Trahedya sa party
SA SALA ng bahay...
Tumayo si Sheryl at nagpaalam gagamit ng banyo. Tumango si Yeye ngunit hindi sumulyap sa kanya. Nakatutok ang mga mata ng kaibigan sa screen ng telebisyon.
Dahan-dahan ang ginawa niyang paglakad upang masilip kung ano na ang nangyayari kay Nedy.
Natanaw niya itong naglalakad patungo sa gilid ng pool. Nakayuko at patingin-tingin sa nilalakaran. Hinimas niya ang leeg. Wala nga ang kwintas niya pero hindi nawawala. Nakalimutan niya lang iyong isuot nang dumating si Bush para sunduin siya.
"May tililing talaga itong babaeng 'to. Kung hindi tahimik na tahimik, kinakausap naman ang sarili," aniya nang makitang matapos biglang lumingon ay nagsalita ito mag-isa. "Pero in fairness, ha. Matapang ang lukaret. Madilim doon pero naghahanap pa rin. Hindi ko alam kung anong utak meron ang gagang 'to.
Napakalabnaw."
Sumungaw ang ngiti sa kanyang mga labi nang may maisip. Sinulyapan muna niya ang mga kaibigan at kaklaseng kasama sa sala ng bahay. Nang masigurong walang nakakapuna ay pasimple niyang diniinan ang switch ng ilaw sa kinaroroonan ng dalagitang nais takutin. Kasama siya ni Bush nang i-on iyon kanina.
Kasabay ng pagkalat ng dilim sa likod bahay ay biglang nagsigawan ang mga kasama niya sa sala. Nagulat siya at muntik nang mapasigaw. Nagmamadali siyang naglakad papunta sa banyo. Alam niyang matapos ang sigawang iyon ay maghahampasan at magkakantiyawan ang mga kaibigan. Mapapansin ng mga ito ang pagkawala niya.
Nasa loob pa siya ng banyo nang may kumatok. Boses ni Moneth ang narinig niyang tumatawag kasabay ng pagkatok. Ihing-ihi na raw. Fin-lush niya ang toliet bowl at saka binuksan ang pinto.
"Wait mo na ako, She. Huwag ka na muna umalis." Pakiusap ni Moneth. Hindi nito isinara ang pinto at umihing nakatingin sa kanya.
"Manonood ka ng katatakutan tapos mag-iinarte ka ng ganyan," kantyaw niya na inirapan lang nito.
Pagkatapos umihi ay magkasabay na silang bumalik sa sala. Dahil nasa kalagitnaan na ang palabas at makapigil hininga ang mga eksena, nalibang na siya at napunta ang atensyon sa pinanonood. Mayamaya pa ay kasabay na siya ng mga kaibigan sa malakas na pagtili.
Natapos ang pinanonood nila kaya binuksan na ni Bush ang ilaw sa sala. Pinagtatawanan nila ang mga sarili sa mga sigawan at tilian nilang ginawa. Ilan sa mga babae ay nagtakbuhan na sa banyo. Muli silang nagtawanan dahil pare-pareho silang nagpigil ng ihi dahil sa ganda ng palabas. Naiihi na rin ang isa sa mga kasama nilang lalake kung kaya nagtungo ito sa likod bahay upang maghanap ng maiihian. Pasimple itong naglakad papunta sa may gilid ng pool upang sa binansot na puno ng buko umihi.
Nakita ni Luis ang kaklase, nakaisip ito ng kalokohan. Sinabi kay Miles na sinabi naman kay Yeye. Sasabihin sana nila kay Sheryl kaya lang kausap nito si Bush. Lumapit si Moneth at tinanong kung ano ang sinisilip ng tatlong kaibigan. Nang malamang balak gulatin ng mga ito ang kaklase nilang umiihi ay agad itong sumang-ayon. Sabay-sabay pa silang nagbilang at saka ini-on ang switch ng ilaw.
Tiyempo namang tapos na sa pag-ihi ang kaklaseng gusto nilang biruin. Natatawa nitong inayos ang zipper ng pantalon at naglakad pabalik sa loob.
Dahil nagkaroon ng liwanag, natanaw nito ang isang pares ng itim na sapatos sa ibabaw ng tubig, nakalutang. Otomatik itong sumilip sa pool at nanghilakbot nang makita ang nakapulang bestida sa ilalim ng tubig. Napaurong ito at paupong bumagsak sa sahig.
Nagtawanan ang apat sa inakalang pagganti ng kaklase sa kalokohan nilang ginawa, "Habey na habey ang acting ng pota! Balak pa tayong bawian sa panggu-good time sa kanya." Maarteng sabi ni Luis.
Nahinto ang tawanan nila nang ilang sandali na ay hindi pa rin tumatayo ang kaklase at tila shock na shock sa kung anong nakita sa pool.
"Hoy! Ano'ng tinitignan niyo d'yan?" Tanong ng mga kaklaseng nakapansin sa kanila.
"Si Jojo 'yun a. Ano ang ginagawa niya sa sahig?" Tanong ng isa at saka naglakad upang lapitan ang kaklase. Nagsisunod na ang iba pa.
Napansin rin ni Bush ang mga kaklase, "Ano meron?" Nakangiti nitong tanong sabay tayo.
Noon lang naalala ni Sheryl si Nedy. Tumayo rin ito at sumabay kay Bush sa paglapit. Pinigilan ang mapangiti, "Tiyak na kahihiyan na naman ang eksena ni Nerdy." Nasisiyahan nitong sabi.
Malakas na tilian ng mga kaibigan ng anak ang muling narinig ng mga magulang ni Bush. Nailing na lamang ang mag-asawa sa pag-aakalang dahil iyon sa pinanonood.
Nagsiksikan sa iisang kinatatayuan ang magkaka-klase. Nangangatog at hindi malaman ang gagawin. Sila Miles, Moneth, Yeye at Luis ay lumapit naman kay Sheryl at nagsipagtago sa likuran nito. Umiiyak ang apat, nangingig sa takot ang buong katawan.
"B-bakit nandiyan siya? 'Di ba pumasok na tayo lahat sa loob at nanonood? Bakit nandiyan siya sa pool?" Umiiyak na tanong ni Moneth.
"N-nedy..." Umiiyak na sabi ni Yeye.
"S-sorry..., " Nakukunsensiyang sabi ni Luis na nakakapit ng mahigpit kay Miles.
"Ano'ng nangyayari dito? Bakit nandito kayong lahat sa---"
Ang pagtatanong ng ina ni Bush ay hindi na naituloy nang makita ang dahilan ng pagkakatigalgal at pagiiyakan ng mga kaklase ng anak.
Sirena ng mobile patrol ang sumunod na narinig patungo sa bahay ng mag-asawa. Kasunod ang mga kapitbahay na nag-uusyoso. Nagkakagulo. Mayamaya pa ay magkakasunod nang nagdatingan ang mga magulang ng magkakaklase. Napuno ng nakaparadang sasakyan ang gilid ng kalsada sa subdibisyon.
Magkasabay na dumating si Mrs. Deato- Mama ni Sheryl at si Aling Azon- lola ni Nedy. Lulan ng mobile car ang mga ito.
Humahagulgol na nilapitan ng matanda ang bangkay ng apo. Habang sindak na sindak na ginang naman ang lumapit sa nakatulala niyang anak.
Nag-imbestiga ang mga pulis. Matapos tanungin ang mag-asawang may-ari ng bahay ay magkakahiwalay namang tinanong ang magkakaklase. Ikinuwento ng mga ito ang lahat ng nangyari. Mula sa umpisa hanggang sa huli- nang nalalaman nila.
Masamang-masama ang loob ni Aling Azon. Hindi nito napigilang sisihin ang apat na kaibigang nagpainom ng alak sa apo. Nagkagulo sa loob ng tahanan ng mag-asawa nang ipagtanggol ng kani-kanilang mga magulang ang mga anak. Nakinig naman ang mga ito nang awatin ng mga pulis. Bago tuluyang sumakay sa ambulansiya, isang matalim at nang-uusig na tingin ang ipinukol ng matanda kay Sheryl.
Mabilis na nag-iwas ng paningin ang dalagita, "Wala akong kasalanan sa nangyari sa kanya. Siya ang may gusto ng ginawa niya. Hindi ko siya inutusan, hindi ko siya pinilit at lalong hindi ako ang lumunod sa kanya. Wala akong kasalanan, wala!" Matatag niyang sabi sa sarili.
Iyon ang paniniwala niya. Iyon ang paniniwalaan niya dahil iyon lang ang tanging pangangatwirang magtatakip sa nararamdaman niyang pang-uusig ng kunsensiya.
ISANG buwan ang matuling nakalipas. Normal na ang kilos ng magkakaklaseng nakasaksi sa walang buhay na katawan ng kaklaseng nalunod sa swimming pool. Tila nakalimutan na ang mga nangyari. Hindi na napag-uusapan, wala ng bumabanggit.
Sa canteen ng paaralan. Nakaismid na iniabot ng tindera ang binibili ng magkakabarkada.
"Ano'ng problema nun?" Tanong ni Yeye na ang tinutukoy ay ang tinderang nakasimangot. Naglalakad na sila patungo sa bakanteng mesa.
"Deadma mo na lang ang lolabels , 'te. Keribels na ang kasungitan ng mga ganyang species. Alam mo na...., um!" Maarteng sagot ni Luis.
Nagtatawanan na silang naglakad patungo sa bakanteng mesa habang panay ang pamimintas sa matandang dalagang tagapangasiwa sa kantina ng paaralan.
"Malapit na pala ang forty days ni Nedy. Sa amin sa probinsiya ipinaghahanda ang pagsapit ng araw na 'yon. Pinaniniwalaan kasing nagbabalik daw ang kaluluwa ng namatay at dinadalaw ang mga mahal niya sa buhay." May kalakasang sabi ni Manang. Sinasadyang iparinig sa limang magkakaibigang ilang hakbang lang ang pagitan sa mesang pinwestuhan.
"Nagmumulto?" Tanong naman ng kapwa tinderang kausap. Niyakap pa nito ang sarili na animo biglang gininaw.
"Oo, ganun na nga. May nagsasabing 'yun daw ang huling pagkakataon ng namatay para gawin ang hindi niya nagawa bago pumanaw. At ang paniniwala pa ng matatanda sa amin, may kakayanan ang namatay na magsama ng isa o higit pa lalo na kung ang pagkamatay niya ay hindi nagkaroon ng katarungan. 'Yun bang tipong may misteryong nakapaloob sa kamatayan niya. Bumabalik daw ang kaluluwa ng namatay para makuha ang hustisya o kaya naman para makapaghiganti." Idiniin ni Manang ang mga huling salitang binitawan at sinadyang iharap ang mukha sa magkakaibigan.
''Naku, nakakatakot naman." Sagot pa rin ng kausap.
"Nakakatakot talaga, kung may atraso ka sa namatay. Pero kung wala, 'yun na ang huling pagkakataon na mararamdaman mo ang presensiya niya. Para bang magpapaalam lang siya, ganun lang. Pero..., kapag may kasalanan kang nagawa ay naku, mumultuhin ka talaga. Naroong makaamoy ka ng kandila at bulaklak, pakiramdam mo may nakatingin sa'yo at may kasama ka gayong nag-iisa ka lang naman o kaya nama'y biglang may malamig na hanging dadampi sa balat mo at kung anu-ano pa na dati-rati naman ay hindi mo nararamdaman." Dugtong pa rin ni Manang.
"Tama 'yang mga sinabi mo. Nang forty days din ng asawa ko nakaranas din ako ng ganyan. Nakakita ako ng aninong nakaupo sa paanan ko. Tinawag ko ang pangalan ng asawa ko pagkatapos nawala na. Iyak nga ako nang iyak nung gabing 'yon. Tapos nang magpadasal kami kinabukasan, nawala na." Pagkukwento ng kausap nito.
Ang usapang iyon ng dalawang tindera sa canteen ay malinaw na narinig ng lima. Ni Luis-na huminto na sa ere ang pagsubo sa kinakain, ni Yeye-na ang straw na nakatusok sa tetra pack ng juice ay hindi na sinisipsip, ni Moneth-na panay na lamang ang lapirot sa mamon na nasa loob pa ng lalagyan, ni Miles-na ang nginunguyang bubble gum ay nalunok na pero nguya pa rin nang nguya at ni Sheryl-na kunwang nakikinig ng sounds sa earphone na nakapasak sa isang tenga.
Ang pagkakaingay at harutan ng mga ito ay natapos at napalitan ng katahimikan. Walang nakapagsalita. Ang takot ay muling nagbalik sa isipan at pakiramdam nilang lahat.
"Time na, let's go." Tila wala lang na aya ni Sheryl pagkakita sa mga kaklaseng naglalabasan na sa canteen.
Tahimik silang naglakad at pumanik ng hagdanan. Nagpapakiramdaman. Malikot ang mga mata na tila may inaabangang makita.
Matinis na tili ni Luis ang nakapagpalingon sa lahat ng naroon, maging ang ibang mag-aaral ay nagsisungaw rin sa hagdanan at inusyuso kung ano ang nangyari.
"S-si N-nedy, na-na-k-kita k-ko, d-dumaan.. D-dumaan si N-nedy!" Takot na takot na sabi ni Luis habang itinuturo ang ilalim ng hagdanan.
Tila iisang nagtinginan sa ilalim ng hagdanan ang mga mag-aaral, gano'n din ang mga gurong nakarinig sa sinasabi ni Luis. Maliban lang sa isa..., kay Sheryl. Naninigas ang katawan nito lalo na ang leeg. Ang tatlo pa sa magkakabarkada ay nanginginig na rin sa takot.
Malakas na tawanan ang sumunod na narinig matapos makita ng mga naroroon ang itinuturo ni Luis. Si Mrs. Agapito, ang guro sa Science ang nakatingala at takang-taka sa biglang pagsigaw ng mag-aaral.
Nakasuot ito ng salamin sa mata at hindi contact lense na palaging gamit sa tuwing papasok sa paaralan.
"Okey, enough of this nonsense. Go back to your room." Maotoridad na utos ng isang guro.
Nagbubulungang nagsibalik sa kani-kanilang silid aralan ang mga mag-aaral. Tahimik namang ipinagpatuloy ng magkakaibigan ang pagpanhik sa hagdanan. Wala na silang kibuan hangang sa maguwian.
"Sheryl..." untag ni Luis habang naglalakad palabas sa eskwelahan.
"Luis, walang multo. Hindi totoo ang mga sinabi ni Manang. Nananakot lang ang matandang dalagang 'yon dahil bad trip sa atin. Kaya tama na 'yan. Isa pa, wala tayong kasalanan sa pagkamatay ni Nedy." sabi ni Miles.
"Oo nga. Epal kasi ang Manang na 'yun. Manakot daw ba? Hindi tayo mumultuhin ni Nedy dahil wala naman tayong kasalanan sa kanya. Wala naman tayong kinalaman sa pagkamatay niya, 'di ba She?" baling ni Moneth sa katabi.
"Sheryl..." tawag ni Yeye sa kaibigang patuloy lang sa paglalakad at tila hindi nakikinig.
"Wala akong kasalanan sa pagkamatay niya, okey?"
Nagkatinginan ang apat sa sinabing iyon ni Sheryl at saka nagmamadaling humabol sa mabilis nitong paglakad.