CHAPTER 2 - Friendship

1769 Words
Friendship ST. NICHOLAS Highschool. Silid aralan ng IV-Einstein, star section sa fourth year. Pawang matatalino at ismarte ang mag-aaral. Dito pinipili ang natatanging estudyanteng magdadala ng karangalan dahil sa angking kahusayan at katalinuhan sa ibat-ibang patimpalak na sinasalihan laban sa ibang paaralan. Dito rin matatagpuan ang magaganda, simpatiko at bibong mag-aaral. Paborito ng mga guro at prinsipal, sikat. Maliban sa isa, kay Nedy Paje. Kung tutuusin, hindi bobo si Nedy. Hindi nga lang kasing talino ng ibang kaklase, ngunit nakaaangat naman sa ilan. Hindi rin siya pangit, dangan nga lang, hindi siya maganda magdala ng damit. Baduy at mukhang laging bagong gising kahit bagong ligo. Nakasuot siya ng salamin sa mata na noon pang sinauna ang frame at style. Ang buhok niya ay laging nanlalagkit dahil sa inilalagay na langis, kaya paborito pagpahingahan ng mga alikabok. Para siyang laging nagugulat kapag tinawag, natataranta kapag kinakausap at nakatungo ang ulo kapag naglalakad. Tama! Dungo, sa madaling salita. Ngunit kung wala man si Nedy ng mayroon ang iba, mayroon naman siya na wala sa kanila. Mahusay siyang gumawa ng tula at sanaysay. May pagka-makata, palibhasa'y tubong Bulacan. Ang nararamdaman at gustong sabihin na hindi naisasatinig sapagkat kimi, ay isinusulat niya at isinasalin bilang tula. At sa larangang iyon nakalalamang ang dalagita, kaya kabilang siya sa mga pili at natatanging mag-aaral ng section nila. Panlaban ng eskwelahan at nakakakuha ng gintong medalya. Siyempre pa, hindi iyon gusto ng iba niyang kaklase. Lalo pa nga't nadadaig sila. Madalas ay ginagawa siyang katatawanan at pinaglalaruan ng mga inaakalang mga kaibigan. Sa pamumuno ni Sheryl, ang top one. Ito ng beauty and brains ng Einstein, bukod pa sa ito ang mas nakaaangat sa buhay. Bossy ito, at utak ng mga pangbu-bully pero pulido kung magplano at hindi sumasabit ang pangalan sa nangyayaring gulo. Karangalan daw ang maging kaibigan nito at mahahawahan ng kasikatan ang sinumang makakasama, kaya naman halos lahat, maging ng ibang section ay sunud-sunuran maging kaibigan lang ang pinakasikat na estudyante ng paaralan. Lima ang pinakamalapit sa kanya, si Luis- ang mahaderang bakla at top two, si Yeye- ang sosyalerang ubod ng arte sa katawan at top five, si Moneth-ang akala mo contestant sa beauty pageant kung rumampa at top six, si Miles- ang athletic at top nine. At last and absolutely the least, si Nedy, ang top ten sa klase. Ang madalas ay nasa hulihan lang at nakabuntot sa lima o, kaya'y inililigaw at saka iiwanan. Ang alila ng grupo at laruan. Sanay na si Nedy sa gano'ng trato ng mga kaibigan. Kuntento na siya sa sulok at sa hulihan. Masaya na basta kasama lang ni Sheryl. Halos kiligin pa nga siya kapag ipinapatawag nito at inuutusan, kahit pa pagbitbitin lang ng mga gamit nito o, kaya ng sapatos. Magkababata sila at magkapitbahay. Magkalaro noong mga bata pa at magkaibigan, hanggang sa ngayon. 'Yun ang pinaniniwalaan niya. Tagahanga siya ng kaibigan, idol niya ito. Kaya sa St. Nicholas siya nag-aral at nagsikap mapunta sa section kung saan naroon si Sheryl ay sa dahilang gusto niya itong laging kasama. Balewala sa kanya kung magmukhang tanga at utusan. Ang importante sa kanya, isa siya sa mga palaging kasama ni Sheryl, at siya ang kasabay nito sa pagpasok at sa pag-uwi, kahit siya pa ang palaging nagbabayad ng pamasahe nila sa dyip. "Isasama ba talaga natin 'yang si Nerdy Panghe sa party ni Bush?" Nakasimangot na tanong ni Yeye, habang panay sa pagsuklay ng mahaba at unat na unat na buhok. Nasa loob sila ng classroom at hindi lumabas kahit recess na. "Magkakalat lang 'yan doon, promise." Ayuda naman ni Luis, sabay irap. "Kadiri! Magdadala pa tayo ng trash sa party," Patuloy nito sa pagsasalita at saka kinuha ang hair brush sa kamay ni Yeye at sa sariling buhok isinuklay. Nanalamin na lang si Yeye at hindi nagreklamo. "Sigurado ka ba, She?" pAniniguro ni Miles. Nasa harapan ito at pinatatalbog ang bola ng volleyball saka kunwang titirahin. Huminto lang sa ginagawa nang makita ang papasok sa pinto. "Speaking of the devil," Pagbabalita nito sa mga kasama."Asar! Nakakahiyang isama 'yan, puro class ang invited do'n tapos..." Dismayado pa rin nitong sabi pagkaraang hagurin ng tingin mula ulo hanggang paa ang bagong dating. Hindi pinapansin ni Sheryl ang reklamo ng mga kaibigan. Nakangiti lang habang patuloy sa pagbabasa ng hawak na libro. "P-pasensya na kung natagalan ako. Ang haba kasi ng pila sa canteen, eh." Paliwanag ni Nedy habang ibinababa ang mga dalang pagkain. Muntik pa siyang mapatid sa sariling paa. Isa-isa niyang iniabot sa mga kaibigan ang mga pinabili. Napalis ang pagod niya, at dagling napalitan ng kiming ngiti ang bahagyang nakaawang na bibig nang marinig ang pasasalamat ng mga kaibigan na may kasamang ngiti. Pagkaraa'y hinila na niya ang isang upuan at itinabi sa gawing tagiliran ni Sheryl. "Ayoko nito," Magkasalubong ang kilay ngunit mahinahong sabi ni Sheryl at saka basta na lang inihulog ang tetra pak at mamon sa paanan. Mabilis na napatayo si Nedy. Ang pagsubo sa mamon na kagaya ng pinabili ng idol ay hindi na naituloy. Nataranta siya at hindi malaman ang gagawin. Nangangatog ang kamay nang damputin ang gatas ng kaibigan. Nagmamadali niya iyong inalisan ng alikabok gamit ang laylayan ng palda. "B-bakit, Sheryl?" atubili at may pag-aalalang tanong ni Nedy. Naisip na kung hindi magre-recess ang kaibigan ay baka humapdi ang sikmura nito. Baka magkasakit ng ulcer at ma-ospital. Ayaw niyang mangyari ang ganoon, ayaw niya itong mahirapan. "Hindi na malamig. Ang gusto ko, malamig." Walang buhay na sagot ni Sheryl. Hindi nag-aangat ng mukha at patuloy lang sa ginagawa. Ikinukuyakoy pa ang nakade-kwatrong paa. Nagtaka si Nedy habang dinadama ang karton ng gatas na hawak. "Malamig pa naman, ah. Alam kong malamig ang gusto, kaya nga ang pinakamalamig ang hiningi ko kay Manang. Ah, siguro mas malamig pa ang gusto niya." Nginitian niya ang hindi nakatinging kaibigan at saka, "Teka lang , papapalitan ko muna ito kay Manang." Nang-aalo ang himig niya. "Hintayin mo muna ako, ha. Sandali lang ako." Nagmamadaling lumabas sa classrom si Nedy. Iniwanan ang pagkaing ‘di napansing dinadapuan na ng langaw. Makahulugang nagkatinginan ang apat kasunod ng malokong ngiti. "Okey, nakuha na namin ang point," nakapamewang na sabi ni Moneth. "Join na ang 'yayanerd' mo sa party!" Saka sinundan ng malakas na tawa. Nagtawanan na rin ang tatlo pa. Gumuhit na rin sa labi ni Sheryl ang paismid na ngiti. Sa Canteen... "Pambihira naman iyang mga kaibigan mo. Aba'y wala ba silang mga paa at kamay? At saka, malamig naman itong gatas na ibinigay ko sa 'yo, a. Heto nga at nagpapawis pa." Reklamo ni Manang, isa sa mga tindera doon. Ngunit dahil naaawa sa dalagitang puro pawis ang noo, pumili na rin ito ng mas malamig sa loob ng refrigerator at saka iniabot. "Maraming salamat po, Manang. Pasensya na po sa abala, ha." Nahihiyang sabi ni Nedy at saka muling nagtatakbo. Malapit lang naman ang canteen kaya lang, nasa third floor ang room nila kaya hinahapo pa rin siya sa pagpanhik-panaog. At dahil ayaw mawala ang lamig ng kartong may lamang gatas, nagmamadali niyang inakyat ang hagdan. Habol na ang hininga nang marating niya ang room. "Thank you, best." Sapat na ang sinabing iyon ni Sheryl at ang matamis nitong ngiti upang mapawi ang pagod na nararamdaman niya. "Halika na, sabay na tayong kumain." Paglalambing ng kaibigan na naging musika sa kanyang pandinig. Mabilis niyang naiangat ang mukha at tumango. At nang tapikin ni Sheryl ang kaninang inupuan niya ay umupo na siya kaagad. Nakayuko niyang isinubo ang pagkaing iniwanan kanina, masayang-masaya siya. "Kilig na kilig ang gaga. Yuck!" bulong ni Luis sa katabi. Hindi malaman kung matatawa o, mandidiri sa nakikita. Pangiti-ngiti pa kasi sa pagkain si Nedy habang pasulyap-sulyap kay Sheryl. "Bilib talaga ako kay Sheryl, fantastic baby ang peg! Imagine, kayang-kaya niyang paglaruan sa mga palad iyang si Nerdy," nasusukang sabi rin ni Yeye habang nakatingin kay Nedy. "Utu-uto ang puta!" dugtong nito. "Shhh, huwag nga kayong maingay. Mamaya makahalata si Panghe, yari tayo kay She kapag nawalan 'yan ng pet." Pigil ang pagtawang sabi ni Miles. Panay naman ang lunok ni Moneth dahil sa pandidiri. Mayamaya pa ay naduwal na ito kaya umugong ang malakas na tawanan ng tatlo. Pigil ni Sheryl ang pagtawa. Aliw na aliw sa panonood sa katabi, hindi na nito kinain ang mamon at ang gatas na lang ang dahan-dahang sinisipsip, dahil nandidiri rin. Si Nedy naman ay tila walang ibang kasama. Walang naririnig at nakatuon lang ang isip sa kaibigang nakatingin sa kanya. Hanggang sa matapos ang last period, uwian na. Gaya ng dati, nasa likuran si Nedy bitbit ang ibang gamit ng kaibigang nasa unahan. Ngiting-ngiti na tila nagyayabang sa mga estudyanteng sigurado niyang nakasunod ng tingin. Sa isipan ay napakaswerte niya dahil hindi pinapansin ni Sheryl ang mga ito samantalang siya ay pinagtitiwalaang magdala ng mga gamit at lagi pang kasama. Dahil sa naiisip ay napahagikgik siya, dahilan para huminto ang mga kasamang nasa unahan at maglingunan sa kanya. Sapagkat wala sa paglalakad ang isipang naglakbay na naman sa kung saan, nabunggo niya si Miles. Agad siyang sininghalan ng babae. "Pasalamat ka at nandito pa tayo sa loob ng school, kung 'di..." gigil na gigil nitong sabi. Humingi siya ng pasensya pero hindi nabawasan ang inis na nakita niya sa mukha nito. "Mamaya ka sa akin!" Pagbabanta pa sa kanya. "Come on, Miles. Hindi naman sinasadya ni Nedy ang mabunggo ka. Kayo ang biglang huminto, 'di ba? Leave her alone, will you?" Narinig niyang sinabi ni Sheryl. Maluha-luha niyang tinignan ang kaibigan. Ipinagtanggol siya nito, siya ang kinakampihan. Tumigil na nga si Miles at sumunod na kina Luis, Moneth at Yeye. Humabol ang mga ito kay Sheryl na diretso lang sa paglalakad. Binilisan niya ang lakad para hindi maiwanan. Naghiwa-hiwalay na sila paglabas ng gate. Magkakasamang sumakay ng dyip ang apat at sila ni Sheryl sa kabilang dyip naman. Kapag gano'ng nasa loob sila ng dyip, nagkakaroon siya ng pagkakataong masolo ang kaibigan. Magkatabi sila sa upuan at magkadikit. Nauunang daanan ang bahay nila Sheryl pero sumasabay na siya sa pagbaba at inihahatid ito sa tapat ng gate. "Siyanga pala, birthday ni Bush bukas. Pupunta ako, gusto mo ba suma-" "Oo!" Agad niyang sagot at hindi na ito pinatapos sa pagsasalita. Sunod-sunod ang naging pagtango niya habang sinasabi nito ang mga dapat niyang gawhn. Tinandaan niya ang lahat ng ibinilin nito. Pakiramdam niya'y nakalutang ang mga paa niya sa sobrang saya. Ipinatanggol na siya kanina ni Sheryl at gusto pang isama sa party bukas. Patalon-talon pa siya nang maglakad. May kalayuan man ang sa kanila ay balewala lang sa kanya, lalo pa nga at excited na siya sa pagdating ng bukas
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD