Bahagyang napaawang ang labi ni Sebastian Meyer nang sumungaw ang pigura ni Desarae na nakasuot ng puting gown. Bahagyang malobo ang skirt niyon at natatahian ng diyamante ang sa may dibdib na bahagi. Pinarisan pa iyon sa buhok ng isang maliit na tiarang nakakabitan ng lace na traje de boda. Walang ibang namutawi sa kanyang bibig kung hindi, “Wow…” Nagpakawala siya ng isang mahinang tawa. “You look so beautiful, precious…”
Nilapitan niya si Desarae at kitang-kita niya ang pamumula ng tainga nito. Hindi mapigilan ng lalaki na matawa at hawakan ang kamay ng kanyang nobya. Hindi naman siya nambobola. Sa katunayan, kahit na magsuot pa ito ng basahan ay maganda pa rin ito sa paningin niya. Pabiro siya nitong inirapan at hinampas sa dibdib. “Huwag mo nga akong titigan nang gan’yan, Sebastian Meyer.”
Bahagya siyang tumungo upang magkalebel ang kanilang mukha. “Bakit, baka mahulog ka?”
Ikinulong naman nito ang kanyang mukha sa loob ng mga palad nito at ginawaran siya ng isang mabilis na halik sa labi. “Oo. Baka mahulog ako lalo.”
Ah, ang puso ko, mahinang bulong ng isipan ni Seb bago ito hinila sa beywang at iniakto na tila isinasayaw nang mabagal. Lalong namula ang mukha nito na pilit na nagsumiksik sa kanyang dibdib. Mahinang tumawa si Seb at mas lalo pang isinayaw ang nobya. “Bakit ka nagsusumiksik sa dibdib ko, Des?”
“Nahihiya ako sa clerk ng bridal shop, baka isipin no’n nababaliw na tayo pareho,” saad ni Desa.
Huminto naman siya sa pagsayaw at hinila ito papalapit. “Gusto mo na ba ‘yan? Bagay sa ‘yo ang gown, Des…”
Inirapan siya nito. “Panglimang beses mo nang sinasabi ‘yan, Mr. Meyer. Parang sa lahat ng sinusukat ko, iisa ang komento mo.”
Nahihiyang napatingin sa sahig si Seb, pulang-pula ang tainga at pisngi. “E kasi naman, Desa, kahit ano namang isuot mo sa kasal natin, bagay pa rin sa ‘yo. At saka aalisin ko rin naman ‘yan kapag nag-honeymoon tayo— aray…”
“Puro ka kalokohan,” pagtataray nito bago siya tinalikuran at kinuha ang damit nito. Bago nito isara ang kurtina ng fitting room ay ngumiti ito. “Ito na lang ang bilhin natin, Seb…”
Hinayaan niya itong makapagbihis habang inasikaso naman niya ang pagbabayad sa gown. Gagawan lang iyon ng kaunting adjustment upang umayon sa katawan ni Desa at pagkatapos ay ihahatid na iyon sa apartment nito.
Naayos na nilang dalawa ang bulaklak at uri ng disenyo na nais nila para sa kasal. Nakausap niya na rin ang coordinator pati na rin ang catering services para sa reception. Ilang mga bagay na lang ang natitira nilang aasikasuhin pero ayaw niya namang isabay-sabay iyon lahat. Baka ma-stress ang nobya niya at isa pa, mas nais niyang makasama ito nang mas madalas.
Dahil hindi niya alam kung hanggang kailan—
“Seb! Tulala ka naman,” untag ni Desarae sa kanya na nakapagpalit na ng damit. Naupo ito sa kanyang tabi at naghikab. Bahagyang kumislot ang puso niya nang hawakan nito ang kanyang kamay. “Saan na tayo?”
Ngumiti siya at sinulyapan ito. “Gusto mo dumaan tayo sa simbahan?”
He knew she was not exactly a religious person. Pero hindi naman iyon pinansin ni Seb, at mas lalong hindi niya pinaalam sa mga magulang niya na tiyak tututol sa kasal nila. Mahal niya si Desa at kahit na ano pa ang naging nakaraan nito, o kung ano man ang pinaniniwalaan nito susubukan niyang intindihin ang dalaga. Uunawain at mamahalin nang higit pa.
At hangga’t maaari, gusto niyang maiparamdam sa dalaga na ligtas ito sa piling niya. Alam niya na hindi pa ito tuluyang nagtitiwala at binubuksan ang sarili nito. Hindi naman bulag si Seb upang hindi mapansin ang dahilan. At naiintindihan niya kung bakit ayaw nito na magtungo sila sa bahay-ampunan na kinalakhan nito, o kung bakit ayaw ng dalaga na nakakasama ang Ninong Timothy nito. Ayaw niya lang biglain ang dalaga at bigla na lang itong komprontahin tungkol doon.
Hindi malilimutan ni Seb ang araw na nakilala niya ito, noong ipinapakilala sa kanya ang mga bagong scholar ng unibersidad na kanyang pagmamay-ari. Desarae was… the shyest among the new ones. Nasa isang sulok lang ito at nagbabasa tungkol sa isang libro na related sa psychology, na siyang nakapukaw ng kanyang pansin. Ngunit bago niya pa man ito malapitan, tinawag na siya ng dean upang kilalanin ang iba pang mga scholar.
At simula noon, pinanood niya na ang dalaga. Binantayan. Nakuntento siya sa pagsulyap-sulyap dito, pati na rin sa pagtingin sa mga grado nito. Nakuntento si Seb na pinapanood lang sa malayo ang dalagang natitipuhan dahil una, nag-aaral pa ito, at ikalawa, sampung taon ang agwat nila sa isa’t isa at siya ang may-ari ng unibersidad na pinapasukan nito.
Ayaw niya na maging tampulan ito ng usap-usapan.
Ngunit ang nakapagpaggalaw sa kanya ay nang minsan na makita niya itong umiiyak sa gilid ng kanyang opisina, habang kausap ang guardian nito sa telepono at may hawak na litrato nito at ng tatlo pang bata na nakangiti sa kamera. Pinagbabantaan ang dalaga at sinasabihan na kung hindi pa ito makakahanap ng mayamang benefactor ay papalayasin nito ang mga bata sa bahay-ampunan. Iyon din ang araw na hinanap niya ang numero ni Timothy at tinanong kung maaari ba niyang ligawan si Desa.
At pagkalipas lang ng dalawang linggo, lumuhod na siya sa harapan nito at nag-propose.
Tanggap niya na may iba pang dahilan si Desa kung bakit siya nito papakasalan. He did not mind that because for him, as long as she would be safe and he could find ways to stop her guardian from pestering her, the better. Pinag-iisipan niya na na bilhin ang bahay-ampunan at ipangalan kay Desa upang mapalayas ang Ninong Timothy nito mula sa pamumuno na halata namang hindi ginagamit sa tama ang donasyon para sa mga bata.
“Anong ipinagdasal mo?”
Napalingon siya kay Des. Napangiti. “Ayokong sabihin, baka hindi magkatotoo.”
Natatawang pinisil nito ang kanyang braso at hinila siya papalabas. Hindi niya mapigilan na mapansin ang madalas na pagtawa at pagngiti nito habang kasama siya. O ang mga pasaring nito tungkol sa kanilang dalawa at sa nararamdaman nito. “Halika na nga. Kumain na tayo at nagugutom na rin ako. Bawal kang magpalipas ng gutom, ‘di ba?”
Nang-aasar na nagtaas-baba ang kilay ni Seb. “Sows, alam mo naman na makita lang kita, busog na ako.”
“Baliw!”
Hindi niya lang magawang sabihin sa dalaga ang totoo niyang lagay. Ayaw niyang manatili ito dahil sa awa, o dahil iniisip nito na kapag namatay siya ay magiging malaya na ito. Gusto niyang mahalin siya ni Desarae sa natural na paraan. Sa paraan na walang iba pang dahilan kung hindi dahil mahal siya nito at wala nang iba pa. Kapag nawala siya, gusto niya na si Desa ang huli niyang makikita. Na ito ang huli niyang kausap, na ito ang huli niyang kasama. Ito at si Stefan. Sasabihin niya kung gaano niya kamahal ang mga ito.
At sa bawat oras na nagdadaan ay nagkakaroon siya ng dahilan para labanan ang sakit na unti-unti nang nagpapahina ng kanyang katawan. Ayaw niya itong maiwan na mag-isa. Ayaw niyang magtugma ang kanilang mga damdamin kung kailan wala na siya. Ayaw niyang maiwan ito na naghihintay, o umaasa. O tinatanong siya kung bakit bigla na lang siyang nawala.
At sa pagkakataon na iyon, hindi niya na magagawa pang sagutin ang pagtawag nito sa kanyang pangalan, o ang mga halik nito at ang matamis na ngiti ng dalaga. He wanted to be able to see that forever. Until the last day of his life. How much he wanted to fight his fate. Seb wanted to stay. Alam niya sa sarili niya kung gaano niya kagusto na mabuhay. Si Desa ang dahilan kung bakit siya lumalaban muli, o kung bakit niya pinipilit na inumin ang sangkaterbang gamot na ayaw na ayaw niya ng lasa. Si Desa ang dahilan kung bakit pinipilit niyang maging maayos, o kung bakit siya nagpa-schedule ng operasyon ilang linggo bago pa ang kanilang kasal.
Kailangan niyang gumaling. Kailangan niyang…. Mabuhay. Kahit na gaano man iyon kahirap, o kahit na gaano pang dami ng gamot at injection o operasyon ang kailanganin niya, gagawin niya. Para kay Desa. Para sa mga pangarap na kanyang binuo para sa dalaga. Hangga’t makakaya niya, gagawin niya ang lahat para malabanan ang itinakda para sa kanya.
Isa lang ang hiling ko, Desa. Hiling ko na sana maging masaya ka pa rin kahit mawala ako.
Still find happiness, my precious.