CHAPTER 4 - Kwintas sa likod-bahay

2309 Words
Kwintas sa likod-bahay HINDI niya naiwasang mapanganga pagkakita sa magandang bakuran ng bahay na pinasok. “Mabuti na lang pala at kahit paano e, nag-ayos ako. Kung basta-basta lang ang isinuot ko e, ‘di alangang-alangan ako sa bahay na ‘to.” Muli niyang pinunasan ang pawis na nagsisimula na namang magtuluan sa gilid ng kanyang mukha. Pasimple rin niyang inamoy ang sarili. Nangiti siya nang maamoy ang cologne na halos ibuhos kanina sa damit bago umalis, at hindi ang amoy ng pawis na halos sabon at shampoo na lang ang kulang ay pwede nang maligo uli. "Hi, Nedy!" Nakangiting salubong ni Bush sa kaniya. Marahil napansin ng binata ang pawis niya kung kaya kinuha agad nito ang panyo mula sa likurang bulsa at iniabot sa kanya. Tatanggihan sana niya ang pagmamagandang loob nito ngunit kinuha ang kamay niya at inilagay ang panyo. "S-salamat, Bush." Nahihiya niyang sabi. "Sus, para iyan lang e. Ayos lang. Sige pasok ka na, nandun sila sa likod." Sabi ni Bush at pagkatapos ay binilinan ang kaibigang kasama niya. "Luis, ikaw na ang bahala sa kanya. May aayusin lang ako sandali," anito bago tumuloy sa loob ng bahay. "Happy birthday, Bush!" Pahabol niyang bati. Lumingon ito sa kanya at nakangiting nagpasalamat. Lihim siyang kinilig dahil sa pagiging maginoo ng kaeskwela. "Mayaman na at guapo, hindi pa matapobre," naibulong niya. "Tatayo na lang ba tayo rito, o pupuntahan na natin si Sheryl? Ano? Forty eight years muna ang pararaanin? Nagmamaganda lang ang peg? Cinderella ka, ‘te? " Ang iritado, mataray at nang-iinsultong himig ni Luis ang pumutol sa pagmumuni niya. Inirapan siya nito at saka umeembay nang nagmartsa papunta sa likod-bahay. Nakaramdam siya ng hiya. Naisip na baka naging malandi ang dating niya gaya ng ibig ipagmukha ni Luis sa kanya; isang malanding pangit. Nakayuko niya itong sinundan. Muli siyang humanga pagkakita sa likod-bahay. Isang katamtamang laki ng swimming pool na may mangasul-ngasul na tubig ang naroon. May ilang mesa at upuang plastic na nakahilera sa gawing kanan at sa bandang unahan ay naroon naman ang mesa ng mga pagkain at isang punch bowl na may orange juice. Nakita niya agad ang mga kaibigan. Dalawang magkalapit na mesa ang okupado ng mga ito. Excited siyang lumapit nang kawayan ni Sheryl. Animo nanalo ng grand price sa isang raffle draw, abot tenga ang pagkakangiti niya. Ang pagkailang na nararamdaman sa mga bisitang nakatingin ay nabalewala na dahil sa pagtawag na iyon ng kaibigan at pagpapalapit sa kanya. "Bakit ngayon ka lang? Inip na inip na kami rito, e. Lalo na iyang si Sheryl," nakangising sabi ni Yeye. "H-ha? Naku pasensiya na kayo." Paghingi niya ng paumanhin at saka binalingan ang walang kibong kaibigan. "Sheryl, sorry ha. Hindi ko kasi agad nakita itong bahay nila Bush. Nagkaligaw-ligaw ako, e. Huwag ka na magtampo, ha." "Pinahanga mo nga kami Nerdy, e. Biruin mo, nasundan mo pa rin kami dito!" Sa loob-loob ni Yeye. Habang ang iba pang mga kasama ay palihim na nagtatawanan. "Fine.., sige na kumain ka na muna." Walang buhay na sagot ni Sheryl. Muli nitong inubos ang laman ng hawak na baso at saka sinenyasan si Luis. Naiinis man ay walang nagawa ang bakla kundi ang sumunod. 'Asikasuhin mo' ang ibig sabihin ng senyas na iyon ng lider. Hinila nito si Nedy palapit sa mesa. Inabutan ng pinggan, kutsara't tinidor at itinuro ang mga pagkaing naroon. Masayang -masaya ang pakiramdam ni Nedy dahil sa espesyal na pagtratong natatanggap. Una sa kaeskwelang may kaarawan at ngayon nama'y sa pinakamalapit na kaibigan. Muli pa niyang sinulyapan si Sheryl, nakatingin ito sa kanya. Ngumiti at bahagya siyang tinanguan. Agad naman niyang naintindihan ang ibig nitong sabihin. 'Sige kain ka lang', kaya sumandok na siya ng makakain. "Tamang-tama, gutom na nga ako. Hindi ako masyadong nakakain kaninang tanghalian dahil sa excitement," bulong niya habang nilalagyan ng laman ang hawak na pinggan. Ngunit agad din siyang natigilan, "Nakakahiya. Baka akalain naman ng mga bisita ay patay gutom ako at timawa sa masasarap na pagkain. Baka mapagtawanan si Sheryl dahil sa akin." Dahil sa naisip ay kaunti na lang ang inilagay niya sa pinggan, hindi gaya nang una sanang balak. Dahil okupado ang isip sa pagsasandok ng makakain para sa sarili, hindi napapansin ng dalagita ang mga kaibigang nagbubulungan habang nakasulyap sa kanya. "Kadiri talaga 'yang Nerdy na 'yan. Look at her, makapagsuot lang ng dress e pinagkasyang pilit ang ipinamasko niya forty eight years ago. " Bulong ni Moneth habang pinipigilan ang pagbunghalit ng tawa. "Trying hard, copy cat lang ang peg ng gaga. Award 'yan kay Lavinia Arguelles, kita mo. Makagaya lang sa attire ni Sheryl kahit magmukhang suman sa lihiya na nanlalagkit, gora talaga! Career na career ang pagiging second rate," natatawang sagot ni Luis. Paismid na ngumiti si Sheryl. Hindi isinatinig ang inis na nararamdaman. Hindi niya nagustuhan ang magandang pakikiharap ni Bush at pagpapahiram ng panyo sa itinuturing niyang utusan at buhay na laruan. Hindi lang siya nagpapahalata. Ayaw niyang masabihang nai-insecure sa isang Nerd. Hindi sila magka-level. Isang malalim na buntung hininga ang pinawalan niya kasunod ng walang siglang pagsandal sa inuupuan. "Hala!" Sambit ni Moneth na agad na-alarma. "Come on guys, isip naman kayo ng magagawa para hindi mainip si She," anito. Gusto pa ng dalgita magtagal sa party. Kapag nag-aya si Sheryl ay wala silang magagawa kundi ang magsiuwi na rin. "Bakit naman? Ngayon ka pa ba maiinip e nandiyan na ang yayanerd mo. Ano ba ang gusto mong gawin namin sa pet mo?" Nakangising tanong ni Miles. Iniisip nito ang pagganti kay Nedy kaya ipinasok ang ideyang iyon. Lihim na natuwa si Sheryl. Masusunod ang gusto niya nang hindi sa kanya magmumula ang kalokohan. Hindi siya ang mag-uutos kaya hindi siya ang lalalabas na masama. "Ano, She?" Tanong ni Luis. "Bahala nga kayo." Wala sa mood na sagot ni Sheryl. Nagkunwaring hindi interesado gayong halos halikan ang mga kabarkada dahil sa tuwa. Niinis siya kay Nedy, bad trip siya at gusto niyang ipahiya ito sa lahat ng bisita lalo na kay Bush. "Okey guys, let the party begin!" Makahulugang sabi ni Miles. Pagkatapos ay nilapitan na nito si Nedy na nagsisimula nang kumain. Nagsalin ito ng juice sa isang cup at iniabot sa dalagita. "Sorry kung natarayan kita kahapon," kunwang paghingi nito ng paumanhin. "Naku! Wala na sa akin 'yun. Pasensiya ka na rin, hindi kasi ako nakatingin sa dinadanan ko kaya nabunggo kita," matapat na sagot ni Nedy. Tinanggap nito ang alok ng kaibigan at agad ininom. Ikinasiyang wala ng problemang namamagitan sa kanilang magkakaibigan. "Woohoo! The day is not yet over, let's party, party!" Maharot na sabi ni Luis habang naglalakad palapit sa dalawa. Nagsalin ito ng juice sa dalawang cup at iniabot kay Nedy ang isa. Ininom din iyon ng dalagita. Tatawa-tawang lumapit na rin sila Yeye at Moneth matapos itodo ang volume ng stereo. Pumailanlang ang masigla at sikat na tugtuging kaindak-indak. Kumuha rin ng juice ang mga ito at iniabot uli sa dalagita. "Kampai!" Sigaw ni Moneth sabay angat ng hawak. Iniangat din ni Yeye ang sa kanya. Itinaas din ni Nedy ang hawak at maingat na inuumpog sa cup ng dalawa. Nakipagsabayan siya sa mga kaibigan at hindi tumanggi upang walang magtampo. Gumalaw-galaw pa ang ulo sa naririnig na tugtog. ~They can imitate you, but they can't duplicate you. Cause you got somethin' special that makes me wanna taste you. I want it all day looong, I'm addicted like it's wrong. I want it all day looong, I'm addicted like it's wrong.~ ~Watcha gon, Watcha gon, do with the dessert?~ Sinabayan ng apat ang nakakaaliw na adlib habang sabay-sabay na nagsayawan. Hinila ni Luis ang kamay ni Nedy at inayang gayahin ang pagsasayaw nila. Upang hindi masabihang kill joy at walang pakisama tumayo ang dalagita at ginaya ang pagsasayaw ng apat. Malakas ang naging tawanan ng mga nanonood na bisita. Aliw na aliw hindi dahil sa masayang tanawin kundi sa nakakatawang itsura ni Nedy habang sumasayaw. Para kasi itong isang piraso ng kahoy na hirap na hirap ibaluktot ang katawan. Ang manggas ng damit na sumasakal sa kili-kili at braso ay isa pa sa pinagtatawanan nila. ~Murder that.., murder that..., dance floor (Nerdy).~ Nagtatawanan ang apat habang sabay-sabay na pinapalitan ang huling letra sa sinasabayang kanta. Hindi naman iyon pansin ng dalagita. Dahil sa gutom at pagod, idagdag pa ang hindi naman sana'y malagyan ng alak ang bituka, tinablan agad si Nedy. Lumakas ang loob. Natangay ng masayang tugtog, nagkakasiyahang mga kaibigang hataw kung sumayaw at malakas na tawanan. Humahalakhak ito habang panay ang paggiling ng balakang paibaba. Nang tumuntong sa upuan si Luis ay tumuntong rin ito at doon nagsasayaw. Hindi na napansin ang paghinto ng apat na kasama at pinanonood na lamang ang kanyang pagwawala. Lalong lumakas ang tawanan dahil sa kantiyaw ng mga ito. Napalabas tuloy ng bahay si Bush, kasunod ang mga magulang. Hindi rin napigilan ng binata ang matawa sa nakita. "Classmate mo rin ba ang dalagitang 'yan, Bush?" Tanong ng tumatawang ginang. Tumango si Bush bilang tugon kahit ang mga mata'y hindi inaalis sa kaklaseng walang direksyon at wala sa tyempo ang pagsayaw. "May toyo ba ang batang 'yan?" Wala sa loob na tanong ng ama ni Bush. "Hon! Ano'ng klaseng tanong 'yan?" Tanong-saway ng kabiyak. "I'm sorry, Hon. Nabigla lang ako," paliwanag nito. Binalingan ng ginang ang anak na katabi, "Bush, nag-iinuman ba kayo ng mga classmates mo?" Matapang nitong tanong. "P-po? H-hindi po, Mommy. M-may 'something' lang po talaga diyan kay Nedy. Tignan niyo naman ang itsura at pananamit. Kaibigan siya ni Sheryl, mabait naman kaya lang may pagka-isip bata," mabilis na sagot ng binata. Nisip nitong sabihin ang ganoong dahilan kaysa mabuking ng mga magulang ang paghahalo nila ng gin sa juice na iniinom. Nakahinga lang nang maluwag si Bush nang mag-aya na sa loob ng bahay ang Daddy niya. Ikinatuwa naman ni Sheryl ang itsura ng binata habang kausap ang mga magulang. Hindi man narinig, sigurado siyang si Nedy ang pinag-usapan ng mga ito. Nasa mukha ng mga magulang ni Bush ang pagkadismaya. Nakita niya ang pagpapaikot nito sa daliring nakatapat sa ulo kaya natitiyak niyang inilaglag nito si Nedy sa mga magulang. Dahil napansin na ng mga magulang, hindi na nila nilagyan ng gin ang juice na tinimpla at inubos na lamang ang natira. Nag-aya na lang si Bush manood ng pelikulang katatakutan. May home theater sila kaya naging mas nakakatakot ang pinanonood dahil sa lakas at ganda ng sounds. Pumasok na sa loob ng sariling silid ang mga mag-asawa makaraang makitang maayos na ang mga kabataang nasa loob ng kanilang tahanan. Umpisa pa lang ng pelikula ay nagsisigawan na ang mga babae, habang ang ilang lalaki naman na natatakot na rin ay walang kakibo-kibo. Nagsisiksikan sila Yeye, Moneth, Miles at Luis sa isang maliit na sofa. Habang ang iba pang kaklase ay magkakatabi sa mahaba. Nasa solong upuan si Sheryl at sa gilid ng inuupuan naroon si Nedy. Sa nasasapnang lapag lang ito nakaupo. Sumisiksik ang dalagita sa mga hita ng kaibigan sa tuwing may magsisigawan. Natatawa si Sheryl sa itsura ni Nedy. Hindi kasi ito nakatingin sa screen pero takot na takot pa rin. May naisip siyang paraan para paglaruan ito at lalong takutin. "Best, nawawala ang kwintas ko," mahina niyang bulong habang hawak ang leeg. "H-ha? B-baka nahulog." Sagot ni Nedy. Hindi umalis si Nedy sa kinauupuan kaya naglungkut-lungkutan siya, "May sentimental value sa akin 'yon. Regalo ni Papa nung birthday ko." Pinapiyok niya ang tinig at mahinang suminghot upang magmukhang umiiyak. At nagtagumpay nga siya. "Sandali lang at hahanapin ko. Huwag ka na umiyak. Ako ang bahala." Bulong nito nang tumayo at naglakad patungo sa likod-bahay. Sinulyapan ni Sheryl ang mga kaibigan at ang iba pang kaklaseng kasama. Nangiti ito nang makitang walang nakapansin sa paglabas ni Nedy. Nakatutok ang buong atensyon ng mga ito sa pinanonood. Sa likod-bahay... Nilalabanan ni Nedy ang takot na nararamdaman habang naglalakad. Nakasindi naman ang ilaw kaya hindi masyadong madilim. "O-okey nga kung m-madilim, m-makikita ko agad ang k-kwintas ni Sheryl kasi m-makislap 'yun," pagpapalakas loob niya sa sarili. "Tiyak na mag-iiyak ang kaibigan ko kung mawawala ang kwintas niya. Sana naman nandito lang 'yun. Sana wala pang nakakapulot. Napakasama naman nung nakapulot nun kung hindi ipinagtanong kung kanino. Hindi naman sa kanya kaya dapat hindi niya angkinin," naiinis pa niyang bulong habang sinisipat maigi ang mga lugar na nilakaran at pinwestuhan ng kaibigan. Upang makitang maigi at walang makalampas sa paningin, lumuhod na siya sa sahig. Gamit ang tuhod at ang nakatukod na mga palad, pagapang siyang naglakad. Sinisipat maigi ang ilalim ng mesa at inupuan ni Sheryl. Inayos pa ang salamin sa mata pero wala siyang nakita. Wala doon ang kwintas ng kaibigan niya. Nilingon niya ang mesa na pinaglagyan ng mga pagkain kanina. Naisip niyang maaring kumuha ng pagkain ang kaibigan at doon nahulog ang kwintas. Madilim sa gawing iyon ng pool, ilang ulit siyang nagbuga ng hangin bago naglakad. "O-okey lang 'yan. M-mas madilim, mas k-kikislap ang kwintas ni She," pangungumbinsi niya sa sarili. Napaigtad pa siya nang marinig ang malakas na sigawan ng mga kaklase. Hindi man nakikita ang pinanonood ng mga ito ay nakaramdam pa rin siya ng takot. Pakiwari niya ay may nakatingin sa kanya. Tila may naglalakad sa likuran niya. Pabigla siyang lumingon at natawa nang wala namang makita. Pinagalitan niya ang sarili at saka ipinagpatuloy ang paglalakad. Hinanap niya sa paligid ng mesa ang kwintas. Sa kauurong ay hindi niya napansin ang tinutuntungan. Nahawakan niya ang dibdib at hinimas nang muntik nang mahulog. Malalim pa naman sa bahaging iyon at hindi siya marunong lumangoy. Pahakbang na siya nang marinig ang malakas at biglang sigawan ng mga kaklase... kasabay nang pagkamatay ng nag-iisang ilaw sa likod na iyon ng bahay. Nagulat siya at sa halip na humakbang pasulong, napaurong ang isa niyang paa dahil sa takot. Malakas siyang napatili nang mahulog sa malamig na tubig.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD