon ang pinsan ko na kinakausap ang guard. “Oh, Kuya hindi mo manlang ako t-in-ext!” “Ito kasing kaklase mo, eh, ang sabi sunduin ka na lang daw.” “Okay. Paano manong Ernest, mauna na kami sa ‘yo. Hapon na rin, eh!” “Sige, akala ko hindi ka na uuwi, eh. Ingat sa pagmamaneho, Jom.” Nangiti ako kay Manong. “Ikaw, Chax?” “Uuwi na rin ako.” “Akala ko ba may hinihintay ka? “Baka nakauwi na ‘yon!” “Baliw ka, ha? Sabi mo kanina ako na lang at ang guard ang nandito?” Napakamot ito ng ulo. Hay naku na lang. “Sige na, umuwi ka na! Salamat sa pagtulong!” “Bye! Kita na lang tayo ulit bukas.” “Siyempre. As if naman puwedeng hindi ka makita bukas, ano? Um-absent ka para hindi kita makita!” “Tara na!” sabi ng pinsan ko na nakasakay na ng motorsiklo. Kumaway lang ako kina manong guard at Chax para magpaalam ulit. Nasa kahabaan kami ng kalsada nang magsalita si Kuya Jom. “Hanggang ilog lang kita ihahatid, ha? Pupunta ako kina pareng Jess, eh. Alam mo na!” Napasimangot ako. Pinsan ko sa father side si Kuya Jess. Si Kuya Jom naman pinsan ko sa mother side. Magkabarkada sila. Iinom na naman at magvi-videoke ang mga ito. “Ang lapit na lang naman, Kuya, eh. Ihatid mo na ako hanggang sa bahay!” “Kaya nga, eh! Malapit na lang naman. Lakarin mo na.” “Tatawid pa ako ng ilog! Wala akong kasama!” “Sino naman kukuha sa ‘yo sa ilog. Ilang taon ka nang nagpupunta sa ilog at naliligo hindi ka naman natakot.” “Sige na nga!” patianod ko sa kaniya. Wala naman akong choice. Nasa kabilang baryo namin nakatira si Kuya Jess. Bale nahahati ng ilog ang baryo namin. Mataas nga lang ‘yong lugar nila hindi katulad sa aming baryo na mababa lang at abot ng tubig kapag bumabaha nang malalim ang ilog. Nang makarating kami ng ilog ay bumalik na kaagad si Kuya Jom at pumunta kina kuya Jess. Hinubad ko ang suot kung sapatos at medyas at naupo sa gilid ng ilog. Hindi agad ako tumawid at ipinahinga muna ang mga paa ko. Nang feeling kong okay na saka ako tumawid. Nasa kalagitnaan na ako ng ilog nang biglang sumulpot mula sa kung saan ang taong pinakaiiwasan ko! Bigla akong kinabahan at akma sana akong tatalikod ngunit tumigil din ako. Hindi ko dapat ipakita sa kaniya na natatakot ako sa kaniya. Pero ako lang mag-isa rito! Humarap ako ulit at pinagpatuloy ang pagtawid sa ilog kahit na ang lakas ng kabog ng dibdib ko. Titig na titig siya sa akin na akala ba niya ay mawawala ako sa paningin niya kapag kumurap siya. “Ngayon ka lang nakauwi?” tanong nito sa garalgal na boses nang maka-abot ako sa pangpang. “Opo. Sige po una na po ako,” sagot ko at mabilis na naglakad. Hindi ko na isinuot uli ang sapatos ko para makaalis ako kaagad. Pero pakiramdam ko ay sumusunod siya sa akin at hindi nga ako nagkamali! Medyo malayo pa naman ang lalakarin ko para makaabot ako sa unang bahay na malapit sa ilog. Madadaanan ko pa ang matataas na talahib bago ako makarating doon. Patuloy lang ako sa paglalakad kahit na parang gusto ko nang tumakbo! Nakikita ko pa rin sa peripheral vision ko kapag tumitingin ako sa gilid ko na nakasunod pa rin siya sa akin. Hindi na ako nagtaka kung bakit parang ang bilis-bilis niya maglakad at pinapanatili nito ang distansya sa akin. Hindi kasi ganoon ang usual na paglalakad nito. Mabagal lang ito maglakad kapag gumagala sa baryo namin. Papasok na ako sa talahiban nang lumingon ako sa kaniya. Hindi ko pa siya nakikita kaya binilisan ko pa lalo ang pagtakbo! Lakad-takbo na ang ginagawa ko nang maramdaman kong may humawak sa braso ko! “Hmppp!” biglang may tumakip ng bibig ko. Nakaupo ako ngayon sa mga d**o at nakatago rito sa mga talahib. Nagpumiglas ako sa takot. “Shhhh! Ako ‘to. Huwag kang maingay.” “Z-Zyl?” gulat kong nilingon siya, “Anong ginagawa mo rito?” “Nakita ko kasi siyang naglalakad papunta sa ilog kaya sinundan ko siya. Akala ko nga makaka-iskor na ako sa kaniya, eh!” Narinig ko siyang natawa nang mahina. “Ano ka ba papatulan mo pa ‘yan?” “Why not? Kung ayaw ka niyang tigilan papatulan ko talaga siya. Huwag ka nang maingay, nandito na siya.” Hindi na nga ako umimik. Ni hindi na nga ako gumalaw kahit kaunti para hindi ako makalikha ng kahit na anong ingay. Nakatayo siya sa harap namin at palingon-lingon sa paligid. Alam kong ako ang hinahanap niya. Parang nag-iiba talaga ang anyo niya kapag tinititigan ko siya. Tinakip ko ang mga kamay sa bibig ko na para bang maitatago niyon ang lakas ng kabog ng dibdib ko. Na para bang maririnig niya ako dahil sa lakas ng kabog ng puso ko. Nang hindi niya ako makita ay tumuloy na siya sa paglalakad at tinahak ang daan pabalik sa baryo. Pinalipas muna namin ang isang minuto bago lumabas sa pinagkukublian namin. Natatawa pa si Zyl habang pinapagpagan ang uniform ko dahil maraming nakadikit na d**o. “Ang saya mo pa sa lagay na ‘yon, ha?” “Ayaw mo pa kasi magpapain, eh! Kung pumayag ka 'di sana may rason na kaming gawin ang dapat gawin sa kaniya.” “Baliw ka ba? Ayoko naman na humantong sa ganoon. Kung kayang iwasan, iwasan na lang.” “Pero takot na takot ka sa kaniya. Paano na lang kung lagi ka niyang abangan diyan sa ilog? Paano kung bigla ka niyang lunurin doon? Baliw ka rin ba?” “Haist! Tayo na! Lunurin kita riyan sa talahiban, eh!” Natawa lang ito uli. Ilang beses na pinagplanuhan ni Zyl at mga ng barkada namin ang tungkol sa bagay na iyon pero mahigpit akong tumututol. Ayoko naman silang idamay. Alam ko namang gusto lang din nilang makabawi sa matandang ‘yon maliban sa pagpoprotekta sa akin kapag nasa baryo ako. Pagdating namin sa baryo ay naabutan namin sa harap ng tindahan ni Boss ang mga dakilang tambay ng baryo namin. Actually, may kaya naman sa buhay ang mga pamilya nila. Sadyang mas pinili lang talaga nilang walang gawin at magpagala-gala lang sa baryo namin. Ang totoo niyan ay kaka-graduate lang ng kolehiyo ang ilan sa kanila at naghihintay na lang ng board exam. Sila ‘yong mga barkada ko roon. Wala naman ako halos kaibigan na babae dahil umiiwas sila sa akin kaya ‘yong mga lalaki ang mga ka-close ko. Hindi naman talaga ako close sa kanila noong una dahil nga hindi ko naman sila pinapansin dati. Nagkataon lang na kabarkada nila ang tiyuhin ko na mas matanda lang sa akin ng tatlong taon. Madalas kasi nasa bahay ang tiyuhin kong ‘yon at nanonood ng TV lalo na ang anime na Slamdunk. Kaya minsan lahat ng barkada niya nandoon din sa bahay at nakikinood. Basketball kasi ang hilig na mga ito. “O, Bor? Bakit kayo magkasama?” tanong ni Res nang makita kami. Bor ang madalas na tawagan nila. Bro dapat ‘yon. Ewan ko lang kung ano ang tumatakbo sa isip ng mga ito at naging ‘Bor’. “Sinundo ko lang ang labidabs ko roon sa ilog. Iniwan kasi ni Kuya Jom doon. Tsk!” “Bah! Lumalabidabs na, ah!” tukso ni Jim. “Uwi na ako!” sigaw ko. Mahilig din kasing mang-asar ang mga ito. Pero natutuwa naman ako minsan kapag kausap ko ang mga kolokoy na iyon. “Sige. Ingat!” sagot ni Zyl. Pinandilatan ko siya. “Hindi mo na ako ihahatid hanggang bahay?” “Kaya mo na ‘yon! Hindi ka naman kukunin ng maligno ‘pag dumaan ka riyan sa Narra, eh!” Nagkatawan pa ang mga ito. Tinalikuran ko na sila at naglakad. Dalawa ang daan papunta sa bahay namin. Kung dideretso ako hanggang dulo, liliko pa ako para makarating sa bahay. Kung liliko na kaagad ako rito, isang liko pa sa Narra at pagdating sa dulo ay bahay na kaagad namin. Pinili ko ang lumiko. Malapit na ako sa basketball court nang makita ko na naman ang tanders na ‘yon na kausap ang isa ring kababaryo namin. Tumigil na naman ako sa paglalakad. Nagkataong nakatalikod siya sa akin kaya sinenyasan ako ng ale na bumalik para doon dumaan sa kabilang kalsada. Mabilis naman akong tumalikod at naglakad pabalik. “Bakit ka bumalik?” tanong ni Res. “Nandon siya, eh. Sige dito na ‘ko dadaanan. Diyan na kayo!” HINDI ko alam kung matatawa ako o maiinis. Kapag nandito sa baryo si Ayla at si Goyong ay para silang naghahabulan na dalawa. Si Ayla iwas nang iwas sa kaniya, si Goyong naman ay habol nang habol sa dalaga. Hindi naman namin puwedeng galawin ang matandang ‘yon dahil wala kaming sapat na ebidensya na totoo nga ang sinasabi tungkol dito. Kaya si Ayla, laging hindi alam kung saan dadaan at laging patago kapag naglalakad dito sa baryo. “Sundan mo na, Zyl. Medyo dumidilim na,” sabi ni Res na tinapik pa ang balikat ko. “Kailan ba matatapos ang kahibangan niya kay Ayla? Kawawa naman ang isang ‘yon. Hindi makapag gala rito sa baryo nang mag-isa,” ani Jim. “Iyon na nga, Bor, eh. Hindi ko tuloy mayaya si Ayla kapag may laro tayo ng Sabado at Linggo,” komento naman ni Win. Tumayo ako. “Susundan ko muna si Ayla. Sisiguraduhin ko lang na makakarating siya sa bahay nila nang ligtas.” “Sige, Bor. Ligawan mo na kaya? Para may rason ka ng samahan lagi si Ayla kapag nandito sa atin. Baka sakaling matigil na rin si Goyong sa kakasunod sa kaniya,” suhestiyon ni Karl. “Bakit ako?” “Eh, sino ba? Ikaw na lang kaya, Res?” “Tss. Ako na,” mabilis kong sagot at sinundan si Ayla. Naiwan naman ang mga gago na nagkakatawanan pa. Hindi ko na hinabol si Ayla para sabayan siya. Nakasunod lang ako sa kaniya. Halata sa paglalakad nito ang pagmamadali. Alam kong masakit na sa talampakan nito ang mga maliliit na bato na natatapakan nito dahil hindi nito suot ang sapatos. Nang makita kong pumasok na ito sa loob ng bahay nila ay sandali pa akong naupo sa rest house sa harapan ng bahay nila at nagsindi ng sigarilyo. Nagulat ako nang makitang nasa harap ko na agad ang taong kinaiinisan ko. Hindi ko alam kung paanong ganoon ito kabilis nakarating sa harapan ko. “Ano’ng kailangan mo?” tanong ko at bumuga ng usok. “Layuan mo siya dahil akin lang siya.” “Kailan pa? Hindi magiging iyo si Ayla,” nang-aasar na sagot ko sa kaniya. “Papatayin kita kapag ginalaw mo siya!” Bigla akong nangilabot sa intensidad ng boses ni Goyong. Parang mali yata ang nasagot ko. Mukhang mapapahamak pa lalo nito si Ayla. “Papatayin kita! Papatayin kita ‘pag nalaman kung may relasyon kayong dalawa!” Mabilis siyang lumayo sa akin at pumasok sa bahay niya. Tatlong bahay lang ang pagitan mula sa bahay nina Ayla. s**t! Dapat hindi ko na sinabi ‘yon! Dapat hindi ko hinayaang isipin niya na lumalapit o nanliligaw man ako kay Ayla. Mas lalo lang mapapahamak ang dalaga dahil sigurado akong magiging aggresibo itong makuha si Ayla! “Zyl!” Napayuko ako nang biglang may dumaang malaking paniki sa ulo ko. Nilingon ko ang boses ni Ayla na nakadungaw sa bintana ng bahay nila. Nakita kong nanlalaki ang mga mata nitong nakatingin sa akin. Tinuro ko siya. “Diyan ka lang!” sigaw ko ngunit bigla na lang itong nawala sa bintana.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD