"Pare lasing na lasing ka na. Mabuti pa ay umuwi ka na," malakas na sabi ni Aldrin dahil napikon ito sa sadyang pagbangga ni Jim sa kanya. Mabilis ang kilos kong hinawakan sa kamay si Aldrin para pigilan sa pagpatol kay Jim. Humalakhak naman ang huli ng nakakaloko. Nagsimula na ding makaagaw kami ng atensyon. "Hindi pa ako laseng. Huminge na nga ako ng sorry ah! Ano ba ang gusto mo?" nanghahamon na wika ni Jim. Halata sa mga mata nito ang galit. Napaatras naman ako. Napadako ang titig nya sa akin at hindi nakaligtas sa paningin ko ang sakit na mababanaag sa mga mata nya. Bumaba pa ang tingin nya sa kamay kong hawak hawak ang braso ni Aldrin. Bigla kong binitiwan ang braso ni Aldrin. "Halika ka na Aldrin, hayaan mo na sya," yaya ko kay Aldrin dahil natatakot akong magkaroon ng komosyon.

