ENNA'S POV
Agad na lumapit sa akin si Bugoy nang makita ako.
"Ma! Sorry po!" umiiyak na sabi nito saka yumakap sa akin.
Agad kong ibinaba ang dala-dala kong timbangan at plastic ng isda na ulam namin saka ko ito niyakap at hinaplos ang likod.
"Bakit, Bugoy? Anong nangyari? Nasaktan ka ba?" nag-aalalang tanong ko rito.
Hindi ito sumagot at sa halip ay mas lalo lang lumakas ang pag-iyak.
"Kayo po ba ang guardian ng bata?" tanong ng lalaking nakasuot ng t-shirt na pink. Saka lang ako muling napatingin dito nang magsalita ito. Bahagya akong nakadama ng hiya at pagkailang nang lumapit ito. Napakakinis ng kanyang balat lalo na ng kanyang mukha na para bang alaga sa whitening regimen, idagdag pa na napakabango nito na para bang pinanligo nito ang isang buong bote ng pabango. Hindi katulad ko na haggard na at parang bilasang isda. Amoy malansa pa dahil parang kumapit na ang amoy ng isdang tinitinda ko. Wala tuloy sa sariling napahawi ako sa aking buhok at inipit sa likod ng tenga sa pag-asang mabawasan ang pagkamagulo ng buhok ko.
"Ako nga po. Sino po sila?"
"Jeth po pala," pakilala nito at inilahad ang kanyang kamay. Naiilang naman akong tinanggap iyon at mas lalo pa yatang tumaas ang insecurity ko sa katawan nang mapagtantong napakalambot ng palad nito, animo hindi man lang nadapuan kahit na paghugas ng plato habang ang aking kamay ay puro kalyo,sugat at kulubot dahil sa pagkababad sa tubig at paglilinis ng isda sa palengke.
"Ano po ang sadya niyo sa anak ko? Bakit siya umiiyak? A-Anong nangyari?" Agad kong binawi ang aking kamay at saka ito tinanong. Wala pa rin tigil sa pag-iyak si Bugoy na tila ba kakapusin na sa paghinga kaya pilit kong pinapakalma
"Hindi niya kasi sinasadyang matumba ang big bike ko na nakaparada malapit sa tindahan. Nakikipaglaro siya sa mga kaklase niya habang naglalakad then natumba Yung big bike at natanggal ang side mirror," sagot ng lalaki.
"Y'yung motorsiklong nasa labas ba?" nagkakandautal na tanong ko. Napahagingan ko iyon ng tingin kanina at base sa itsura nito ay mukhang mamahalin. Napakalas ako sa pagkakayakap kay Bugoy at saka lumabas upang muling tingnan ang motorsiklong sinasabi ng lalaki.
Sa bahaging kanan ay agad kong nakita na nawawala ang side mirror nito. Sinipat ko pa ang gawing iyon upang tingnan kung may iba pang sira at nakita ko nga na may mga gasgas ang unahang bahagi. Mula sa aking bag ay kinuha ko ang aking cellphone, pinicturan ang motorsiklo at mas lalong nanlambot ang aking tuhod nang makita ang mahalaga ng motorsiklong nadisgrasya ni Bugoy.
"Mama, sorry po. Hindi ko po sinasadya na matumba yang motor. Tinulak po kasi ako ni Jimboy kaya nasagi ko," pakiusap ni Bugoy na mas lalong umatungal ng iyak. Napasapo na lang ako sa aking noo.
Hindi ko magawang magalit o paluin man lang ang bata dahil sa kanyang ginawa, alam ko naman na hindi nito sinasadya ang lahat. Kilala ko si Bugoy, hindi nito magagawang mangialam ng mga bagay na alam niyang hindi sa kanya dahil iyon ang bilin ko sa kanilang magkapatid. Hindi ko rin gawain ang mamalo.
Walang kahit anong salita ang lumabas sa aking bibig. Kailangan ko pa ng pera para kay Jena na nasa Ospital pa hanggang ngayon. Kaya nga ako nagtinda ngayon para may pandagdag sa gastusin pero heto at may bago na namang bayarin.
Tirik ang araw at hindi ko makayanan ang init kung kaya muli akong pumasok kasama si Bugoy sa loob habang ang lalaki at tahimik na nakasunod lamang sa amin.
"Sir, pasensya na sa nagawa ng anak ko. Hindi niya naman sinasadya ang nangyari. Kilala ko ang anak ko na hindi basta-basta nakakasira ng gamit. Babayaran ko na lamang po ang nasira niya pero kung pwede ay baka pwedeng installment. Nasa Ospital kasi ang kapatid niya ngayon," walang paligoy-ligoy na sabi ko at nakiusap.
"Ahm, actually, hindi sa akin ang motorsiklo na iyan. Hiniram ko lang sa kaibigan ko,"sagot ng lalaki.
"Ha? Ah, eh, pwede niyo bang matawagan ang may-ari para mapakiusapan. Hindi ko kasi kayang bayaran ng buo ang nasira ng anak ko," pakiusap ko.
Mukha ngang Hindi sa kanya ang motor, baka sa jowa niya. Kaya siguro makinis ang kanyang balat dahil syempre nga ay silahis. Muntik na akong maloko ng kagandahang lalaki nito.
"Nasaan po ba ang tatay ng mga bata?" kunot-noong tanong nito.
"W-wala po. Sumakabilang-buhay at ako na lang ang bumubuhay sa mga bata," sagot ko na agad na ibinaling sa iba ang tingin. Isa iyon sa mga pinakamahirap na sagutin lalo pa at wala naman akong nobyo.
Nakatitig lamang ito sa akin na parang sinisipat ako. Nagpalipat-lipat pa nga ang kanyang tingin sa aming dalawa ni Bugoy.
"Ganito na lang. Actually, naghahanap ako ng bahay na pansamantalang matitirhan. Tutulungan kitang mapakiusapan ang kaibigan ko at ako na ang gagawa ng paraan para hindi mo na bayaran ang pagpapagawa ng motor kapalit lang ay hanapan mo lang ako ng matitirhan," sagot ng lalaki.
"Sigurado ka?" may halong alinlangan at pagdadalawang-isip kong tanong.
"Yeah. Ibibigay ko na lang sa iyo ang number ko. Babalik na lang ako bukas dahil ibabalik ko pa itong motor sa kaibigan ko," sabi nito saka kinuha ang wallet nito pero agad itong natigilan na parang may naalala. Muli nitong ibinalik sa bulsa ang kanyang wallet at hiningi na lamang ang aking numero saka niya iyon idinial sa kanyang cellphone at pagkatapos ay tinawagan ako. Agad na nag-ring ang aking cellphone.
Nang marinig nito ay pinatay naman nito iyon kaagad.
"That's my number, save it. Huwag mo na pagalitan ang bata, hindi niya naman sinasadya eh. Basta matulungan mo lang ako makahanap ng bahay na matutuluyan, hindi mo na kailangan pang bayaran ang sira ng motor. Ako na ang bahalang magpaliwanag sa kaibigan ko," sabi nito.
Nilapitan nito si Bugoy at hinimas ang ulo.
"Huwag ka na umiyak, tahan na," pang-aalo ng lalaki.
"Hindi niyo po ba ako ipapakulong gaya ng sabi ni Jimboy?" Sinisinok na tanong ni Bugoy.
"Hindi,no. Kaya huwag ka na umiyak dahil nag-aalala Mama mo sa iyo, pupuntahan niya pa ang kapatid mo," sabi nito. Nang makitang tuluyan na tumahan ang bata ay tumayo na ito.
"Mauna na po ako, Ma'am?"
"Enna, Enna na lang ang itawag mo sa akin."
"Babalik na lang ako bukas o pwede mo akong tawagan kung may nahanap ka ng bahay na pwede kong matuluyan," nakangiting sabi nito bago tuluyang umalis.