Chapter Two

1661 Words
Pawisan si Maya. Halos kalahating oras na rin kasi siyang naglalakad. Papunta siya sa mansyon ng mga Alvarez. Nagkataon kasi na walang dumadaan na truck na may mga kargang gulay at prutas. Pwede sana siyang sumabay. Sabado ngayon. Dapat day off ng kanyang ina ngunit sumadya kanina sa kanilang bahay ang kapitbahay na isa ring maid sa mansyon upang ipaalam na hindi makakauwi ang kanyang ina sapagkat nagpa-party si Stella at kailangan ng maraming katulong doon. Kung pwede raw ay pumunta na lang siya sa mansyon upang kunin ang sweldo ng kanyang ina para may pambili sila ng bigas. Napahinto siya paglalakad at napangiwi sa sakit nang pakiramdam niya ay may naapakan siya. Nang tingnan niya ang kanyang sandalyas ay nakita niyang nabutas sa bandang talampakan at lumusot ang naapakan niyang maliit na bato. Mas lalong naging paika-ika ang bawat paghakbang niya bunsod ng kanyang kapansanan at pag-alalay sa paa para hindi gaanong maisayad sa lupa. Hindi pa kasi konkreto ang daan. Lubak-lubak gawa nga na laging truck ang dumaraan doon. Nasinghot na rin niya ang lahat ng alikabok. Nagtaka kanina si Daniel kung bakit hindi siya sumabay dito pauwi. Nag dahilan siya. Mahirap na baka sumama pa ito. Baka masira lang ang party ni Stella kapag nakita silang magkasama ng kababata. Bago sila naghiwalay kanina ni Daniel sa University ay binilhan pa siya nito ng meryenda. Banana cue at softdrink. Hindi na niya tinanggihan sapagkat tinapay lang ang laman ng tyan niya nang pumask sa klase. Sa ganitong araw kasi ay wala ng laman ang lagayan ng bigas nila. Nadagdagan pa marahil ng kinse minutos ang kalahating oras niyang paglalakad bago narating ang mansyon ng mga Alvarez. Nasa likuran siya sapagkat doon ang daanan ng mga trabahador kabilang na ang mga katulong. "Magandang hapon po, Kuya Herman," bati niya sa sekyu na nagbabantay roon. "Magandang hapon din, Maya. May kailangan ka ba sa mama mo?" "Opo sana. Pwede po bang makisuyo na tawagin siya?" "Sige, maghintay ka lang dito." Nawala na ang sekyu sa paningin niya. Pagbalik nito ay kasama na ang kanyang ina na hangos at mukhang pagod na pagod ang mukha. Madungis na rin ang suot nitong apron na parang nakipagbaka sa kusina. Agad na hinaplos ng awa ang kanyang dibdib. Hindi niya alam kung sa ano o sa paanong paraan niya matutumbasan ang lahat ng paghihirap nito. Ang pinagsusumikpaan na lang niya ay ang maka-graduate sa koliheyo. Diploma lang ang tanging maalay niya sa kanyang ina at kapatid. Agad na inilabas ng kanyang ina ang pera mula sa bulsa ng apron. "'Ayan anak, bumili na kayo ng bigas para makapagsaing na kayo ng ate mo. Dumating na ba ang ate mo?" "Hindi pa, 'ma. Baka gabihin din si ate sa duty niya sa department store," sagot niya. Hinati ang pera na inabot ng kanyang ina. "Ma, sa iyo na ang iba, total bukas sweldo na rin ni ate." "Hindi. Para sa allowance mo na rin 'yan." Tinulak ng kanyang ina ang kanyang kamay. "Kasya naman po itong natira." "Maya, bakit ang kulit mong bata?" Napayuko na lang siya. Walang nagawa nang inabot ulit nito sa kanya ang pera. "Sige, umuwi ka na. Baka gabihin ka pa sa daan. Kapag may dumaan na truck sumabay ka na lang. Baka bukas makakauwi ako, kung hindi baka sa lunes na." Tumango siya. "Ingat po, Ma. Huwang pong magpalipas ng gutom." "Ano ka ba, Maya. Lagi akong laman ng kusina kaya huwag kang mag-alala," wika ng ina. "O siya, lakad na. Mag-ingat ka, anak." Humalik siya sa pisngi ng ina bago tumalikod. Nakalimang hakbang lang siya marahil nang tinawag siya nito. Paglingon niya ay nakatingin ito sa kanyang butas na sandalyas. Humakbang ito deretso sa basurahan. Nagkalkal. "Ma, ano iyang ginagawa mo?" Tumakbo siya papalapit dito. Pinigilan ito. "Anak, may tinapon na sandalyas at sapatos si Stella dito, hindi pa sira. Mukhang bago pa, pwede mo pang gamit." "Pero Ma - " "Heto na!" Masayang pinakita sa kanya pares ng sapatos at sandal. Maging siya ay natigilan. Mukhang bago pa iyon. Makintab pa. Hindi niya mapigilan ang makaramdam ng excitement. Kung sakali ay iyon ang unang pagkakataon na makakapagsuot siya ng magarang sandalyas. Nang pinasuot iyon ng kanyang ina sa kanya ay hindi na siya tumanggi pa. Nagningning ang kanyang mata nang makitang bagay iyon sa kanya. "Ano ang ginagawa niyo?" Ang tinig na iyon ang nakapagpalingon sa kanilang mag-ina. Si Stella. Nakasuot ng sexy bodycon dress na may slit sa magkabilang gilid kaya lantad ang mahaba at maputing legs nito. "Bakit suot mo 'yan?" Nakatingin ito sa sandal nito na suot niya. "May permiso ba kayo na kunin 'yan? Mga magnanakaw!" "Ma'am, total tinapon niyo na kaya kinuha na ni Aling Mercedes." Si Kuya Herman ang sumagot. "Kahit na magnanakaw pa rin sila!" Lumapit ito sa sekyu si Stella. Dinuro. "Ikaw, kailan ka pa pinahintulutan na sumagot sa'kin?" "S-sorry, Ma'am." Yumuko na lang ang pobreng sekyu. Hinubad ni Maya ang suot na sandalyas. "Pasensya na Stella kung kinuha iyan ni Mama sa basurahan." "Ma'am hihingiin ko na lang sana 'yan. Sira na kasi ang sandalyas ni Maya, baka po pwede?" Pakiusap ng kanyang ina. "Ma!" Hinawakan niya ito sa braso. Wala itong alam sa mga pinagagawa ni Stella sa kanya sa University. Ang alam nito ay maldita ang talaga ang unica hija ng Don pero wala itong ideya na kasama siya sa pinahhihirapan at pinagmamalupitan nito. Hindi niya sinasabi dito sapagkat ayaw niyang dagdagan pa ang mga alalahanin nito. "Pwede kong ibigay 'yan. May bagong rubber shoes rin ako binili na gusto kong ibigay kay Maya." "Naku, Ma'am. Maraming salamat," "Pero may kondisyon," "Ano ho iyon?" Hindi nagsalita si Stella. Nawala ito saglit. Pumunta sa kulungan ng mga aso na tatlong metro lang yata ang layo. Nakita ni Maya kung paanong inapakan nito ang dumi ng aso. At pagbalik ay nakangisi na. "Gusto kong punasan mo muna itong heels ko," sabi nito. "Stella!" Nasambit niya. "Pero Ma'am . . . " "So, wala ka rin naman choice. Pwede kitang isumbong kay Daddy at ipalabas na ninakaw mo ang sandals at sapatos ko." Nagkatinginan silang mag-ina. Pagkaraa'y umiling siya nang makita desidido ang kanyang ina na gawin ang ipinapagawa ni Stella. Kaagad niya itong pinigilan sa braso nang akmang luluhod. "'Ma, kaya kong magtiis kahit butas pa ang sandalyas ko. Huwag mo lang gawin 'yan!" "Ano ka ba, Maya. Ang dali-dali lang naman ng pinapagawa ni Ma'am Stella e." Napamaang siya. Madali? Sandaling lumuhod ito at pinunasan ang dumi ng aso ay parang niruyakan na rin nito ang dignidad nito. Bumaling siya ng tingin siya Stella. Nasaan ba ang awa nito? Sukdulan ba ang kasamaan nito para ipagawa ang ganoong bagay? Naluha na lang siya nang hindi niya mapigilan ang ina na gawin ang bagay na iyon. Nakita niya ang satisfaction sa mukha ni Stella. Tila nasisiyahan ito na nakikita siyang lumuluha. Kasabay ng pagtayo ng kanyang ina nang matapos ito sa pagpupunas gamit ang basahan na hinugot nito mula sa bulsa ng apron ay ang desisyon rin niya na tuldukan na ang lahat. Hihinto siya pag-aaral. Maghahanap siya ng trabaho na tumatanggap sa katulad niya. Kahit ano, basta maalis lang ang kanyang ina sa mansyon na iyon. Sapat na ang kikitain nila ng ate niya para mabuhay sila. "Stella! What are you doing?" Sindak si Donya Esmeralda sa pinagagawa ng anak nitong si Stella. Bitbit nito ang mabalahibo at maliit na aso. Lumapit ito sa kanila. "Wala akong ginagawa, Mom!" "Hindi mo ako maloloko, Stella. Kilala kita! And now, go to your friends and tell them the party is over! Doon ka sa kuwarto mo." "Pero Mommy - " "Now!" "Kasalanan niyo 'to!" Nanlilisik ang mata ni Stella na tumingin sa kanila. Bago nag-martsa papasok sa loob ng mansyon. "Pasensyahan niyo na anak ko, Mercedes. Na-spoiled lang ng Daddy niya kaya ganyan." "Ganyan talaga ang mga kabataan ngayon, Donya Esmeralda." "Napakaswerte mo at mayroon kang mabait at magandang anak." Sinulyapan siya ng Donya. Nakita niya ang fondness sa mga mata nito. "Ako na ang humihingi ng dispensa sa ginawa ni Stella sa inyo." "Naku, wala po kayong dapat alalahin, Ma'am." "Sige, total tapos na rin ang party ni Stella. Pwede ka ng sumama sa anak mo sa pag-uwi, Mercedes" "Tutulong lang po muna ako sa pagliligpit, Donya Esmeralda. Pauunahin ko na lang si Maya, susunod na lang ako mamaya" "Bueno, sige kung iyan ang gusto mo. Babalik na ako sa loob. Kakausapin ko pa ang anak ko sa pagkasutil niya." "Maraming salamat po, Donya Esmeralda." Nagpasalamat rin si Maya sa Donya. Nang umalis na ang donya ay pinilot naman ng kanyang ina ang sandalyas at sapatos. "Ito anak, dalhin mo na sa bahay." Hindi niya iyon tinanggap. "Hihinto na ako sa pag-aaral, Ma," sa halip ay sabi niya. Maang ang kanyang ina. "Alam ko hindi lang ito ang unang beses na pang-aapi saiyo ni Stella. Kung dalawa na kami ni Ate Mela ang may trabaho, siguro kasya na iyon para mabuhay tayong tatlo." "Naririnig mo ba ang sinasabi mo, Maya?! Paano ang pag-aaral mo? Sa palagay mo ba mayroon tatanggap sa'yo? Mamaliitin ka nila!" Naluluhang sabi ng kanyang ina. "Kaya ako nagpapakahirap ngayon ay para makapagtapos ka ng koliheyo, para sa kahit ganyang paraan lang ay tataas ang tingin ng mga tao sa'yo. Para sa'yo 'tong ginagawa ko, Maya!" "Pero isipin mo rin ang sarili mo, Ma!" "Kapakanan mo ang iniisip ko, Maya. Hindi baleng ako ang magtiis, ako ang mahirapan, masaktan. Huwag lang ikaw." Sunod-sunod na naglaglagan ni Maya. Kung pwede lang sabihin na hirap na hirap na rin siya sa mga pinagagawa ni Stella sa kanya. Ngunit pinili na lang niya na tahimik na humikbi. "Anak, tama na. Umuwi ka na. 'Wag tayo gumawa dito ng eksena. Kakayanin ito. Sa una lang ang pagtitiis, Maya anak. Tandaan mo 'yan. Magkakaroon rin ng liwanag ang buhay natin." Napayakap na lang siya sa kanyang ina.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD