ENNA'S POV
"Enna! Buti naabutan kita, 'yung hulog mo nga pala sa lending. Naku, nung isang araw pa kita hinahanap. Wala ka pang hulog, pinapahanap ka na ni Ma'am , inabunohan ko na nga at alam kong kailangan mo rin iyon para makapag-release ka sa susunod na buwan,' tawag sa akin ni Aling Mameng nang makarating ako sa pwesto.
"Pasensya ka na, Aling Mameng. Lumuwas kasi kami sa kapitolyo. Dinala ko kasi sa general hospital si Jana at pabalik-balik ang lagnat. Ito po ang hulog ko, salamat po Aling Mameng," sabi ko habang ibinibigay ang limang daang piso.
"Oh, eh kamusta naman na ang bata?"
"Na-dengue po pero kahit papaano ho ay maayos na pero hindi pa po nakakalabas."
"Mabuti naman kung ganun. Eh sino pala ang nagbabantay sa kanya? Si Bugoy, saan mo iniwan?" tanong ulit ng matanda.
"Pinakiusapan ko na lang po muna si Nineng para magbantay kay Jana. Si Bugoy naman po ay nasa school pa pero baka mamaya ay iwanan ko na lang sa bahay. Wala naman po akong mapag-iwanan."
"Hay naku, huwag mo iniiwanan ang bata mag-isa sa bahay. Hindi mo alam kung ano ang possibleng mangyari lalo na sa panahon ngayon. Sa akin na muna siya para may kasama naman ako sa bahay."
Napangiti ako sa sinabi ng matanda.
Kapitbahay ko ito at mag-isang naninirahan sa kanilang tahanan dahil ang kanyang mga anak ay may mga kanya-kanya ng pamilya at karaniwang nakatira sa Manila o di kaya sa ibang probinsya.
Kumuha ako ng isda na kanyang binibili at dinagdagan ko pa iyon ng kalahating kilo na ibang klaseng isda bilang pasasalamat.
"Salamat po, Aling Mameng. Huwag niyo na pong bayaran," sabi ko habang iniaabot Ang dalawang plastic.
"Hay naku, Enna. Nag-abala ka pa, alam mo naman na mag-isa na lang ako. Hindi ko naman makakain ang ganyan karami."
"I-stock niyo na lang po para hindi na kayo magpabalik- balik sa palengke. Pasasalamat ko na rin po iyan, pasensya na po at iyan lang ang naibigay ko. Medyo kapos po kasi ako ngayon dahil sa pagpapadoktor ko kay Jana."
"Wala iyon, ano ka ba. Kung Ikaw ba naman ay nag-asawa ng muli e di sana hindi ka na nahihirapan sa pagpapalaki ng dalawang bata. Oh, siya mauna na ako at magluluto pa ako. Sabihan mo na lang ako kapag babalik ka na sa Hospital," paalam ng matanda.
Napabuntong hininga na lamang ako habang nakatingin sa papalayong matanda at pagkuwa'y itinuon muli sa pagtitinda ng isda ang aking atensyon.
Bago lamang kami rito sa bayan ng Dela Paz. Sa katunayan, halos tatlong taon pa lamang kaming nakatira rito sa bayan na ito dahil nagmula talaga kami sa bayan ng Monte Ferros. Napadpad lamang kami rito dahil sa rekomendasyon ng aking kaibigang si Janus, isang parlorista sa bayan ng Monte Ferros at siya talagang taga-rito. Sa pagkakatanda ko ay limang taon pa lamang noon si Bugoy habang isang taong gulang pa lamang si Jana na pawang mga anak ng aking nag-iisang kapatid na si Ate Jena.
Wala naman talaga kaming balak umalis ng Monte Ferros pero nang mag-isang taon si Jana ay nag-umpisa na ring magkasakit si Ate Jena hanggang sa isang araw ay bawian ng buhay. Ang ama naman ng mga bata ay nasangkot sa isang gulo sa kanto dahilan upang ito ay makulong. Wala akong magawa kung hindi akuin ang responsibilidad sa mga bata dahil ako na lamang ang kanilang natitirang kamag-anak.
Ang buong akala ko ay ang dalawang bata lang ang naiwan sa akin ni Ate pero hindi pala, dahil kasabay ng pagpasa nito ng responsibilidad sa pagpapalaki sa mga bata ay ang pagpasa rin nito ng kanyang mga utang.
Wala akong magawa dahil kahit na anong paliwanag ko sa mga pinagkautangan ni Ate na wala na siya at hindi ako magbabayad ng utang niya ay walang nangyari. Kinikilan at pinagbantaan ng mga ito ang aking buhay maging ang mga bata kaya wala akong magawa kung hindi ibenta ang kahuli-huling titulo ng lupa na hawak ko kung saan nakatirik ang bahay upang makabayad.
Nawalan kami ng tirahan, hindi ko alam kung saan ako tutungo nang mga oras na iyon lalo pa at sanggol pang maituturing si Jana nang mga sandaling iyon. Mabuti na lang at nahabag sa amin ang kaibigan ko at ninong ni Jana na si Janus kung kaya pinatira kami sa kanilang lumang bahay dito sa bayan ng Dela Paz. Medyo malayo ito sa Monte Ferros pero ayos din naman ang pamumuhay.
Sa pagkakaalam ng lahat ng taga-rito ay mga anak ko ang dalawa, hindi ko na iyon itinama pa upang maipadama sa mga bata na kahit alam nilang hindi ko sila tunay anak ay inaako ko silang parang akin.
Pag-aasawa? Kahit na may nanliligaw sa akin sa kabila ng pagiging single mom ko ay wala akong sinagot dahil wala sa isip ko ang bagay na iyon. Ang tanging plano ko sa ngayon ay maibigay ang mga pangangailangan ng mga bata at makatapos sa kanilang pag-aaral.
Bago magtanghalian ay halos maubos na ang aking paninda kung kaya dali-dali na akong nagligpit para makabalik sa kapitolyo na may Isang oras din ang layo mula sa bayan ng Dela Paz.
Panigurado rin naman na nakauwi na rin si Bugoy ng bahay at pwede ko na itong iwan kay Aling Mameng.
Malayo pa lang, sakay ng isang pedicab ay may nakita akong isang napakagarang kulay itim na motorsiklo sa tapat ng aming bahay.
Nakaramdam ako ng kaba sa isiping nasa bahay na si Bugoy at ang sakay ng motorsiklo ay isa sa mga dating pinagkautangan ni Ate Jena. Dali-dali akong pumasok sa loob ng bahay. Nakita kong nakaupo si Bugoy habang umiiyak habang katabi ang isang hindi pamilyar na lalaki.
Matangkad, maputi, sakto ang hapis ng pangangatawan, hindi malaki at hindi rin sobrang payat at higit sa lahat gwapo pero isang bagay pa ang napansin ko, bakit nakasuot ito ng kulay pink na t-shirt?