CHAPTER 3 - Impo

2320 Words
Impo “ANG saya-saya ng Ineng ko, a. Ano ba ang mayroon at halos mapunit ang bibig mo sa lawak ng pagkakangiti? Tanong ni Aling Azon habang naghahanda ng hapunan nila. Siya na lamang ang kasama ni Nedy sa buhay. Magkasabay na namatay sa isang aksidente ang anak niya-ina ni Nedy at manugang kung kaya siya na ang nagpalaki at nag-alaga sa dalagita. Buwan-buwan siyang nakakakuha ng pensyon dahil sundalo ang namayapang asawa at siya naman ay retiradong guro. Hindi man masasabing maalwan ang pamumuhay, hindi naman sila kinakapos kung kaya napag-aaral pa niya ang apo sa isang pribadong paaralan. Iyon nga lang, kailangang magtipid. Maigi na lang din at isa ang apo sa mga kabataang sinusuportahan ng Non-governmental Organization kaya kalahati lang ng matrikula nito ang binabayaran niya. "Ang saya-saya ko talaga, Impo. Alam mo po ba ang nangyari kanina?" May pagmamalaki at nasasabik na sagot ni Nedy. Nakasalampak ito sa sahig at nag-aalis ng sapatos na pamasok. "Ano ka ba naman!" Bulyaw ng matanda nang makitang pagkaraang hubarin ng apo ang medyas ay inilapit sa ilong at inamoy. "Ang sarap kasi ng amoy, e." "Natatawa ka pa. Kuu, talaga ireng batang 're, oo. Aba'y dalaga ka na, a. Paano kung may makakita sa ginagawa mong iyan? Ano na lang ang iisipin nila sa 'yo?" "Baboy ako? Hindi naman po mabaho, e. At saka medyas ko naman ito. Ang masama kung ‘yong medyas nila ang inaamoy ko, 'di ba Impo?" natatawang sagot ni Nedy. "Damuhong bata ire. O siya, sige na. Maghugas kang maigi ng mga kamay mo bago ka dumulog sa hapagkainan." Umupo na ang matanda at hinintay ang dalagita. Tumalima naman si Nedy, pagkatapos ay naupo na rin. Nagdasal muna sila at saka kumain. Sa pagitan ng pagsubo at pagnguya, sinimulan na nito ang pagbibida sa lola at ikinuwento mga nangyari sa loob ng paaralan. Ang tungkol sa pagtatanggol sa kanya ni Sheryl at ang pag-aaya sa bertdey ng isang kaeskwela. Unti-unting nabura ang sigla ng matanda at ang humalili ay pangamba at pag-aalala. "Ineng, huwag mo naman sanang mamasamain ang sasabihin ko, ha." "Naku, hindi po Impo. Ano po ba 'iyon?" tanong ni Nedy habang patuloy sa pagkurot ng isda. Isinawsaw pa sa sukang may sili bago isinubo at saka sinundan ng kanin. "Ang tunay na magkaibigan, may malasakit at pag-aalala sa isa't isa. Magkasama hindi lamang sa ginhawa at saya kundi sa mga paghihirap at problema. Nagtutulungan at nagbibigayan." Malumanay na paliwanag ni Aling Azon. Nais niyang ipaunawa sa apo ang maling pakikitungo ng itinuturing nitong kaibigan. Hindi lingid sa kanya ang pagtrato ni Sheryl at ng mga kasama nito sa dalagita. Alam niyang iba ang apo sa mga kasing-edad nito at may kahinaan pagdating sa ilang bagay kung kaya nagiging katatawanan para sa mga hindi ito naiintindihan. Natigil sa pagsubo si Nedy at saka nakangiting sumagot, "Impo, ganyan po ang nararamdaman ko kay Sheryl. At alam ko pong gano'n din siya sa akin. Magkaiba lang kami ng paraan ng pagpapadama. Showy ako at siya ay hindi. Naiintindihan ko siya kasi kaibigan ko siya, e Hindi naman pare-pareho ang ugali ng mga tao. Ang gusto ko kasi kung ano at hanggang saan ang makakaya ko ay gagawin ko para sa friendship namin. Hindi sa akin magmumula ang dahilan para kami mag-away at magkahiwalay para wala akong pagsisisihan pagdating ng araw at magaan ang kunsensiya ko kasi ginawa ko ang lahat para sa kanya. Kung sakaling magkahiwalay pa rin kami, mami-miss niya 'ko. Kasi wala na siyang makikitang kaibigan na kagaya ko, 'di ba, Impo?" "H-ha? O-oo, Ineng. Kaya lang huwag ka rin sanang lalabis. Huwag mo ring kalilimutan na ang anumang sobra ay nakasasama rin," paalala na lamang niya. Nang mga oras na iyo’y muli niyang hinangaan ang malawak nitong pakahulugan sa buhay. Napangiti siya nang matapos nitong tumango ay ipinagpatuloy na ang magana at masiglang pagkain. Sa isang banda ay nasisiyahan na rin siyang makitang simple lamang ang ikinasisiya nito at hindi dinidibdib ang mga bagay o pangyayaring pagmumulan lamang ng ikalulungkot. KINABUKASAN. Maaga pa lang ay nakahanda na si Nedy. Pabalik-balik siya harap ng salamin at pinagmamasdang maigi ang suot na damit. Isa iyong pulang bestidang bagaman luma na ay mukhang bago pa. Isinusuot niya lamang iyon kung may dadaluhang espesyal na pagtitipon o kaya’y may natatanging okasyon. Maliit na ang bestida para sa kanya ngunit wala siyang balak magpalit sa dahilang pulang bestida rin ang isusuot ni Sheryl, at ang gusto niya’y pareho ang kanilang suot. Nasasakal man ang kilikili at masikip sa leeg at katawan, isama pa ang maigsi na kumpara sa kanyang taas ay buo pa rin ang kagustuhan niyang iyon ang maisuot. “Malambot naman ang tela nito. Hihilahin ko lang ng kaunti kasyang-kasya na ‘to sa akin.” Mayroon naman siyang blusang pula, kaya lang, naka-bestida si Sheryl. Mayroon man siyang ibang bestida, luma naman at hindi kulay pula. Ayaw niyang mapahiya ang kaibigan. Ang bilin nito sa kanya ay mag-ayos siya ng sarili upang hindi maging alangan sa lugar at okasyong pupuntahan nila. "Okey pa naman, itong manggas lang talaga ang problema," aniya habang hinahagod ang damit upang mawala ang lukot. Nang makuntento sa ginagawa ay sinuklay na niya ang nilangisang buhok at saka itinali; ipinagkibit-balikat na lang ang naiipit na kili-kili habang nakaangat ang braso at kamay. Inalis muna niya ang salamin at kahit malabo ang nakikitang repleksyon sa salamin, nakangiti niyang pinulbusan ang mukha. Ilang ulit pa niyang kinagat ang pang-ibabang labi upang papulahin iyon. Nasisiyahan niyang nginitian ang sarili pagkaraan. Mula sa kahon ay inilabas niya ang sapatos na tinitipid din isuot. Kagabi pa lang ay pinakintab na niya iyon. "Ngayon na lang uli kita gagamitin. Iningatan talaga kita para may maisusuot ako kung may dadaluhang pagtitipon. Kaya pakiusap lang huwag kang magpapaiwan, ha. Kailangan lagi kang nakadikit sa paa ko. Huwag mo akong ipapahiya doon.” Nakahanda na siyang umalis nang madatnan ni Aling Azon. "Masyado pang maaga, a. Hindi ba't alas singko ang usapan n’yo ni Sheryl? Aba'y alas kwatro pa lang," anang matanda pagkaraang tignan ang orasang nakasabit sa dingding. "Impo, maigi na 'yong mauna ako. Hindi baleng ako ang maghintay kaysa ako ang hintayin. Isasama nga lang ako, e." Nakangiti niyang pangangatwiran. Hindi na sinalungat ni Aling Azon ang isinagot ng apo. Sa isang banda ay may punto naman ang sinabi nito. Hindi na rin niya pinansin ang suot nitong damit dahil natitiyak niyang may pangangatwiran na namang isasagot sa kanya. Nakisaya na lamang siya sa kasiglahan ng apo. Maaga itong naulila sa ama at ina, at kahit pa sabihing ibinuhos niya ang lahat para ito ay alagaan, may hinahanap pa rin ito, may kulang pa rin na hindi niya kayang maibigay. Sabik ito sa pamilya. Sa ama, sa ina at sa kapatid. Kaya naman kung saan at ano ang makapagpapasaya sa apo lalo pa nga at hindi naman masama ay hinahayaan niya lang. Ang makitang ito ay masigla at masaya ay katumbas ng higit na kasiyahan para sa kanya. Nang magpaalam ito’y kinuha niya ang lilimampuing perang papel at iniaabot. “Naku ‘wag na po, Impo. ‘Di naman po kailangan ng maraming pera sa pupuntahan ko. May natira pa ‘kong pera sa mga baon ko kaya may maipapamasahe na ‘ko,” mariin nitong tanggi. Gumanti siya ng kaway at pasigaw na nagbilin nang paalis na ang apo, "Mag-iingat ka, Ineng. Huwag kang masyadong magpapagabi. Umuwi ka nang maaga!" NAKANGITING gumanti ng pagkaway si Nedy. Natatawa siya sa kanyang Impo. "Hindi pa nga ako nakakaalis, pinauuwi na ako. Ang Impo talaga." Alam niyang mahal na mahal siya nito kaya palagi siyang pinaaalalahanan. Kaya siya nagsisikap mag-aral mabuti ay hindi lang dahil gusto niyang kasama si Sheryl, kundi, kung makapagtatapos siya at makahahanap ng maayos na hanap-buhay ay makakaganti na siya sa lahat ng kabutihan nito sa kanya. Naiisip niyang bilhan ito ng maraming bagay na hindi nito binibili dahil sa kanya. Tinitipid nito ang sarili upang may maipanustos sa pangangailangan niya. Gusto niya itong mapasaya hanggang sa huling sandaling ilalagi sa piling niya. Namasa ang sulok ng kanyang mga mata sa naisip. Bigla niya itong na-miss kaya lumingon siya upang balikan ito ng tingin. Nang makitang nakatayo pa rin ito sa tapat ng kanilang bahay at nakatanaw sa kanya ay dali-dali siyang nagtatakbo pabalik. "O, bakit? May nakalimutan ka ba?" Nagtataka nitong tanong. "Meron po Impo, ito." Pagkasabi ay mahigpit niya itong niyakap. Sandaling nagulat ang lola niya at nang mahimasmasan, hinahagod na ang kanyang likod. Naipikit niya ang mga mata. Kapag ganoong yakap siya nito ay panatag na panatag ang kanyang loob. Alam niyang talikuran man siya at pagtawanan ng lahat ay mananatili niya itong kakampi at tagapagtanggol. "Mahal na mahal kita, Impo. Ikaw ang pinaka the best lola in the whole wide world!" At saka pinupog ng halik ang pisngi ng napahagikgik na matanda. "Babay na, Impo. Huwag po kayong mag-alala. Kahit ano ang mangyari, uuwi po ako." "Promise?" Nakangiti nitong biro sa kanya. "Promise!" Nakangiti niyang sagot habang papalayo. Siyang-siya namang tinanaw ng matanda ang nag-iisang apo na naging napakalambing. Nang lumiit na ang dalaga sa paningin ay saka pa lamang ito pumasok sa loob ng bahay. "P-PO? P-pero sabi niya po sa akin alas-singko pa kami aalis. Inagahan ko nga po para hindi ako mahuli." Maluha-luhang sabi ni Nedy sa katulong na kausap. Nakatayo siya sa labas ng gate at ito naman ay nakadungaw sa kanya. "Hindi ko alam, e. Basta ang ibinilin sa akin, ibigay ko daw sa iyo itong address. Sumunod ka na lang daw doon sa berdey." Agad napalis ang pagdaramdam niya sa narinig. Matapos tignan ang nakasulat sa papel ay magalang na siyang nagpaalam at nagpasalamat. Padilim na nang matagpuan niya ang address na nakasulat sa papel. Lasug-lasog na iyon dahil sa pamamawis ng kanyang kamay. Pagud na pagod man sa layo ng nalakad ay napangiti na siya nang masigurong iyon na nga ang bahay na hinahanap. Naririnig niya ang malakas na tugtugan at pag-uusap ng mga naroon sa loob. Hinawi niya ang buhok, sinuklay gamit ang kamay at saka muling itinali. Pagkatapos ay pinahid ang pawis sa noo at mukha gamit ang panyolitong inalis mula sa basang-basang likod. Nang matantiyang maayos na ang itsura ay saka niya pinindot ang doorbell. Tumingkayad pa siya upang silipin ang loob. Samantala... "She, nandiyan na ang 'yaya nerd' mo," pagbabalita ni Yeye. Hawak nito ang isang baso ng juice na patago nilang tinimplahan ng gin nang iwanan na sila ng ina ng may kaarawan. "Bilib talaga ako sa fighting spirit niyang si Nerdy," sabat ni Miles. "At ang lakas ng pang-amoy ha, infairness!" natatawang sabi naman ni Luis. "Ang sabihin mo, daig pa ang pusa. Tignan mo at nasundan pa talaga tayo dito. Hindi naligaw?" maarteng sabi ni MOneth. Sabay-sabay nagtawanan ang magkakaibigan. Nagtawanan na rin ang iba pang naroon. Pangiti-ngiti lang naman si Sheryl habang iniinom ang laman ng basong tangan. Mapula na ang pisngi nito at mapungay na ang mga mata. Alas tres pa lang ay naroon na silang magkakaibigan sa bahay ni Bush. Sinundo siya nito na may dalang kotse kaya nagbago ang isip niyang isama pa si Nedy. Hindi na niya kailangan ang taga-bitbit ng gamit. Pakunwari lang ang pag-iiwan niya ng address upang madali niyang malusutan ang pang-iiwan. Magagawa pa niyang mag-galit-galitan kapag silay nagkita. Ngunit nasundan siya nito, nakarating pa rin kahit hindi kabisado ang lugar na pupuntahan. "Ano na, Sheryl?" ani Moneth. "Huwag na nating papasukin dito, mapapahiya lang tayo," si Yeye. "Oo, nga. Nakakahiya naman sa parents ni Bush. Baka sabihin nag-invite pa tayo ng may sayad," si Luis. "Tama, hindi ko pa nakakalimutan ang atraso sa akin ng Panghe na 'yan. Baka ilublob ko 'yan sa pool!" si Miles. Sandaling nag-isip si Sheryl, matapos saidin ang laman ng baso ay saka pa lang sumagot. "Papasukin n’yo, boring na 'tong party. Gusto kong maglaro," anito at saka tumayo at muling kumuha ng maiinom. "Okay, you're the boss!" Sabi ni Luis at saka naglakad patungo kay Bruce upang ipaalam ang utos nito. Parang wala lang na nagbalik sa inuupuan si Sheryl. Agad namang nanungaw sa mga labi ni Miles ang makahulugang ngiti. Habang sina Yeye at Moneth ay nakasimangot at hindi maipinta ang mukha. "HINDI yata ako naririnig sa loob. Ano kaya kung umuwi na lang ako. Ipapaliwanag ko na lang kay Sheryl kung bakit hindi na ako tumuloy. Pupuntahan ko na lang siya bukas sa kanila. Sana hindi siya magtampo sa akin," ani Nedy sa sarili. Tumalikod na siya upang umalis. "Oy, Nedy! Saan ka pupunta?" tanong ni Luis. Nakatayo ito sa tapat ng nakabukas na pinto. "H-ha? A, e..." "Ano ka ba? Kanina ka pa kaya hinihintay ni Sheryl. Hindi nga namin makausap doon sa loob, e. Tinotopak na naman. Bakit kasi ang tagal mo dumating? Halika na sa loob." Napahakbang pabalik si Nedy dahil sa narinig. "T-talaga? A-ano kasi, eh. Nahirapan ako hanap--" "Ay naku! Doon ka na kay Sheryl magpaliwanag. Ayoko ma-award no? Alam mo naman ang isang 'yon, kapag sinusumpong ng pagkamaldita ikaw lang ang nakakapagpakalma." Dagdag kasinungalingan ni Luis. Pigil na pigil ni Nedy ang tuwa at kilig na nararamdaman. Lima silang kaibigan ni Sheryl pero siya lang ang nakakaalis ng init ng ulo nito. Siya ang hinihintay nitong dumating. Lumulutang ang pakiramdam niya. Wari ba’y magaan na magaan ang katawan niya. Napakasarap marinig na naiinip na ito dahil hindi pa siya dumarating. Kung nagkataon pala, kung ‘di pala siya tumuloy, hindi ito mag-e-enjoy sa party kahit pa kasama naman ang ibang kaibigan. Kung wala pala siya’y mawawala na ito sa mood. Abot-abot ang ngiti niya nang sumunod kay Luis papasok sa loob. Habang naglalakad ay muli niyang hinagod ang buhok at sinalat ang tali sa likod. Pinasadahan rin niya ng palad ang damit upang unatin ang lukot. "Huwag ka nang malungkot, She. Nandito na 'ko," ngiting-ngiti niyang sabi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD