Second semester na. Simula na naman ang kalbaryo ni Maya. Bakit kalabaryo? Ginagawa lang naman katatawanan ng buong University ang kalagayan niya. Hindi lumilipas ang araw na hindi siya binu-bully. May pagkakataon pa na sinasaktan siya ng pisikal. Alam kasi ng mga ito na wala siyang kakayahan na lumaban. Walang magawa kundi ang umiyak na lang.
Hindi normal si Maya. May sakit siya. May mga movement disorder. Hindi niya mapigilan ang paggalaw ng ulo o kamay na minsan ay naninigas pa. Paika-ika rin ang pagpalakad niya. Maging ang pagsasalita niya ay apektado rin.
Mild Cerebral Palsy ang tawag sa sakit niya. Masuwerte na raw siya dahil sa kabila ng kalagayan niya ay nakapamumuhay siya ng normal. Namumuhay kasama ang mga normal. Sa mga malalang kaso kasi usually ay hindi na nakakalakad. At kung mayroon man ay sumailalaim na sa matinding treatment.
Kung siya lang ang tatanungin ay ayaw na sana niyang mag-aral. Baka rin kasi walang tatanggap sa kanya kung maghahanap na siya ng trabaho. Abnormal nga tawag sa kanya ng mga taong hindi nakakaintindi sa kalagayan niya.
Normal siya. May bahagi lang sa utak niya napinsala habang pinagbubuntis siya ng kanyang ina. At ang bahaging iyon ng utak ay ang responsable sa kakayahan ng isang tao sa paggalaw.
Ayaw na sana niyang dagdagan pa ang lahat ng pambu-bully na natamo noong last sem at noong high school pa lang siya. Ngunit gusto ng kanyang ina na may maabot siya sa buhay sa kabila ng kalagayan niya..
Nagpapakahirap at lumalaban ang kanyang ina. Hindi ito sumusuko. Hindi siya binibitiwan. Kaya sa tuwing nasasaktan siya at pinanghihinaan ng loob ay ginagawa niyang inspirasyon ang lahat ng sakrispisyo nito.
Ang ina niyang si Mildred ay isang katulong sa mansyon ng mga Alvarez. Stay in ito at umuuwi tuwing sabado upang hatiran silang dalawa ng ate niya ng allowance. Doon na rin matutulog sa bahay nila tapos babalik sa mansyon kinahapunan ng linggo.
Malaki rin ang sinakprisyo ng ate Mae niyang tatlong taon lang ang tanda sa kanya. Huminto ito sa pag-aaral. Nagbigay daan ito para makapag-koliheyo siya. Sa kasalukuyan ay nag a-apply ito sa isang agency dahil balak na magtrabaho sa ibang bansa bilang OFW.
Napahinto si Maya sa paglakad nang makitang may tubig ang daraanan papasok sa building department ng kurso niyang Accountancy. Umulan kasi ng malakas kagabi. Ang ibang estudyanteng na una sa kanya ay tinalunan lang ang tubig na iyon.
Nag alinlangan siya. Sa paghakbang nga hirap siya, sa pagtalon pa kaya? Lumingon siya nang makarinig ng hagikhikan sa likuran niya. Mga estudyante. Nagbubulungan. Partikular na nakatingin sa mga paa niyang may deformation.
Bumuntong-hininga si Maya. Mukhang masisimulan na naman ng hindi maganda ang araw niya. Kung sabagay may araw bang hindi siya umuuwing mabigat ang loob sa University na iyon?
Gumilid siya para paunahin ang mga tatlong estudyanteng babae. Pero nagpanggap ang mga ito na busy sa pagkalikot ng cellphone. Gets na niya. Gusto ng mga ito na makita ang pagtalon at paglagapak niya.
Tiningnan niya kung may bahagi pa bang pwedeng daanan ngunit wala, sa magkabilang giilid kasi ay plant box na at pader ng ibang department.
Huminga na lang siya ng malalim bago akmang tatalon ngunit may mga brasong pumulupot sa beywang niya at tinawid siya papunta sa kabila.
Ngumiti siya nang malawak sa kababata niyang si Daniel nang ganap na siyang maitawid. Simula't-sapul ay ito na ang hero niya. Ito tagapagtanggol niya laban sa mga nambu-bully sa kanya. Si Daniel rin ang nagsisilbing kamay at mga paa niya.
"Bakit hindi mo ako hinintay?" tanong nito na kinuha ang bag at ang bitbit niyang libro.
"Ang tagal niyo kasing nag-usap ng kilala mo." Iniwan niya kasi ito sa parking lot ng University ng hinahanapan nito ng mapaglalagyan ang lumang scooter nito. Mabilis kasing mapuno ang parking lot dahil bukod sa maliit lang iyon ay nakareserve pa ang halos kalahati ng espasyo sa mga Professors.
Kung sabagay maliit lang ang scooter nito. Pwedeng i-park kahit saan. Pero mahigpit ang regulasyon sa University nila. At kapag kinumpiska ng security guard ang anumang bagay na pakalat-kalat ay kinabukasan na makukuha para magsilbing disiplina sa mga estudyante. Hindi na rin mabilang kung ilang beses na silang nag commute pauwi ni Daniel.
Malaking tulong ang scooter ng bestfriend niya sa araw-araw na pagpasok nila sa University. May kalayuan pa kasi sa bahay nila. Liblib na. At labas na sa siyudad. Kailangan pa nga nilang gumising ng alas-kuwatro ng madaling araw kung alas-nueve ang pasok nila dahil ilang oras din ang byahe papuntang University nila.
Maliit lang ang bayan nila. At ang angkan ng mga Alvarez ang nagdo-domina. Halos kalahati ng lupain ng Sta. Rita ay pagma-may-ari na ng mga ito at halos kalahati rin ng mga populasyon ay trabahador ng mga ito.
Maituturing na suwerte ang kanyang ina dahil hindi na nito kailangan pa mag-ani ng palayan at produktong prutas ng mga Alvarez sapagkat nakapasok ito sa mansyon bilang katulong. Doon kahit papaano ay magaan lang ang trabaho nito. Kuwento nga ng kanyang ina ay yaya ito na aso ng unica hija ni Don Lucindo Alvarez na si Stella.
Kilala niya si Stella. Sikat ito sa University nila dahil nga bukod sa kilalang mayaman ay hindi rin matatawaran ang taglay na kagandahan at ka-sexy-an. Moderna ito sapagkat galing sa America. Na-ku-culture shock nga ang karamihan ng mga estudyante sa University dahil lantaran ito sa pakikipagharutan sa mga boyfriends nito. Yes, plural dahil nakilang palit na ito ng nobyo sa loob lang ng isang taon.
Kung may hihilingin man siyang tao na sana hindi nag-e-exist sa mundo si Stella Alvarez iyon. Wala itong ginawa kundi gawing kalbaryo ang bawat araw niya sa University. Ito ang mastermind ng sa pambu-bully sa kanya.
Naiinis raw ito kapag nakikita siya. Labis din nitong kinaiinisan ang closeness nila ng bestfriend niyang si Daniel. Lantaran ang pagpapakita ni Stella ng pagkagusto sa kababata niya. Pero magalang itong ni-reject ni Daniel bagay na hindi matanggap ng pride nito kaya sa halip ay siya ang nagpadiskitahan nito dahil ayon dito ay may gusto daw sa kanya ang kababata.
Pinagtawanan lang niya ang bagay na iyon. Magkapatid na ang turingan nilang dalawa ni Daniel. Sa palagay niya ay hindi na lalagpas pa doon. At kung totoo man na gusto siya ng kababata ay hindi siya makakapayag dahil gusto niyang makahanap ito ng babaeng pwede nitong maipagmalaki at hindi pasanin.
Gwapo ang best friend niya. Matipuno kahit simple lang lagi ang kasuotan. Kaya hindi nakakapagtataka kung maraming babae sa University nila ang nagkakagusto dito at isa na nga doon si Stella.
Nang tumapat na sila sa classroom niya binigay ni Daniel ang bag at libro niya sa kanya. Ngumiti lang ito sabay gulo ng buhok niya na madalas nitong ginagawa. Magkaiba sila ng kurso ng kababata niya. Architecture ang kinukuha nito. Ngunit nakagawian lang talaga nito na ihatid siya sa kanyang classroom.
Ang totoo pa nga niyan ay mamayang tanghali pa ang klase nito. Ngunit nagsa-sakrispisyo itong gumising ng maaga para maihatid siya. Alam niyang bubunuin na lang nito ang bakanteng oras sa library sapagkat alam nitong hindi pumupunta si Stella doon.
"Makinig kang mabuti sa Prof mo. Mamayang lunch sabay tayong kakain, masarap ang pinabaon ni mama sa'kin," sabi ni Daniel.
"Ano?"
"Menudo, marami ang nilagay niya para share daw tayo."
"Wow! the best talaga si Tita." Na-excite siyang bigla. Sa buong buhay kasi niya ay nasanay siya na laging gulay ang ulam. Nakakain lang sila ng lechon manok kung may birthday isa sa kanila. "Pero 'di ba tanghali pa ang klase mo?"
"Ala-una pa kaya may time pa tayong mag lunch."
Kinuha niya ang kamay ng kaibigan upang tingnan ang relong pambisig nito. Nakita niyang wala pang alas nueve, ibig sabihin ay maghihintay ito ng tatlong oras sa kanya. Bigla siyang naawa sa kaibigan.
"Daniel, next time kaya ko naman mag co - "
"Hindi kita kayaan na mag commute. At saka may gagawin din naman ako sa Library." Agaw ni Daniel sa sasabihin niya.
"Pero..."
"Walang pero-pero! Sige na pasok na."
Tinulak siya papasok sa loob ng classroom ngunit muli siyang lumabas. "Ikaw na muna ang umalis bago ako papasok."
"Kung iyan ang gusto mo."
"Ingat ka, Daniel. Regards mo na lang ako kay Ms. Mendrez." Ang ka-close niyan librarian ang tinutukoy niya. Halos isang buwan na niya itong hindi nakikita kasi nga nag end ang first sem.
"Sure! Sige, una na ako."
Kumuway siya sa kaibigan habang papalayo na ito sa kanya. Nang mawala ito sa paniningin niya ay saka pa lang siya pumasok sa classroom upang mapatda lamang dahil hindi niya akalain na nasa loob din si Stella. Nakakahalukipkip. Matalim ang matang nakatingin sa kanya. Malamang nasaksihan nitong hinatid siya ng kababata.
Hindi Business Administration ang kurso ni Stella. Sa pagkakaalam niya ay lumipat ito sa kursong Architecture para mabigyan ng pagkakataon na makalapit kay Daniel. Pero hindi na siya nagtaka kung bakit nandoon ito sa classroom nila sapagkat ang mga kaibigan nito ang mga kaklase niya.
"Nandito na pala ang sinto-sinto!"
Hindi niya ito pinansin bagkus ay nilampasan lang niya ito nang tumapat ito sa kanya.
"So, happy ka dahil feeling mo may gusto sa'yo ang best friend mo?"
Tahimik pa rin siya.
"Maya, wake up! No way na magkakagusto ang kababata mo sa'yo!"
"Alam ko iyon," malamig niyang turan.
"Good! Mabuti at nagkakaliwanagan tayo," ani Stella na pinasadahan siya ng tingin. "Okay ang suot mo, bago?"
Hindi siya sumagot. Tiyak magagalit ito kapag nalaman na si Daniel ang bumili no'n sa kanya. Civilian day pa lang nila ngayon dahil unang araw pa lang naman ng second sem.
"For sure tig-singkwenta pesos lang 'yan sa bangketa. But anyway, bumagay naman sa'yo. Pero mas lalong babagay sa'yo 'yan kapag naayusan ka. C'mon, lalagyan kita ng make up."
"Ayoko ko!" Mariin na tutol ni Maya.
"Ayaw mo? Wala kang magagawa dahil gusto ko," nakangising wika nito na hinablot siya sa buhok dahilan upang mapatingala siya. Pinaglalagyan nga nito ng lipstick ang mukha niya. Pati kilay at ilong niya. Nang matapos ito ay bumunghalit ito ng tawa. Sampu ng mga kasama nito.
Wala siyang nagawa kundi yumuko na lang. Tiyak sasaktan siya nito kung lalaban siya. At ikakatuwa naman nito kung makikita siyang umiyak.
Tumayo siya. Pupunta sana siya sa C.R upang maghilamos ng mukha ng pinatid siya ni Stella. Bumagsak siya sa sahig,
"Ops! Sorry, hindi ko alam na tatayo ka."
Doon na tuluyan tumulo ang luha niya. Lalo na nang marinig na lumakas ang tawa ng iba pang naroon sa classroom. Alam kasi niya nakakatawa ang kalagayan niya. Sa pagsusumikap niyang makatayo ay nagmimistula siyang nangingisay.
"Enough! Stella, pumunta ka na sa klase mo!" sabi ng kanyang Prof. na kakapasok lang sa classroom. Nasaksihan nito ang pangingisay niya.
"Sure!" Pina-ikot ni Stella ang mata. "Girls, mamaya. Magkikita tayo sa favorite place natin."
"Okay, Stella! We'll be there after this class."
"Hindi ka ba magso-sorry, Stella?" tanong ng Professor na pinigilan ito sa akmang paglabas.
Ngumiti ito ng nakakaloka." No. Kasalanan niya dahil tatanga-tanga siya." Iyon lang at tuluyan na itong lumabas.
Napailing na lang ang Professor. Hindi na hinabol si Stella. Mapapahamak kasi ang trabaho nito kung sakaling pag-iinitan ng maldita sapagkat ang Alvarez ang nagmamay-ari ng University na iyon.
__________________
"Ayan na, clear na!" sigaw ni Maya upang marinig siya ng kanyang kababata na nasa itaas ng kanilang bubong. Umakyat ito doon upang ayusin ang antenna ng kanilang maliit na T.V na tinumba ng hangin.
Nang makakababa si Daniel at pumasok sa kanilang sala ay agad niya itong binigyan isang basong orange juice. Ito pa ang bumili noon. Sa tuwing pumupunta kasi ito sa bahay nila ay nagdadala ito ng makakain. Tulad na lang ng juice na nasa sachet lang na pinarisan lang ng tinapay at keso na nasa maliit na sachet din. Pinagsaluhan nila iyon.
Kahit papaano luminaw ang screen ng T.V ngunit masakit pa rin sa mata tingnan sapagkat sobrang luma na iyon at marami ng linya sa sceen na tila mga kidlat. Kahit maituturiing na parte na ng bundok ang maliit nilang baryo ay masasabing nag-upgrade na ang mga tao roon. Bahay na lang yata nila ang may lumang T.V habang may mga flat screen T.V na ang mga kapitbahay nila.
Marami kasi sa baryo nila ang nag-O-OFW na ang mga anak. Gusto rin sana niya makaipagsapalaran ngunit sino ba naman ang tatanggap sa kalagayan niya?
"Maya, punta tayo sa burol," yaya ni Daniel na inisang tungga lang ang laman ng juice. "Ilang linggo na rin kasi tayong hindi nakakapunta doon."
Ang tinutukoy ng bata ay ang burol na madalas nilang pagtambayan simula noong mga bata pa lang sila. Mula kasi sa tuktok ay nakikita ay makikita ang kabuuan ng baryo nila at ang napakagandang tanawin ng kalikasan.
"Ok, gusto ko 'yan! Magpapaalam lang ako kay ate." Hinila na niya ang kababata. Nasa labas kasi ang kanyang kapatid. Nagsasampay. "Ate, pupunta lang po kami sa burol, babalik din po kami kaagad."
"Sige pero bumalik kayo bago gumabi," paalala ng kanyang kapatid.
"Opo ate!" Si Daniel ang sumagot.
Tinalunton na nila ng kababata ang daan patungo sa burol. Kinailangan pa siya nitong pasanin sa likod nito dahil hindi niya kayang umakyat sa kalagayan niya. Narating nila ang tutok ng burol na puno ng pawis ang katawan ng kababata. Lagi silang ganoon ngunit gano'n pa man ay hindi ito kailanman nagrereklamo.
Tinanggal niya ang towel na nakasapin sa likod niya at pinunasan ang likod nito. Nang makita nito kung saan niya kinuha ang towel ay agad nitong inagaw iyon sa kanya at binalik at sinapin muli sa kanyang likod.
"Huwag mong tanggalin 'yan, konting pawis pa naman sa likod nagkakaubo ka kaaga," sabi nito. Umupo ito sa damuhan malapit sa ilalim ng puno. Napansin niyang malungkot ito.
"Bakit ganyan ang hitsura mo bigla?"
"Naisip ko lang, paano pala kung wala na ako? Sino ang papasan sa'yo paakyat dito sa favorite place mo?"
"Huwag mo naman ako pakabahin, kung magsalita ka parang may taning na ang buhay mo,"aniya. Lumapit siya dito. Kinailangan pa siya nitong alalayan para makasalampak ng maayos sa damuhan.
"Kasi..."
"Anong kasi?" tanong niya na mas lalong bumilis ang pagkurap-kurap ng mata. Kinabahan siya. "May hindi ka ba sinasabi sa'kin?"
"Maya, baka sa susunod na buwan lilipat na kami sa Maynila," sagot nitong nakayuko. "Hindi ko kayang iwan ka, Maya!"
Nagulat siya sa narinig. Saglit na natulala. Nang makahuma ay hinampas niya sa balikat ang kababata. "Sus! Kung dito ka, ano'ng future mo dito? Iyong iba nga gusto-gustong makarating sa Maynila, tapos ikaw, opportunity na ayaw mo pa."
"Paano ka?"
"Ano'ng paano ako?"
"Paano ka kung wala ako sa tabi mo? Wala ng magtatanggol sa'yo laban sa mga bully. Wala ng aalalay sa'yo. Hindi ako mapapakali kung nandoon na ako sa Maynila"
"Sus! Kaya ko naman ang sarili ko. Huwag kang mag-aalala sa'kin, Daniel," aniyang nakangiti ngunit nadudurog naman ang bahagi ng puso niya. Paano nga siya kung wala na sa tabi niya ang kababata? Ito ang nagsisilbing ilaw sa madilim niyang daan. Ito ang kanyang tagapasan kung nabibigatan na siya. Ito ang kanyang superhero. At higit sa lahat, minamahal niya ito ng lihim.
Ginagagap ng kababata niya ang kanyang kamay. "Maya, kung sakaling matutuloy ang paglipat namin sa Maynila, promise! Bibisitahin pa rin kita rito. Bigyan mo lang ako ng oras, kapag nakagraduate na ako, hintayin mo ako. Kukunin kita dito. Magpapakasal tayo."
"Magpakasal? Daniel! Sa palagay mo ba mahal din kita? Kababata lang ang tingin ko sa'yo 'no. At hindi na hihigit pa do'n."
"Maya..."
"Oopss! Kalimutan na natin ang lahat. Wala akong narinig," aniyang kinurot ang pisngi ng kababata niya. Ang totoo ay parang mamatay siya sa mga binitawang salita. Mahal niya ito. Ngunit gusto niyang lumawak pa ang mundo nito. Ayaw niyang makulong ito sa kanya at habang buhay siya nitong papasanin. Napakalaki pa ng kinabukasan naghihintay dito. Magiging balakid siya sa mga pangarap nito.
Nakita niya ang pagpahid ni Daniel sa mga luha nito. Tahimik itong umiiyak. Hinilig niya ang ulo niya sa balikat nito. Umiyak na rin.
"Mami-miss kita, Daniel. Ikaw ang bestfriend ko e."
"Alam mong higit pa sa pagkakaibigan ang gusto ko."
"Sorry kung hindi kita mapabibigyan sa gusto mo. H-hindi kita gusto."
Bumuntong-hininga si Daniel. "Kahit hindi mo ako gusto, kukunin pa rin kita dito, Maya. Hintayin mo lang ako dito. Bibigyan kita ng magandang kinabukasan, kaya huwag kang mag-aasawa ng maaga dito ha."
"Sino naman ang papatol sa kalagayan ko 'tong, Daniel?"
"Napakaganda mo, Maya. Maraming nabibighani sa taglay mong mukha."
Mapait siyang ngumiti. "Pero hindi garantiya ang mukha na ito para mahalin ako ng totoo. Magkaiba ang paghanga sa pagkamahal."
"Minahal kita sa kung ano ka, alam mo 'yan."
"Tulungan mo na nga lang ako tumayo, umuwi na lang," aniya. "At saka ang bata pa natin para pag-usapan ang tungkol sa pag-ibig na yan."
"Pero kararating lang natin."
"Magsasaing pa pala ako."
"Nando'n naman ang ate mo."
"Ano ka? Pagod rin iyon sa paglalaba."
Bantalutot na tumayo si Daniel. Muli siya nitong pinasan. Mabigat ang bawat paghakbang nito. Mabagal. Batid niya ang bigat ng nasa puso nito dahil iyon din ang eksaktong nararamdaman niya. Pero ano ang magagawa niya? Oras na tinanguan niya ang pag-ibig nito ay para na rin ito nahulog sa kumunoy at hindi na makakaahon pa. Magiging habang buhay siyang pasanin nito. Samantalang, may maganda kinabukasan itong naghihintay sa Maynila.
"Daniel . . . " sambit niya sa pangalan nito nang ibaba na siya nito dahil narating na nila ang tapat ng bahay niya.
"Pagkatapos mong maghapunan, magpahinga ka na kaagad. Bawal sa'yo magpuyat dahil sakitin ka," Nakangiti ito pero malungkot naman ang mga mata. Marahan nitong inipit sa tenga ang ilang hibla ng buhok niya na nakawala mula sa pagkakapusod. "Bukas ulit susunduin kita."
"Sige, Salamat."
"Uwi na ako."
"Ingat, Daniel." Kumuway siya dito. Ngumiti ito sa kanya bago tuluyan lumabas sa bakod mila. Nang mawala ito sa paningin niya ay doon na niya napakawalan ang luha na kanina pa pinipigilan.
Makakaya ba niya kung wala si Daniel? Makakatayo ba siya sa mga sarili niyang paa kung wala ito? Oo, hindi sila magkadugo. Pero tulad ng kanyang kapatid at ina, si Daniel rin ang isa pinagkukunan niya ng lakas. Hindi niya ma-imagine ang buhay na wala ito.